Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Pangarap sa Gitna ng Kahirapan
ni Conrado Pait (Bulakot)
Sa isang maliit na bahay sa bayan ng Victoria, ay may isang batang masipag, matalino, at may matayog na pangarap sa buhay—si Charlie. Siya ang panglima sa siyam na magkakapatid at tanging siya lamang ang nakapagtapos ng pag-aaral sa kanilang magkakapatid. Sa murang edad pa lamang, natutunan na niyang tumulong sa kanyang ina sa pagtitinda ng kakanin upang may pambili ng bigas at ulam para sa kanilang pamilya.
Kahit wala siyang sapat na gamit sa pag-aaral at luma ang kanyang damit, hindi ito naging hadlang sa kanyang pagpupursige. Isang araw, bumuhos ang malakas na ulan kaya hindi sila nakapagtinda. Wala silang bigas at pagkain. Naghati-hati na lamang sila sa laman ng isang tuyong buko na inihanda ng kanilang ama upang mapunan ang kanilang tiyan. Sa kabila ng kahirapan, patuloy na nagsikap si Charlie sa pag-aaral.
Nang siya ay nagtapos ng elementarya, nakatanggap siya ng parangal. Masiglang sigaw niya, “Oii! High school na ako sa darating na pasukan!” Ngunit pagsapit ng high school, muli niyang hinarap ang mga hamon—kadalasan ay hindi siya nakakapasok dahil walang pamasahe. Sa kabila nito, nakatapos siya ng junior high school, kahit walang natanggap na parangal. Buong puso niyang sinabi sa kanyang ina, “Okay lang po, Mama. Ang mahalaga ay nakatapos ako.”
Pagdating ng senior high school, napagpasyahan niyang lumuwas sa Maynila at tumira sa kanyang tita upang doon ipagpatuloy ang pag-aaral. Sa kanyang pagsisikap, nagtapos siya nang may mataas na karangalan. Pagkatapos nito, pinauwi siya ng kanyang ina upang sa probinsya na lamang magpatuloy ng kolehiyo.
Ngunit isang matinding dagok ang dumating—pumanaw ang kanyang ina. Labis ang sakit na naramdaman niya, at nawalan siya ng ganang mag-aral. Sa kabila nito, napagtanto niyang hindi siya pwedeng sumuko. Sa tulong ng alaala ng kanyang ina, nagpatuloy siya sa pag-aaral. Sa panahong ito, may nakilala siyang taong nagparamdam ng pagmamahal, ngunit dahil sa abalang iskedyul, nauwi rin ito sa hiwalayan. Matapos ang lahat ng sakit, pinili niyang magpakatatag at itinuon ang pansin sa kanyang pag-aaral.
Pagkalipas ng tatlong taon, nasa ikatlong taon na siya sa kolehiyo. Muling lumuwas si Charlie sa Maynila upang doon tapusin ang kanyang pag-aaral. Dito, muling umusbong ang pag-ibig sa kanyang buhay, at sa pagkakataong ito ay naging matatag ang kanilang samahan. Sa huli, matagumpay na nagtapos si Charlie sa kolehiyo.
Hindi naging madali ang kanyang mga pinagdaanan—gutom, lungkot, pagkawala ng mahal sa buhay, at sakripisyo—ngunit hindi siya sumuko. Mula noon, mas lalo siyang nagsumikap upang matulungan ang kanyang ama at mga kapatid. Ginamit niya ang kanyang karanasan upang maging inspirasyon sa mga batang katulad niya—mga batang may pangarap sa gitna ng kahirapan.
Aral: Huwag mawalan ng pag-asa. Kahit gaano kahirap ang buhay, kayang maabot ang mga pangarap basta't may sipag, tiyaga, at pananampalataya.
0 notes
Text
Repleksyon
ni (Bulakot)
Ako ang salamin sa lumang aparador sa sulok ng kanyang kwarto. Araw-araw, pinagmamasdan ko siyang lumalaki, lumuluha, lumalaban. Ako ang nakakakita sa kanya kapag ngumingiti siya nang hindi alam ng iba. Ako ang sumasalamin sa mga peklat na itinatago niya sa mundong marahas.
Isang gabi, nilapitan niya ako. Humawak siya sa gilid ko, mahigpit. "Tulungan mo ako," bulong niya. Pero hindi ako makasagot — ako'y gawa lamang sa basag na pilak at lumang kahoy.
Kaya noong sumunod na umaga, nang hindi siya bumangon, at iniwan niya ang katawan niya sa kama, ako ang unang bumasag sa sarili ko — isang hiyaw ng mga bubog, isang repleksyong hinding-hindi na mabubuo muli.
Hanggang ngayon, sa mga piraso ko, nakasilip pa rin ang kaluluwa niya. Hindi na siya alis.
0 notes