Text
Nakahiga. Nakatulala. Malapit na sumuko. Saan nga ba ako pupulutin ng tadhana?
Ako'y isang bata na lumaki sa pamilya kung saan ang emosyon at presensya ay kawalan. Lumaki ako na hindi ko hinahayaan ang sarili kong malungkot dahil ano nga ba ang silbi nito? Dwelling with emotions doesn't run in our blood. Kahit ano pang paalala sa akin ng mga kaibigan ko, kahit ng ilang mga taong nakauusap ko, ay wala pa rin silbi. Ayokong malungkot.
Napapagod din ako.
Bata pa lamang ako ay isa na akong emotional na bata. Normal lang naman sa bata ang maging emotional, pero sa pamilya namin? Hindi. Ang pagiging iyakin at pagiging madamdamin ay kahihiyan. Lumaki akong nakikita ko ang tatay kong umiiyak dahil ganito ang naging sitwasyon ng aming pamilya. Umiiyak din ang batang ako kasi bakit hindi ko nararanasan ang mga bagay na nararanasan ng ilang kabataan? Lumaki akong inggit sa kapwa at galit sa Poong Maykapal.
Wala na akong maramdamang galit at inggit ngayon.
No'ng ako'y lumaki na, isa pa rin akong iyakin, ngunit wala nang nakakarinig sa akin. Kung ano man ang masaksihan ko, hindi na ako umiiyak sa harap ng pamilya ko. Ano nga bang silbi ng pag-iyak? Paulit-ulit din ang sakit.
Pagod na nga ba ako?
Saan nga ba ako pupulutin ng tadhana? Napagod na rin ako.
0 notes
Text
✯ Paskong nagdaan. ✯
Noong mga nakaraang pasko bago magpandemiya, sobrang saya ko dahil ramdam na ramdam ko ang pasko. 'Yung tipo kauuwi mo pa lang galing eskwelahan pagtapos ng whole day class mo ay makakakita ka nang masisilaw na parol na nakasabit sa street lights. Minsan pagtapos mong kumain ng hapunan ay haharap ka sa TV upang manood ng balita. Doon, makikita mo ang naggagandahang bahay na nakabalot sa masisilaw na christmas lights, palamuti at iba pa. Minsan pa nga ay magpaplano na kaming lahat dahil makalipas ang limang araw ay kaarawan ko na. Minsan pa nga ay gagawa ng paraan pamilya ko upang magsama-sama kami sa iisang lugar para lamang salubungin ang pasko. Oh, kay saya ng pasko.
Sa bahay, hindi ko na dama ang presensya ng pasko. Kahit anong tingin ko sa parol, mga palamuti para sa pasko ay wala na akong maramdamang saya. Puro kasi problema. Hindi mo malaman kung sino ang kakampi mo dahil sa t’wing makakarinig ka ng salitang pasko, papasok agad sa isipan mo:
"Nasaan nanay ko tuwing pasko? Makauuwi ba siya rito at sasaya ulit kami ‘tulad ng maliligayang araw noon?"
Aminin ko man o hindi. Hindi naging masaya pamilya ko tuwing Pasko. Nakasuot lang sila ng maskara para lamang sumaya kaming magkapatid. Siguro napagtanto na nila na matatanda na kami ngayon, maiintindihan namin sila. Ang hindi nila alam, hinahangad pa rin namin ang masasayang sandali na iparanas mulit sa amin kasi nangungulila kami roon. May karapatan din kaming sumaya. Oh, kay saya ng Pasko.
1 note
·
View note