Text
WALANG PAMAGAT ni Mr. John
Dumating ka na ba sa punto ng buhay mo’ng tila lahat nalang ay walang pagasa? Naranasan mo na bang magmaktol ng buong araw na hIndi alam ang dahilan? O ikaw yung taong nakaranas na ng mapapait na problema? Kaibigan, ‘wag ka magalala, di ka nagiisa. Hayaan mong samahan kita sa problema ng buhay, aalalayan kita, magtiwala ka.
Unahin nating puntuhin ang iyong tunay na problema. Isa ka ba ngayon sa taong nakakaramdam ng kapangitan, yung pakiramdam mo’y di ka naging maganda sa paningin ng iba, kung ikaw ito magpatuloy ka... Namulat ang iyong mga mata sa mapanghusgang mundo, kaibigan masanay ka na rito. Sa paghikbi’t unang pag-iyak mo, di kapangitan ang ang sayo’y binansag. Alalahanin ang mga ngiting naibigay mo sa iyong ina, na sa likod ng masakit na pag-ere ay minahal ka. Oo’t karamihan na ngayo’y nagbabase sa itsura, ngunit ‘wag mawalan ng pag-asa,’di lahat ay gaya nila. Kaibigan, narito ako, naniniwala’t nakikita ang ganda mong taglay. Huwag padadaig sa salitang kapangitan, bangit man lagi ng labi nila’y ‘wag kang papatinag. Alalahanin mong sa likod ng mga panghuhusga ay may nagsasabing, tunay kang maganda.
Binabasa mo ba ang mga talatang ito dahil naloko ka na, ay mali, ulitin natin. Binabasa mo ba ang mga talatang ito dahil niloko ka niya? Kung oo, ‘wag ka ng magulumihanan, ikaw ay aking maiintindihan... Gaano man karami ang mga salitang narinig mo sa mga kaibigan at pamilya, pero hindi ba’t umiyak ka parin at nagpakatanga? Dalawang uri lamang ng tao ang naloloko, yun ay ang mga bulag at uto-uto . Alin ka dito kaibigan, ‘wag ka na mahiya! Alin man sa dalawa’y maaring may sagot ka, pero, sana kahit sa pagsagot man lang nito’y nagkamali ka. Karaniwan kasi’y di natin kasalanan, minsan sadyang madaya ang panahon, yung tipong sapat na siya, handa ka na, minahal mo na siya pero sa dulo hindi talaga. Hindi talaga kayo para sa isat-isa. Iiyak mo lang, ngunit matuto kang tumigil at muling bumangon. Dahil sa mundong ibabaw ang marupok ay ang siyang talunan.
Naka earphone o headset ka ba ngayon? Dahil ayaw mong marinig ang ingay ng mundo, o ayaw mo lang marinig ang sigaw ng nanay mo? Di man kita nakikita ngunit alam kung napangiti ka, napangiti ka sa katotohanang masakit pero nakakadismaya. Masakit na palagi nalang tayong napapagalitan, masakit na lagi nalang tayong sinisigawan, at masakit na lagi nalang tayo ang tila mali. Ngunit Nakakadismayang tila nawawalan ka na ng galang, at nakakadismayang wala ka ng pakialam. Kaibigan mo ako, maniwal ka, alam ko ang sakit na nararamdaman mo, ngunit alam ko rin ang sakit ng nararamdaman ng magulang mo. Ayus lang sigurong tayo’y marindi sa ingay ng ating ina, ayus din namang magdamdam tayo sa pangagaral nila. Pero masdan at saliksikin mo naman ang iyong sarili, hindi ba’t pagmamalabis na tila binabastos mo na sila? Magnila’y ka’t husgahan ang mga galaw dahil hindi sa lahat ng pagkakataon tayo ang mali, minsan tayo lang talaga ang may mali.
Masakit bang sugatan ang kamay? Anung lubid ba ang dapat gamitin sa pagbigti? Ako kasi sosyal, inumin ang aking gamit sa pagpapakamatay. Bakit ka nga pala nagtangka, bakit di ka natuluyan, bakit ngayo’y nabubuhay ka pa? Marahil marami ang tanong ngunit iisa lang ang sagot, everything happens for a reason. ‘Di ka na ba masaya kung bakit mo ito nagawa? Wala na ba sayong nagaalala kung bakit gusto mo ng mamayapa? Napakasakit namang isiping, sa dinanami dami ng tao isa ka sa matatawag na walang utang na loob. Pasensya na’t masakit ang aking mga naituran, subalit nasaktan ka man ito talaga ang katotohanan. Binigyan tayo ng buhay di para ating lapastanganin, niluwal ka’t na silayan ang mundo para di maging makasarili. Kung sa tingin mo’y wala ka ng silbi at wala na sayo’y nagmamahal, pwes manhid ka na bulag ka pa! Kaibigan……………...tumigil ka muna’t……... magisip ka!
HOY IKAW! Oo ikaw nga, yung kulang ang baon sa pagpasok sa eskwela, yung hanggang ngayon tuition mo parin ang problema. Minsan sinisi na natin ang lahat, kesyo ang taas ng matrikula, walang trabaho ang ina at ama, at kadalasan pa ngay nadadamay pa ang jowa. Sa pilipinas, ang bansang ating sinilangan, nagmamahal ang lahat mapabigas man o ulam. Nakalakihan na natin ang mga salitang; “anak magaral kang mabuti upang pagdating ng panahon maiangat mo ang ating pamilya sa kahirapan”. Tamang pangangaral, ngunit gaya ng gulong ay butas. Ngayon pa ngalang ay kulang na ang pambaon, pangmatrikula’y inutang na sa kapitbahay pero marami bang umahon? Kaibigan, di man tayong nilikhang perpekto, ngunit tayo ay may angking talino. Nagaaral ka nga’t matataas ang grado, ngunit bakit utak ay parang musikang wala sa tono. Hindi mali ang salitang magaral ng mabuti, ngunit idagdag natin ang salitang mag pursiging mabuti. Marami ng mga taong nakapagtapos ngunit walang trabaho, marami ring mga taong gustong magtrabaho pero di nakapag tapos. Huwag mong isipin ang bente pesos, sengkwenta o isang daang pisong baon mo. Ang isipin ay ang salitang pagasa’t pagtitiwala, na sa likod ng madidilim na problema may liwanag na nakatungaw sa kalangitan na naghahanda lamang para sati’y ibigay.
Sa huling pagkakataon gusto kung ikaw ang huli kung makausap, oo, ikaw mismo! Anu man ang problema mo ngayon, anuman ang sakit ng nararamdaman mo, at kahit gaano ka man pinagsakluban ng mundo, narito parin ako, magusap tayo. Hindi kita pipiliting magpatuloy kung ayaw mo na, ngunit kung may tiwala ka ay heto na. Ilagay sa tenga ang earphone na dala, patugtugin ang mga paboritong kanta, isa…dalawa...tatlo...apat...at lima. Unang hakbang at bigkas ng salita, mga kuro-kurong sa isip nagmula. Malungkot ka man o masaya, sa likod nito’y meron paring mga problema. Nasaktan, Pinaasa, Iniwan, nagaaway na magulang, nawalan ng mahal sa buhay, kulang ng parte ng katawan, may sakit, naguguluhan, nagahasa, butas ang bulsa at kulang sa pagasa? Di ko man nabangit ang problemang meron ka, nais kung ipaalala sayo kung anu ka talaga. Na sa likod ng problema ikaw parin ang pagasa. Naalala mo ba yung panahong napangiti mo ang magulang mo sa unang pagyapak mo, naalala mo ba yung pagpalakpak nila nung natutunan mo na ang una mong salita? Naalala mo pa ba nung pagpasok mo sa eskwelahan, na may kaba at sa una’y umaayaw ka pa? Naalala mo rin ba ang mga kaibigan mong tumawa’t humalakhak dahil sayo? Marahil minsan nagkibit balikat ka nalang. Di mo na ba naaalala yung mga panahong nagkatitigan kayo ng crush mo? Di mo na ba naaalala yung mga salitang “SALAMAT” para sa mga simpleng tulong na naibigay mo? At di mo na rin ba naaalala yung oras na napaiyak ka na kaka-halakhak, hanggang sa sumakit narin ang tiyan mo? Ilan lang yan sa mga bagay na gusto kung ipaalala sayo, mga bagay na simple man pero naging bahagi ng tinatawag mong magulong mundo.
Ang buhay ay gaya ng papel na parang blangko, tayo ang mismong magsusulat at bubuo ng sarili nating kwento. Ang akday may titulong “WALANG PAMAGAT”, dahil ang sanaysay na ito ay nagpapaalala at laging magpapaalala sayo, na kahit pakiramdam mo’y wala kang kwentang tao ay may pamagat ka’t dala ang sariling kwento.
Panahon na, halika’t isulat at tahakin ang sarili mong tadhana!
MAGPAPATULOY? SUSUKO?
LILINGON? TATANAW?
NGAYON NA? BUKAS PA?
NOTE: Sana magustuhan niyo po.
2 notes
·
View notes
Photo

No matter how ruined your life is, don’t forget it.
-The smile
1 note
·
View note