Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Amyendahan ang HSA-2007: Hindi sagot ang ATA-2020
Ang Anti-Terrorism Act of 2020 ay isang batas na nagpapawalang-bisa sa Human Security Act of 2007 at nagbibigay ng mas mahigpit na mga probisyon laban sa terorismo, insurhensiya, at insureksyon. Sa batas na ito, mas pinatibay nito ang parusa sa pagsagawa ng terorismo o kahit ang pagiging isang kasabwat sa pagsagawa ng terorismo. Bagaman nakalagay sa isang probisyon na ang pagprotesta, strike, at hindi pagsang-ayon sa gobyerno ay hindi kalakip sa depinisyon ng “terorismo”, may iba pang mga aspeto ng batas na ito ang maaaring makabawas sa constitutionally-guaranteed na kalayaang sibil ng mga Pilipino. Maliban sa isyu na ito, may ibang probisyon sa batas na malabo ang pagtukoy ng iilang mahahalagang termino katulad ng panahong itatagal ng “warrantless arrests” at mga tiyak na “quasi-judicial powers” ng Anti-Terrorism Council. Bukod dito, kahit na sa gitna pa ng isang malawakang krisis sa kalusugang pampubliko, naisagawa pa rin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing kagyat ang pagpasa ng Anti-Terrorism Bill, kaya marami ang nagdududa kung ano ang motibasyon sa ganitong aksyon ng Pangulo. Ayon sa Artikulo III, Sekyon 1 ng 1987 Saligang Batas ng Pilipinas: “no law shall be enacted depriving any person of his or her life, liberty, and property without due process of law”. Nasa kaalaman natin na matindi ang banta ng terorismo sa ating bansa, ngunit dapat isaalang-alang din na ang mga batas na dapat ipatupad ng Kongreso ay hindi maaabuso ng mga kawani ng pamahalaan laban sa mga sibilyan na maaaring mapagmulan ng paglabag sa mga karapatang pantao. Batay sa mga kondisyon na ibinanggit dito, ako ay nagbabatid ng pagsuporta sa pag-amyenda sa dating batas na HSA-2007 at mariing pagtutol sa mga nilalaman at kalikasan ng pagpasa ng Anti-Terrorism Act of 2020.
Sa bagong batas na ito, pinaiigting nito ang proteksyon ng bansa laban sa terorismo. Mabuti naman ang intensyon nito. Mayroon itong probisyon na nagbibigay kapangyarihan sa mga law-enforcement agencies na ilagay sa surveillance ang mga tao o grupo na suspetsadong terorista o mga nakikipagsabwatan sa mga terorista upang matigil ang pagsagawa ng kanilang iligal na operasyon. Subalit, malabo ang pagkatukoy sa salitang “terorismo” sa batas na ito dahil pinalawak din ang depinisyon nito.
Ang pagkakaroon ng malabong pagtukoy ng salitang “terorista” at mga “katangian ng terorismo”, ay maaaring magdulot ng pang-aabuso ng awtoridad. Halimbawa, batay sa Seksyon 4.a ng batas, ang terorismo ay isang aksyon na layon ang pagkamatay, malubhang pinsala sa katawan, o mangin ang pagpanganib sa buhay ng tao. Isa pang nakapagdududang probisyon ay ang Seksyon 4.b ng batas dahil napabilang dito sa terorismo ang mga kilos na naglalayong sirain ang pampublikong ari-arian at paggambala sa mga imprastrakturang pribado o publiko upang takutin ang gobyerno at mag-udyok ng pagbagsak nito. Anumang kilos na maaaring nakapaloob sa malabong probisyong ito ay maaari nang tawaging terorismo at sinumang tao na gumawa nito ay maaaring ma-aresto nang walang warrant at makulong ng hanggang 14 na araw at maaari pang mapahaba ng hanggang 10 araw (Seksyon 29, ATA-2020). Sa dating batas na HSA-2007, hanggang tatlong araw lang dapat makulong ang isang tao na walang warrant of arrest. Sa Seksyon 20 naman ng HSA-2007, nakalagay pa na mayroong parusa ang mga umaarestong opisyal ng sa hanggang 10 taong pagkakakulong kung hindi nila maipakita sa isang mahistrado ang akusadong terorista sa loob ng tatlong araw pagkatapos itong arestuhin. Ngunit sa ATA-2020, binura na ang probisyong ito. Maaaring maabuso ang batas sapagkat wala na itong malalakas na panangga laban dito.
May ilang sugnay ang tinanggal na sa Anti-Terrorism Act na dapat sanang nagbibigay ng mga pag-iingat laban sa pang-aabuso sa batas na ito. Sa Seksyon 9 ng Human Security Act ng 2007, nakalagay ang sugnay na:
“Provided, That the person being surveilled or whose communications, letters, papers, messages, conversations, discussions, spoken or written words and effects have been monitored, listened to, bugged or recorded by law enforcement authorities has the right to be informed of the acts done by the law enforcement authorities in the premises or to challenge, if he or she intends to do so, the legality of the interference before the Court of Appeals which issued the written order.”
Ang sugnay na ito ay nagbibigay ng karapatan sa sinumang tao na tinukoy na terorista na malaman ang ginagawang surveillance sa kanila ng law-enforcement agencies. Binigyan din ng karapatan ang mga hinihinalang suspek na hamunin ang legalidad ng mga aksyong ginagawa ng mga state forces. Subalit, sa kaparehong probisyon ng Seksyon 9 sa HSA-2007, ang Seksyon 18 ng ATA-2020, tinanggal na ang sugnay na ito na nakakatulong sa pagbibigay proteksyon sa karapatang pantao ng mga hinihinalang suspek at mga proteksyon laban sa pang-aabuso sa batas na ito. Makikitang nilalabag nito ang karapatang malaman ng mga taong pinagmamanmanan ng estado ang mga ginagawang pagmamanman sa kanila, at kinuha pa ang kanilang karapatang hamunin sa korte ang isinasagawang pagmamatyag sa kanila.
Dahil sa limitadong impormasyon na makukuha ng mga akusadong tao dahil ginawang classified na ang pagmamanman, maaaring hindi makapagtanggol ang akusado sa mga pinaratang na kaso laban sa kanya. Dahil dito, maaari itong lumabag sa karapatan nila sa pagkakaroon ng tamang due process.
Sa bagong ATA-2020, ang mga pamantayang pag-iingat laban sa pag-abuso ng batas ay nabawasan din. Noon, sa Seksyon 36 ng HSA-2007, detalyado pa at mabigat ang ng mga taong lalabag sa probisyong “Malicious Examination of a Bank or a Financial Institution”. Subalit sa kaparehong probisyon na ito sa Seksyon 37 ng ATA-2020, binawasan ang mga parusa sa sinumang tao na lalabag sa seksyong ito. Naging malabo na rin ang pagtukoy sa mga taong lalabag sa probisyong ito, at maaaring mapasailalim sa hindi kanais-nais na interprestasyon. Sa Seksyon 47 naman ng dating HSA-2007, nasa 12 hanggang 20 taon ang parusang pagkabilanggo sa sinumang tao na lalabag sa probisyong “Furnishing False Evidence, Forged Document, or Spurious Evidence”. Ngayon, sa Seksyon 43 ng ATA-2020, binawasan na rin ang parusa sa mga taong ito at ginawang anim (6) na taon na lamang.
Sa HSA-2007 kinakailangan ng mga imbestigador at law enforcement personnel na kumuha ng written order mula sa Court of Appeals bago imbestigahan at galugarin ang bank deposits ng mga akusado. Ito ay isang safeguard laban sa pang-aabuso ng batas. Ngunit sa ATA-2020, ang Seksyon 35 o “Anti-Money Laundering Council (AMLC) Authority to Investigate, Inquire into and Examine Bank Deposits” ay nagbibigay ng kapangyarihan sa AMLC na galugarin ang personal accounts ng mga akusadong terorista na walang court order. Ito ay labag sa due process at maaaring gamitin ng kahit anong administrasyon laban sa kanilang mga kalaban sa politika. Ang pinaka-importanteng proteksyon laban sa pang-aabuso ng batas na ito ay binura na rin sa ATA-2020. Sa Seksyon 55 ng HSA-2007, ang Commission on Human Rights (CHR) ay may kapangyarihang isakdal ang mga opisyales at law enforcement personnel na lalabag sa anumang probisyon ng batas na ito. Sa ikalawang sugnay ng Seksyon 55, HSA-2007, nakalagay ang tekstong ito:
“…and for this purpose, the Commission shall have the concurrent jurisdiction to prosecute public officials, law enforcers, and other persons who may have violated the civil and political rights of persons suspected of, or detained for the crime of terrorism or conspiracy to commit terrorism.”
Ngayon, sa kaparehong probisyon nito sa Seksyon 47 ng ATA-2020, tinanggal na ang bahaging ito ng Seksyon 55 ng HSA-2007. Ang “Checks and Balances” ay kinakailangan din upang masigurado na hindi lalakas ang isang sangay ng pamahalaan sa iba pang sangay nito. Ngunit sa Seksyon 50 ng ATA-2020, pinaliit ang kapangyarihan ng Kongreso o “oversight powers” nito kumpara sa HSA-2007. Naging taunan na lang ang pag-ulat ng Anti-Terrorism Council sa Kongreso kumpara noong ito’y ginagawa tuwing anim na buwan sa ilalim ng HSA-2007. Kinakailangang higpitan ng batas na ito ang “Checks and Balances” upang maiwasan ang pag-aabuso nito.
Batay sa mga inilathalang argumento sa papel na ito, ang Anti-Terrorism Act of 2020 ay isang mapanganib na batas sa ating Konstitusyon at karapatang pantao. Ang terorismo ay isa sa pinakamalalang problema ng Pilipinas ngayon. Kinakailang ng bansa ang isang batas upang labanan ito. Ang batas na ito ay may mabuting motibo na protektahan ang kapayapaan ng bansa at kaligtasan ng mga Pilipino laban sa mga radikal na Jihadist at Komunistang terorista sa mga kanayunan, subalit hindi dapat susupilin ng batas na ito ang karapatang pantao ng mga Pilipino. Mas mainam na amyendahan ng Kongreso ang Human Security Act of 2007 upang matitityak nito na protektado rin ng pamahalaan ang karapatang pantao at kalayaang sibil ng mga Pilipino.
BIBLIOGRAPIYA:
Constitutional Convention, Republic of the Philippines. (1987). Saligang Batas ng Republika ng Pilipinas. Retrieved from: https://www.officialgazette.gov.ph/constitutions/1987-constitution/
Congress of the Philippines, Republic of the Philippines. (2007). Republic Act No. 9732: Human Security Act of 2007. Retrieved from: https://www.officialgazette.gov.ph/2007/03/06/republic-act-no-9372/.
Congress of the Philippines, Republic of the Philippines. (2020). Republic Act No. 11479: Anti-Terrorism Act of 2020. Retrieved from: https://www.officialgazette.gov.ph/2020/07/03/republic-act-no-11479/.
3 notes
·
View notes