tugstugstugs
tugstugstugs
tugstugs
1 post
Don't wanna be here? Send us removal request.
tugstugstugs · 7 years ago
Text
Nakakubling saysay
youtube
Hindi ko alam kung bakit, pero naalala ko noong grade 5 ako pumunta kami sa sinehan. Kasama ko yung isa kong pinsan, nanay, at tita. Nanood kami ng Here Comes The Bride (2010). Sina Angelica Panganiban, Eugene Domingo, Tuesday Vargas, Jaime Fabrejas, at iba pang magagaling na aktor ang gumanap. Ang lakas ng tawa ko noon, tipong naghahampasan kami ng pinsan ko, tapos nagtitinginan na yung mga katabi namin.
Tumblr media
(x)
Ang Here Comes The Bride (2010) ay isang pilikulang komedya tungkol sa pag-iisang dibdib ni Stephanie na ginampanan ni Angelica Panganiban at Harold, ni Tom Rodriguez, at ang mga nakakalokang trahedyang naging hadlang dito. 
Habang papunta ang mga abay at bisita ng kasal, nagkataong nagkarambola ang mga sasakyan ng limang pangunahing tauhan kasabay ng solar eclipse. Dito nagresulta ang pagkakapalit-palit ng kanilang mga kaluluwa sa katawan ng isa’t isa.
Tumblr media
(x)
Tulad nang sinabi ni Stef sa pelikula, siya ay napunta sa katawan ng kanyang Tita Precy, si Precy kay Yaya Medelyn, si Medelyn naman kay Lolo Bien, Si Lolo Bien kay Toffee, at si Toffee kay Stef. 
Ang pagmamahal ko sa pelikulang ito, bukod sa pagiging tanda niya sa isang alaala sa aking kabataan, ay dahil sa pagiging tapat nito. Epektibo ito dahil ito ay totoo. Marami itong ipinapakitang umiiral na katotohanan sa kasalukuyang lipunan ng panahon na iyon. Nasa pagkakaiba ito ng mga karakter, at sa epekto nila sa buhay ng isa’t isa.
Tradisyon
Napag-aralan namin sa klaseng Introduction to Sociology and Anthropology, ang isang teksto na isinulat ni James E. Cote, na may pamagat na “Sociologial perspectives on identity formation: culture-identity link and identity capital”. Kahit nakapaloob ang papel na ito sa lipunan at kasaysayan ng kanluran, maari pa ring ilapat ang mga konsepto nito sa Pilipinas. Isang punto ng diskurso ng klase ang kapanahunan direksyon ng lipunan, mula sa pagsunod sa tradisyon patungo sa pagiging indibidwalistiko.
Isang opinyon na napagkasunduan ng karamihan sa klase na ang lipunan ng Pilipinas ay maaaring nasa kalagitnaan ganitong transisyon. Ang lipunan ng Pilipinas ay patungo sa mas indibidwalistikong pag-iisip, sa pagtatapos ng modernismo at sa pag-iral ng “postmodernism,” ngunit pirmi parin tayong nakahawak at nakapaloob sa tradisyon. Tulad nito ang makikita sa Here Comes The Bride, sa mismong kasalan.
Tumblr media
(x)
Ang piniling lugar nina Stef at Harold para sa kanilang kasal ay ang beach. Ayon sa website ng isang wedding planner at pati na rin sa Tita kong taos-pusong nagsisilbi sa simbahan, hindi pinahihintulutan ng rehiliyong katoliko na gawin ang seremonya sa labas ng simbahan. Kung mayroon man, ay lubos na mahirap makahanap ng Paring mamumuno nito. Sa sitwasyong ito, pinapakita sa pelikula ang pagkuha ng tradisyunal, at ang pag-iba nito, na nagkakaroon ng pagbabago ang mga pananaw ng mga tao sa dating-gawi.
Sa kasalukuyan, at noong panahon ng Here Comes The Bride, nagkaroon din ng pagkawasak sa tradisyon ng pag-iintay ng pag-iisang-dibdib bago magpakadami sa paglaganap ng “premarital sex”. Kaya patunay ang pagka-”weird” ng dalisay na pagsasahaman ni Stef at Harold na iba na ang pag-iisip ng mga tao, kahit nakagapos parin sa tradisyon.
Antas sa Lipunan
Halos lahat sa limang pangunahing karakter sa pelikula ang nakaramdam ng kakulangan sa buhay. Isa dito ang karakter ng Yaya. Ani ni Ding, ang driver ng pamilya na pinamamasukan ni Medelyn na ginampanan ni Nico Antonio, hindi pinag-aral si Medelyn ng kaniyang pamilya. Pinilit nila siyang mamasukan, at tuluyang inaasahan siya para buhayin sila. Ginawang komedya man, o may pagmamalabis, may katotohanan.
Tumblr media
Ayon sa “Education Watch Preliminary report: Education Deprivation in the Philippines,” ang pangunahing sanhi ng pagkawalan ng edukasyon ay ang kahirapan (sipi mula kay Sison). Dagdag dito, sa “National Statistics Office 2003 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey”, ang nangungunang rason ng hindi pagpasok ng mga mamamayang 6-24 anyos ay ang paghahanap ng trabaho, o ang pagtratrabaho. 30.5% ito ng populasyon na mas pinipili o napipilitang magtrabaho dahil sa pangangailangan (sipi mula kay Sison). Tuland ni Medelyn; sa realidad niya, nagiging pangalawa ang edukasyon at kaniyang mga kagustuhan sa kawalan ng mga kinakailangan.
Tumblr media
Totoo ito sa madaming Pilipinong nagmimigrate sa loob at labas ng bansa upang makahanap ng pagkikitaan, upang matulungan ang kani-kanilang pamilya. Para sa pelikulang ito, bibigyang pansin ang “internal migration.” Binibigyang kahulugan ang “internal migration” bilang paglipat ng lugar basta’t pumapaloob sa iisang bansa. 
Sa Noong 2017, ang kabuuang porsiyento ng kahirapan sa “rural areas”(39.4%) ay higit na mataas kaysa sa “urban areas” (13.2%), (World Bank 2017a). Dahil sa matinding kahirapan sa mga “rural areas,” maraming napipilitang maglipat at maghanap ng mas maluwag na buhay sa “urban areas,” (IOM 2013) (p.3).
Bukod sa kahirapan, isa ring hinaharap ni Medelyn ang posisyon niya  sa kaniyang trabaho. Naging patunay sa pagiging abusado ni Medelyn sa kapabayaan ng magulang ng kaniyang alaga, sa eksena ni Ninang Precy,isa siyang attorney, at nasa loob siya ng katawan ni Medelyn, at ng nanay ng alaga niyang bata.
Nagbabanta ang nanay ng bata, na isisisantehin niya si Medelyn dahil pinaiyak niya ang anak niya, at dahil makakalimutin siya. At dahil attorney ang kausap nya, sinagot siya ng ilang mga batas na linalabag nila araw araw sa kanilang pamamamahay. Sa katunayan, maraming mga kaso ng pang-aabuso sa mga kasambahay, tulad ng mga halimbawa ng DOLE (Department of Labor and Employment) sa artikulong ito. Madaming kaso ng pambabastos, panghuhusga, ginugutom, sinasaktan, mabababang sweldo, at iba pa. Tulad ni Medelyn, maaring karamihan ay hindi talaga dalubhasang alam ang kanilang mga karapatan, o mas pinangungunahan pa ang pangangailangan nilang magtrabaho. Ayon sa parehong artikulo ng DOLE noong 2013, karamihan sa mga kaso ng panahon na iyon ay hindi nakakakamit ng hustisya, at nangyayari pa rin nang tago.
Tulad nito, madalas hindi rin naaamin ang kultural na kakulangan ng kaalaman ng “mental health.”
Tumblr media
(x)
Madaming pinagdaanan ang bride-to-be ng ating pelikula. Si Stef, sa katawan ng kaniyang Ninang Precy, ay inakalang baliw ng kaniyang sariling ina. Malinaw ang “stigma” sa “mental illness” o sakit sa pag-iisip sa karakter nitong si Doris.
Matagal nang inaakala ni Doris na may “depression” ang kaniyang highschool bestfriend dahil sa kaniyang pag-iisa. Sinabi niya ito sa eksena niya kasama si Toffee (na nasa katawan ni Stef). Ngunit ibang iba ang reaksyon niya noong nasa ospital siya, sa nararapat niyang gawin bilang isang kaibigan, at tao man na gumagalang sa dignidad ng tao.
Konting konteksto sa mga hindi pa nakapapanood: Nagising si Stef sa katawan ng kaniyang Ninang Precy, at tinawag niyang “Mom” si Doris. Hindi pa alam ni Stef na nasa ibang katawan siya, kaya patuloy niyang ipinipilit na siya si Stef. Si Doris naman ay nataranta, at sa pagkita niya sa “kumare” niyang mulang kumbinsing kumbinsi sa delusyon, nakita niya ito bilang potensyan na panganib sa kasal ng kaniyang anak. Eto na yung medyo madrama, dalawa–hindi, tatlong sampal, isang banta na itatawag niya mga polisya, isang bato ng “you’re pathetic.”
“Doc, painumin mo ng gamot yan ah. Kahit next week pa ‘yan magising, wala akong pakielam!”
Klarong klaro ang baba ng kaniyang tingin dito. Sa aking palagay, ipinapakita ng kabuuan ng mga eksenang ito ang “stigma” sa mga may sakit sa pag-iisip, tulad ng tinawag sa kaniyang “baliw!” ng komunidad. Hindi ito nakikita bilang sakit, kundi puwedeng ihalintulad ito sa kabawasan ng pagkatao.
Sa kabilang dako, may katotohanang umiiral din sa mala-kontrabida nating karakter na si Toffee. Mala-kontrabida dahil, sa tingin ko hindi naman niyang sinasadyang direkta na manakit at manira ng buhay. Ginusto lamang niyang mabuhay kung paano niya ginusto.
Tumblr media
(x)
Maaaring mali ako, dahil hindi ako puwedeng magsalita para sa kasarian ng isang tao, ngunit ang karakter ni Toffee ay may hawig sa kasariang “Transgender.” Hindi ito tahasang binanggit sa pelikula bagkus maraming tanda na hindi niya nakikita ang kaniyang sarili kapareho ng kaniyang mga kaibigan.
Tumblr media
(x)
Isang napansin ko ang tawagan nilang “bakla.” Tila ito ang nag-iisang tawag sa kaniyang kasarian, at lalong naging malinaw na tunay itong limitado. Kulang ang wikang Filipino para sa mga taong kagaya ni Toffee, at iba pa.
“Tolerance, not acceptance”
ang ideyang ipinapahiwatig ni Jonas Bagas, ang executive director ng isang “gay civil society group” na nangangalang TLF Share. Bilang sagot sa isang global survey na “gay friendly” daw ang mga pinoy. Ani ni Bagas na tanggap lamang ang LGBTs kung pumapasok sila sa “stereotype” ng bakla. Ito ang limitadong depinisyon na iniuugnay ng tao sa “effeminate, cross-dressing men” na “entertainer” sa TV (Garcia, sipi mula p.25). Kulang ang pagtanggap sa mga LGBT, at pruweba ang ating lenggwahe.
Ilang mga linya ng mga kaibigan ni Toffee ang mga sumusunod:
“napaka 70′s naman ng pagkabakla mo [Toffee]”
“Oo nga, napakastereotypical mo namang gay beautician”
Ani ni cinemabongga, itong 70′s din umiral ang bakla bilang “nagpupumilit babae,” pati na rin ang pagiging beautician. Maaring sa pagsagot ni Toffee na: “Hindi ako beautician. Isa akong image stylist,” dito niya binibigyang halaga ang kaniyang sarili. Tinipid siya ng lenggwahe at kinahon siya ng mga tao sa pagiging beautician, ngunit ito ang kanyang ibabato pabalik. Isang image stylist, na mas sopistikado ang dating, at baka isa sa mga paraan niya upang maseryoso ng hindi katanggap-tanggap na lipunan. 
Sa murang edad kong ito, hindi ko man naisip, ni isang minuto na ako ay makasaysayan. Sa kamalayan ko, parang katatapos lamang ng 2007, ngunit higit isang dekada na ang nakalipas. Iba na ang mga bata ngayon, sa pagkabata namin noon. Ngayon, sa pagbalik ko sa nakaraan, nakikita ko na dito nakakubli ang kasaysayan, sa mga taong nakakaalala at nakakabalik sa mga nagdaang panahon. Nakasalalay pala ang pangangalaga ng kultura’t kasaysayan sa mga batang katulad ko.
Sanggunian:
cinemabongga. “Eh Ano Kung Bakla?” Cinema Bongga! Kembot Ng Pelikulang Pambeki, 6 Feb. 2013, cinemabongka.wordpress.com/2013/02/06/eh-ano-kung-bakla/.
Côté, James E. “Sociological Perspectives on Identity Formation: the Culture–Identity Link and Identity Capital.” Journal of Adolescence, vol. 19, no. 5, 1996, pp. 417–428., doi:10.1006/jado.1996.0040. 
GMA News Online. “Pinoys Are Gay Friendly? Only on Paper, Says LGBT Activist.” GMA News Online, GMA News Online, 1 Jan. 1970, www.gmanetwork.com/news/news/nation/312328/pinoys-are-gay-friendly-only-on-paper-says-lgbt-activist/story/.
“Here Comes the Bride (2010 Film).” Wikipedia, Wikimedia Foundation, 8 June 2018, en.wikipedia.org/wiki/Here_Comes_the_Bride_(2010_film). 
Ordinario, Cai. “A Third of Pinoy Youth Had Premarital Sex.” BusinessMirror, 4 Apr. 2016, businessmirror.com.ph/a-third-of-pinoy-youth-had-premarital-sex/. 
“Planning a Beach Wedding: Insights from a Wedding Planner | Wedding Article.” Kasal.com - The Essential Philippine Wedding Planning Guide, www.kasal.com/html/philippine-wedding/wedding-article/planning-a-beach-wedding.html. 
Shahani, Lila Ramos. “Kasambahay Law Knocks on Filipino Homes.” Department of Labor and Employment - Pages, 14 July 2013, www.dole.gov.ph/good_news/view/192.
Sisante, Jam. “Poverty, Hunger Prevent Filipino Kids from Getting Basic Education.” GMA News Online, GMA News Online, 4 Aug. 2008, www.gmanetwork.com/news/news/specialreports/111257/poverty-hunger-prevent-filipino-kids-from-getting-basic-education/story/. 
UNESCO, et al. “Overview of Internal Migration in Philippines.”
0 notes