Tumgik
ulapluna · 2 years
Text
Si Tiya Sera
Kinukulayan ng mga bahaghari ang kalangitan. Yumayakap ang mapagkalingang init ng araw sa bawat nasisinagan. Dinadalaw ng kapayapaan ang dinadaanan ng nakikipaghabulang hangin. Nakapaligid ang lahat kay Tiya Sera habang naghahanda sa kuwentong pinagmulan ng lahat. Isang diwata ng kalikasan ang aking Tiya.
Sinimulang ikumpas ang maliit na sanga para magpalabas ng hiwaga.
Isang kumpas, napalitan ang tanghaling-tapat ng buwang nakasipat.
Dalawang kumpas, sumindi sabay-sabay ang pailaw ng mga alitaptap.
Tatlong kumpas, umawit ang mga kuliglig kasabay nang pagpapaliwanag ng buwan. Bumulong ang hangin sa aming mga pisngi. Ito na ang senyales na lahat ay dapat makinig.
Katabi ni Tiya Sera ang pinakamatandang duwende dahil kasama niya ito sa pagkukuwento. Nagmamasid naman sa malaking sanga ng Narra ang tikbalang at katabi nito ang mangkukulam. Tumatayo ang balahibo ko kapag sabay silang tumatawa lalo na kapag masaya ang kuwentuhan. Mabuti na lang at nasa tabi ko ang mga kaibigang sirena ni Tiya Sera. Kapag ako’y natatakot umaawit sila na sobrang nakahahalina. Nasa likod naman namin ang mga siokoy, iba pang engkanto at mga hayop. Sumasayaw naman sa paligid ang mga alitaptap, paro-paro at iba pang insekto. Isang salo-salo para sa napakagandang kuwento mula sa aking Tiya Sera. Lahat ay magkakaibigan at nagkakasiyahan. Pati ang buwan nakikitawa habang kayakap ang mga ulap.
Nagsimula sa pagwasiwas ng maliit na sanga na sa lahat ay nagpahanga. Nahawi ang mga bituin dahil naging isang malaking panoorin ang kalangitan. Sandaling tumabi ang buwan at nakipanood din. Isang mahikang kagila-gilalas. Natapos ang palabas sa pumaligong mga munting tala. Inihatid ng hangin ang bawat isa sa kanilang tahanan. Kumukundap-kundap na ang mga bituin nang kami ay humimbing. Nanatili si Tiya Sera sa kaniyang puwesto at doon nagpahinga.
Kinabukasan ay nasa paborito kong puwesto lang ako habang pinagmamasdan si Tiya Sera. Hindi ko siya malapitan dahil kinakausap niya isa-isa ang kaniyang mga kaibigan. Kapag pinapayuhan niya ang mga ibong nawalan ng tirahan ay nagsasalita rin siya na parang ibon. Kinakampay rin niya ang mga kamay hanggang sila’y magkapalagayan. Nakatatakot naman kapag kausap niya ang mga engkanto lalo na ang mangkukulam. Pinapatinis ni Tiya Sera ang boses niya dahil nasasaktan daw ang mangkukulam kapag ang boses niya ang pinagtatawanan. Kapag naman ang mga insekto ang kausap ay parang silang nagbubulungan. Ayaw raw kasi ng mga insekto na para silang sinisigawan.
Madalas ay hindi ko nakakausap si Tiya Sera dahil napakarami sa kaniya ang nagpapakonsulta. Nagrereklamo na rin siya sa akin dahil lahat na raw ng trabaho sa mundo ay ginagawa niya. Nakatitig lang ako sa napakahabang pila ng mga humihingi ng tulong sa aking Tiya Sera. Hindi naman ito nalalayo sa utos ng aking Inang Reyna, inatasan akong maging tagapag-alaga ng aking diwatang tiya. Pagkatapos ng araw ay hindi mawawala ang yakap sa akin ni Tiya Sera. Pero minsan hindi niya na ako nakikilala, napagkakamalan niya akong duwende, isda, siokoy, kapatid ng tikbalang at minsan pa nga ay isa sa kaniyang mga kaaway — ang mga bungisngis.
Malakas ang buhos ng ulan, umaapaw ang mga ilog at gumagapang ang baha papunta sa trono ni Tiya Sera. Wala ang kaniyang mga kaibigan, ako lang at siya ang magkasama. Bumubulong si Tiya hindi ko sigurado kung may kausap siyang insekto.
“Nariyan na naman ang mga bungisngis. Papalapit na sila sa atin. Mag-iingat ka munting kaibigan.”
Hindi ko muna nilapitan si Tiya. Baka nagkaroon siya ng mga masamang pangitain.
Kinabukasan, may iniutos si Inang Reyna sa akin. Nagpaalam ako upang maagang makaalis. Nagsabi rin ako kay Tiya Sera na mag-iingat habang wala ako.
“Huwag kang umalis munting kaibigan, maraming bungisngis sa labas ng ating kaharian.”
“Kaya ko po ang sarili ko, hindi po ba, ako ang tagapag-alaga ninyo?”
Napatitig sa akin si Tiya Sera. Balot ng takot ang kaniyang mukha. Hindi rin niya ako gaanong makilala.
Paglabas ko may malaking pista sa labas ng kaharian. Dumadagundong ang kalabog ng malalaking tambol kasabay ng mga hiyawan. Nakapaligid ang banderitas. Nagkakasiyahan ang mga tao. Tuloy-tuloy ang lakad ko hanggang makarating tapat ng simbahan. Sa rebulto ng malaking anghel may mga sigaw na pumaibabaw.
“Munting kaibigan! Nariyan na sila!” sigaw ng pamilyar na boses. Ang aking Tiya Sera.
Tumatakbo siya papunta sa akin. Sumisigaw at hinahawi ang karamihan ng mga nababangga. Humahangos. Itinutok ang espada sa paligid. Buong tapang makikipaglaban.  
“Mga bungisngis lumayo kayo!”
Ngunit unti-unti, nawala ang kaniyang ganda’t liwanag. Ang kumikislap na kasuotan ay naging nakapalupot na kumot. Ang korona na yari sa mga rosas ay naging pulang balabal na hanggang bewang ang haba. Ang mga umiikot na alitaptap na nagpapaliwanag ng kaniyang paligid ay naging polbo sa mukha at hindi na siya nakakalutang. Lumitaw ang sugatang paa na walang suot-suot na tsinelas. Napahinto ako’t hindi makapagsalita.
            Niyakap niya ako.
“Proprotektahan kita Sariel dahil ako ang iyong diwatang tiya,” bulong niya. Nakilala na ako ni Tiya Sera.
            Hindi nagbago ang kaniyang mapagkalingang yakap pero nagsimula ang hagikgikan hanggang mapunta sa halakhakan.
“Si Serang baliw narito na naman,” sigaw ng isa naming kapitbahay.
            Kilala ko ang mga tumatawa, hindi sila mga bungisngis pero habang tumatagal ay nagbabago ang kanilang itsura. Ang mga kalaro ko, naging bungisngis. Ang mga kapitbahay namin, naging bungingis. Hindi ko na sila makilala dahil sa kanilang tawa. Gusto kong protektahan ang aking tiya pero mahigpit ang yakap niya sa akin. Siya ang pumoprotekta sa akin.
“Huwag kayong lalapit sa amin! Mga bungisngis!” habang winawasiwas ang walis tingting na kanina ay espada.
            Sumaklob ang isang anino sa amin.
“Tumigil na kayo! Walang nakakatawa!” sigaw ni Mang Lito. Sinundan din ito ni Aling Fe. Tinangay ng hangin ang malakas na tawanan. Para silang mga kabalyerong anghel katulad ng malaking rebultong anghel na nilalabanan ang mga halimaw sa tapat ng simbahan. Mainit rin ang kanilang mga yakap at akbay. Mapagkalinga.
            Inakay nila kami papauwi. Sa parada ng pangungutya ay hindi naman lahat nakikisaya.
Hindi naman lahat tumatawa, iilan lang ang bungisngis. May ilang nakatingin lang at nagmamasid parang ang kaibigang tikbalang ni Tiya Sera. May ilan ring nagbabawal at nagtatanggol, mga anghel rin kaya sila?
Naiuwi namin si Tiya Sera. Sa kaniyang silid at paboritong upuan, naglaho ang kaninang takot at pangamba. Nakausap ko si Inang Reyna o ang aking Nanay Celi.
“Sa mundong ito, marami ang mga anghel na nagtatago. Minsan hindi nila alam na anghel pala sila pero alam nila ang misyon nila sa mundo,” paliwanag ni Nanay.
Tulad nila Mang Lito at Aling Fe na kay bubuti. Tulad ni Tiya Sera na sinubok ngunit hindi nagpagapi. Malinis ang puso at hindi gumagawa ng masama. Tulad ng mga may kapansanan sa katawan ngunit pinili paring maging mabuti. Tulad nating buo ang regalo’t hindi nagpapatukso.
“Ituring natin lahat bilang isang biyaya at maging biyaya sa lahat,” dagdag ni Nanay Celi.
Binukadkad ko ang aking kamay, lumapit at yumakap kay Nanay at Tiya Sera.
Ako rin pala ay isang anghel at isang biyaya. Isang anghel na may dalang kabutihan na susupil sa lahat ng uri ng kasamaan.
Ang Akdang ito ay entry para sa Kuwentong Pambata Category ng Saranggola Blog Awards 12. #SBA12
https://culturalcenter.gov.ph/?fbclid=IwAR3P4ZmQIat6becHidrWTjBc9zpz4OEXaYD5zlDamYepjOTMoxNTDTGtJE4
https://culturalcenter.gov.ph/?fbclid=IwAR3P4ZmQIat6becHidrWTjBc9zpz4OEXaYD5zlDamYepjOTMoxNTDTGtJE4
Tumblr media Tumblr media Tumblr media
1 note · View note
ulapluna · 2 years
Text
Sino si Ogag?
“Miss mo na pamilya mo?” bulong ni Ogag sa bubwit na nagwawala habang piga-piga niya ang buong katawan.
Napatingin na lang ako sa langit kung bakit ako ang inatasang makasama ng abnoy na ito. Ganoon ba kabigat ang kasalanan ko noong dating kong buhay. Pusang ama.
Kilala si Ogag sa bawat sulok ng Baranggay Sinukuan. Kung may pacontest ng That’s my Bae Brgy. Sinukuan edition ay siguradong susuko lahat ng makatatapat ni Ogag. Crowd favorite agad ang puwesto niya. 5,000 shares at 20,000 reacts sa online voting ang siguradong makukuha tulad ng tig-5,000 na kickback ni Kap sa bawat leader ng purok noong nakaraang halalan at P20,000 na hindi ipinamigay na food packs noong kasagsagan ng lockdown. Si Ogag ay parang Dingdong Dantes ang sex appeal pero nasa katauhan ni Tekla. Bukod sa kilala siya. Napatawa niya lahat siguro ng humihinga sa aming lugar. Nariyan na nakipagsigawan siya sa pipe, nakipagsuntukan sa pilay, humahigh five sa lahat ng nagdaraan kahit hindi niya kilala sabay ngiti. Punch line niya ‘yung mukha niyang nakatirik ang mata at nakalitaw ang nag-iisang ngipin. Kahit tinalpak mo na ang lahat ng kabuhayan mo ay mapapangiti ka kay Ogag. Daig niya pa ang JOWAPAO ng Juan for All, All for Juan sa pagpapasaya. All-in-one package si Ogag. Mabait at lagi lang nakangiti na parang hindi pinabaunan ng problema ni Bro.
Raraket kami ni Ogag ngayong araw pero hindi niya pa sinasabi kung saan lupalop niya na naman ako isasama. Hindi ko alam kung raket ba talagang itong pupuntahan namin dahil panay upang-kanin lang naman kami. Madalas tira-tirang ulam o kaya naman ay tinapay na hitik sa amag ang ibinibigay sa amin. Pero okay na iyun kaysa sipsipin na naman namin ang basahang basa na pamunas ng yagbols ni Mang Karyo. Sa araw-araw na biyaya ni Bro dahil walang pinag-aralan madalas ay sinasamantala si Ogag ng mga nakauunawa. Nakauunawang hindi marunong umunawa. Kahit ata ipagapas mo kay Ogag ang tatlong hektaryang maisan gagawin niya kapalit ng isang balot ng Spanish bread na gawa sa Pinas.
Wala kasing pamilya si Ogag lahat ay sumakabilang selda na. Lolo niya adik. Lola niya adik. Tatay niya adik pero ibahin mo ang nanay niya kasi adik na, pusher pa, mas level-up nang kaunti. Kaya raw noong pinagbubuntis si Ogag na kasagsagan ng hulihan. Na-raid at nakuha yung kababagsak lang sa nanay niya na isang plastic ng bato. Magbabasag pa lang ang nanay niya ayun timbog si gaga. Pero nakalaya dahil sa hindi malaman na dahilan napawalan ng sala. Sa sobrang takot dahil baka pinalaya para ibenta ang mga laman loob para makabawi ay nadurog ang utak. Kamalas-malasan ay pinagbubuntis pa niya ang magiging Mr. Pogi ng Brgy. Sinukuan kaya ayun pinagsusuntok ang tiyan. Naaktuhan din daw ng mga kapitbahay habang tinutungga yung Clorox at kung ano-anong sabong panlaba. Matindi lang talaga ang kapit ni Ogag at naireport sa DSDW ang kaso niya kaya nabantayan ay nailabas ang healthy baby boy na si Jeremy Micheal Bista alias Ogag. Pero paglaki-laki niya dahil na rin siguro sa mga nainom na sabong tumatanggal ng mantsa ay nagkaroon ng mantsa ang pag-iisip ni Jeremy Micheal o for short Ogag. Ilang taon ang lumipas at isa-isa na ring nakorner ang mga natitirang kamag-anak niya hanggang siya nalang ang natira. Buti na lang inampon kami ni Mang Karyo. Duda rin ako kung inampon kami o pinilit namin siyang ampunin kami dahil byudo na ang matanda at kami lagi ang umaalalay noong nakakikita pa. Tulong lang dahil pinapatulog niya kami sa may silungan ng dati niyang tindahan.
Sakto alas dose, binabagtas namin ang katirikan ng araw sa maalinsangan tanghali. Rumaket pa kasi kami sa palengke para mamulot ng mga sirang gulay at prutas. Kailangan siyempre ng katawan natin ng vitamins and nutrients. Kaya sa mga sirang prutas at gulay lumalakas ang immune system namin.
Napansin kong napapashet si Ogag kada may madadaanan siyang dalaga. Akala ko natutunan na rin niya ang libog sa mura niyang isipan. Muntik ko na rin siyang murahin pero suko na pala ang tsinelas niya parang bubble gum na namuti at durog na pero nginunguya pa rin dahil no choice. Kaya pala napapayukot ang mukha niya tuwing aspalto ang nilalakaran niya. Mabuti na lang nakakita siya ng bote ng mineral, instant tsinelas. Libre na, matibay pa.
Nakarating kami sa bungad ng barangay kung saan lamang ng isang hakbang ang mga tao sa linya ng laylayan. Linis kanal ang sunod na project namin ngayon ni Ogag. Pusang ama kasi itong si Kap wala nang inatupag kung hindi paliga at pabikini-open. Mas matigas pa ang torso niya kesa sa paninindigan niyang tuparin ang pinangako niyang aayusin ang barangay. Nangunguna pa sa ayuda ang mga bwakanang kamag-anak niya. Nagpapataasan naman ng mga bahay pero aligaga sa pagpila sa perang sa kanila rin naman daw galing dahil nagtratrabaho sila.
Isang matandang dalaga na suki na namin ang nagpatawag pala para linisin ang kanal nila na halos hindi na makilala kung kanal ba o tapunan ng basura. Matagal na rin kaming inuutusan ni Ate Tesang. Ayaw niyang tawagin siya na “tita, maam, o lola” tumatanda raw siya kapag sinasabi sa kaniya yun. Kung alam ko lang isang linggo na lang parating na yung huling regla niya. Tinaas na ni Ogag ang tagpi-tagping pantalon na nangangapal na rin sa tanda. Sinipat-sipat kung saan magsisimula. Isang patpat lang ang hawak-hawak ni Ogag na sasagupa sa dagat ng basura. Sa oras na iyun gusto ko siyang kantahan.
“Nakaligo ka na ba sa dagat ng basura? Nag-Pasko ka na ba sa gitna ng kalsada? Yan ang tanong namin, Tunay ka bang isa sa amin?”
Lumusong na si Ogag sa halos isang dipang kanal. Mala-Biag ni Lam-ang ang datingan niya. ‘Yun nga lang mangingibal na ang kanal bago pa siya lumusong. Pero kung tutuusin mas lalong nadumihan dahil sa kapal ng libag ni Ogag. Walang arte-arte dahil naghihintay ang isang plastik ng biskotso at malamig na malamig na cooocaaa colaaa with water pollution sabi ng mga idol namin. Jackpot din kami dahil napakaraming kalakal ang naipon namin. May bote, plastik at bakal na bonus sa paglilinis. No more basahan nights kami mamaya. Habang abala si Ogag kakatanggal ng mga basura ay hindi siya nakakaligtang bumati sa mga nagdadaan. Lahat binabati niya may mga lumalapit, tumatango, bumabati at dedma sa wonder boy natin. Nakatunganga lang ako sa may kalayuan dahil alam kong kayang-kaya na ni Ogag ‘yun.
Matapos niyang tanggalin ang lahat ng sukal sa kanal pati ang sama ng loob ni Ate Tesang nawala. Tamang food trip na kami ni Boss Ogag nang dumating sila Tikyo at mga kaibigan niyang mukang hindi gagawa ng kabutihan sa mundo. Bumati sa pawisang abnoy sabay nakicheck na rin ng matigas na biskotso. Kasing tigas ng biskotso ang mga mukha ng mga animal. Kahit hindi nakapag-aral si Ogag ay marunong siyang magpakatao. Hindi madamot at kung kakausapin mo siya ay magpapagpag pa ng suot at hahawiin ang naglalangis na buhok. Oo, daig pa ni Ogag ang mga kakilala mong nakalimot na magpakatao dahil sa narating o anumang nagpakapal sa kanilang bulsa. Pera at kapangyarihan.
Dinala nila si Ogag sa ilalim ng Talisay. Nakipag-apir muna at umakbay sa nanggigitatang kulang-kulang. Lumapit ako sa kanila. Bukod sa mga mukhang amoy putok ay sabog rin at lutang ang galawan ng ibang kasama ni Tikyo. Mabilis lang ang naging usap nila kay Ogag dahil madali naman kausap si Ogag. Isa pa ay nanununtok rin ang hininga ni Ogag kaya dapat mabilis lang ang usap para hindi ka na mapabili ng ammonia. Narinig ko na lang na inaaya siya na pumunta sa birthday ng isa nilang tropa sa kabilang bayan. Sasamahan daw siya ni Benjo, pinsan ni Tikyo sa lugar ng handaan. Napahigh five na lang si Ogag sa tuwa. Sabay-sabay silang nag-apir bahagyang lumaki ang butas ng ozone layer dahil sa mga anghit nila.
Habang pauwi kami gusto ko man sabihan si Ogag na huwag na pumunta at baka anong katarantaduhan lang ang gawin sa kaniya doon ay hindi naman niya ko maiintindihan o susundin. Siguro kung narito lang kahit isa sa mga magulang niya ay may magpapangaral sa kaniya.
Sa paglaki ni Ogag, ilang beses niyang nginitian at tinawanan ang mga napakatatalim na salita. Mga salitang mula sa pangungutya at panunukso. Hindi naman kaagad bulbulan nilabas si Ogag. Dumaan siya sa pagkabata kung saan walang takas sa katuwaan ang isang batang walang laban. Mabuti na lang may mga kumukupkop at nagbibigay ng pagkain sa kaniya noong mga panahong hindi niya pa kayang mag-isa. Nariyan nga si Mang Karyo na kahit hindi niya tunay na anak si Ogag ay inaabutan pa rin niya ito ng pagkain. Kahit nangungupit si Ogag sa tindahan ay hindi niya ito pinagtaasan ng boses.  Bata pa lang ay nakitaan na si Ogag ng kakulangan. Pero hindi naman ito dahilan para siya’y buntunan ng sama ng loob para pagtawanan. Hindi ko alam kung nasusugatan ba siya o talagang matagal nang nadurog ang kaloob-looban niya dahil sa kaniyang nanay na dapat na unang sasandalan, ay siya pang unang matutuwa kung siya’y paglalamayan. Malamang sa malamang sa dami ng tarantado sa aming barangay ay may nagkuwento na kung ano ang nangyari sa kaniya noong sanggol at supling palang siya. Pinipilit na lang siguro ni Ogag ngumiti kahit nag-iisa nalang ang ngipin niya katulad niya. Tinitirik ang mata para hindi makita ang hipokritong mundo.
Pagdating sa bahay. Kaagad namin pinuntahan sa paborito niyang upuan si Mang Karyo. Malayo pa lang ay bumati na ito.
“Ogag at Baron kayo ba ‘yan?”
Walang duda. Nalanghap na niya ang sariwang putok ni Ogag. Naghugas muna ng kamay sa bomba sabay mano. Nilinisan namin si Mang Karyo. Pinabango ang yagbols na puro ihi at pinakain. Kabisado naman ni Mang Karyo ang bahay nila. May naghahatid rin ng pagkain tuwing umaga na galing kung kani-kanino na nakakaalala dahil sobrang bait talaga ni Mang Karyo. Hindi lang talaga siya makayuko at makapunta sa banyo dahil takot din siyang madulas kaya kami na ang bahala sa paglilinis sa kaniya. Kaya ganoon na lang din siguro rumaket si Ogag dahil hindi naman araw-araw ay may aabangan ang matanda. Minsan walang dumadating kaya si Ogag ang naghahanap ng makakain. Matapos malinisan ang tatay-tatayan ni Ogag. Nilatag na niya ang higaang karton. Pumuwesto sa tapat ng maliit na siwang na tanaw ang kalangitan at panandaliang kinausap ang maykapal para magpasalamat sa mga biyaya mula paggising hanggang sa bago tapusin ang gabi. Kahit may diperensiya sa pag-iisip si Ogag, perpekto siyang halimbawa ng mga taong hindi naghahanap ng wala bagkus nagpapasalamat sa mga natatanggap, maliit man o malaki. Sa tabi ng apat na tuping karton na ginawang higaan ay ang pinapaabot na regalo sa birthday bukas.
  Kaagad humataw si Ogag sa mga pakisuyo at patrabaho. Mag-alas tres na noong makatapos siya sa pakisuyo ni Kap na magwalis sa plaza at tabing daan. Tulad ng dati kasing kapal ng monay na bigay ni Kap ang mukha nilang mga opisyales sa barangay. Si Ogag ang nagtrabaho buong araw pero sila itong sumasahod sa pagpapalaki ng mga bayag. May nagmagandang loob naman na nagbigay ng isang daan kay Ogag. May natitira pa rin pa lang may puso sa mga namumuno sa atin.
Sumama ako sa handaan sa kabilang bayan. Daig pa namin ang nag-alay lakad sa layo ng kabilang bayan. Ilang basketball court at plaza rin ang nakita ko. Dala-dala ni Ogag ang pinaabot na regalo. Sinalubong kami ng mga masasamang tao este mga tropa ni Tikyo. Itinuro ang daan. Kung saan susuot sa lungga ng mga taong takot sa bagong mukha. Kahit kasama namin si Benjo na katutuli palang ay nangangatal ang mga paa ko. Parang eksena sa shake rattle and roll at ang bida ay isa ring bonak. Kumbaga bonak sa bonak ang tunggalian. Madilim ang lugar pero nagliliwanag ang mga matang kulang pula at dilaw na sinusundan ang mga yabag. Tinuro ni Benjo, ang lugar. Animo’y may rayot dahil nagsisigawan na ang mga nag-iinuman. Mausok dahil sa yosi at vape na panis na laway ang flavor. Biglang bumirit ng sigaw si Ogag. Pusang ama talaga nitong si Ogag. Sa ganitong pagkakataon pa iiral ang pagiging bugukan. Kahit ako nagulat sa ginawa niya. Parang gusto kong isuka ang kaluluwa ko. Parang naging hudyat ng isang raid ang hiyaw ng tolongges na si Ogag. Muntik pang tumakbo ang isang may sumpal na yosi sa bibig niya. Napayuko naman yung isang pumapapak ng leeg ng bibe. Noong makilala na si Ogag at Benjo ay nawala ang tensyon na dinadala ni Cardo kapag nakakaharap niya ang mga masasamang tao.
“Si Ogag pala to! Puting ina! Kumain na kayo tanging ina nyo!”
Parang family reunion ang sumunod na ganap. Kulang na lang may magsabi ng “Lumipad ang aming team kasama si Ogag para makapiling ang mga adik sa Quezon.”
Kumustahan ang mga maaangot at may anghit. Nakakaiyak makita kapag nagtabi-tabi siya. Mahapdi sa mata ang mga amoy nila. Nilabas ang pingas na babasaging pinggan na mukang kakahugas lang. Inilatag ang isang palangganang bibe at bundok ng kanin. Akmang sasandok na si Ogag nang bigla siyang takalan ng isang salok ng tinanlarang bibe. Malaki pa luslos niya kay sa ulam niya. Bumawi na lang sa limang sandok ng kanin na maraming sarsa. Okay na rin dahil hanggang bukas na kami busog nito. Bago pa sumibasib ng subo si Ogag ay nakapag-exchange gift muna siya. Pagkaabot ng regalo ay hindi na makausap si Ogag. Lamong bibitayin na ang ganap naming dalawa. Nang maramdaman ko nang sumayad na ang kaning may sarsa sa aking bituka ay ibinuga ko ang isang malakas na dighay na may kasamang usok mula sa paglalakad namin kanina.
Sunod ay pinakain ulit kami ng isang batyang kanin at kaunting inadobong bibe. Solve ang hapunan at may dagdag lakas na para sa umagahan. Warak na naman ang kubeta ni Mang Karyo. Kaing walang bukas ang round two namin dahil madalang kami maimbitahan sa mga handaan. Marungis kasi kami lagi. Sandali lang kami nagtagal dahil naglakad lang kami papunta doon at magduduty na ang dilim. Bumabangka pa si Ogag pero nag-aya na akong umuwi dahil malayo pa ang lalakarin namin. Pinabaonan kami ng ilang buto-buto ng tinanlarang bibe at pabagat na isang plastik ng adobo na nakabalot sa dyaryo para naman daw sa pamilya ni Tikyo.
Sa paglabas namin sa malaimpiyernong lugar ay nakasunod pa rin sa amin ang mga matang sobra sa gising. Kahit sa pagtawid namin sa aming barangay parang may matang sumusunod sa amin. Binabagtas namin ang kahabaan ng highway. Hindi katulad kanina na nakapapagod ang lakaran, ngayon ay dumadampi sa amin ang malamig na simoy ng kapaskuhan. Ber months na pala. May mga naglagay na mga pailaw sa tapat ng kanilang bahay. Kumukundap-kundap katulad ng mga matang nakamasid sa kung saan. Parang napanood ko na ito sa isang pelikula. Pabigat nang pabigat ang kaba. Dumidilim na ang kalsada. May naririnig ang tumatakbo. Nagbigay ako nang babala kay Ogag pero sinisilip niya ang pasalubong niya kay Mang Karyo. Isang napakabilis na larawan ang sumagi sa akin. Sa isang iglap, sumunggab si Tikyo.
“Hoy, Ogag nasaan na yung para sa akin!”
Naibuga ko ang espirito ng tinanlarang bibe at tutong na kanin. Sa pagtawa ni Ogag, iniabot niya ang isang maliit na supot. Kaagad namang kinuha ito ni Tikyo. Sumuot sa eskinita at naglaho. Sumigaw si Ogag at ngumiti. Ang paborito niyang punch line kapag nagpapasalamat.
“Paalam, Thank you!”
Tatlong putok ang kasunod nito. Tatlong putok na nagpahandusay kay Ogag. Gumapang ang sariling dugo niya sa kalsadang nilinis niya. Sumambulat ang tinanlarang bibe sa kalsada. Bahagyang natigil ang taong nakahelmet sa nakita. Hindi ulam ang inaasahan niya. Nagkatitigan kami. Naalala ko kung paano ako pumatay ng mga taong walang laban. Naalala ko kung paano ako napunta sa sitwasyong ito. Bumirit ako ng sigaw ngunit ungol lang ng isang aso ang pumalahaw sa barangay. Ang aking mga paghingi ng tulong ay isang maingay na alulong. Walang salita. Puro tahol. Naalala ko na isa nga pala akong makasalan. Bumukas ang bintana pero walang bumaba. Tumakbo ang may sala ngunit walang humabol. Huling narinig ko nalang ay “Hindi siya ang nakalista.” Pusang ama, ganiyan rin ako dati tumira.
Nagpaikot-ikot at naguluhan. Isa ba akong anghel o isang demonyong inilagay sa isang aso. Isa ba akong kaibigan o isang kaaway. Sa ilang taon kong nakasama si Ogag ay nagampanan ko ba ang misyong hindi ko naman talaga maalala. Nakalista na rin ba ako dati sa mga kukunin o ako ang naglilista. Nilingon ko si Ogag. Nakangiti siya. Naging masaya ba siya sa naging hatol sa kaniya o nagtagumpay ba siya sa pagsubok niya. Miss niya na rin ba ang tunay niyang pamilya kaya nauna na siya o nagkamali lang ang tagalista.
Sa napakaraming napasaya ni Ogag, napatawa dahil sa pangungutya, wala ni isang naglakas ng loob na dalin siya sa hospital, naligo sa sariling dugo, nakursunudahan daw pero ang totoo napagkamalan pusher ngunit ang pinakatotoo wala ni isang nagsalba sa taong wala namang ginawa kung hindi magpasaya.
Sa mundong ginagalawan ni Ogag, naiintindihan siya ng mga nakapaligid sa kaniya ngunit sa mundong tinatawanan niya siya lang ang nakakaintindi sa sarili niya. Walang masamang intensyon si Ogag sa mundong sinisilungan ng iba’t ibang klase ng tao pero ang tingin natin sa katulad ni Ogag ay isang taong maaring gumagawa ng may masamang intension.
Sana sa bawat patak ng dugo ni Ogag gumawa ito ng malilit na alon, Mula sa maliit ay papalaki nang papalaki hanggang sa maging maimpluwensiya. Sana ang mga hindi na babalik na ngiti ng binatang si Ogag ang gumawa ng sunod-sunod na paggalaw sa dating walang imik na eskinita. Isang maliit na patak na uukit ng mga mas malalaking alon. Para wala nang magpapaalam nang mali at magpapasalamat sa pagkakamali. Para malaman din ng lahat kung sino si Ogag at sino ang tunay na Ogag.
Kalahok ang akdang ito sa Saranggola Blog Awards 12 – Maikling Kuwento Category
https://culturalcenter.gov.ph
Tumblr media Tumblr media Tumblr media
2 notes · View notes