Mahalin mo sarili mo.
Kaya mo yan.
Sige na.
Hindi ka man ang pinakamagaling sa maraming mga bagay,
Ikaw ang pinaka nagsisikap sa lahat ng tao. Ikaw ang pinakanaghihirap sa lahat ng tao. Ikaw ang pinakalumalaban sa lahat ng tao.
At kahit hindi nila nakikita ang paghihirap na dinadaanan mo, ‘yun na nga talaga yon. Ikaw lang talaga ang makakakita ng lahat ng ‘yon. Ikaw lang ang kayang makaintindi sa lahat ng ‘yon. Ikaw lang ang magmamahal sa sarili mo at wala nang iba. Kunin man nila ang lahat sa’yo, hindi nila makukuha ang iyong laban.
Matagal ka nang lumalaban.
Matagal ka nang nagmamahal.
Kung mayroong mga bagay na hindi mo maipaghihiwalay sa pagkatao mo, eto na ‘yon.
Huwag kang mapapagod lumaban.
Huwag kang mapapagod magmahal.
0 notes
Hindi naman yata ako tunay na makata,
Sapagkat ang makata ay may likas na daloy sa kanyang mga salita.
Ang kaniyang sulat ay sa angking talino nagmumula,
Lumalapat ang bawat salita sa salita, nang napagakaganda
Hindi naman yata ako tunay na makata,
Sapagkat ang talinhaga ko’y sa puso nagmumula,
Kung ang makata’y nakasalalay sa kaniyang talino,
Maaari mo nang sabihin ako’y gunggong - isang bobo,
Tanga na sa pagmamahal nakapako,
Tanga na kapag umibig, ay todo-todo
Tanga na nababasbasan ang dila sa pananalita
At ngayon pagibig mo’y siyang sinusumpa
Sapagkat ang pagibig mo ang sa aki’y nagturo
Na mas malawak pa ang mundo sa nalalaman ko,
Na nay mas hihigit pang ligaya sa buhay
At mayroong lungkot na walang humpay.
Hindi naman yata ako tunay na makata,
Sapagkat totoo ang aking mga salita.
Ang nais ko lamang ay ang pagibig sa puso’y mapalaya
Sa pagsusulat at pagsambit ng mga inaalay na tula.
0 notes
Mahal na Roxane,
Sa tuwing ika’y hinahaplos ng hangin sa mukha,
Alalahanin mo'ng aking mga kamay na mapangalaga.
Sa tuwing ika’y nilalamig sa gabi,
Damhin mong aking yakap na mapagmahal ang init.
Sa tuwing ika’y nakakaalala sa akin,
Isipin mong ika’y aking aalalahanin
Sa lahat ng pagkakataon,
Sa bawat kilos at pagsulong
Kahit masuong sa panganib
Kahit manghina man ang dibdib
Kahit ano pa man, ang dumating at magdaan
Ika’y mananatili sa puso’t isip, magpakailanman.
Nagmamahal,
Christian
0 notes
Mahal ko, patawad, panandalian ako’y mawawala, sapagkat pagsusulat ay hindi ko magagawa. Huwag magalala, sapagkat ikaw ang dulo at simula.
Ika’y mananatili sa aking puso’t diwa , sa bawat pagtulog sa gabi, at paggising sa umaga.
Nagmamahal,
Christian
0 notes
0 notes
Ang lahat ng tao ay may taning sa kanilang buhay,
May nakatakdang oras bago sila mamatay.
Ang iba’y nabibigyan ng hanggang higit sa sandaan,
Habang ang iba nama’y hanggang labing-walong taon lamang.
Kahit ganiyan ang patakaran ng mundo,
Napakaraming tao ang hindi pa rin natututo
Buhay nila’y sinasayang sa kung ano-anong bisyo
Sarili lang ang iniintindi, at walang pakikitungo
Hindi ba nila naiiisip o naiintindihan
Na ang��mundo’y may matinding pangangailangan
Para sa mga taong may prinsipyo at paninindigan
May angking kabutihan at katapangan panglaban
Mahal kong Roxane,
Ikaw ang dahilan
Kung bakit ako lumalaban
Kung bakit ko hinaharap ngayon ang kamatayan
Ito’y dahil pinairal mo sa’king pagkatao ang pagmamahal
Sa aking paglaban ito’y taus-pusong maitatanghal.
Ito’y dahil pinaniwala mo ako na may pag-asa at kabutihan
at ito’y dapat alagaan at huwag pabayaan.
Ang lahat ng tao ay may taning sa kanilang buhay,
Alam kong hindi ko magagawang dito mamatay,
Ako ma’y itinakda na lumaban dito hanggang dulo
Huwag magalala, sapagkat ako’y uuwi sa’yo
Dahil itinakda akong manahan at mamatay sa piling mo,
Pangako.
Nagmamahal,
Christian
0 notes
Minamahal kong Roxane,
Sa wakas - sanlibong salamat
Nakapananabik ang makatanggap muli ng sulat
Sagot sa mga liham na iyong taus-pusong tinatanggap
Sagot sa sanlibong mga pasakit at mga pangarap
Ikaw ang sagot sa anumang pasakit
Maging galit ay iyong napapawi
Sa isang bigkas mo, ako’y napapaawit
Kahit sa panahon na ako’y naririndi
Ikaw ang sagot sa simpleng mga pangarap
Na magkaroon ng kasama panghabambuhay
Hindi ko na kailangan pang maghanap
Dahil ang pangarap ay nasa iyong mga kamay
Pero higit sa lahat,
Ikaw ang sagot sa kung mayroon bang langit
Dahil balang araw, kapag buhay ko’y bawiin
Sa iisang lugar, ako’y Kaniyang ibabalik
At iyon ay sa iyong piling
Aking kanlungan, aking tahanan
Balang araw ako’y iduduyan ng tadhana
Pabalik sa iyong dalampasigan
Nagmamahal,
Christian
0 notes
0 notes
Roxane, masaya ako
Dahil kahit papaano
Ating mga puso’y tuluyang pinagtatagpo
Tila dalawang ilog na pinagiisang dulo
Huwag mangamba na ang aking ilog ay matutuyo
Patuloy lamang ang daloy ng aking pagsuyo
Sa panahong ito, na sa sulat lamang tayo nagkikita
Aking ibubuhos ang buong diwa sa mga salita
Hahayaan ko ba na ang bulaklak ay malanta
Kung ang nais lamang nito’y aking paggunita?
Roxane, aking sinisinta
Araw-araw ikaw ay aking ginugunita
Kung sa bawat pagalala’y, bulaklak ay nagbunga
Sa’yo inaalay, sanlibong harding sa hiraya nilikha
Roxane,
Ikaw ang paraluman,
ang bukal na pinagmumulan
Ng lahat ng salita, himig at kundiman
Tandaan, aking ilog ay dadaloy magpakailanman
Sapagkat aking irog, ikaw ay aking pinahahalagahan.
Nagmamahal,
Christian
0 notes
Mahal kong Roxane,
Ang ganda mo’y walang katulad,
Natatangi at hindi natitinag,
Kumikislap maging sa mata ng bulag.
Sapagkat ang tunay na kagandahan mo’y
Hindi ang panlabas
Kundi ang kabutihang loob
Na iyong sa aki’y pinamalas
Iyan ang nararamdaman ko sa puso mo
Iyan ang isang bagay na huwag sanang magbago
Iibigin kita mawala man ang iyong magandang anyo
Iniibig kita dahil sa iyong pagkatao
Nagmamahal,
Christian
0 notes
Oktubre 24, 1942
Mahal kong Roxane,
Ang ganda mo’y walang katulad,
Natatangi at hindi natitinag,
Kumikislap maging sa mata ng bulag.
Sapagkat ang tunay na kagandahan mo’y
Hindi ang panlabas
Kundi ang kabutihang loob
Na iyong sa aki’y pinamalas
Iyan ang nararamdaman ko sa puso mo
Iyan ang isang bagay na huwag sanang magbago
Iibigin kita mawala man ang iyong magandang anyo
Iniibig kita dahil sa iyong pagkatao
Nagmamahal,
Christian
0 notes
O irog ko, mula noong ika’y lisanin
Mundo’y kay bilis na nagbago
Sanlibong mga bagay naging pasanin
Habang hindi matanaw ang dulo
Matatapos pa ba ang paghihirap?
Magkikita pa ba tayo?
Tila lahat yata’y naging pangarap
Maliban sa pagibig mo
Iyon ang nagiisang bagay na nanatiling totoo
Nararamdaman ko sa kalalim-laliman ng aking puso
Sa mundong nawalan ng kulay at ligaya
Pagmamahal mo’y hindi natitinag ang ganda
Ito’y naging salamin sa aking mga mata
Ako’y natutong tumingin lagpas sa nakikita
Roxane, kailan ma’y hindi ko inakala
na sa kabila ng dilim at hirap, laging mayroong pagasa
Nagbago man ang mundo,
May mga bagay pa rin na hindi nagbabago.
Salamat Roxane, dahil ikaw ang bumubuhay sa pag-asa sa aking puso.
Ako’y lalaban hanggang dulo, hanggang sa tayo’y muling magkatagpo.
Nagmamahal,
Christian
0 notes
Mahal kong Roxane, Ang kalawaka'y tahimik Tila buong mundo'y umiidlip Dinig lamang ang pusong nananabik Umaawit - sumisigaw hanggang sa iyong masagip Kung nasaan ka man ngayon, Damhin mo ang dagundong Ang halong sakit at ligaya Sa pagmamahal na ginugunita Napakasarap na ika'y inaalala Ngunit napakasakit na sa piling ko'y wala ka Alam ko na sa oras na tayo'y magkakasama Ang buong mundo at ang puso'y magiging mapayapa. Naghihintay, Nagmamahal, Christian
0 notes
Mahal kong Roxane,
Patawad sa isang araw na pinagpaliban
Ako'y nilagnat - pero huwag magalinlangan
Dahil ito'y bumaba rin kamakailan
Bunga ng pagod, pagkalugmok at sakit
Tila pati kamatayan ay nangaakit
Tinanggihan maging ang alok ng langit
Pangalan mo lamang ang laging sinasambit
Roxane! Roxane!
Anumang hirap at sakit ay aking malalagpasan
Madalas itanong sa akin kung bakit pa ako lumalaban
Mula noon hanggang ngayon, ikaw ang dahilan
Roxane,
Patawad muli sa araw na pinagpaliban
Tandaan mo lang lagi at huwag kakalimutan
Ang pagibig ko'y sa'yo, magpakailanman
Nagmamahal,
Christian
0 notes
Madaling araw nanaman at ako'y nagsusulat Maubusan man ng bala, wag lang ng panulat Dahil ang aking mga salita, ang siyang panangga Sa tunay na kalaban sa panahon ng giyera: Ang kalungkutan. Ako'y nagsusulat nang walang kapaguran Puso'y binubuklat at tinatatakan Ng lahat ng pangako at alaalang namagitan Ako'y nagsusulat para wala ni isang makalimutan Ang makalimot ay hindi naituro sa akin Maging ang mga mali ay aking aalalahanin Isang pagkakamali ang hindi sa'yo napadama Kung gaano ka sa aki'y, kamahal at kahalaga Mahal kita. Wala nang hihigit pa sa'yo. Tunay ngang kalungkutan ang kalaban ko Sapagkat kailan pa kaya ito maipadadama sa'yo? Sa iyong harap, o ika'y kayakap Kapiling, katabi, magkadikit ang ating mga labi Kung maari! At kung hindi, Ay sapat na sa akin ang ito'y masabi, Mahal kita. Wala nang hihigit pa sa'yo. Sa katunayan, Matagal na iyang nakatatak sa aking puso, Araw araw akong nagsusulat Para lang maipadama sa'yo. Mahal kita. Wala nang hihigit pa sa'yo.
0 notes
Namamahay sa aking puso
Mga alaala ng ating mundo
Na nabuo sa mga panaginip
At sandosenang mga awit
Sanlibong tala ang nakaukit sa langit
Sandosenang mga himig ang naiawit
Sandaling pagtatagpo ng mga puso - ngunit bakit
Ang maligayang buhay sa piling mo'y ipinapagkait
Nabubuhay sa aking dugo
Ang pagibig na sa iyo'y pinangako
Mamahalin kita kahit dugo'y dumanak
Mamahalin kita hanggang sa huling patak
Sanlibong tala ang pumuputok sa langit
Sandosenang mga sigaw ang nakikiawit
Sa mga sandaling nawawalan ng puso at bait
Ang mabuhay sa piling mo'y aking sinasambit
Ikaw ang tanging
Bumubuhay sa akin
0 notes
Hanggang kailan ko kailangang tiisin
Ang mawalay sa'yo, aking ligaya
Napakalupit na tayo'y ipinaghiwalay
Siya mismo ng tadhana
Akalain mong darating ang trahedya
Sa sandaling puso natin ay pinagkaisa
Pinagtagpo ng musika
Pinagbuklod ng kanta
Tila ang buong awit ay siya ring itinadhana
Kay pait na hindi nagtagal ang ating ligaya
Pero mahal ko, huwag kang magaalala
Darating rin ang panahon na tayo'y muling magkikita
0 notes