hernandezmanalopfpl
hernandezmanalopfpl
Lakbay Sanaysay
1 post
Don't wanna be here? Send us removal request.
hernandezmanalopfpl · 3 years ago
Text
Padre Garcia: Ang Tinatagong Yaman ng Timog Katagalugan
Tumblr media
Pinagmulan: Wikimedia Commons (https://commons.wikimedia.org/wiki/File:LRT,Batangasjf9633_15.JPG)
SAAN NGA BA ANG PADRE GARCIA? PAANO KA MAKAPUPUNTA RITO?
Ang Padre Garcia ay isang maliit na munisipalidad na matatagpuan sa Batangas na napapagitnaan ng Rosario at Lipa. Kung ikaw ay manggagaling mula Maynila ay maaari mong tahakin ang SLEX at lumabas sa Tambo Exit na siyang magdadala sa’yo sa Lipa City kung saan maaari kang bumiyahe gamit ang dyip upang mapatunguhan ang bayan ng Padre Garcia, Batangas, kung saan makikita ang natatagong ganda, na tila nakaliligtaan ng karamihan, kapag sila ay dumarayo sa isa sa pinakasikat na probinsya sa timog-katagalugan, ang Batangas.
ANO ANG MAIPAGMAMALAKI NG PADRE GARCIA?
Tumblr media
Ang Padre Garcia, Batangas, ay ang tinaguriang “Cattle Trading Capital of the Philippines” sa pangunguna nito sa larangan ng palitan ng baka. Marahil hindi ito kasing sikat ng mga lugar tulad ng Padre Pio, Taal, Laiya, o Isla Verde, ngunit ito may angking ganda na sa Padre Garcia mo lamang mahahanap. Maliban sa kanilang maipagmamalaking mga baka, sa Padre Garcia matatagpuan ang mga lugar na hindi lamang magpasisiya sa inyong mga mata, bagkus ay bubusugin din ang inyong tiyan. Narito ang mga pagkaing tumatak sa aming paglalakbay, sa lugar na nakaliligtaan ng karamihan.
MGA PUMATOK NA PAGKAIN NOONG KAMI AY NAGLAKBAY SA PADRE GARCIA:
1. Kapeng Barako
Tumblr media
Sino nga ba ang tutunguhin ang Batangas nang hindi man lang sinusubukan ang ipinagmamalaki nilang kape?
Kung tapang lamang ng inumin ang pagdedebatihan, ang kapeng barako ng Padre Garcia ang magwawagi sa labanan. Kilala ang mga pamilihan sa munisipalidad na ito sa pagbebenta ng mga bagong hango, at gigilingin lamang na kapeng barako pagkatapos bilhin, upang matiyak na sariwa at hindi mawawala ang tapang nito. Lahat ng aming nabisitang lugar sa Padre Garcia ay marunong maghanda ng kapeng barako na kanilang inilalaga. Sa aroma pa lamang ay magigising na agad ang inyong mga diwa, sa unang higop, mararamdaman ang paghagod ng mainit na kape sa lalamunan, at sa huli, ito ay tiyak na iyong babalik-balikan.
2. Hawot at iba’t ibang klaseng daing
Tumblr media
Dahil ang Batangas ay nalalapit sa malawak na karagatan, maraming uri ng kanilang mga delikasi ang nagmula sa katubigan, isa na rito and iba’t ibang klase ng daing na ibinebenta sa mga pamilihan ng Padre Garcia. Kilala ang munisipalidad sa kanilang mga hindi konbensyonal at pangkaraniwang lamang-dagat na ginagawang daing. Ang mga ito ay makikitang binebenta kada kilo, at maaaring mong mabili nang malakihan sa napakababang halaga. Mararamdaman ang simoy ng dagat sa bawat kagat ng mga daing na ito, nanunuot, naguumapaw, at balanse ang lasa. Maaaring ulamin, o hindi kaya ay papakin, at ito ay mas malasa kapag nahaluan ng paborito mong binabad na suka. Siguradong bago at sariwa ang inyong makukuha dahil ito ay mabenta sa lokalidad ng Padre Garcia, at isa sa mga dinadayong pampasalubong ng mga turista at kapwa naming manlalakbay tuwing nagtutungo rito.
3. Loming Batangas
Tumblr media
Tiyak na lahat ng tao ay alam na walang tutulad sa Loming Batangas. Kapag ika’y darayo sa Padre Garcia, hindi ka maaaring umuwi nang hindi man lang natitikman ang kanilang lomi! Iyo nang order-in ang iyong extra special at jumbo na lomi sapagkat panigurado’y hindi mo ito titigilan at baka ika’y mapa-take out pa! Sa dami ng pansahog gaya ng tsitsaron, kikiam, pork chop, at tsitsarong bulaklak na inilalagay sa ibabaw ng malapot na sinabawang pansit na kanila ring inihahanda gamit ang sarili nilang kamay, na iyong hahaluan ng toyo, sibuyas, sili, at kalamansi, sadyang malilimutan mo ang iyong pangalan sa sarap!
4. Gotong Batangas
Tumblr media
Pinagmulan: Wow Batangas (https://i.pinimg.com/originals/59/f7/f1/59f7f190cccbc3d903f4515d66238cea.jpg)
Marahil nakatikim ka na at baka nauumay na sa paulit-ulit at pare-parehong goto na inihahandog ng iba’t ibang lugar, ngunit iyong ibahin ang goto pagdating sa Batangas! Siguro’y nalilito ang karamihan sa kung ano ang kaibahan ng goto sa arroz caldo kapag inihain na sa kanilang hapag-kainan, ngunit kung iyong masusulyapan kung ano ang handog ng Batangas para sa kanilang sariling bersyon ng goto, ika’y magugulat at tiyak na magagalak. Ang Gotong Batangas ay kilala sa hindi paggamit ng kanin o malagkit, sa halip ay isang sinabawang putahe na sinahugan ng baka at lamang-loob nito, atsuete, at iba’t ibang mga pampalasa na tiyak na dadamayan ka sa sa nanlalamig na jowa panahon.
5. Haluhalong Ispesyal nina Jhun at Ana
Tumblr media
Hindi maaaring mawala sa listahang ito ang sariling bersyon ng mga residente ng Padre Garcia sa pinakatanyag na panghimagas sa ating bansa, ang haluhalo!
Sa unang sulyap, marahil aakalain ng karamihan na ito ay simpleng haluhalo lamang na mabibili sa mga tindahan tuwing panahon ng tag-init. Ito ay may mga pangkaraniwang sangkap gaya ng ng leche flan, ube, munggo, mais, gulaman, sago, at nata de coco. Ngunit gaya ng Padre Garcia, may itinatago itong sarap na tiyak na inyong babalik-balikan, gaya na lamang ng ispesyal na minatamis na saging, na sadyang hindi ka uumayin, at napakapinong yelo na aakalain mong niyebeng ibang klase ang sarap. Sa sobrang patok ng tindahang ito sa mga Batangueño ay naibalita pa ang Jhun and Ana Special Halo-halo sa lokal na sektor ng TV Patrol. Sa murang halaga, mapapawi ang inyong mga nararamdamang init, at mabubusog ka sa sarap.
DUMAYO NA SA PADRE GARCIA!
Kung ika’y nagsasawa na sa paulit-ulit n’yong pinatutunguhan ng inyong pamilya o barkada tuwing bakasyon, iyo nang idagdag ang Padre Garcia sa listahan ng inyong mga destinasyon! Bagaman hindi maitutulad sa mga karatig-lugar sa larangan ng katanyagan, hindi pa rin ito magpahuhuli sa mga bagay na kaya nitong ihandog para sa mga turista. Sa angking kagandahan pa lamang ng kanilang mga atraksyon, sulit na sulit na ang inyong paglalakbay, lalo na kung sasamahan mo pa ng pagsubok ng kanilang mga ipinagmamalaking delikasi, marahil ay hindi mo na gugustuhin pang umuwi!
1 note · View note