Tumgik
un-spoken-words · 5 years
Quote
andami sa atin na gustong nauuna o nakakaangat sa lahat ng bagay -- sa pila, sa mga patimpalak, sa trabaho, sa pag-aaral, sa mga puso ng mga minamahal natin, sa mga pinagpipilian... pero hindi ako. bakit? dahil napagtanto kong may mga pagkakataong hindi talaga tayo itinadhana na unang piliin, na manalo sa lahat ng bagay sa buhay. hindi tayo hinahayaan ng tadhana na magtagumpay lang nang ganoong kadali dahil kung ganoon man ang nangyari, hindi na natin matututunang bumangon mula sa ating pagbagsak, sa ating paminsan-minsang pagkatalo. hindi dahil hindi tayo ang nanguna sa unang pagkakataon ay hindi na natin kayang abutin ang tagumpay. naniniwala akong may natatangi at mahiwagang plano ang mundo para ibigay sa'tin ang mga bagay na ninanais natin sa tamang panahon.
okay lang hindi maging una lagi // february 5, 2019
0 notes
un-spoken-words · 6 years
Quote
sinusulat ko ang liham na ito bilang isang simbolo na, sa wakas, matapos ang mahigit isang taon ng paulit-ulit na pagluha ay malaya na ako. malaya mula sa pagkakakulong sa isang pakiramdam na tila nakasanayan na, sa isang alaalang tila hirap akong bitawan, sa isang taong inakala kong karapat-dapat ng aking walang hanggang pagmamahal. sa wakas, malaya na ako sa pagkakagapos ko sa'yo. hindi mo kasalanan ng lahat ng 'to, pagka't ginusto ko naman ito gawin sa sarili ko. pinili kong mabulag sa lahat ng kabutihang ginawa mo para sa'kin. pinili kong isantabi kung anuman ang mayroon tayo noon, sa pag-asang baka sakaling may mas hihigit pa sa kung ano tayo. pero heto na nga ako, inaaming ako'y nagkamali, nasaktan.  matapos ang mahigit isang taon, masasabi ko nang sa kabila ng sakit, ay natutunan kong maging buo, hindi para sa pagkakataong baka may bagong dumating, pero dahil kailangan ko, at para rin sa ikabubuti ko. hindi man naging kalugod-lugod sa akin ang kinahantungan natin, kuntento na siguro ako sa kung ano tayo ngayon, kung nasaan ako ngayon. nagpapasalamat akong binigyan mo ako ng pagkakataong maging bahagi pa rin ng buhay mo kahit hindi sa paraang inasam ko noon.  minsan binabalikan ko pa rin ang mga pinagsamahan natin noon - ang mga kuwentuhan natin, ang mga pagkakataong sabay tayong kumain ng hapunan, at kung anu-ano pa; pero hindi dahil hinahanap ko kung saan ako nagkamali o kung ano mang pangitain na dapat sana nakita ko, pero dahil masaya akong kasama ka bilang isang kaibigan. sana kahit iyon man lang ay hindi mo ipagdamot sa akin. salamat, dahil sa kabila ng pagkawasak ko noon, ay nabuo rin ako. sana'y umusbong muli ang pagkakaibigan natin, sa tamang panahon.
liham ng paglimot // september 21, 2018
0 notes
un-spoken-words · 7 years
Quote
hindi maaaring maikahon sa isang ideya ang konsepto ng buhay sapagkat ang bawat isa sa ati'y may kanya-kanyang mga pinagdaanan, pinagdadaanan, at pagdadaanan ang buhay ay hindi lamang nagsisimula noong tayo ay iniluwal ng ating mga ina, o kaya naman mula nang mabuo tayo sa kanilang sinapupunan ang buhay ay hindi lamang ang simpleng paghinga natin o sa pagdaloy ng dugo mula sa ating mga puso papunta sa iba’t ibang bahagi ng ating katawan ang buhay ay hindi nagtatapos sa ating huling paghinga, sa huling pagmulat ng ating mga mata, o sa huling mga salitang ating sasambitin bagkus, ang buhay ay isang komplikadong konsepto, isang ideya na may maraming kahulugan, depende sa konteksto kung saan natin ito nais ikabit ang buhay, sa aking palagay, ay ang desisyong bumangon araw-araw sa tuwing sisikat ang araw at pagsisigurong walang oras na nasasayang sa mga walang kwentang mga bagay ang buhay ay isang paglalakbay na sa ati'y ipinagkaloob upang tayo'y matuto ng bagong bagay araw-araw, at upang magamit natin ito sa mga susunod pang araw ng ating pananatili sa mundo ang buhay ay isang biyaya na dapat nating pahalagahan, dahil hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pare-parehong oportunidad para matamasa ang buhay na meron tayo pero higit sa lahat, ang buhay ay isang desisyon upang ialay ang sarili para sa iba – para makatulong sa ating kapwa, para makapag-ambag ng kaalaman sa lipunan, para makapagsilbi sa ating bayan
untitled // june 9, 2017
0 notes
un-spoken-words · 7 years
Quote
nais kong makita ang mundo ‘pag wala ka nais kong sa iyo ako’y makawala nais ko nang maging malaya pero sa tuwing nakikita kita ako mismo ang pumapalag tila di ko kayang bumitaw ikaw ang nagbibigay katahimikan sa mundo kong magulo at maligalig ikaw ang nakapagpapakalma ng isipan kong litong-lito at gulong-gulo ikaw lang ang may kakayahan na dalhin ako sa mga mundong kahit imahinasyon ko’y ‘di maabot pero ikaw din ang sanhi kung bakit ako nalulugmok sa ‘di inaasahang kalungkutan dahil sa’yo natutunan kong duwag ako na wala akong kakahayan at kalakasan na harapin ang mga problema ko mag-isa na mas pinipili kong makasama ka at talikuran ang lahat ng responsibilidad ko kaysa harapin ito sapagkat ito ang nararapat kaya sana sa pagkakataong ito sa aking muling pagsubok na makawala mula sa’yo ay sana pabaayaan mo na ako na makatayo nang mag-isa at mabuhay nang malaya
para sa lahat ng bisyo ko sa buhay // april 23, 2017
0 notes
un-spoken-words · 7 years
Quote
sa bawat gabing dumarating inaasam ko ang iyong pagdating larawan mo’y nakapinta sa aking isip ika’y laging laman ng aking panaginip lahat ng paghahanda’y ‘di alintana ‘pagkat alam kong ika’y aking makikita hindi magsasawang hintayin ka basta siguradong tayo’y magsasama nais kong mahagkan ka buong magdamag nais kong makatabi ka sa aking paglapag sa iyong paglalambing ako’y nasasabik lalong-lalo na sa iyong yakap at halik andito lang ako sa ating nakagawiang tagpuan aabangan ka nang walang pag-aalinlangan umaasang tayo’y magsasaya sa presensya ng isa’t isa
isang tulang naglalarawan ng salitang “sabik”// march 27, 2017
0 notes
un-spoken-words · 7 years
Quote
hindi kita gagawan ng tula ito ang mga katagang paulit-ulit na sinisigaw ng mga boses sa aking isipan sa tuwing ako’y napapasaya mo — sa simpleng presensya mo noong kinailangan ko ng karamay o kaya ng isang kaibigang makakausap sa tuwing nalulungkot ako dahil wala ka at naiisip kong ibuhos lahat ng damdamin ko ng mga panahong ‘yon sa pamamagitan ng pagsulat. hindi kita gagawan ng tula. iyan ang pinangako ko sa sarili ko mula noong napagtanto kong may nararamdaman na ako para sa’yo dahil sino ka ba? gaano ka bang kahalaga sa buhay ko, para maging paksa ng isang obrang itinuturing kong espesyal? oo nga naman, bakit ganon na lang ang impluwensya mo sa’kin hindi ko alam paano mo nagawa ‘yon pero alam kong unti-unti mo akong nabago hindi kita gagawan ng tula. ayan, hindi na ako gumawa ng kahit ano pang tula. nawalan na rin ako ng gana na magsulat ng kahit anong anyo ng literatura sapagkat sa tuwing maghahanap ako ng paghuhugutan ng inspirasyon ikaw ang unang pumapasok sa’king isip kahit alam kong ang ideyang ito’y mali ngunit narito ako ngayon, nagpapakatanga sa huli’y nagpadala na rin ako sa’king emosyon marahil masyado ko nang kinimkim ang aking mga hinanakit at damdamin at siguro dahil nahanap ko rin sa kaibuturan ng aking puso na magkaroon ng lakas ng loob at mawalan ng hiya dahil napagod na akong mabuhay sa takot at pati na rin sa buhay na puno ng pagtatago kaya kung mabasa mo man ang tulang ito gusto kong malaman mo na — hindi dapat talaga kita gagawan ng tula dahil alam kong balang araw mababasa mo ‘to pero ayan na, wala na eh. kaya oo nalang, ikaw ang paksa ng tulang ito.
hindi, hindi dapat // december 8, 2016
0 notes
un-spoken-words · 8 years
Quote
sa bawat bote ng alak na nilaklak ko nang tuloy-tuloy, unti-unti ko namang pinuno ito ng aking makukulay na imahinasyon — na baka sakaling mayroong ikaw at ako sa isang hindi inaasahang pagkakataon, na baka sakaling may dahilan kung bakit lagi tayong pinagtatagpo ng tadhana dahil halos araw-araw nating nakikita ng isa’t isa, na baka sakaling makita mo rin ako gaya rin kung paano kita nakikita, na baka sakaling mas lumalim pa ang ating relasyon. puro “baka sakali,” kasi ako naramdaman ko lahat ‘yon, pero ikaw? ganon din ba? lumalalim ang gabi, at mas lalo kong nararamdaman ang hapdi sa aking lalamunan habang walang pakundangan kong inubos ang alak na nasa aking harapan. habang pasakit nang pasakit ang tama ng alak, naramdaman ko rin ang sakit ng katotohanan - na walang tayo, na sa mga panahong ‘yon na pinilit kong paniwalain ang sarili ko na baka sakali, baka sakaling gusto mo rin ako, niloloko ko lang pala ang sarili ko. hindi ko man siguradong wala nang pag-asa, unti-unti kong natututunan na dapat ko na pala itigil ‘tong katangahang pinapairal ko sa isip ko. bumabalik sa’kin lahat ng mga payong nasabi ko sa mga kaibigan ko noon, dahil nakaya ko silang pigilan pero ako mismo hindi ko magawa. naubos ko na ang lahat ng boteng kaya kong inumin, pero hindi ko alam kung maaari nga bang maubos ang kakahayan kong mahalin ka kahit ‘di ako sigurado kung susuklian mo ‘to. alam ko namang sa huli, kahit ‘di mo hingin, ibibigay ko pa rin naman lahat, kasi ganon kita kamahal. pero ikaw? ganon din ba?
alak // september 16, 2016
1 note · View note
un-spoken-words · 8 years
Quote
ang sakit palang magpakatanga para sa isang taong hindi kayang maging tanga para sa’yo. mahirap palang sumabay sa agos ng buhay kung pilit mong sinisiksik ang sarili mo sa isang mundong pilit kang pinagtatabuyan, at ganon din pala kahirap maging sunud-sunuran sa isang damdaming kung sa una’y tila dinadala ka sa isang paraiso, ngunit sa huli’y sasaktan ka lamang. hindi pala birong magpatawad at makalimot, dahil nariyan na ang sugat, nakabaon, nakaukit sa katawan mo, at kahit ano mang gamot ang inumin o ilagay mo upang malunasan ang sakit na nararamdaman mo, andyan pa rin ang bakas ng nakaraan, laging pinapaalala ang mapait na sinapit mo sa pilit mong pagkapit sa patalim kahit alam mong masakit.
oo, ikaw ang may kasalanan ng lahat ng ‘to. // september 2, 2016
0 notes
un-spoken-words · 8 years
Quote
sa pagmulat ko ng aking mga mata nakikita ko ang sikat ng araw na puno ng kagandahan at kaligayahan, ng buhay at pangako ng bagong simula; ngunit sa aking pagtayo mula sa pagkakahiga, isang malaking larawan ang sa akin ay laging tumatambad — at sa mga pagkakataong iyon nabubura ng imaheng nasa harapan ko ang pag-iisip ko na kaya niyang baguhin ang ikot ng mundo araw-araw na ginawa ng Diyos wala akong magawa kundi tumingin, matulala at ang aking mga mata’y nakatitig mula sa kanyang buhok papunta sa daliri ng kanyang mga paa; ilang taon na rin kung aking aalalahanin, kaya hindi na dapat pa akong magtaka; inaamin kong minsan nakikita kong pagod na sya, sa mga panghuhusga na tumatakbo sa kanyang mga isipan pagod na siyang tanungin ang kanyang sarili kung anong iniisip ko hinggil sa kanya; hindi ko magawang hanapan ng sagot ang kanyang tanong, kung bakit laging pamantayan ang panlabas na itsura ng tao upang mas kilalanin pa siya nang masinsinan. pero isang umaga, ginising niya ako sa isang masamang panaginip at kanyang hiniling na tumayo ako at tingnan siya, mata sa mata; sa hindi inaasahang pagkakataon ako’y napangiti sa aking nakita at ganoon rin sya at sa ngiting aming pinagsaluhan kaakibat noon ang paggaan ng kalooban naming dalawa dahil sa wakas, ang dalawang imaheng magkaharap ay naging isa, mula noon ay araw-araw na akong bumabangon ng may ngiti sa aking mga labi at laging binabati ang umaga nang puno ng galak dahil tinuruan ako ng imaheng nasa harapan ko na laging tingnan ang bawat araw nang puno ng pag-asa sa mabuting wakas
salamin // april 23, 2016
0 notes
un-spoken-words · 8 years
Quote
dalawang salita -- mahal kita; napakadaling bigkasin, pero ang hirap isipin kung kailan tamang sabihin. dalawang simpleng salita kung iisipin, pero bakit tila nahirapan kang sambitin, at kinailangan kong maghintay ng dalawang taon -- dalawang taon para marinig yan mula sa'yo? mahal kita. yan ang paulit-ulit kong pinatunayan sa'yo. dawalang taon ng paghihintay, dalawang taon ng pagpapakatanga, dalawang taon na nagmukha akong gago sa harapan mo at sa mga kaibigan mo kasi ginusto kong mapansin mo rin ako. mahal kita, pero bakit ngayon lang, kung kailan, sa wakas, kinalimutan ko na ang naramdaman ko para sa'yo?  bakit hindi mo ako nagawang mahalin noon, noong ikaw ang naging mundo ko? bakit ngayon, kung kailan nakahanap na ako ng iba at heto ka nagmamakaawang mahalin kitang muli. mahal kita, kahit kailan hindi mawawala iyon, dahil hanggang sa huli kong hininga, alam ng Diyos kung gaano ka kahalaga sa buhay ko, kung gaanong kalaki ang naging bahagi mo sa kung sino man ako ngayon; pero paalam na -- dahil sa wakas, minahal mo ako, pero sa maling panahon. hindi man pinagtagpo ng tadhana ang mga puso natin ngayon, alam kong kung tayo talaga ang para sa isa't isa, gagawa at gagawa ng paraan ang mga bituin sa langit para magtagpo muli ang ating mga landas.
dalawang salita // march 30, 2016
0 notes
un-spoken-words · 8 years
Quote
sa pagsikat ng araw at sa pagbaba nito, hinahamon tayo ng mundo na gawing makabuluhan ang bawat oras, minuto, at segundo; dahil tayo'y pinangakuang ating matatanggap ang mga gantimpalang matagal nang nakatakda kapag natapos natin ang dapat nating gawin. mayroong iba sa atin na piniling sa bawat pagbangon sa umaga ay gawin ng naayon sa nakasanayan ang mga dapat tapusin sa tinakdang araw. mayroon din namang iba na mas gustong mag-eksperimento at gawin ayon sa kanilang sariling bilis ang mga ito. iba't ibang paraan, iba't ibang proseso; pero iisa lang ang gusto: ito ang patunayang tayo’y karapat-dapat na makuha ang ating munting mga hiling. ngunit sa isang mundong kung saan walang kahit anong perpekto, hindi lahat ng gusto ng bawat isa sa atin ay natutupad nang basta-basta lang. minsan tayo'y malulungkot, mababagot, mawawalan ng ganang mabuhay; at dahil dito sa mga pagkakataong tayo ay nabibigo, tila nawawalan tayo ng saysay, nawawalan ng direksyon, at nawawalan tayo ng kabuluhan. sa mga oras na nadadapa tayo, may mga pagkakataong pinipilit nating bumangon, dahil ito ang dapat gawin; pero hindi tayo santo, at lalong-lalo namang hindi tayo mga diyos na sa anumang oras ay mayroong nakatagong lakas upang malagpasan nang ganon-ganon na lang ang mga problemang hinaharap sa atin. ngunit sa mga pagsubok na iyon, nakikita natin ang mas mahalagang imahe: ang ating mga sarili -- na pilit na bumangon at hindi magpadaig sa mundong pilit tayong binabagsak; at sa ating pagbangon, mas nagkakaroon ng saysay ang ating mga pagkakamali; dahil kahit hindi agad-agad ang pagbabago natin, natututo tayong mabuhay ng mas naayon, kaya mas nagiging nararapat tayo sa kung anuman ang gantimpalang matagal nang itinadhana para sa atin. hindi dapat tayo magpadala sa mga paminsan-minsan nating pagbagsak sa buhay, dahil ika nga nila, kapag may nagsarang pintuan, may bintanang agad na magbubukas. ating alalahanin na hindi tayo hahamunin ng mundo, kung alam nitong hindi natin ito mabibigyang solusyon. huwag kalilimutan, na ang problema, pagsubok, at pagbagsak ay laging nariyan, pero hindi dapat mag-alinlangan, dahil may lakas tayong taglay upang makamtan ang ating inaasam.
kaya mo yan // march 28, 2016
4 notes · View notes
un-spoken-words · 8 years
Quote
bakit nga ba kita napansin? siguro dahil sa iyong kakaibang dating at sa natatangi mong katangian. siguro alam kong naiiba ka sa kanilang lahat. siguro dahil ginusto kitang makilala nang lubusan, at ginusto kitang maging kaibigan. siguro din dahil papansin ka, kaya madali mong nakukuha ang pansin ng lahat, lalong-lalo na ang akin. bakit nga ba kita naging kaibigan? siguro dahil may mga pagkakatulad tayo — pareho tayo ng mga kalokohan, pareho tayo ng mga kinahihiligan, pareho tayo ng mga gusto sa buhay. siguro dahil naging magaan ang loob ko sa’yo. siguro dahil nandiyan ka noong mga panahong wala na akong ibang mahingan ng tulong. siguro din dahil alam kong sa pagiging magkaibigan natin, magkakaroon tayo ng mas maraming pagkakataon upang mag-usap, para mas makilala pa kita. bakit nga ba kita nagustuhan? siguro dahil sa mga panahong mas nagkakaroon tayo ng oras upang kilalanin ang isa’t isa, nakikita ko ang mga bagay na nagpapaganda sa’yo. siguro dahil nakita ko na higit ka pa sa isang masayahing tao — may kuwento ka na hindi lahat ng tao alam, at hinayaan mo akong malaman yon. siguro dahil nakita kong pinapahalagahan mo rin ako, gaya ng pagpapahalaga ko sa kung anuman ang mayroon tayo. bakit nga ba kita kakalimutan? siguro dahil nakita kong hindi tayo talo. siguro dahil alam kong hindi ako yung taong makakapuno sa lahat ng kakulangan diyan sa buhay mo. siguro dahil alam kong hindi sapat ang mga bagay na kaya kong ibigay at iparaya para lang mahalin mo ako gaya ng ipinapakita ko. siguro din dahil alam kong hanggang pagkakaibigan lang ang kaya mong ibigay, at ayaw mong mawala iyon dahil lang sa lintik na pag-ibig na nararamdaman ko ngayon bakit nga ba ako ganito? ewan ko. pero alam kong sa paglipas ng panahon, matatanggap ko ito nang buong puso, at magiging kuntento ako sa kung anong meron tayo ngayon.
bakit nga ba? // march 13, 2016
0 notes
un-spoken-words · 8 years
Quote
sinusulat ko itong tulang ito para sa mga pagkakataong ako’y napangiti mo, lalo na noong mga panahong hinanap ko ang dahilan ng buhay kong hindi ko alam saan papunta, sa mga panahong ako’y binigyan mo ng pansin tuwing alam mong masakit ang aking pakiramdam, sa mga panahong ikaw ang nauunang mag-text ng “good morning” pati na rin ang “good night,” at sa mga pagkakataong ipinakita mo sa akin ang kagandahan ng mundong pareho nating ginagalawan sinusulat ko itong tulang ito para sa mga pagkakataong ako’y nasaktan mo, noong mga panahong hindi mo ako pinapansin at kahit isang pagbati ay hindi mo maibigay dahil noong mga araw na iyon nakatuon ang atensyon at oras mo sa isang taong iyong napupusuan at wala akong magawa kundi suportahan ka kahit alam kong sa sarili kong masakit sa loob kong gawin ‘yon, para sa mga panahong hindi tayo nag-uusap dahil akala natin pareho na may sama tayo ng loob sa isa’t isa, para sa mga panahong hinanap mo lang ako dahil kinailangan mo ako at walang ibang makikinig sa’yo kundi ako lang, at lalong-lalo na sa panahong pinaramdam mo sa akin na tila ikaw lang at ako ang narito sa mundo, kung kaya naman nahulog ako sa’yo ng lubos sinusulat ko itong tulang ito para sa mga pagkakataong napapagod na ako, na makinig sa mga sermon mo na kahit alam kong tama ay pilit kong ‘di pinapakinggan dahil minsan gusto kong maintindihan mo na tao lang ako at may karapatan akong gawin ang mga bagay na gusto ko, na hanapin ka at hintayin ka sa dati nating tagpuan para lang makausap ka kahit sa saglit na oras lang, na mainis sa’yo at patawarin ka sa mga panahong hindi tayo magkasundo, na ngumiti na lang na parang ayos lang ako dahil masaya ka kasama ng iba, at lalong-lalo na umasa, na isang araw ako’y sasaluhin mo dahil baka sakali lang maibigay mo rin ang atensyon at pagmamahal na handa ‘kong ibigay sa’yo nang buong-buo higit sa lahat, sinusulat ko itong tulang ito dahil gusto kong malaman mo na ayoko na, tama na, sapat na ang ilang taong pagpapakatanga ko para sa’yo.
para sa taong nagpakatanga ako // march 8, 2016
0 notes
un-spoken-words · 8 years
Text
hello
Apparently, today’s World Poetry Day so (finally) I decided to make a separate blog where I can post my poems or whatever stuff I write HAHAHA!! Hope you enjoy them. I don’t know what else to say...
1 note · View note