Tumgik
chloedanesantos · 5 years
Text
Tugon ng Masa
“Iskolar ng Bayan, ngayon ay lumalaban!” 
“Makibaka, huwag matakot!” 
Ayon sa isang artikulong nilimbag ng  Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas na isinulat ni Quennie Ann J. Palafox at pinamagatang “Ang Papel ng Aktibismo ng Mag-aaral sa Kalayaan ng Pilipinas”, ay ipinahayag dito ang kilusang binuo nila Gat Jose Rizal para sa pag sulong ng kalayaan ng Pilipinas mula sa mga prayle at inilahad din dito na ang aktibismo ay hindi lumabas ng parang bula o nauso lamang, kundi ito ay isang tugon sa umiiral na mga kondisyon sa lipunan at isang pagpapakita ng kawalang-kasiyahan o pag piglas sa katayuan sa lipunan. Ito ang pag papakita na hindi ka robot at sunod sunuran sa kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan. 
Sa pag lipas ng panahon, maraming tagumpay na ang natamo ng mga Pilipino dahil sa aktibismo. Una na nga rito ay ang kalayaan ng Pilipinas mula sa mga prayle, pati na rin ang karapatang mag-aral at bumoto ng mga kababaihan, libreng edukasyon sa kolehiyo at marami pang iba. 
Hindi totoong walang magagawa ang kabataan at ang bawat mag-aaral, dahil mula pa man noon, may ambag na sa reporma ng lipunan ang aktibismo. Nasa panahon tayo ngayon kung saan madaling makuha ang mga ideya at impormasyon tungkol sa mundo na ang lipunan ng mga tao ay maaaring baguhin sa lahat ng pagkakataon kung mayroon itong problema, dahil tayo ay natuto nang lumaban at hindi maging sunod sunuran. 
Nagkakaroon tayo ng pagkilos dahil nagkakaroon na ng kamalayan ang mga tao sa tunay na kalagayan ng lipunan dahil sa nagbabagong eduksyon o transformative education na pinapalaganap ng mga gurong at mga taong mayroon ng social commitment - o ang kamalayan, kamulatan at pag kilala sa minorya. 
Mayroong kasabihan na “kasalanan na ang pumikat kapag ika’y namulat na” pero karamihan sa mga mamamayan ay pinipiling ipag sa walang bahala ang tunay na kalagayanan ng lipunan para sa pansariling interes at kapakanan lalo na ang mga nasa kapangyarihan at nag papatakbo ng kalakalan at pera sa lipunan, kung kaya’t ang mga pag kilos ay patuloy na nagaganap upang gisingin ang mga diwa ng bawat isa dahil panahon na para gumawa ng aksyon dahil mas marami na ang naaapektuhan at nahihirapan dahil sa problema ng lipunan. 
Hindi totoong wala kang magagawa dahil kung babalikan ang sistema ng kasta o ang tatsulok sa lipunan, mas marami ang nasa baba, o ang nasa minorya, kapag tayo ay nag sama sama, mas malakas at mas matibay upang pababain ang iilang nasa kapangyarihan. 
Kung kaya’t makiisa at makilahok sa pag kilos, pagtuunan ng pansin ang mga problema at sistema ng lipunan, huwag puro telebisyon, midya, at huwag lunukin na lamang ang isinusubo ng lipunan dahil bilang tao na may kakayang mag-isip, mangatuwiran at sumuri, hindi lahat ng sinusubo sayo ng lipunan ay nakakabuti sayo. 
Dahil walang pag kilos kung walang kamalayan na mayroong problema sa lipunan na iyong kinabibilangan. Ang lipunan ay hindi lamang ang nakapaligid sayo, ang lipunan ay ang bumubuo ng iyong pagkatao. 
Mahirap kalaban ang deka-dekadang bulok na sistema, kaya bilang bagong punla para sa pag babago ng lipunan, huwag ka na sumama sa bulok, tiwali at anay na nag aambag sa bulok na sistema ng ating lipunan. Palawakin ang kamalayan at huwag magpasakop sa totalitaryanismo - ang pagkontrol ng isang grupo ng makapangyarihan na tao, pinapahalagahan nito ang estado sa halip na sa mga mamayanan. Sa pag papalawak ng pansariling kamalayan at kaalaman, pinauunlad mo ang iyong sarili pati na rin ang lipunan, dahil ang pag pagpaunlad na ito ay hindi mo makukuha sa lipunan sapagkat may nakikinabang sa kamangmangan ng mga tao para hindi sila matutong mangatuwiran at sumuri, para patuloy lamang silang tumanggap ng isusubo ng lipunan.
Sanggunian:
http://nhcp.gov.ph/the-role-of-student-activism-in-the-philippine-independence/
https://brainly.ph/question/1158450
0 notes
chloedanesantos · 5 years
Text
Pag papalaya sa Edukasyon
Kung babalikan ang bidyong “Misedukasyon” sa Youtube, sinagot ng bidyong ito kung ano ang kailangan upang mapalaya ang edukasyon,  ito ay ang transformative education o nag babagong edukasyon. Paano ba nasabing hindi malaya ang edukasyon? Ang edukasyon ay hindi malaya dahil tinutugunan lamang nito ang pangangailangan ng negosyo na binuo ng mga transnasyonal na mga korporasyon. Kasabay sa pag papalaya sa edukasyon ay ang pag papalaya sa lipunan, dahil pinapalaya din nito nag pag-iisip ng bawat tao. Hindi ka relihiyoso o naniniwala na isa lamang ang tama, isa lamang ang maganda. 
Ang transformative education ay ang pag tuturo sa mga mag-aaral ng tamang pangangatuwiran at pagiging kritikal. Ang pagiging kritikal ay may katangian na laging pag dududa, hindi ka basta basta tumatanggap ng mga impormasyon dahil lahat ng ito ay dumadaan sa pag susuri o pangangatuwiran. At sa mas malalim na kahulgan, ang nag babagong edukasyon ay pagkakaroon ng social commitment, na kung saan ito ay kinapapalooban ng social awareness o kamalayan, social conscience o kamulatan at identification with the poor majority. Ang edukasyon na hindi lamang teknikal na kakayahan ang pinapaunlad, kundi pati na rin ang pagkatuto sa pakikiisa sa lipunan, ang pakikisali sa mga kaganapan sa lipunan at ang pagkakaroon ng hakbangin para makatulong sa pagbibigay ng solusyon sa problema ng lipunan, dahil kasama tayong lahat sa pag bubuo sa reyalidad ng lipunan. Kasabay sa transformative education o nag babagong edukasyon ang pagwawaksi sa lip service o  sa pag tuturo lamang o pag papanatling kaalaman lamang at hindi naisasabuhay. Kumbaga, puro teorya lamang, walang aksyon. Ang tunay na edukasyon ay kailangan pagtuunan ng pansin ang kabuuang pagkatuto, hindi lamang sa mga leksyon o intellectual masturbation. Kailangan din ng aksyon o pag gawa, hindi lamang mga teorya o leksyon, o ang praxist. 
Ang epektibong edukasyon ay nag lilikha ng produktibong mamamayan. 
Bakit?
Kung ang mga manggagawang ang puhunan ay lakas ng katawan, ay matututong mag basa ng literatura at panitikan, ganoon parin ba sila pakikisamahan at titignan ng lipunan sa ngayon? Hindi. Dahil kapag nagkaroon ng pag katuto, hindi sila magiging static o matututo silang lumabas sa kahon na kinapapalooban nila. Sa madaling salita, kung ang trabaho nila ay guwardiya, hindi sila mananatiling guwardiya dahil may alam sila. 
Kung ganito ang kapangyarihan ng epektibong edukason, bakit hindi lahat ay nabibigyan nito?
Dahil may nakikinabang sa kamangmangan ng mga tao. 
Kung ikaw ay isa mga mapagsamantang nag haharing-uri, hindi mo hahayaang matuto ng pangangatuwiran at pagiging kritikal ang mga tao dahil kapag nangyari iyun, hindi mo maisakakatuparan ang mga gusto mong mangyari dahil matututo silang humindi at pumiglas sa lahat ng iyong kagustuhan. 
Ang sinabi ni Gat Jose Rizal na kabataan ang pag-asa ng bayan, na dapat nga talaga, ngunit ang mga institusyon na dapat nag papaunlad sa mga kabataang ito ay lalo pang pinapahina ang mga kabataan sa pamamagitan ng pag tuturong wala na tayong magagawa upang mabago ang lipunan at hayaan na lamang ang mga opisyal ng gobyerno na gawin ito para sa atin at intindihin na lamang ang itinuturo ng mga guro. Dapat malaman ng mga kabataan ang mga problema ng lipunan at kung ano ang maaaring gawin upang masolusyunan ang mga problemang ito dahil kasama tayong lahat sa sistema ng lipunan. Dapat magkaroon ng integrative learning  o ang pag-aaral na hindi lamang nakabase sa lulutuin ng mga guro at ipapakain sa mga mag-aaral na mga leksyon, bagkus kasama sa pag tuturo ang buong lipunan - mga pangyayari at problema nito. 
0 notes
chloedanesantos · 5 years
Text
Basag na Salamin
Sa nakaraang pahina, ang salamin ay inihalintulad ko sa pamamaraan natin kung paano natin tignan ang mundo. Kung gagamitin parin natin ang depinisyong ito sa pahinang ito, ang salamin ay ang pamamaraan kung paano mo tignan ang mundo at ang salaming ito ay basag. Basag dahil sa iba’t ibang uri ng panlilinlang at huwad na patalastas para hindi mo makita ang reyalidad na pinapakita ng salamin. 
Ang mag mulat at mag pakita o mag palaganap ang dalawa sa maraming gamit ng salamin, ngunit kung ito’y basag, paano ito makakapag pamulat at makakapag pakita ng reyalidad?
Ang salaming ito na binigyang depinisyon sa nakaraang pahina ay ang idelohiya- idelohiya kung paano tignan ang mundo, at ang mga tao.
Ang mga tao,
Ang mga taong nasa ibabang parte ng tatsulok - ang inaaping-uri.
Ang inaaping - uri,
Ang anakpawis.
Ang anakpawis, ang terminong ginagamit sa pangkalahatang tawag sa mga mahihirap. Ngayon, sa pamamagitan ng basag na salamin para tignan ang mundo at mga tao, paano mo makikita at mundo sa pangkalahatang kondisyon nito at hindi lamang ang kondisyon ng iyong sarili?
Isang pantapal o pandikit sa basag na parte ng iyong salamin ang literatura. Literatura na ginawang instrumentong mapagpalaya ng mga uring anakpawis. Sa pamamagitan ng literatura, nailalahad at naipapalaganap ang dapat na makita mo sa salamin kung hindi ito basag, dahil iyon ang reyalidad. Ngunit, panibagong hadlang nanaman ang umusbong, dahil sa mundo na puno ng kapitalista, negosyante at mapagsamantala, hindi nila hahayaan na mamulat at magising ang diwa ng nakakarami na mali ang kanilang ginagawa dahil hini na nila maisasakatuparan ang kanilang mga mithiin. Panibagong instrumentong mapaglinlang, ang poverty porn. Dahil ang anakpawis ay tumutukoy sa mga taong mahihirap, at ang literaturang tinutukoy ay tungkol sa pagpapahayag ng kanilang sitwasyon, ang poverty porn ay isang mekanismo na ginawa ng mga kapitalista’t negosyante kasama ang mga mapagsamantala upang palakasin ang false consiousness o maling kamalayan na itong mga nasabing kapitalista’t negosyante na ito ay nakiki-isa sa umuusbong na usapin tungkol sa anakpawis, ngunit ang totoo ay pinag kakakitaan pa nila ito. Gaya ng nasabi sa isang pahina tungkol sa midya at telebisyon, na isa ito sa humuhubog ng salamin mo kung paano mo tignan ang mundo, ay ganoon din sila sa pag papalaganap ng poverty porn. Pinapakita nila sa mga palabas na ito na may isang mahirap ang naging maayos ang buhay kahit na siya’y naghihikahos sa una, kahit hindi binabago ang lipunan. Ipinapakita lamang nito na gumagana pa ang sistema ng lipunan. Halimbawa dito ay ang Wish Ko Lang at Wowowin. Kung saan ipinapakita nila ang mukha ng kahirapan ngunit hindi nila pinapakita ang totoong dahilan nito, hindi nag bibigay ng kongkretong aksyon kung ano ang dapat gawin para puksain ito, dahil binibigyan na lamang nila ito ng “tulong”. Kung kaya’t nag mumukhang aasa na lamang sa “tulong”  na kanilang ibinibigay para gawing pag-asa na umahon sa kahirapan,
kaibahan sa ibinibigay ng literaturang hango sa uring anakpawis. Bukod sa pag papakita ng tunay na kalagayan, nag bibigay din ito ng mga hakbangin kung paano makakaalis sa kinasasadlakang kahirapan. 
Isang malaking anay din sa pangkalahatang istruktura ang kapitalismo, dahil hindi lamang sila nakatuon sa kung ano ang bibilhin mo, ngunit pati na rin sa patutunguhan o direksyon ng iyong binibili, o ang tinatawag na cultural capitalism. Ang cultural capitalism ay ang driving principle of wealth accumulation. Halimbawa nito ang sinasabi ng mga negosyante na pag bumili ka nito, ang kikitain nila ay mapupunta o ibibigay sa mga taong nangangailangan. Kumbaga, ang cultural capitalism ay ang ‘amo’ ng isang alipin, at ang ‘amo’ na ito ay pinipilit maging mabait sa alpin niya para hindi maisip ng alipin na inaalipin siya, ito ay ayon sa isang pilosopong nag ngangalang Slavoj Zizek. 
Bukod sa midya, telebisyon, edukasyon at negosyante at iba pang mga nabanggit sa mga naunang pahina na kasama sa nag papalinaw o gumagawa ng iyong salamin, kasama na rin dito ang mga publishing houses dahil nililika nito ang kamalayan at pagkatao ng mga taong mag papatuloy ng sistema sa lipunan. At malabong lumikha ang mga ito ng mga taong may matalas at kritikal na pag-iisip upang makita ang tatlong salot sa lipunan - ang burukratang kapitalismo, pyudalismo at imperyalismo. 
Sanggunian:
https://economicsociology.org/2015/01/10/you-george-soros-and-zizeks-cultural-capitalism-we-all-buy-our-redemption-from-being-only-consumerists/
0 notes
chloedanesantos · 5 years
Text
Salamin ng pag Tingin
Ayon sa isang Italyanong komunista na si Antonio Gramsci, ang hegemoniya o gahum sa wikang Bisaya ay kung saan ang isang klase ng mga tao sa isang lipunan ay nakakagawa ng isang pampulitika, intelektwal at moral na pamumuno na nakakagawa ng ating Weltanschauung- isang partikular na pilosopiya o pananaw natin sa buhay; ang pananaw sa mundo ng isang indibidwal o grupo. 
Ayon naman sa Griyegong Pilosopo na si Karl Marx, sa kaniyang teorya tungkol sa kapitalistang lipunan, ito raw ay binubuo ng dalawang parte- Superstructure at Base. Ang Superstructure ang parteng nasa ibabaw ng lipunan, ay ang mga tagagawa ng ideya. Halimbawa nito ay ang paaralan, relihiyon, gobyerno, midya at pamilya. Ang Base naman, nasa ibabang parte ay ang materyal na kondisyon ng isang lipunan kung saan nakapaloob dito ang tagagawa ng mga pangangailangan sa buhay. Halimbawa nito ay ang mga institusyong pang-ekonomiya, kasama ang mga negosyante at artista. 
Ano ba ang koneksyon ng dalawang konsepto mula sa dalawang tao sa pamagat- Salamin ng pag Tingin?
Kung babalikan natin ang gahum ni Gramsci at ang dalawang parte ng kapitalistang lipunan ni Marx, mahihinuha natin dito ang idelohiya. Ayon sa Merriam Webster, ang idelohiya ay isang paraan o nilalaman ng pag-iisip na katangian ng isang indibidwal, grupo, o kultura. Kung ang idelohiya ay paraan o nilalaman ng pag-iisip ng isang indibidwal, masasabi nating ito ang produkto ng gahum at superstructure na mayroon ang isang lipunan. Samakatuwid, ang dalawang konsepto ay nakakaapekto kung paano mo tignan ang lipunan, dahil ang idelohiya ay ang salamin mo kung paano mo tignan ang mundong ginagalawan mo. 
Ang epekto ng dalawang konseptong binanggit ang nag reresulta rin sa maling kamalayan o false consciousness, lalo na pag dating sa usaping sekswalidad. Isa pang konsepto ang nag palakas sa maling kamalayan ng mga Pilipino, ito ang Istrukturang Patriarkal ng ating lipunan. Ang Istrukturang Patriarkal na lipunan ay isang lipunan kung saan ang kapangyarihan at pamamahala ay nasa kamay ng kalalakihan. 
Halimbawa nito ang pinalalabas ng midya, sa pelikula, dula, diskurso at maging sa fairy tales na kinahuhumalingan ng mga babaeng bata, na hindi natin alam, dahil sa gahum at superstructure, itinuturo na natin sa mga batang babae sa kanilang murang edad ang women objectification. Kasama na rin dito ang popular culture, ito ay ang mga kinikilala ng mga miyembro ng isang lipunan bilang isang hanay ng mga kasanayan, paniniwala at mga bagay na nangingibabaw o taglay ng lahat ng lipunan sa isang naibigay na punto sa oras.
Ngunit, kailan nga ba nagsimula ang patriarkal?
Ayon kay Friedrich Engels na isang Griyegong pilosopiyang sosyalistang pilosopiko, ang pinakamalapit na tagasuporta ni Karl Marx sa pundasyon ng modernong komunismo, sa kaniyang librong pinamagatang The Origin of the Family, Private Property and the State, noong unang panahon kung saan sinauna estado pa ang mayroon tayo na lagalag pa ang mga tao, lipi o clan lamang ang mayroon at wala pa ang samahang panlipunan na pamilya o family. Sa lipi ng tribo noon, walang pinagkaiba sa panahon ng pagpaparami sa mga hayop ang kalagayan ng lipunan, na kung saan ang mga kalalakihan ay nasa liblib na parte ng gubat at namumuhay magisa at gumagawa ng mga kagabitan, at ang mga kababaihan naman ay nasa pusod ng gubat, nag aalaga ng mga bata, nag papakain. At ang mga kalalakihan sa liblib na parte ng gubat ay pupunta lamang sa lugar ng mga kababaihan sa panahon ng pag paparami at pagkatapos noon ay babalik na muli sa lugar nila. Kung kaya’t ang kapangyarihan ay hawak ng mga kababaihan dahil sila ang nag papakain at nag aalaga sa mga bata ng tribo. Walang pakialam ang mga kalalakihan kung sino ang kanilang nakakatalik, nabubuntis at nagiging anak; gayundin ang mga kababaihan na wala ring pakialam kung sino ang kanilang nakakatalik. At iyun ang walang sarkang pagtatalik. Ngunit nang maisip ng mga kalalakihan ang kamatayan, at kung paano nila mapapanitili ang kanilang alala, doon pumasok ang konsepto ng pamana. Pero paano nila malalaman kung sino ang kanilang pamamanahan, o ang kanilang mga anak kung sa gayon ay wala silang pakialam kung sino ang kanilang nabubuntis? At wala silang kasiguraduhan na sa kanila nga ang batang isinilang dahil sa walang sarkang pagtatalik, doon nag simula ang konsepto ng virginity. At kasabay nito ang pag kuha ng kapangyarihan ng kalalakihan sa mga kababaihan dahil nagkaroon na ng konsepto ng kasal at hindi nag laon, nagkaroon ng pamilya, na arena raw ng kalalakihan upang alipinin ang mga kababaihan. Nagkaroon ng konseptong pamilya dahil ito ang sagot ng lipunan sa krisis na nararanasan noon ng isang lipunan dahil sa pag dami ng populasyon.
Lahat ng paghahari at makapangyarihan na kaisipan ay nanggagaling sa lalaki dahil hawak nila ang kakayahan sa ekonomiya o economic capability na mag tustos sa pangangailan ng kaniyang mga anak- edukasyon at pangunahing pangangailangan. Ang kakayahan mong hawakan ang ekonomiya ay nag reresulta sa iyong kapangyarihan. At ang kapangyarihan ay kinukuha, hindi ito binibigay, at pinag-aaralan ito kung paano ito gumagana. 
Kung kaya’t natutunan ng mga kababaihan na mag-aral at magtrabaho upang maibalik sa kanila ang kanilang kapangyarihan at matibag ang hindi pag kakapantay-pantay. Doon nag simula ang peminismo. Ang peminismo ay ang pagkilos ng politika, kultura, at pang-ekonomiya na naglalayong magtatag ng pantay na karapatan para sa kababaihan. Mayroong tatlong klase ng peminismo, una ang peminismong liberal na naglalayon ng pantay na karapatan para sa kababaihan sa ilalim ng batas. Ikalawa, ang peminismong marxista na rebolusyon ang nakikitang solusyon para makamit ang bagong lipunan na nagtataglay ng pantay-pantay na karapatan. At panghuli, ang peminismong radikal na naglalayong buwagin ang samahang panlipunan na pamilya.
Ngayon, anong klaseng salamin ang iyong suot?
Sanggunian:
https://blogs.commons.georgetown.edu/engl-090-02-spring2015/2015/04/06/base-and-superstructure/#targetText=Marx%20defines%20the%20base%20as,eventually%20put%20up%20for%20exchange.&targetText=So%2C%20for%20Marx%2C%20art%20and,relationship%E2%80%9D%20between%20art%20and%20society 
https://www.merriam-webster.com/dictionary/Weltanschauung
https://www.marxists.org/history/erol/ncm-7/tr-gramsci.htm#targetText=According%20to%20Gramsci%2C%20hegemony%20(“,view%20or%20“organic%20ideology.”
https://www.merriam-webster.com/dictionary/ideology
https://brainly.ph/question/144571
https://www.britannica.com/biography/Friedrich-Engels marxists.org/archive/marx/works/1884/origin-family/index.htm
http://www.ohiohumanities.org/betty-friedan-the-three-waves-of-feminism/#targetText=Betty%20Friedan%3A%20The%20Three%20Waves%20of%20Feminism&targetText=The%20term%20feminism%20describes%20political,and%20legal%20protections%20for%20women.
0 notes
chloedanesantos · 5 years
Text
Nakakabulag na Kasiyahan
Isa ka ba sa mga taong nahuhumaling sa telebisyon?
Sa mga pinalalabas nito? Sa mga aktor at aktres?
Kung oo, ikaw rin ay isa sa mga nalilinlang sa pamamagitan ng hegemonya ng mga taong mas mayaman at mas makapangyarihan. Ang hegemonya ay isang pamumuno sa pamamagitan ng intelektuwal na aspeto. Kumbaga’y pamumuno at pananakop gamit ang kapangyarihan na kung sumalay ay pailalim, o malambot na kapangyarihan na hindi gumagamit ng pisikal na lakas.
Iba’t ibang porma ng pagbibigay aliw sa manunuod ang kayang ibigay ng mga aktor at aktres sa entablado o sa pelikula man, na nagmula pa noong panahon ng kolonyal ng Amerika at Espanya. Mula sa mga dayuhang nanakop sa ating bansa, makikita parin natin ang pang-aapi sa ating lahi ng mga dayuhan kahit sa pamamagitan ng pagbibigay kasiyahan sa manunuod.  Dahil mula sa kaisipang itinanim ng dayuhang Espanyol at Amerikano, ang maputi, matangkad, blonde ang buhok, berde o asul ang mata, ang siyang maganda. Kaabikat parin dito ang totaliyarismo, na iisang kagandahan. Ang batayan na ito ng kagandahan ay nakaayon sa pisikal na kaanyuan ng mga dayuhan. Kung kaya’t pati na rin ang ekonomiya ng bansa ay apektado, ang lokal na mga produkto ay tinatalikdan upang tangkilikin ang mga produktong pampaputi o mga produktong may kakayahan na gayahin ang itsura ng mga dayuhang Kanluranin. Ang pang-aaping hindi makikita dahil nakatago sa paraan ng komedya, na kung saan ang mga mestizo ay nakakatanggap ng bidang papel sa bawat pagtatanghal, at katawa-tawa naman o inaapi ang natatanggap ng mga aktor o aktres na nag tataglay ng pisikal na representasyon ng isang tunay na Pilipino. Sa kabila nito, patuloy parin ang pagtangkilik natin sa pinilakang-tabing kahit pa’y ang iyong lahi ay ginawang katatawanan at binabastos.
Ngunit, hindi naman masama ang pagkahumaling sa mga palabas sa telebisyon, pelikula o entablado. Ang kaisipang idinudulot nito ang siyang lason para sa atin, dahil pinagmumulan ito ng sanhi kung bakit kahit sa pag pili ng iboboto ay kinukunsidera natin ang kanilang mga papel sa pelikula o mga pelikulang ginaganapan dahil baka nga naman sa totoong buhay ay ganoon din sila. Pati nga lason na malakas manghikayat na panuorin at abangan na lamang ang mga palabas na ito mag hapon at mag damag na nagdudulot sa atin na kalimutan ang mas malalim na problemang ating kinahaharap, imbis na ating suriin at intidihin nang kritikal.
Hindi lamang ang papel o pelikula ang siyang lumalason sa atin, kundi pati na rin ang mga panitikan at relihiyong ipinagkaloob sa atin ng mga mananakop, kasama na rito ang konsepto ng bayani, api at masokismo. Na kung sino ang inaapi, siya ang bayani o kahali-halina sa paningin ng iba, at ang relihiyon na nagsasabihing kung sino ang mas nahihirapan o nasasaktan ang siyang mas pagpapalain sa huli-masokismo. Ang mga kaisipang ito ang nag turo sa atin na tiisin ang nangyayari sa kasalukuyan at isiping ang kaginhawaan ay nasa dulo ng lahat ng paghihirap, imbis na aksyunan agad ang paghihirap upang makamit na ang kaginhawaan.
Sa kabila ng lahat ng ito, may mga pagkakataon na sinusubukang lupigin ng kaparehas na mekanismo ang dulot nitong lason sa atin ngunit sadyang hindi naisakakatuparan ang ganitong adhikain at layunin. Kung minsa’y maririnig mo na bakit pa lulupigin ang ganitong mekanismo kung ito na lamang ang nagbibigay aliw at kaginhawaan sa kanila mula sa lahat ng klase ng kahirapan-sa panloob man o panlabas. Ngunit, ito’y panandalian lamang. Kung kaya’t babalik tayo muli sa sinabi ni Nicanor Tiongson na kung hindi mababago ang ganitong pag-iisip, wala nang pag-asang mabago at umunlad pa ang Pilipino.
0 notes
chloedanesantos · 5 years
Text
Hubo’t hubad at Pinagpye-pyestahan
Hindi ba’t sa panahon ngayon, kung sino ang mas kita ang laman sa pananamit, siya ang pinagtutuunan ng pansin? Kung sino ang mas pinapakita ang araw araw na kaganapan sa buhay, siya ang mas popular? Kung sino ang mas maraming nakukuhang materyal na bagay at lugar na pupuntahan, siya ang mas pinapanigan? 
Hindi lang pala tuwing eleksyon importante ang popularidad, pati na rin sa trabaho- sa pelikula, telebisyon, magasin, at maging sa pagmomodelo. Ngunit ang lahat ng nabanggit ay hindi angkop sa nakararami, kung kaya’t pag-usapan natin ang mas angkop sa nakararami tungkol sa popularidad.
Ang internet.
Hindi katulad ng mga taong ang trabaho ay ang nabanggit, walang sahod na natatanggap ang mga taong nakatatanggap ng popularidad sa internet, kundi kumpyansa lamang sa sarili at kasiguraduhan sa pansariling batayan na tanggap ka sa lipunan. Kung kaya’t ang mga bagay na dapat ay pribado at pansarili lamang, ay nagagawang isapubliko upang ipaalam sa ibang tao na ikaw ay buhay. Kaakibat nito ang pagtalikod natin sa reyalidad, at tanging pag tuunan ng pansin ang lahat ng nakikita sa internet.
Ngunit sa panahon na bagong usbong ang internet at iba pa sa ginagamit natin ngayon, na pangkatuwaan lamang, ang internet ay isang rebolusyonaryong kagamitan-sa pamamagitan ng blog. 
Ginagamit ang blog noon sa pagbabahagi at pagpapalaganap ng mga akda o saloobin ng mga manunulat ukol sa mga usaping kinasasangkutan ng mga tao at ng bayan, malaya at hindi nililimitahan. Kung kaya’t ito ay naging kagamitan sa rebolusyon na may layuning ipalaganap ang maling gawain ng mga nasa matataas na posisyon at layuning magmulat sa iba pang mga Pilipino. 
Iyon ang gamit ng internet noon, na malayong malayo na sa pag gamit natin sa internet ngayon. Gaya ng nasabi sa itaas, pangkatuwaan na lamang ang gamit natin sa internet. Mangilan ngilan ay pagsasaliksik sa tuwing kinakailangan sa mga asignatura sa paaralan. Ang rebolusyonaryong kagamitan noon ay naging anay na lamang na unti-unting pumapatay sa atin. Nariyan ang huwad na balita na kung saan ay maraming naloloko dahil sa kawalan ng interes sa pagsasaliksik ng katotohanan dahil mas nakatuon ang ating pasin sa pag paparami ng likes sa facebook. Hindi rin tayo maalam sa kinahaharap ng ating mga manunulat tungkol sa kani-kanilang mga akda na sinasamantala ng mga kapitalista at ibinebenta ng mahal kung kaya’t nahihirapan kumuha ng sanggunian. 
Tuluyan na ngang nabago ng panahon ang pag gamit at pag tingin natin sa mga bagay katulad ng internet, na dating makapangyarihan para sa pagbabago tungo sa magandang kapakanan ng lahat, ay naging makapangyarihan na sa pangaalipin at pag-upos sa kamalayan ng bawat mamamayan. Nauubos ang oras sa pag-iisip kung paano maipaparating sa iba na ikaw ay nabubuhay sa pamamagitan ng pagpapaskil sa kaniya-kaniyang profile- na kung titignan at susuriing mabuti, may malaking ambag parin ang mga mapagharing-uri sa ganitong pag-iisip ng ibang tao- ang totalitaryanismo. Ang iisang konsepto ng kagandahan, kabutihan at katotohanan. Na siyang pinagmulan ng kanilang paghihintay sa pagtanggap ng iba para sila’y magkaroon ng kumpyansa sa sarili. At kung ikaw ay hindi kabilang sa naghaharing-uri, natural na ika’y aapihin, sa ano mang paraan sa ating lipunan, kung kaya’t gagamitin mong mekanismo ang internet upang ipaalam sa iba na ikaw ay nabubuhay, at ikaw ay katulad din nila. 
0 notes
chloedanesantos · 5 years
Text
Mahika ng Wika
 Ano nga ba ang ibig sabihin ng wika? 
Ayon kay Todd (1987) ang wika ay isang set o kabuuan ng mga sagisag na ginagamit sakomunikasyon. Ang wikang ginagamit ng tao ay hindi lamang binibigkas na tunog kundi ito4ysinusulat din. Ang mga tunog at sagisag na ito ay arbitraryo at sistematiko. Dahil dito ay ayonsa kanya, walang dalawang wikang magkapareho bagamat bawat isa ay may sariling set ngmga tuntunin
O sa madaling salita, ito ay instrumento ng komunikasyon.
Sa mas malalim pang pag-unawa, ano nga ba ang wika?
Ang wika ang nag didikta ng iyong katayuan sa lipunan. Kung ingles ang gamit mong wika, ika’y napapabilang sa mga nasa tuktok ng tatsulok, o mga nag haharing-uri, mga elitista. Kung filipino naman ang iyong gamit, ikaw ay mahirap lamang, o mga inaaping-uri. Bakit? Dahil noon, sa paaralang pantangi lamang ginagamit ang wikang ingles sa kadahilanang upang ika’y makasabay sa mga dayuhan sa iba’t ibang bansa. Mula rito, ang wikang ingles ay hindi lamang nagiging paraan ng komunikasyon ngunit paraan din ng kolonyalisayon-iyan ay kung ayon sa kaisipan sa teksto ni Conrado de Quiros. 
Ang wika ang gumagawa ng iyong sensibilidad at reyalidad.  Ayon kay Whitehead, isang edukador at pilosopong ingles, ang wika ay kabuuan ng kaisipan ng lipunang lumikha nito, bawat wika ay naglalaman ng kinaugaliang palagay ng lahing lumikha nito. Ito raw ay salamin ng lahi at kanyang katauhan. Kung ito ay salamin ng iyong lahi at katauhan, paano mo makikita ang iyong katauhan at lahi kung wikang banyaga ang iyong ginagamit? Kung wikang banyaga ang iyong gamit, ibang katauhan at pag-iisip ang iyong makakamit. Ang katauhan at pag-iisip noong mga banyaga na ang wika ay ang wikang iyong gamit. Sa kabuuan, hindi lamang katauhan at pag-iisip ang mababago kundi ang pangkalahatan na iyong pag tingin sa buhay at sa mga bagay, kasama na rin ang iyong pag-uugali at uri ng pamumuhay. 
Sa dalawang kahulugan ng wika na nabanggit, alin nga ba ang tama? 
Ang kahulugan na “Ang wika ang nag didikta ng iyong katayuan sa lipunan” ay nabuo dahil sa mga kolonyalisador na nanakop sa atin at ang mga ugat ng globalisasyon. Mula sa edukasyon na ibinigay ng mga Amerikano na akala natin ay pag papalaya mula sa kamangmangan, ay ang tunay na anay na naninira sa atin nang hindi natin namamalayan. Ginamitan nila tayo ng hegemony ni Antonio Gramsci, o ang intekeltuwal at moral na pamumuno. Dahil kung iyong titignan, wala na ang mga banyaga sa ating bansa upang manakop gamit ang pisikal na lakas o dahas, ngunit ginamitan tayo ng armas na mas matalim kaysa mga baril at bolo, ang wika o kulturang itinanim nila sa ating mga ninuno. Ikinibait nila ang wikang ingles sa kaunlaran ng buhay, dahil sa kanila rin nag umpisa ang pag papalakas ng globalisasyon, pag katapos mo hasain ang iyong kakayahan sa pag gamit ng kanilang wika, ikaw ay isang malaking  karagdagan sa pag papaunlad ng kani-kanilang mga kompanya, o sa madaling salita, pag-aari. Dahil na rin sa pagiging sunod-sunuran ng ating mga pinuno sa tinatawag nating globalisasyon, mas pinaiigting ang pag gamit ng wikang ingles upang mas palakasin ang pwersang mai-aambag natin sa globalisayon. Na isang malaking pagkakamali dahil mas binigyang importansiya natin ang wika ng banyaga kaysa sa ating wika. Ang isa pang pag kakamali ng karamihan ay kapag pinalakas ang Filipino at pahihinain ang Ingles. Ayon kay Jun Cruz Reyes, hindi masamang mag-aral ng ibang wika, ngunit huwag mong kalilimutan ang iyong sariling wika. Isa pa sa dahilan kung bakit hirap ang kaharamihan sa mga Pilipino sa pag sasalita ng Ingles ay dahil ang sarili nating wika ay hindi natin gamay o hindi tayo dalubhasa sa pag gamit nito, dadagdagan pa natin ng panibagong wika na bagong aaralin. Kumbaga sa madaling salita, angkinin mo muna ang kaluluwa ng isang bagay o tapusin mo muna ang isang itinakda bago ka tumungo sa pangalawa.
Sanggunian:
https://www.academia.edu/26333272/Depinisyon_ng_Wikang_Ayon_sa_Ibat-Ibang_Manunulat?auto=download
0 notes
chloedanesantos · 5 years
Text
Ang Tatsulok
Alinsundod sa pag-unlad ng ating teknolohiya, kasabay nito ang pagtaas ng batayan sa pagiging kabilang sa isang lipunan. Lalo na ang mga uso o kinahuhumalingan ng karamihan. Tulad ng “starbucks” na isang sikat na nag bebenta ng kape at ang “macao imperial tea” na sikat naman sa pag bebenta ng “milktea”. Ilan lamang ito sa mga kinahuhumalingan ng mga tao sa kasalukuyan na mag papakitang iba’t ibang salamin sa lipunan. 
Una na rito ang mga kabataan na ipinapaskil sa kanilang mga sosyal midya akawnts ang mga litrato ng mga bagay na matataas ang presyo na kanilang nabili tulad nga ng mga nabanggit-”starbucks” at “macao imperial tea”. Na kung saan kung susumahin, ay galing sa mga baon na binigay ng kanilang mga magulang. 
Isa rin dito ang pag taas ng batayan ng mga mag-aaral patungkol sa kanilang papasukang paaralan ano man ang kanilang baitang- mababa o mataas mang paaralan. Parami ng parami ang bilang ng mga kabataang makapasok sa malalaki at sikat na mataas na paaralang pantangi gaya ng Ateneo De Manila, De La Salle Manila, University of the Philippines at University of Santo Tomas dahil madali raw matatanggap sa trabaho kung dito ka sa apat na paaralang nabanggit nakapagtapos. 
Kaya nagkaroon tayo ng “social climber” na katawagan. Dahil si pedrong maralita na hindi mayaman tulad ng mga nasa itaas na bahagi ng lipunan ay pilit sumusunod sa uso at masabing kasama sila sa seksyon na ito ng lipunan. 
Dito papasok ang konsepto ng “Hegemony” ni Antonio Gramsci o ang intelektuwal at moral na pamumuno at ang ideya ni Karl Marx tungkol sa mga naghaharing-uri at mga inaaping uri. Itong dalawang mga ideya na ito ang mag papaliwanag ng mga sosyal na dimesyon at salamin sa lipunan na nabanggit sa itaas.
Mahiram man, pilit nating hinahabol ang mga naghaharing-uri sa pamamagitan nang pagbili ng kanilang mga binibili, pag suot sa kanilang mga sinusuot, pag kain sa kanilang mga kinakain at pag punta sa kanilang mga pinupuntahan. Kung susumahin, ang buong kultura ng mga nag haharing-uri ay pilit hinahabol at ginagaya ng mga taong hindi kabilang sa mga naghaharing-uri kung kaya’t asal mayaman si pedrong maralita.
Malaki ang impluwensiya ng sosyal na dibesyon sa isip at pamumuhay ng bawat tao dahil ito ang nag didikta ng kani-kanilang desisyon, hakbang at plano sa buhay. Tila malayo na ang narating ng ganitong pag-iisip, ilang dekadang hinubog ang ganitong kamalayan na nagmula pa sa mga dayuhang nanakop sa ating bansa. 
Ang ganitong kamalayan ay matitigil lamang kung ang mga nasa mababang-uri o inaaping-uri ay mag kakaroon ng sarili nilang kultura malayo sa kultura ng mga taong maraming pera na ang problema ay kung paano ito gagastusin. Ngunit, kailan nga ba? Kailan hindi na mag-aasal mayaman si pedrong maralita kung ang iyong lipunan ay tumatanggap lamang ng mga mayaman o mga taong nanggaling sa nag haharing-uri? Tumatanggap lamang ng mga mayaman o mga taong nanggagaling sa nag haharing-uri sa paaralan at sa trabaho? Ang binibigyang importansya, pantay na karapatan at respeto? 
Kahit saan mang parte ng ating lipunan, hindi maiaalis ang ganitong diskriminasyon. Ngunit hindi natin sila masisisi, dahil hindi nila alam na isang malakas na pwersa ng kaisipan ang nagtuturo sa kanila na ganito ang kanilang gawin, o ganito ang kanilang sabihin. Matagal na tayong binuwag ng mga ganitong pag-iisip, na kahit hindi mo na pisikal na nakikita ang mga makapangyarihang uri, tayo na mismo ang nagiging mapagharing-uri sa kapwa natin. Kung ang ganitong kamalayan, pag-iisip at kaalaman ay maibabahagi sa mga tao, tiyak na maiintindihan nila ang pinanggalingan ng mga konseptong ito. 
Ngunit ang tanong na kung sa paanong paraan tayo magkakaroon ng sarili na kultura at kaisipan upang hindi na natin gayahin ang mga naghaharing-uri ay nananatiling katanungan dahil ang kultura nila ang tanging tinatanggap ng ating lipunan sapagkat ito ang sikat at ito ang uso; mas marami ang inaaping-uri ngunit dahil sa kapangyarihan at pera, mas nagiging malakas ang mga naghaharing-uri. 
0 notes
chloedanesantos · 5 years
Text
Bulagbulagan sa Katotohanan.
Ipinasa ni @sarahfajards
Hindi alam kung saan pupunta,
Hindi alam kung tuluyang maniniwala sa aking nakikita.
Mga baho ng mataas ay kanilang ibinabasura.
Sabi nila kapag namulat ka, masama ang pumikit pa.
Ngunit bakit halos lahat sila'y nagbububulag bulagan na?
2 notes · View notes
chloedanesantos · 5 years
Text
Ina ng Huwad na Kaalaman
Sa unang bahagi ng akdang isinulat ni Bienvenido Lumbera na pinamagatang Edukasyong Kolonyal Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkaalipin, inisa-isa ni Lumbera ang mga patunay na tayo’y nagpasakop sa imperyalismong Estados Unidos (EU), at sa mga hakbang na ginawa ng mga nakaraang presidente ng Pilipinas na may kinalaman sa pag babago sa sistema ng edukasyon at ekonomiya ng Pilipinas. Makalipas ang apat na taon simula noong ipinasa ang Reconcentration Act noong 1903, mababasa nating kapwa Pilipino ang nag suplong kay Heneral Macario Sakay kaya ito ibinitay. At sa usapin naman sa mga hakbangin na ginawa ng ating mga nakaraang pangulo, mula kay Manuel Roxas hanggang kay Gloria Arroyo, kaniya-kaniya silang pamamaraan kung paano palalakasin ang koneksyon sa Estados Unidos- para sa ekonomiya o sandatahang lakas ng Pilipinas. 
Dahil sa koneksyon ng ating bansa sa Estados Unidos, sinabi ni William Howard Taft na unang gobernador na Amerikano, magkaakibat ang kalakalan at edukasyon dahil sa Civil Service Examination kung kaya’t noong naipasa noong dekada 60 ang wikang Filipino, ipinadala ng Amerika ang Peace Corps Volunteers para itama ang wikang Ingles dahil sa pagkakapasa ng wikang Filipino bilang batas, nawala ang kalidad at humina ang pagtuturo ng salitang Ingles dahil nauso ang “Taglish” sa pagtuturo sa elementarya at hayskul na dati’y Ingles lang ang gamit dahil sa mga Thomasites. Ngunit hindi ito naging matagumpay dahil wala namang kasanayan sa pagtuturo, iba sa mga thomasites. 
Naging malaking impluwensya sa pagtataguyod ng salitang Ingles sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas ang pagkahina ng ating ekonomiya. Ang kawalan ng oportunidad ng mga trabaho sa Pilipinas ang naging sanhi ng pagluwas ng mga Pilipino tungo sa ibayong-dagat para doon magtrabaho na lalong pinaigting ng administrasyong Marcos at Arroyo, ang panahon ng neoliberalismo. At naging sentro ng pagluwas ng mga produktong galing sa Pilipinas ang Estados Unidos. 
Malaki ang ambag ng EO 210 at Gullas Bill sa paghuhulma ng direksyon at pag-iisip ng mga pag-asa ng bayan, o ang mga kabataan. Kasabay ng paghulma ng kanilang pag-iisip ang paghulma sa pag-asenso ng kani-kanilang mga buhay, na isang malaking katanungan kung a-asenso nga ba. 
Kung uunawain sa positibong perspektibo, maganda ang naging bunga ng imperyalismong EU sa usaping pangedukasyon, dahil nagkaroon ng kaalaman ang mga Pilipino na nanggaling sa kanila na kung titignan sa pangdaigdigang batayan, ay isang makalidad at magandang edukasyon. Ang mga itinuro ng Thomasites na hanggang sa ngayon ay nakakatulong sa mga Pilipino upang makipagsabayan sa mga dayuhan. Ang mga paaralang itinayo ng mga Amerikano na hanggang ngayon ay napapakinabangan, dahil kung susumahin, sila ang primaryong tagapag tatag ng pormal na edukasyon sa Pilipinas. 
Ngunit, sa likod ng magandang maskerang ito, hindi maikukubli ang nakatagong pakay nito. Ang unti unting paglukob sa ating kaisipan, hindi natin namamalayan na tayo’y nahuhulma ng mga Amerikano bilang sunod-sunuran nila dahil ang alam natin, edukasyon lamang ang ating tinatanggap. Hindi natin nakikita na ang edukasyong ating tinatanggap ay balat lamang ng pagkain na nagtataglay ng kolonyal na kaalaman. Wala ng Thomasites, wala ng Amerikanong sumasakop sa atin, ngunit sa larangan ng edukasyon, nandito parin sila. Ang midyum na ginagamit sa pagkatuto ay Ingles, minsan naman kung susuwertihin ay Taglish o Tagalog at English. Nandito tayo sa sarili nating bansa ngunit nakapaloob sa Konstitusyon na ang lenggwahe nating gagamitin ay Ingles at Filipino. 
Ang pag gamit ng Ingles at kaalaman tungkol sa wikang ito ang ginagawang tulay ng mga Pilipinong gusto magtrabaho sa ibayong-dagat, kung kaya’t mas pinahahalagahan ang salitang Ingles dahil ito ang mag bibigay sayo ng kabuhayan at pang tustos sa araw araw. Kung ang wikang ito ang mag dadala sayo sa kaginhawaan ng buhay, papansin mo pa ba ang wikang sa iyo? 
Mula rito, ang wikang Ingles ang direktang nag-aalay sa atin sa mga dayuhang ang wika ay Ingles. Tayo ang produser ng mga manggagawang marunong mag Ingles at kayang mabuhay sa kahit anong ipaparanas basta ito’y nakabubuhay at nakatutustos sa sa pamilya ng ating mga manggagawa. Sapat man o hindi, basta nakakapag bigay laman ng tyan. 
Tila ba’y isang paktori ng masisipag at matyagain ngunit madaling maloko at madaling mauto na mga tao ang bansang Pilipinas. 
1 note · View note
chloedanesantos · 5 years
Text
Huwad na Kaalaman
“Sa Pamamagitan ng Edukasyon, Tumatanggap ng Liwanag ang Ating Inang Bayan”
Matatandaang sa isang panayam sa dating pangulo ng Pilipinas na si Noynoy Aquino, ginawa niyang halimbawa ang ibang mga Pilipinong nagtratrabaho sa ibayong-dagat na nahihirapan makakuha ng trabaho dahil mas pinipili ng mga may-ari ng mga kumpanya ang mga manggagawang nakapagtapos sa k-12 na programa, kung kaya’t kaniyang nilagdaan ang nasabing programa. Mula rito sa pahayag ng ating dating pangulo, lalong nag laro sa aking isipan kung ano nga ba talaga ang nais paunlarin ng kaniyang administrasyon? Ang buhay ba ng mga Pilipinong manggagawa o ang ekonomiya ng ibang bansa?
Para saan pa ba ang edukasyon? Para pa ba sa ating sariling kaalaman at sariling bansa? O para sa mga dayuhan? Malinaw na ipinahahayag ng tula ni Gat Jose Rizal na pinamagatang  “Por La Educacion Recibe Lustre la Patria” o “Sa Pamamagitan ng Edukasyon, Tumatanggap ng Liwanag ang Ating Inang Bayan” ang kahalagahan ng edukasyon hindi lamang para sa ating mga sarili, kung hindi pati na rin sa ating bayan.  
Mula sa pamagat ng kaniyang tula, paano tatanggap ng liwanag ang ating inang bayan kung ang edukasyon ay hindi para sa inang bayan at kaniyang mga anak? 
Kung ating susuriin, ang bawat aralin at paraan nang pagtuturo ng ating mga guro ay nanggaling sa mga dayuhan, katulad ng Ingles. Kapag ating ibinalik sa pahayag ng ating ating pangulo na si Noynoy, ganoon parin ang layunin nito, upang makakuha agad ng trabaho sa ibang bansa. 
Mula sa pamagat ng kaniyang tula, paano tatanggap ng liwanag ang ating inang bayan kung ang edukasyon ay hindi natatanggap ng kaniyang mga anak?
Sa pahayag ng isang opisyales ng Commission on Higher Education o CHED, ang magandang kalidad ng edukasyon ay hindi abot-kaya. Kung ang edukasyon ang liwanag ng ating bayan, bakit isang malaking hamon sa ating gobyerno ang pag bibigay nito sa ating mga Pilipino nang kusang loob? Ang edukasyon ay tungkulin ng gobyerno na maibigay sa kaniyang mga nasasakupan dahil ito ang susi sa kaunlaran, kaunlaran ng ating bansa at hindi kaunlaran ng ibang bansa. Kilala ang mga Pilipino sa pagiging masipag at madiskarte kung kaya’t kinatutuwaan ng mga dayuhan ang mga manggagawang Pilipino, kung sa ating bansa gagamitin ng bawat Pilipino ang kanilang kasipagan at pagiging madiskarte, hindi ba’t hindi malayong makamit din natin ang kaunlaran? 
Ngunit paano natin makakamit ang kaunlaran kung ang edukasyon na hahasa sa ating karunungan at kakayahan ay ipinagkakait sa atin? Imbis na kusang-loob natin itong natatanggap, ginagawa pa tayong mga baka na gagatasan nila ng pera para tayo’y mapakain ng damo, na kung saan ay ang edukasyon. Ginagatasan na nga tayo, nakadipende pa kung ikaw ay magandang klase ng baka, katulad ng “holstein friesian”, ikaw ay makakatanggap ng magandang klase rin ng pagkain na pinaghalong dayami, mga butil, “silage” at mga protina. Ngunit kung ikaw ay ang baka na nakabilad sa arawan sa ating mga bukirin, tipikal lang na damo ang ipapakain sa iyo. Mga elitista. Sila lang ang nabibigyan ng “magandang kalidad na edukasyon” at nabibigyan ng magagandang mga oportunidad sa trabaho.
Paano mo nasasabing ang magandang kalidad ng edukasyon ay natatanggap lamang ng mga elitista dahil ito ay hindi abot-kaya ng mga nakakarami kung ang “edukasyon” na tinutukoy mo ay gasolina ng kaunlaran sa ibang bansa? Kung ang edukasyon ay nananatiling kontrolado ng mga pinagtatakpang mga dayuhan ng mga naka-upo? 
Walang magandang kalidad na edukasyon, mapa-pribadong paaralan man o pampublikong paaralan. Dahil ang edukasyon na ibinibigay sa mga Pilipino ay walang layunin na mag bigay ng liwanag para sa ating inang bayan. Bagkus, ito ay elbeytor ng kaunlaran ng mga dayuhan. 
Ang edukasyon sa pilipinas na nakatugma sa mga pangangailangan ng mga monopolyo at transnasyonal na mga korporasyon kasabay sa pakay ng monopolyong kapitalismo ang gawing pugad nga trabahador na maaaring bayaran ng kakarampot na sahod at mababang mapagkukunan ng murang hilaw na materyalis, kasama na rin ang pagiging lugar-bentahan natin nga mga produktong sobrang nailikha para sa kanilang mga quota, o ang surplus goods.
Ang edukasyon na kolonyal at komersyalisado.
Kolonyal,
dahil mula sa direktang kolonyalismo mula sa mga dayuhan, ito ay naging neyokolonyal, na kung saaan ang layunin nito ay panatilihin ang kabuhayan ng mga Amerikano kahit pa wala na sila sa ating bansa sa pamamagitan ng edukasyon na ginagawang komersyalisado.
Kolonyal,
kung saan ang mga teksto at librong ginagamit ng mga hayskul at elementarya ay ginawa alinsunod sa mga multilateral na mga korporasyon tulad ng IMF o International Monetary Fund at World Bank na itinuturo sa paraan na magiging sunod sunuran ang bawat mag-aaral sa kung anong itinuturo at hindi na mag-iisip o magtatanong kung bakit ganyan ang itinuturo, bagkus ay tatanggapin na lang.
Kolonyal,
sa paraan na sa pag tuturo ng ating kasaysayan, kasaysayan ng kalayaan lamang ang pinapakita at hindi kasama ang kasaysayan ng pananakop at pananamantala. Kung saan na ang Amerikano ay ang nag palaya sa ating bansa mula sa mga mananakop, at walang itinuro na isa rin naman sa nanakop at nanamantala ang mga Amerikano.
Komersyalisado,
dahil hindi katulad sa ibang mga bansa na ang edukasyon at pinapatakbo ng gobyerno, sa ating bansa, ang mga paaralan at pinapatakbo ng mga pribadong korporasyon.
Komersyalisado,
dahil ginagawa itong kalakal o commodity, kapag wala kang pera, hindi ka makakapag-aral. Sa patuloy na pag taas ng mga bayarin, ngayon sa panahon ng globalisasyon, pinipili na lamang ng mga mag-aaral ang mag trabaho na lamang at pinipili na lamang nila ang mga teknikal at bokasyonal na mga kurso na alinsunod sa pangangailangan ng mga transnasyonal na korporasyon para sa kanilang mga produkto.
Ang pag papalaya ng edukasyon ay pag papalaya rin ng lipunan, ngunit ano nga ba ang kailangan gawin para mapalaya ang ating edukasyon?
Transformative education, o nag babagong paraan ng pag tuturo. Kung saan hindi lamang natatapos sa mga leksyon at apat na sulok ng silid-aralan ang pagkatuto.
Sanggunian: 
https://newsinfo.inquirer.net/694648/aquino-k-to-12-not-a-burden-ph-ready-for-it
https://www.kapitbisig.com/philippines/poems-written-by-dr-jose-rizal-karunungan-at-bayan-ni-dr-jose-rizal-tagalog-version-of-por-la-educacion-recibe-lustre-la-patria_1166.html
0 notes
chloedanesantos · 5 years
Video
youtube
Dalawampu’t pitong minuto at limampu’t dalawang segundo na pag tatalakay ukol sa iba’t ibang pinagmulan ng sistema ng ating edukasyon. Makikita rin ang samu’t saring kwento ng bawat mag-aaral na nakakaranas ng iba’t ibang paghihirap sa kani-kanilang pag-aaral, pamumuhay, pag hahanap ng trabaho at iba pa. Napapanahon pa nga ba ang mga nabanggit sa bidyo na ito? Nakikita at nararanasan pa ba, hanggang ngayon? Ikaw, ano ang masasabi mo?
1 note · View note