xtriestowrite
xtriestowrite
pagod na ang aking haraya
2 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
xtriestowrite · 6 years ago
Text
Sawang-sawa na Ako sa mga Kaibigan ko. Joke
Mahigit apat na taon na ang nakalipas mula nang makilala ang kupal kong mga kaibigan. Kupal pero maaasahan. Maaasahan pero tarantado rin naman. Umpisa pa lang, alam ko nang isang mahabang roller coaster ride ang mararanasan naming magkakaibigan. Punong-puno ng ups and downs, loops, at iba pa.
Minsan gusto kong sabihing sawang-sawa na ako sa mga kaibigan ko. Ang kaso lang, sila lang naman yung kaibigan ko, wala rin naman akong choice. Saka mahal ko naman sila, yuck. Iilan na nga lang sila pagkakaila ko pa. Kawawa naman ako kung ganun. Sila na nga lang nagtitiis sa bigla kong pananahimik tuwing may darating akong inspirasyon, pagsasawaan ko pa. Kahit naman gaano pa kupal ‘tong mga hayop na ‘to, nakakasama ko naman sila sa lahat ng kalokohan namin, so, ayos na ko. 
Ewan ko ba kung bakit tungkol sa kanila ang isusulat ko ngayon. Epekto lang siguro ng pilsen na kabubukas ko lang gamit ang tig-88 pesos na 3-in-1 bottle opener na binili ng nanay ko. Minsan ko hindi ko ma-gets yung mga ganung stores sa mall, mura ba nilang nabenta o produkto o mas mahal? Minsan kasi may makikita ako dun na mamahaling chichiria na tig-isang daan sa grocery tapos 88 lang sa kanila. May nakikita rin naman ako dun na sticker na pambata. Yung totoo, 88 pesos para sa bagay na sasayangin lang naman ng bata kakadikit kung saan saan, ikabibwisit pa ng nanay na linis ng linis ng dingding na puno ng madikit na adhesive? Hindi makatarungan. Porke’t imported, mahal? Colonial mentality bullshit. Bahala nga sila. Basta ako may beer. Gawa sa ‘Pinas. Hindi ako guilty dyan ngayong araw na ‘to.
Sabi nila, birds of the same feather flock together. Tapos, opposites attract. Ano ba talaga? Sino nga ba sila? Bakit nila ginugulo ang utak ng mga tao sa mga kasabihan nila? Kalokohan. Hindi ko kasi alam kung bakit kami naging magkakaibigan ng mga hayop na yun. Hindi naman kami pare-pareho; may walking wikipedia, may high-class na ungas, may chicks na mas brad pa sa mga lalaki, at ako, poging intelektwal na manunulat ng kung ano-ano na humihingi ng tawad sa awesomeness ko. Sorry na. Hindi rin naman kami sobrang opposites; mahilig umupo sa first row lahat, either matalino, o makapal ang mukha maggago sa harap. Sabi ng nanay ko, choose your friends wisely. Nanay ko ba nagsabi nun? O tatay ko? Basta sila. Baka sila rin nagsabi nung birds of the same shit saka opposites shit. Nay, Tay, o kung sino man. Mapipili ko ba kung sino makakatabi ko sa first day of classes pagkapasok ko ng kolehiyo? Malamang sa alamang hindi. Lahat kasi kami nung araw na yun walang kaibigan galing highschool. Wala kasing natripan mag-MasKom sa kanila, o kaya walang natripang mag-aral sa unibersidad na pinapasukan namin.
Nung first year kami, hindi pa kami tao, may hangover pa kami ng highschool. Mga nene at totoy pa, hindi marunong mag-ayos. Mukha kaming kulay imburnal na batang yagit. Bukod dun sa high-class na ungas na mukhang kulay papel na batang yagit. Maiinit kasi sa klasrum. Pinagkaitan kami ng electric fan— san napupunta ang subsidiya ng gobyerno? Kaya kawawa si ungas, pawis na pawis, sanay kasi sa erkon. Second year, pinilit na naming magpaka-mature. May natutong pumorma, magsuklay, magsuot ng shades at cap, at nagkakilala narin kami ng bago kong pantalon. Third year, ibang tao na kami. Goodbye na sa mga batang yagit na pilit pinasok ang mundo ng kolehiyo sa pag-aakalang belong na kami agad dun. Matatas na magsalita, maayos na pumorma, mahilig na sa alak, at higit sa lahat, may bago na akong t-shirt. Fourth year, totoong bang magtatapos na kami? Bakit parang ambilis? Parang kelan lang hindi pa namin pinapansin ang isa’t isa kasi hindi kami magkakakilala. Ngayon nagti-thesis na kami. Nagrerevise ng RRL. Pumapasok sa OJT at nakikisalamuha sa ibang tao, nagpapalawak ng mga sarili naming mundo, may potensyal ng gumawa ng fetus samantalang dati kami yung mga fetus. Apat na taon na pala. Tignan mo nga naman, time flies when you’re having fun. Especially with people you never knew until you met them. Walang sense yung dulo. Punyeta. At least sinubukan ko.
0 notes
xtriestowrite · 6 years ago
Text
Introduksyon ng Isang Maligalig na Isip
Ako si X. Simpleng mamamayan ng Dragonball. Nag-aaral sa unibersidad na tumatakbo sa ilalim ng subsidiya ng gobyerno. Galing sa tax ng mga empleyado, sa pamasahe, sa kending binibili ko, sa... lahat ng makikita mo sa bansang ‘to na maaaring panggalingan ng pera. Tax na nakapataw sa balikat ng lahat ng mamamayan ng bansa, na binubulsa rin naman ng iilan. Ops. ‘Di ako mapulitikang tao, observant lang ako. Ako na ata ang pinaka-observant na tao sa mundo... na nakilala ng mga kaibigan ko. At pinakapayat...okay.
Mahilig akong magkwento, piksyonal man o totoo, lalo na kapag hindi ko kilala ang kausap ko. Kaya siguro ginawa ko ‘to. Bukod sa bored ako kahit sobrang dami ko ng ginagawa, hindi ko kasi mapabayaan na mangalawang yung utak ko. Mahirap na, konting na nga lang kaming matalino hahayaan ko pang mawala ako. Joke. Hindi ako matalino. Random lang akong tao, at saka observant lang ako. Tanungin mo na ako sa lahat ng mga bagay sa paligid ko, wag lang Math at Bio, at wag lang kung sino ako. Mas gusto ko kasing maging no one, or I can be anyone. Pwede akong maging ikaw, maging ako, yung nanay mo, yung tatay mo, yung kapatid mo, yung aso nyo na kung saan saan umiihi (pero di naman ako ganun kabastos), yung tambay sa kanto (palaging may hawak na beer), yung alien sa outerspace na pilit kinukuha ang atensyon ng Earthlings. Pwede akong maging Dyos... or not. Pwede kang makinig sakin, o magbasa, o kung ano mang gusto mong gawin sa blog ko. Bahala ka. Nagawa ko na ang parte ko, depende lang kung hindi ako makapagpost. Pasensya na kung di ako makakapagpost minsan. Hindi ko naman sinabing araw-araw ako makakapagpost. Wala namang ganunan, hindi ko naman ikakagwapo kung marami akong followers. Joke.
Disclaimer lang, hindi lahat ng mababasa mo dito blow by blow na katotohanan. Maaaring twisted truth, maaaring creative non-fiction, maaaring nagtitrip lang ako. Bahala ka kung paniniwalaan mo. Depende rin sa trip ng suspension of disbelief mo. Sakayan nalang ng trip ‘to. Alam kong matanda ka na – age-restricted ‘tong blog ko, bukod lang kung sinungaling ka – kaya siguro naman, hindi ko na kailangang mag-explain. Ang blog na ito ay hindi para sa mga makikitid ang utak at mapanghusga. Nag-explain na ako. Enjoy!
0 notes