Tumgik
inosentengbata · 6 years
Text
Pagkilos ng Kabataan
Ang PUP, maliban sa pagiging kilala sa pinaka pinagkukunan ng mga ideal na empleyado ng mga kumpanya, ay stereotypically, kilala rin sa lakas ng activism at sa mga mass organizations na mayroon ang unibersidad na ito. Kaya kapag sinabi ko na nag-aaral ako sa PUP, hindi malayong itanong kung “tibak” o aktibista na rin ba ako dahil nga maraming aktibista ang PUP at ito ang kadalasang nakikita ng mga tao sa social media at sa telebisyon. Totoo nga namang maraming aktibista sa PUP ngunit ang hindi alam ng mga tao ang tunay na dahilan kung bakit maraming aktibista sa PUP at ang alam lang nila ay ang mga kabataang ito ang nagsisigaw sa kalye at ang nagiging sanhi ng trapik. Ngayong nasa PUP na ako at isa na akong PUPian mas naiintindihan ko na ngayon kung bakit maraming aktibista sa unibersidad na ito. Una, ito ay dahil mga PUPians mismo ang nakararanas ng kabulukang ng sistema sa Pilipinas. Nabanggit ko na sa isa nauna kong blog na ang edukasyon ay repleksyon ng lipunan, at ito ang nararanasan ng mga PUPian, kulang at bulok na mga pasilidad, “Pila Ulit Pila”, kakulangan sa budget, at iba pang mga kabulukan sa sistema. Pangalawa, ito ay dahil ang mga tinuturo ng karamihan ng mga propesor sa paaralang ito ay ang pagpapahalaga sa edukasyon at karapatan bilang isang mamamayan, kasama na rin dito ang paglilingkod sa bayan bilang mga iskolar nito. At panghuli, dahil nga may mga organisasyon na nagpapamulat sa mga kabataan at binibigyan sila ng kamalayan sa mga kaganapan sa ating lipunan, nahihikayat silang kumilos at gumawa ng aksyon sa mga kabulukan na kanilang nararanasan. Kitang-kita ang lakas ng mga estudyante sa mga protesta at ito ay isang manipestasyon ng “Transformative Education” dahil ang mga mag-aaral ay nakikilahok sa mga kilusan na naglalayon na baguhin ang sistema. Ang lakas na ito ang ikinababahala ni Duterte at ng AFP kaya sila nag “Red Tagging” ng mga unibersidad nitong Oktubre. Sila ay nababahala sa pagkamulat ng mga kabataan at si Duterte ay natatakot na maaari siyang mapatalsik ng kabataan na mulat sa katotohanan ng karumaldumal na pagmamaniobra niya sa ating bayan. Kalian man ay hindi maikukubli ang katotohanan at ang katotohanan na iyon ay bulok pa rin ang sistema ng pamahalaan at dahil sa katotohanan na iyon ay patuloy pa rin ang pakikibaka ng kabataan para sa bayan. Huwag tayong manatiling maledukado. Matuto tayong mangatuwiran ng tama at isiping mabuti kung ano ba talaga ang katotohanan at kung ano ang ikabubuti ng nakararami at hindi ng sarili lamang. Tatapusin ko ang blog na nag-iiwan ng mga kataga mula sa kantang pinamagatang “Gatilyo” ni BLKD: “Pagmulat ay pagkasa, tayo ang Gatilyo”
0 notes
inosentengbata · 6 years
Text
Lundagin mo beybe!
Nais ko maging guro at nais kong makapagturo... Nais kong patuloy na matuto nang sa gayon ay marami rin akong maipamahagi na kaalaman
 Ito ang mga bagay na aking napagtanto sa huling taon ko bilang Senior High School, ito ay dahil napansin ko na ang tunay na hilig ko ay ang mga bagay na may kinalaman sa Araling Panlipunan at nais ko rin itong ituro at ipamahagi ang mga pagpapahalaga at kamalayan na makukuha sa asignatura na ito. Simula pa lamang ng Elementary ay hilig ko na ang mga asignatura na may kinalaman sa sibika, kultura, kasaysayan at iba pa. Noong Senior High School naman ay mas napukaw ang aking interes sa kultura lipunan at pulitika dahil sa asignatura na UCSP o “Understanding Culture Society and Politics”. At pagdating naman sa kolehiyo ay mas lumalim ang aking pagkakaintindi sa mga mga konsepto at ideolohiya na natutunan ko noong High School sa tulong ng mga asignatura tulad ng, “Filipinolohiya at Pambansang Kaunlaran”, “Readings in Philippine History”, at pati ang “Civic Welfare Training Services”. Lahat ng ito ay naging kadahilanan kung bakit ko nais maging isang guro. Naniniwala ako na hindi sapat ang kaalaman na intinuturo sa loob ng classroom kaya nga mayroong mga extra-curricular activities at organizations upang bigyan ng dagdag na kaalaman ang mga mag-aaral sa mga bagay na labas sa akademiya at dapat itong paglaanan ng mga mag-aaral ng kanilang oras upang sila ay hindi makulong sa mga bagay na itinuturo sa kanila sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan. Naniniwala rin ako na hindi sapat ang pagte-teorya at pag-aaral ng mga konsepto kung hindi ito gagamitin, walang paggagamitan, at hindi magagamit ng wasto. Dapat suriin at intindihin ng mga mag-aaral kung ano ang kanilang inaaral at ang dahilan ng kanilang pag-aaral, nang sa gayon ay magkaroon ang mga mag-aaral ng higit na pagpapahalaga sa edukasyon. Ayon nga kay Roque Ferriols, isang Heswita na nagturo ng Pilosopiya sa Ateneo, ang pamimilosopiya ay isang bagay na ginagawa at hindi basta lamang itinuturo. At isa sa mga paborito kong maikling kuwento mula sa kaniyang isinulat na “Sapagkat ang Pilosopiya Ginagawa” ay may pamagat na “Ayaw Nilang Lumundag pero, para sa Kanila, Marunong na Sila” dahil ito ay isa sa mga kuwento na laging binabanggit sa amin ng guro ko noong Senior High School sa aming asignatura na “Introduction to Philosophy”. Ito ang kwento: “Ayaw Nilang Lumundag pero, para sa Kanila, Marunong na Sila” May mga taong gusto raw matutong lumangoy. Nakasuot panlangoy na sila at sama-sama silang nakatayo sa tabi ng swimingpul. May notbuk at bolpen ang bawat isa. Nagsasalita ang guro. “Una sa lahat,” aniya, “magsanay ka munang magtampisaw sa tubig. Tapus, huwag huminga pero idilat ang mata at pagpasailalim ng tubig. Tapus bastat’t dumapa. Huwag matakot. Lulutang ka. Tapus, matutong gumalaw ng paa. Matutong gumalaw ng kamay. Matutong huminga. At paulit-ulit na pagsikapan at pagtiyagaan ang praktis.” Habang siya’y nagsasalita, masipag nilang sinusulat ang lahat ng sinasabi niya. “At ngayon,” patuloy niya, “eto ang swimingpul. Oras nang magsimula. Lundagin mo beybe!” Walang lumundag, pero sulat ng sulat pa rin sila. “Hoy, sa tubig na kayo! Walang kabuluhan ang sulat-sulat ninyo kung hindi ninyo ginagawa!” Wala pa rin lumundag. Sulat pa rin sila ng sulat. “Hoy! Gising! Hindi ba ninyo nakikita na nag-aaksaya lamang tayo ng panahon?” Dito, may bumaling sa guro: “Bakit ka ba nagagalit? Hindi mo ba nakikita na mahalaga sa amin ang lahat ng sinasabi mo? Eto.” At pinakita niya ang kanyang notbuk. Naroroon ang buong talumpati ng guro mula sa unang salitang hanggan sa huli... hanggan sa “Hoy! Gising! Hindi ba ninyo nakikita na nag-aaksaya lamang tayo ng panahon?” Nagsimula silang lahat na magsiuwi. Yamot at galit. “Biruin mo, pinagalitan pa tayo!” Pero natutuwa pa rin sila. Masasabi ng bawat isa na kompleto ang kanyang notbuk. Naisulat nila ang bawat sinabi ng guro. Kaya’t inaakala nilang natuto na sila. Ayaw nilang lumundag pero, para sa kanila, e marunong na sila! Hindi matututo lumangoy ang isang tao kung hahayaan niya lang manatili sa kaniyang kuwaderno ang natutunan niya sa paglangoy at hindi susubukan na lumundag sa pool at susubukang lumangoy. Kung nasa dagat ka at malulunod ka na, hindi ka ililigtas ng kaalaman mo sa paglangoy, datapwat ang paglangoy mo ang magliligtas sa iyo, at kung hindi ka naman talaga lumangoy noong pinagaaral kang lumangoy, malaki ang posibilidad na malunod ka. Walang saysay ang pagtuturo ng mga guro sa mga mag-aaral kung isusulat lamang ng mga mag-aaral sa kuwaderno nila ang mga itinuturo sa kanila ng kanilang guro at hindi naman nila gagamitin ang kaalaman na ito sa kanilang buhay. Importante na alam ng mga mag-aaral ang kahalagahan at ang aplikasyon ng mga itinuturo sa kanila upang sa gayon ay hindi mawalan ng saysay ang pagtuturo ng mga guro sa mga kaalamang ito. Kung ang pag-uusapan ay “Transformative Education”, CWTS agad ang pumapasok sa isipan ko, dahil sa CWTS hindi lamang tinuturuan ang mga mag-aaral ng mga teorya at konsepto kundi itinuturo din nito na ang teorya ay dapat na isinisapraktika. Sa CWTS ay itinuro kung paano maging isang kapakipakinabang at responsableng mamamayan. At upang maging isang responsableng mamayan ng bansang ito ay dapat mayroong kaalaman at pagpapahalaga sa “Civic Education” dahil sa ito ang magtuturo sa mga mag-aaral ng mga kasanayan, kaalaman, pagpapahalaga, at kamalayan na kanilang magagamit upang maging isang responsableng mamamayan ng ating bansa. Bilang isang mag-aaral na naghahangad maging isang guro, malaki ang pagpapahalaga ko sa edukasyon dahil ang edukasyon ay isang makapangyarihang institusyon na humuhulma sa mga mamamayan ng isang bansa. Nakikita ko ang gampanin ng edukasyon na upang paunlarin ang isang indibidwal at pati na rin ang lipunan na kaniyang kinabibilangan. Alam ko rin na ang sistema ng edukasyon ay hindi hiwalay sa sistema ng lipunan, at ang sistema ng edukasyon ay repleksyon ng lipunan kung saan ito nakapaloob. Kung kolonyal ang sistema ng edukasyon, malamang, ito ay dahil kolonyal rin ang sistema ng edukasyon. Ang hamon sa atin ngayon ay kilalanin at suriin nang mabuti ang ating edukasyon at isiping mabuti kung ano ba ang mga kaisipan, kamalayan, at pagpapahalaga na ibinibigay sa atin nito, at alamin kung ano ang kilos na ating gagawin sa mga kaisipan, kamalayan, at pagpapahalagang ito.
0 notes
inosentengbata · 6 years
Text
S(alamin)
Sa “Mimetic Theory of Literature”, sinasabi na ang literatura ay isang repleksyon ng lipunan at ng mundo. Sinasalungat ng “Mimetic Theory of Literature” ang “Expressive Theory of Literature” kung saan ang literatura ay ang nilikha upang magpahayag damadamin at kaisipan ng isang manunulat. Sinasabi sa “Mimetic Theory of Litearture” na ang kung ano man ang nakalagay o nakasulat sa isang akda ay naglalarawan sa mundo at buhay ng tao sa mga panahon na iyon, at maaari din itong maging totoo sa iba pang mga panahon. Mayaman ang literatura ng Pilipinas at ito ay dahil maraming akda ang nagpakita ng repleksyon ng ating lipunan. Mula sa mga pre-kolonyal na mga kuwentong bayan at mga alamat na nagpapakita ng kapayakan at mayamang kultura ng ating mga ninuno, hanggang sa mga Martial Law at Post-Martial Law literature na nagpapahayg ng lubos na galit at pagkadismaya ng mga tao sa mapaniil at pasistang pamamahala ng rehimeng Marcos. Lahat ng literaturang ito ay naisulat upang ipahayag ang kalagayan ng ating lipunan sa mga panahon na iyon. Ako ay naniniwala na kaya nito ipinapahayag at ipakita ang kalagayan ng ating lipunan sa mga panahon na iyon upang lubos natin maintindihan kung bakit ganito ang lipunan natin ngayon at upang magkaroon tayo ng maiging pagkakakilanlan sa ating bayan at sa ating mga sarili bilang Pilipino. Sa ating kasalukuyang panahon ay patuloy pa rin ang pagsusulat ng mga Pilipino sa tunay kalagayan ng ating lipunan lalo na ang pagpapakita ng karalitaan ng mga proletaryado at pagiging mapagsamantala ng mga naghaharing uri. Isa sa mga nakikita kong halimbawa ay ang mga kantang naisulat ni Calix. Ginawa ko nang reperensiya si Calix sa mga nauna kong blog dahil mula sa mga agresibo at mapagpamulat niyang lyrics ko mas nakikita ang kubulukan ng ating pamahalaan at mga salot sa ating lipunan. Ito ang mga nakapanlulumong katotohanan na hindi ipinakikita sa atin ng mass media. At kung pinapakita man ito ng mass media ay maaaring “filtered” o “censored” pa rin ito at hindi nagpapakita ng buong katotohanan. Isa sa mga kanta ni Calix na nagpapakita ng karalitaan ng Pilipino at pangaabuso ng kanilang kapwa Pilipino ay ang kanta na pinamagatang “Kara Krus”. Ito ay isang parte ng kantang Kara Krus: “Sa araw-araw [na] ginawa ng diyos Sinusubukan kong kumayod na walang nababastos Walang natatapakan At Iniingatan di makasagasa Ng kapwa kong damang-dama Ang kahirapan Ngunit bakit sa pilit Kong mabuhay ng tuwid Ay may makitid ang utak Na gusto pang sumingit Gustong makihati Sa ani Habang walang bakas ng dungis Ang kanilang damit” Ipinapakita ng kantang ito ang pag-unawa ng isang Pilipinong naghihirap sa kaniyang kapwa na naghihirap din, ngunit patuloy pa rin silang pinagsasamatalahan ng kapwa nila Pilipino na maayos naman ang buhay, ngunit imbis na tulungan ang kaniyang kapwa Pilipino ay higit niya pa itong ibinabaon sa kahirapan. Ito ang katotohanan sa ating lipunan na hindi natin nabibigyan ng pansin dahil tayo ay nananatiling bulag at patuloy na namamanhid sa tunay na kalagayan ng ating bansa. Hindi ito ang madalas na ipinapakita ng mga institusyon sa ating bansa, lalo na ng pamahalaan, dahil ayaw nilang mamulat tayo sa hindi kaaya-ayang katotohanan at nais nilang mapanatili sa kanilang mga kamay ang kapangyarihan. Kahit sino mula sa kahit anong uri ay maaaring magsulat para sa masa. Sana ay patuloy tayong magsulat para ipakita ang katotohanan na ikinukubli sa atin. Kilalanin natin ang ating mga kapwa natin Pilipino na ating nakaliligtaan at alamin natin ang kanilang kuwento. Hindi masama ang isulat ang nilalaman ng ating damdamin at ipahayag ang ating mga sarili ngunit mas maganda siguro kung tayo ay magsulat para sa isang makabuluhang layunin; ang layunin na ipakita at ilantad ang katotohanan na hindi naaaninag sa pagkat ito ay nasa kabilang dulo.
0 notes
inosentengbata · 6 years
Text
Ang tunay na lalaki: Maka-lalaking pag-iisip at pagpapahalaga sa Kulturang Popular.
Inilahad na ni Isagani Cruz ang pagpapatuloy ng patriyarkal na lipunan sa pamamagitan ng kulturang popular at ang dulot nito sa kababaihan. Ngayon ay ilalahad ko naman ang pagiging problematiko nito para mismo sa kalalakihan. Sino o ano nga ba ang “tunay na lalaki”? Sabi nila, “ang tunay na lalaki walang abs
”, “ang tunay na lalaki hindi nagha-half rice
”, “ang tunay na lalaki hindi umiiyak
”, at iba pang mga batayan ng pagiging isang tunay na lalaki. Mauubos ang aking oras kung sasabihin ko lahat ng alam kong maaaring bumuo sa kasabihang “ang tunay na lalaki
” dahil mula pagkabata ay marami na akong narinig at pinaniwalaan na kasabihan tungkol sa pagkalalaki bilang ako nga ay isang lalaki. 
Nilapatan ko ng deconstruction ang mga katagang “ang tunay na lalaki
” at nabuo ko ang mga tanong na; “ano nga ba ang salungat ng tunay na lalaki?”, “mayroon ba talagang tunay na lalaki?”, “anong tawag sa hindi tunay na lalaki? At aking napagtanto na kung bibigyan natin ng pamantayan ang pagiging lalaki at ikukulong natin ang pagkalalaki sa mga pamantayan na iyon, kinaliligtaan natin ang mga katangian na maaaring ipakita at taglayin ng isang lalaki. Ito ay dahil isinuksok na sa ating mga kaisipan na ang lalaki ay macho at astig, at nasasapawan nito ang kaisipan na ang lalaki ay maaaring maging maginoo at mapagpakumbaba. 
Malaki ang impluwensiya ng pop-culture at mass media sa pagpapalaganap ng imahe ng “tunay na lalaki”. Isang magandang halimbawa nito kanta ng Hagibis na pinamagatang “Legs”. 
 “Lumalabas ang aming pagkalalaki
'pag mayroong magagandang mga babae 
 Lalo 'pag mga katawan ay gumigiling” 
Problematiko ang konteksto ng “pagkalalaki” sa kantang ito dahil may pagka-sexist ang dating nito kung susuriing maigi. Ipinapakita na ang pagkalalaki ay nakadepende sa pagkahumaling ng isang lalaki sa pisikal na anyo at katawan ng isang babae.
Isang halimbawa rin ang mga gag ng Bubble Gang – na ipinapalabas sa telebisyon – sa mga nagpapalaganap ng ganitong kaisipan. May isang episode ang Bubble Gang na pinamagatang, “Diskarteng Babaero” kung saan may tatlong magkakaibigang lalaki ang nag-iinom sa bar at kanilang tinuturuan ang isa nilang kaibigan na mambabae dahil itong kaibigan na ito ay walang ibang ginawa kundi mag-trabaho at umuwi. Dulot ng kalasingan nitong kaibigan na tinuturuang mababae, hindi siya makadiskarte at palaging nasasampal ng babae tuwing siya ay pumapalya, at dahil sa sobrang kalasingan napahiga na lang sa lapag itong kaibigan na ito at umalis yung dalawa niyang kaibigan na nagtuturo sa kaniya kung paano mambabae na kasama yung dalawang babae na sinubukan diskartehan. Nakakatawa ito kung papanuorin mo dahil sa reaksyon nung lalaki kapag siya ay nasasampal at yung reaksyon ng babae kapag dumidiskarte itong lalaki. Ngunit sa mga biruang tulad nito, na kung saan ay ayos lang ang mambabae, dito kumakapal ang kalyo sa pag-iisip ng isang tao at nababawasan ang kaniyang sensibilidad kung gagawing pangkaraniwan ang ganitong biruan. 
Dapat ay makita rin natin na maaari rin natin taliwasin ang ganitong konsepto ng “tunay na lalaki” at dapat na tayo mismong mga lalaki ang pumuna sa pagiging problematiko ng ganitong konsepto. Maaari rin natin gamitin ang kulturang popular upang magpamulat at magpalaganap ng kaisipang taliwas sa atrasadong pag-iisip tungkol sa pagkalalaki. Isang halimbawa nito ang kantang pinamagatan na “Binary” ng rapper na si Calix. Sa kantang ito ay inilalahad niya ang di makatarungang konsepto ng machismo na umiiral sa kasalukuyang patriyarkal na lipunan ng Pilipinas. 
Bilang isang lalaki, ayokong makulong sa konsepto ng “tunay na lalaki”. Nais kong maging malaya na ipahayag ang aking saloobin at ipakita na ang lalaki ay hindi lamang astig at macho, kundi nag-iisp at may respeto sa kapwa. Nais kong isulong ang pantay na pagtingin at respeto sa bawat tao kahit ano pa man ang kanilang kasarian, uri, at estado sa buhay.
1 note · View note
inosentengbata · 6 years
Text
Indie mo alam.
Sa panahon ngayon, isa pa rin ang pelikula sa mga paboritong libangan ng mga Pilipino. Kaya ngayon uso pa rin ang mga “movie dates”, “movie nights”, at “movie marathon”. At kahit na salat sa pera, gumagawa pa rin ang mga Pilipino ng paraan upang makapanood ng pelikula kaya nga’t nagkalat ang mga piniratang pelikula sa mga bangketa, palengke, at mga maliliit na mall. Ngayon dahil sa internet nagagawa na rin natin na makakakuha ng HD o “high definition” na kopya ng mga pelikula nang libre sa pamamagitan ng pag-download ng torrent na isang ilegal na gawain dahil hindi awtorisado ang pagpapakalat at pamamahagi nito. Ngunit kung may kaya ka naman at may internet ka, uso naman ngayon ang streaming kung saan magbabayad ka para makapanood ng pelikula sa mga streaming sites tulad ng Netflix, iflix, HOOQ, at iba pa. Tunay ngang hahamakin ng Pinoy ang lahat mapanuod lang ang kanilang paboritong artista na magpalabas ng luha mula sa isang mata, maglambinan ang kanilang paboritong love team, o kaya naman tirisin na parang kuto ng bidang action star ang mga alagad ng kontrabida sa mga bakbakan. Lahat ng ito ay nais mapanood ni Juan upang malibang at kumwala saglit sa realidad. Malamang sa malamang, ang mga pelikula na pinanunuod ng isang karaniwang Pilipino ay “mainstream” o yung mga pelikula na pinaglaanan ng malaking pondo para sa mabuo, may mga kilalang artista, at ipinapalabas sa mga sinehan sa mga mall. At ngayon, karamihan din ng mga pelikulang mas gustong panuorin ng mga Pilipino ay mga pelikula na gawa sa Hollywood at pinagbibidahan ng mga kilalang aktor sa Estados Unidos tulad nila Leonardo Dicaprio, Robert Downey Jr., Johnny Depp, at iba pa. Kung genre naman ang pag-uusapan, hindi mawawala sa hilig ng Pinoy ang mga romantic-comedy films, action films, at siyempre ang drama films. Ngayon ay umuusbong rin ang hilig ng mga Pilipino sa mga sci-fi, superhero, at adventure films lalo na ang mga movie adaptatation ng mga komiks tulad ng mga komiks ng Marvel at DC Universe. Kumbaga ang mga pelikulang mas tinatangkilik ng masa ay ang pelikulang mainstream dahil ito ang mga pelikula nahahanapan ng aliw ng karaniwang Pilipino. Ngunit kung tatanungin mo ang isang karaniwang Pilipino kung alam ba niya ang “indie film”, malaki ang posibilidad na hindi niya alam kung ano ang “indie film”. Ito ay dahil hindi umaabot sa masa ang indie film dahil ang indie film ay hindi karaniwang ipinalalabas sa mga sinehan sa mall at hindi gaanong matunog sa telebisyon, radio, o sa social media. Kung mayroon man na mga indie film na umaabot sa masa, ito ang mga pelikula na gawa ng mga producer ng mainstream na pelikula na hinango ang istilo ng indie films. Ano nga ba ang kahalagahan ng indie films? Ang mga indie films o ang “independent films” ay mga pelikula na binuo sa maliit na pondo, malaya, at walang censorship dahil ang layuinin ng independent films ay malayang presentasyon ng sining sa pelikula, pagpapakita ng repleksyon ng lipunan sa pamamagitan ng mga pelikula. Ang indie film ay isang sining at ang sining ay sumasalamin sa buhay ng tao at ganoon din ang paniniwala ni Mao Zedong patungkol sa “Revolutionary Aesthetics”, na ang sining ay repleksyon ng buhay ng tao at dapat na mas tipikal at mas makatotohanan. Maituturing na rebolusyonaryong sining ang indie films dahil maraming independent films ang nagpapakita ng konkretong manipestasyon ng sakit ng lipunang Pilipino sa mga indie films halimbawa nito ang mga Martial Law films tulad ng “Liway” at iba pang mga pelikula na nagpapakita sa karahasang dulot ng Martial Law. Ipinapakita ng indie films ang mga kuwento at anggulo na hindi ipinapakita ng mainstream na pelikula. Malaki ang maaaring maging papel ng indie films sa pagmumulat ng mga Pilipino dahil maraming mga kamalayan at pagpapahalaga na ipinapakita ang indie films na hindi ipinapakita sa mainstream na pelikula. Sana ay makita natin na ang pelikula ay hindi lamang libangan dahil bilang maituturing na isang kulturang popular ang pelikula, maaaring maging epektibo rin ito sa pagbibigay ng pagpapahalaga at kamalayan sa mga Pilipino. At kung puro atrasado ang mga kamalayan at pagpapahalaga na ipinapakita sa mga pelikula, malaki ang posibilidad na isipin ng tao na wasto lamang ang mga napapanood nila sa mga pelikula, iyon ay kung hindi sila kritikal mag-isip. Ang pelikula – tulad ng iba pang sining – ay may layuinin at may pinaglalaanan, at sana ay bigyan natin ng pagpapahalaga ang mga pelikula na inilaan para sa mga Pilipino upang sila ay matuto at mamulat, at hindi lamang malibang. Hindi masama ang malibang ngunit mas maganda sana kung natututo tayo sa ating paglilibang.
0 notes
inosentengbata · 6 years
Text
Rebolusyon sa Micro-blog at Social Media
Napakaraming Pilipino ngayon, lalo na ang mga kabataan ay nahuhumaling sa paggamit ng social media at naglalaan ng napakaraming oras para mag-facebook, twitter, Instagram at iba pang social networking sites. Ito ay sa kadahilanan na tunay nga namang napakarami mong puwedeng gawin sa social media. Maaari kang magbahagi ng mga kaganapan sa iyong buhay, maaari kang mangamusta sa mga taong matagal mo nang hindi nakikita o kaya naman ay matagal na panahon bago mo muling makita, at syempre hindi rin lingid sa ating kaalaman na maaari kang makasagap ng mga balita sa pamamagitan ng social media. Sa panahon ng internet at pag-usbong ng social media ay maraming tao ang nakita ng potensyal nito upang makapagbahagi at magpakalat ng iba’t ibang pananaw, kaalaman, karanasan, at layunin. Maraming tao ang nakita na mas maraming tao ang makakakita ng isang bagay kung ilalagay mo ito sa internet dahil maraming tao ang tumitingin sa internet para maghanap ng isang bagay, makahanap ng sagot, o kaya naman ay para makakita ng mga bagay na kalian man ay hindi niya pa nakikita. Kung noon ay blog ang pinakauso na paraan upang magpahayag ng sarili sa World Wide Web ngayon naman ay mayroon nang tinatawag na micro-blogging. Ang micro-blogging ay tulad rin ng pagsulat ng isang blog ngunit limitado lamang ang mga karakter na maaari mong i-type at kadalasan ay nasa 120 hanggang 240 na karater ang limitasyon ng karakter na maaari mong i-type sa isang micro-blog. Ito ay hinango sa porma ng isang text message kung saan limitado lamang ang puwede mong sabihin sa iyong kausap. Kumbaga ang micro-blog ay tulad ng isang text message ngunit ang mensahe na iyong binuo ay maaaring mabasa ng buong mundo dahil sa internet. Napakaraming micro-blogging sites ang sikat ngayon dahil nga sa pag-usbong ng social media. Isang magandang halimbawa ng micro-blogging site ang twitter kung saan ay isang tweet ay limitado lamang sa 240 na karakter. Sikat at mas tinatangkilik ngayon ang micro-blogging sites tulad ng twitter dahil nga sa panahon ngayon ay limitado na rin lamang ang atensyon ng mga tao at mas pipiliin nilang magbasa ng maiikling tweet kaysa sa isang napakahaba na status sa facebook o kaya naman ng isang blog tulad nito. Gagamitin ko ang twitter bilang isang halimbawa dahil ito ay isa sa mga pinaka sikat at pinaka gamit na micro-blogging sites. Dahil sa pagkahumaling ng tao sa social media, pagkakita ng mga tao sa potensyal ng social media, at pagsikat at pagtangkilik ng mga tao sa micro-blogging, maraming tao ang nakakita sa potensyal ng twitter bilang isang espasyo para sa diskurso at pakikibaka. Sa twitter ay maraming naglalatag ng kanilang mga samut-saring opinyon at pahayag tungkol sa mga kasalukuyang pangyayari at isyu sa ating lipunan. Ang ilan sa mga pahayag na iyon ay nagbubunga ng malalayang diskurso at talakayan na nilalahukan ng maraming tao. Mapapansin mo talaga na maraming mga intelektwal sa micro-blogging sites tulad ng twitter dahil makikita mo ang husay kung paano nila ilatag ang kanilang argumento sa isang diskurso kahit limitado ang mga karakter na maaaring i-type. Uso rin sa twitter ang tinatawag na “twitter rally” kung saan ginagamit ang “#” o “hashtag” upang magpahayang ng panawagan sa social media halimbawa nito ang #NeverAgainNeverForget na nag-simula noong 2016 bilang pagtutol sa pagpapalibing sa diktador na si Ferdinand Marcos sa libingan ng mga bayani. Dahil sa pagiging interaktibo ng social media; ng mga micro-blogging sites, nagagamit ito ng mga tao upang magpakalat at mangalap ng impormasyon, at mag-organisa ng pagkilos. At tulad nga sa konsepto ng Rhizome ni Guattari at Deleuze, ang micro-blogging ay sangay-sangay ng impormasyon na kahit saan ay puwede kang magsimula dahil sa mga links, tulad din ito sa mga blogs na ipinaliwanag UZ Eliserio sa kaniyang akda na Blog ang Mundo: Pagsasalsal at Pakikibaka sa Internet. Isang malaking tulong ang link sa micro-blogging dahil nga limitado lamang ang mga karakter na maaari mong ilagay sa isang post maaari ka na lang magbigay ng isang link na maaaring makapagbigay ng dagdag impormasyon na maaari ring may nilalaman na link na magdadala na naman sa mambabasa sa isa na namang site at patuloy ang sangay ng impormasyon na dulot ng link mula sa isang post. Dahil nga walang katulad ng MTRCB sa internet dapat matuto ang mga tao na maging kritikal at mapanuri sa mga impormasyong nakakalap nila sa social media dahil sa laganap ang mga pekeng balita o kaya naman mga impormasyon na mapanlinlang o kaya naman ay mapanlito. Dahil nga isang malawak na espasyo ng bentahan ng impormasyon ang internet at ang social media, kahit sino ay puwedeng maglatag ng kanilang pahayag at kung hindi kritikal ang isang tao at madali lamang siyang mapaniwala sa mga nakikita niya sa isang tingin, maaari siyang maniwala sa pekeng balita at magpalaganap ng maling impormasyon. Dito natin makikita ang kahalagahan ng Media Literacy o ang kakayahan ng isang indibidwal na suriin at intindihin ang impormasyon na kaniyang nakukuha mula sa media, halimbawa na ang mga balita at impormasyon na nakukuha ng isang tao sa social media o sa internet. Huwag natin ikompromiso micro-blogging, social media, at internet. Ang kaalaman ay kapangyarihan. Ang internet ay isang espasyong punong-puno ng iba’t ibang kaalaman na maaari nating magamit sa ating pag-unlad. Tumulong tayo sa pagpuno sa internet ng mga makabuluhang impormasyon na maaaring makatulong sa pag-unlad ng ating kapwa at ng ating bayan. Gamitin natin ang social media upang ipakalat ang mga impormasyon na makapagpapamulat sa maraming Pilipino. Hindi man maiwasan ang “pagsasalsal” sa internet o ang pagbabahagi ng buhay natin sa mundo sa pamamagitang ng internet, pilitin natin ang ating sarili na magpalaganap ng impormasyon na may laman at maaaring may maitulong sa bawat Pilipino. Blog, micro-blog, facebook status, tweet o kung ano man ‘yang inilalagay natin sa internet. Siguraduhin natin na ang bawat bagay na ating ipipinapakalat ay may katotohanan at maaaring magsilbing gabay sa pagunlad ng bayan.
0 notes
inosentengbata · 6 years
Text
Ang Notorious S.E.A.T. Campaign
Ang Notorious S.E.A.T. Campaign Tanda ko pa noong ako’y nasa elementarya pa lamang, sa aming paaralan ay may tinatawag na “Speak in English All the Time Campaign” o mas kilala bilang S.E.A.T. Campaign. Ito ay isang programa sa aming paaralan na naghihikayat sa mga mag-aaral na magsalita sa wikang Ingles sa loob ng silid-aralan kapag ang gamit na wikang panturo sa isang asignatura ay Ingles. Ang isang klase ay bibigyan ng marka ng kanilang guro mula isa (1) bilang pinakamababa at sampu (10) bilang pinakamataas pagkatapos ng klase depende sa dami ng nakilahok at husay sa pakikipagtalakayan ng klase gamit ang wikang Ingles. Isa rin itong kompetisyon na kung saan ang (mga)seksyon na may pinakamataas na marka ay mabibigyang pagkilala tuwing Biyernes at katapusan ng buwan pagkatapos ng flag ceremony. Iba-iba ang naging reaksyon ng mga mag-aaral sa S.E.A.T campaign, may mga natuwa dahil sa wakas ay mailalabas na nila ang kanilang husay sa pag-Iingles lalo na’t kung ang kanilang pangunahing wika na kanilang naututnan ay ang wikang Ingles ngunit mayroon din namang mga hindi natuwa dahil maaari itong ituring na hadlang sa isang mag-aaral na ipahayag ang kaniyang sarili sa isang asignatura kung hindi niya kayang ipaliwanag ang sarili sa wikang Ingles. Sa S.E.A.T Campaign makikita mo nang may lamang ang mga mag-aaral na Ingles ang gamit na wika sa kanilang tahanan kumpara sa mga mag-aaral na wikang Filipino ang ginagamit sa pakikipagtalastasan. Alam naman natin ang katotohanan na hindi nangangahulugang walang alam o bobo ang isangtaong hindi bihasa sa paggamit ng wikang Ingles. Alam din natin na isang pangangailangan ang pagiging maalam sa wikang Ingles lalo na sa akademiya dahil ang medyum na gamit panturo sa ibang mga paaralan dito sa ating bansa lalo na kapag ang paaralan ay pribado at eksklusibo. Kung hindi ka maalam mag-Ingles ay talaga namang mangangamote ka. Bilang mag-aaral hindi natin puwedeng iwasan o kaligtaan ang pagkatuto ng wikang Ingles dahil ito ay isang wikang dapat natin linangin upang magamit natin sa ating pagkatuto. Kung ang isang mag-aaral na hindi gaanong mahusay sa wikang Ingles ay nahihirapan makaintindi at ipahayag ang sarili gamit ang wikang Ingles paano pa kaya ang masa; ang mga manggagawa, magsasaka, at mangingisda na malamang ay hindi nakapag-aral o kaya naman ay hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Paano madaragdagan ang kanilang kaalaman at magkakaroon ng kamalayan upang paunlarin ang sarili kung ang mga bagay na dapat nilang malaman ay nasa wikang hindi naman nila lubos na naiintindihan? Halimbawa na nga ang nabanggit ni Conrado de Quiros na “Ang Filipino ay lenggwahe lamang ng mga tabloids at hindi broadsheets.” Ang mga tabloids na mas naiintindihan ng masa ang kanilang pipiliin basahin dahil ito ang nakalathala sa wikang Filipino samantalang ang mga mahahalagang balita ay nasa broadsheets at kadalasang wika na gamit ng mga mamamahayag ay wikang Ingles. Ang pagiging maalam Ingles ay isang pribilehiyo na hindi lahat ng mga Pilipino ay mayroon ng pribilehiyong ito. Sabi sa isang kanta ni Joel Malabanan na isang propesor at musikero, “Politika, Ekonomiya, at Kulturang Popular, Sa puso’t diwa English ang dinarasal
” Inilahad niya rito ang katotohanan na ang mga institusyon na ito ang nagtatak sa kaisipan ng mga Pilipino na ang wikang Ingles ay mas makapangyarihan at ang magpapaunlad sa atin. Ang ganitong pagiisip at pagpapahalaga ay bunga ng kolonyal na edukasyon, kung patuloy itong mamamayani ay patuloy rin tayong maniniwala na ang mga dayuhan ay mas mataas at ang mga Pilipino ay dapat tumatanggap at sumusunod lamang. Sa panahon ngayon ay dapat mas lalong pinatitibay at pinauunlad ang sariling nating wika imbis na patuloy na niyayakap ang kultura at wikang banyaga. Sabi nga ni Bienvenido Lumbera, “Ang wika ay palatandaan ng pagkakaroon ng identidad ng isang bayan
” Hayaan natin na ang sarili nating wika ang magbigay ng pagkakakilanlan sa ating bayan. Tayo ay pumiglas sa tanikala ng kaisipan na ang wikang Ingles ang siyang magbibigay sa atin ng kaunlaran bilang bayan, at sa isang banda ay palakasin natin at paghusayin ang sarili sa paggamit ng ating sariling wika.
0 notes
inosentengbata · 6 years
Photo
Tumblr media
Buhay Petite B
Nitong bakasyon pagkatapos ng Senior High School napagusapan namin ng mga kaibigan ko ‘yung mga plano namin pagkatapos ng Senior High School... “Wala na to pre, titigil muna ako tapos siguro magco-call center muna ako, Convergys na ako neto pre
” “Ako nga baka subukan ko sa McDo” “Ako siguro baka sa SM” “Ikaw? Mag-aaral ka ba? Saan mo balak mag-aral?” “Ano pre... baka sa La Salle o kaya sa Benilde” Karamihan samin pabiro na sinabing babagsak kami sa mga BPO o kaya naman sa fast food restaurant kasi hindi naman lahat sa amin may kakayahan na makatungtong sa kolehiyo, ani mo’y walang kasiguraduhan kung saan kami papunta pagkatapos ng Senior High School. May ilan din naman sa amin na sumagot na magpapatuloy sila sa pag-aaral dahil mayroon naman silang pantustos at suporta mula sa kanilang mga magulang upang makapag-aaral, siyempre una nilang binanggit na nais nilang pasukan ‘yung mga unibersidad na kilala at may magandang reputasyon tulad ng De La Salle University, University of Santo Tomas, College of Saint Benilde, at iba pang mga pribadong unibersidad na mayroong magandang pangalan dahil alam at iniisip natin na kapag mahal ang ibinabayad sa isang institusyong pang-edukasyon ay dapat maganda rin ang kalidad ng kanilang pasilidad at turo. Iyon din ang inaakala ko; mag-aaral ako sa isang magandang paaralan, magkakaroon ng magandang trabaho, kikita ng maraming pera, at iahon sa kahirapan ang aking pamilya. Wala naman masama sa pangarap ko na iyon, ngunit may mga bagay pala akong nakaligtaan, hindi ko namalayan, at hindi ko nakita sa pangarap kong makatapos ng pag-aaral at pagkakaroon ng magandang trabaho. Hindi ko nakita na lahat pala ng taon na ginugol ko para sa pag-aaral at maaaring mapunta dalawang resulta base sa mga obserbasyon ko sa mga kakilala, kaibigan, at kapamilya ko na ngayon ay nagtatrabaho na: una, ako ay maaaring magkaroon ng magandang trabaho sa isang magandang kumpanya na may kapitalistang layunin o kaya naman ay pag-aari ng mga dayuhan dahil kung gusto kong kumita ng maraming pera ay dapat mataas din ang kinikita ng aking papasukan, at pangalawa, mangingibang bansa ako upang magsilbi sa mga dayuhan dahil mas maraming oportunidad at mas mataas ang sahod sa ibang bansa. Hindi ko namalayan na para akong naka-program — tulad ng isang kompyuter—upang manungkulan sa isang sistema na pinapatakbo ng mga naghaharing uri. Hindi natin nakita na ang ilang taon na ginugol natin sa paaralan ay para maging pagkukunan ng murang presyo ng pasahod sa mga manggagawa, at maging konsumidor ng mga produkto at serbisyo ng mga kapitalista. Ngayon ay dapat imulat natin ang ating mga mata. Bakit nga ba tayo nag-aaral? Ilang taon ipinapasok sa isip natin na para magkaroon ng magandang trabaho at maunlad na buhay ay dapat tayong mag-aral ng mabuti. Ngunit ngayon, dapat ay mapagtanto natin na higit pa sa magandang trabaho at maunlad na buhay ang dapat na dahilan ng pag-aaral natin. Alam naman natin na dulot na rin ng hirap ng buhay at pagiging praktikal ang pagnanais na makapagtapos at makapagtrabaho dulot ng nagbabagong mundo na nangangailangan ng mga manggagawa at propesyonal. Dapat ang ilang taon na ginugol natin sa pag-aaral ay hindi lamang nagbunga ng isang tao na nagnanais magkaroon ng magandang trabaho at maunlad na buhay ngunit isang indibidwal na mulat sa katotohanan, may pakialam sa lipunan, at nagnanais mag-ambag sa pag-unlad ng bayan.
0 notes
inosentengbata · 6 years
Text
Huwag kang pipikit.
“...I shall return” Hindi ba’t napakasarap pakinggan ng mga salitang ito lalo na’t kapag ikaw ay iniwan, mag-isa, at walang kalaban-laban. Ito ang binanggit ni Heneral Douglas MacArthur noong kasagsagan ng gulo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Isang magiting na hakbang ng isang banyagang sundalo at kahanga-hanga ito para sa ating mga Pilipino. Simula noong tayo ay nasa elementarya pa lamang ipinapakita sa mga librong pangkasaysayan at itinuturo sa atin ng ating mga guro na ang mga Amerikano ang nagligtas sa atin mula sa mga abusadong mga Hapones. Sa paglipas ng panahon tayo ay naniwala rin na ang mga gamit o mga produktong mula sa Amerika ay mas maganda ang kalidad kumpara sa mga produkto at kagamitan na mula sa mga lokal na pagawaan dito sa ating bansa. Ginawa nating batayan ang Amerika o ang mga Amerikano sa kalidad ng pamumuhay dito sa ating bansa. Tayo ay nagkaroon din ng kaisipan na kapag mahusay o marunong ang isang tao mag-Ingles siya ay isang edukadong tao, at ang paggamit ng wikang Ingles ay kadalasang ginagamit ng mga mayayaman at nakaaangat sa buhay. Dahil sa mga paniniwalang ito, natakpan nito ang layunin ng mga Amerikano na sakupin ang ating bansa at ating inakala na sila ay isa sa mga mag-aahon sa ating bansa mula sa pagkalugmok. Ginamit nila ang edukasyon bilang instrumento upang sakupin ang ating bansa at upang mas mapadali ang implementasiyon ng kanilang mga alituntunin. At dahil katulad na nila tayo mag-isip, inakala natin na ang ginagawa nila ay isang anyo ng pagtulong sa ating bansa. Ngayong panahon na tayo ay mulat na, huwag na tayong magpalinlang pang muli. Kilatisin natin ang bawat bagay, alamin ang bawat aspeto nito, at tignan ito sa bawat anggulo. Huwag tayong matakot kuwestiyonin ang ating mga nalalaman, sa pamamagitan ng pagtatanong ay unti-unti natin nalalaman ang isang bagay at mas lalo tayong napalalapit sa katotohanan.
0 notes
inosentengbata · 6 years
Photo
Tumblr media
1 note · View note