Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Ang Simbahan sa Pagitan ng Langit at Lupa: Paglalakbay sa Mapayapang Monasterio de Tarlac
Naging tradisyon na ng aming pamilya ang paglalakbay bilang paraan ng pagsasama-sama, lalo na ngayon na medyo nagkakahiwalay na kami dahil sa iba't ibang landas na gusto naming tahakin sa aming mga buhay, sinisiguro naming maglaan ng oras para sa aming pamilya kahit na minsan na lamang. Dahil dito, pinaplano namin na magkaroon ng kahit na maikling bakasyon upang mapanatili ang aming samahan kahit na madalang na lang. Isa sa mga hindi ko malilimutang alaala ng aming paglalakbay ay ang pagpunta namin sa isa sa mga pinakamagandang simbahan sa Pilipinas. Sa Monasterio de Tarlac.
Medyo may kalayuan ang aming pinagmulan sa Monasterio de Tarlac. Dalawang oras din ang aming ginugol ng nakaupo sa aming sasakyan hanggang sa makarating kami sa simbahan. Dahil ang Monasterio de Tarlac ay matatagpuan sa tuktok ng Mount Resurrection sa San Jose, Zambales, naging nakakahilo ang biyahe paakyat ng bundok. Ngunit gayunpaman, masasabi kong sulit ang tagal ng byahe sa kagandahang taglay ng Monasterio de Tarlac.

Pagbaba pa lamang ng aming sasakyan, ramdam na ang pagkamapayapa ng lugar. Tahimik dito at maririnig ang huni ng mga ibon na hindi na namin nakasanayang marinig sa siyudad. Pinagbabawal ang pag-iingay rito bilang respeto sa Monasterio kaya naman magandang lugar ito kung nais mo ng tahimik na pahinga mula sa kaguluhan ng siyudad.

Malaki ang simbahan dito, hindi rin matao. Ang sabi ng mga lokal dito, marami raw ang bumibisita sa Monasterio tuwing Semana Santa, ngunit sa karaniwang araw, hindi naman marami ang mga taong pumupunta at bumibisita rito. Payapa kaming nakapaglakad-lakad at nakaikot sa buong lugar dahil halos iilan lang ang mga kasabay naming pumunta rito. Tahimik na nagdadasal ang ilan sa loob ng simbahan habang maririnig ang malamlam na awitin ng mga ibon sa labas. Ang bawat sulok ng Monasterio ay puno ng kagandahan at katahimikan na animo'y hinihila ka patungo sa langit.
Sikat dito ang relic ng pinaniniwalaang parte ng totoong krus ni Hesus. Sa kasamaang palad, hindi namin ito napagmasdan ng mapunta kami rito. Maaari naman itong makita ng mga bibisita kung kanilang nanaisin sapagkat ito ay nasa simbahan lang din naman.

Isa ring pinagkakaguluhan dito ay ang napakalaking estatwa ni Hesus na nakaharap sa napakagandang tanawin mula sa taas ng bundok. Maganda itong kuhanan ng litrato at talaga namang kamangha-mangha ang taas nitong umaabot ng 30 talampakan. Mahangin din sa parteng ito ng Monasterio at kitang-kita ang magandang tanawin ng siyudad mula rito. Marami akong nakuhang magagandang litrato sa parteng ito ng lugar at tiyak kong tatatak ito sa isip ko, pati na rin sa isip ng mga nagnanais bumisita rito. Kailangan niyo lamang maging handa mula sa masakit sa balat na init ng araw lalo na kung bandang tanghali kayo lilibot sa lugar.

Kumpleto rin ang mga kailangan dito, maraming tindahan at nasubukan pa naming bumili ng ice cream dito bilang pampalamig sa mainit na tirik ng araw. Mura lang din naman ang mga kainan dito at maaari kang makapili mula sa maliliit na tindahan dito. Mayroon ding sari-sari store at mga nagtitinda ng handmade na alkansya sa tabi ng simbahan, kung saan bumili pa kami ng iba't ibang sukat. Nakabili kami ng anim na alkansya, at dalawa rito ay kasing laki ko pa. Masasabi kong matibay ang kanilang mga binebenta dahil hanggang ngayon nasa akin pa ang mga nabili naming souvenir mula roon. Mabait naman ang mga lokal na tindera rito, at kung nais mo, maaari mong tawaran ang kanilang mga produkto.

Masasabi kong isang magandang destinasyon ang Monasterio de Tarlac. Talagang nakapagpahinga ang aming pamilya mula sa kaguluhan ng siyudad at mula sa mga stress na aming dala. Sa aming sandaling pagbisita sa lugar, panandaliang nawala ang mga problema ng bawat isa at nagkaroon ng katahimikan ang aming mga isipan. Tunay ngang kay gandang puntahan nito at nakakawala ng pagod ang kagandahang taglay ng lugar.
1 note
·
View note