mga pagwawari-wari ng isang iskolarpara sa FIL AA 1 Q2
Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
✒️The End Justifies the Means
The lesser evil — Bad Travelling at ang pagsasagawa ng mas nakabubuting desisyon...
Itinatanghal ng seryeng "Love Death and Robots" ang maiikling kwentong naglalaman ng iba’t ibang temang nagtatambad ng isyung panlipunan, tulad ng industriyalisasyon, karahasan, at pang-aabuso ng teknolohiya. Sa bawat episode, tanyag ang samu’t saring estilo ng animasyong natatangi sa bawat estudyong lumikha nito.
Tanyag sa pangatlong episode ng ikatlong season ang kuwentong pinamagatang "Bad Travelling" na hango sa mga mitolohiyang pangkaragatan. Sa paglalayag ng mga mandaragat, nahaharap sila sa mabibigat na desisyon upang manatiling buhay, kasabay ng masalimuot na usapin ng tiwala, pagtataksil, at moralidad.
Sa unang bahagi pa lang ng salaysay, kaagad nang mapapansin ang kakulangan ng tiwala sa bawat tauhan. Matapos atakihin ng Thanapod — isang higanteng alimango, pinagbunutan nila ang kawaning magtatanong sa layunin ng nilalang.
Nang mapili si Jorvan, kaniyang tinakot at hinikayat ang kawan na si Torrin na lamang ang bababa tungo sa pinakamababang kubyerta na pinamamahayan ng Thanapod.
Balilang bumaba si Torrin na hindi nagpapakita ng takot. Lumitaw ang Thanapod mula sa madilim na sulok ng kubyerta, at ipinaliwanag ng halimaw ang layunin nitong makarating sa Phaiden Island upang magpakasawa sa laman ng mga mamamayan nito. Ibinahagi rin ni Torrin na siya lamang ang nakakapagtakbo sa barko kaya't hiniling niya sa Thanapod ang kaniyang buhay.
Better to be feared than to be loved.
Nakataas ang noo ni Torrin sa kaniyang pagbabalik. Gamit ang baril ng yumaong kapitan, tinakot niya ang kaniyang kasamahan upang sumunod sa kaniyang mga utos. at kaniyang pinamunuan ang isang botohan na siyang magpapasiya sa kapalaran ng Thanapod at kaniyang kasamahan.

"All of you made an X."
Mas ginusto ng kaniyang kasamahan na sumunod sa utos ng halimaw sa halip na maglayag patungo sa isang islang walang naninirahan. Kaniyang pinagdudahan ang kanilang moralidad, kaya't isa-isa niyang kinitil ang miyembro ng kaniyang kawan. Sa huli, kaniyang pinasabog ang barko, na humantong sa kamatayan ng Thanapod.
Trolley Problem at Utilitarianism
Ipinapahiwatig ng palaisipang Utilitarianism ang prinsipyo ng pagsasagawa ng mas nakabubuti para sa mas nakararami. Sa teoryang ito, mas binibigyang halaga ang kinalabasan kaysa sa layunin ng desisyon.
Hindi bale kung karahasan ang ginamit upang makamit ang kapayapaan, sapagka’t binabatay lamang ang halaga ng gawain sa kasiyahang dala nito sa karamihan. Dahil mas pinagtutuonan ng pansin ang kaligayahan ng iba, ibinabatid din ng palaisipang Utilitarianism na mas makabuluhan ang damdamin ng iba kung ikukumpara sa sarili. Sinusukat ang mga pagpipilian batay sa mga kahihinatnan nito, at tinitingnan ang kaligayahang naibibigay sa pinakanakararaming tao.
Binibigyang diin ng palaisipang ito na kailangan ang sakripisyo para sa higit na kabutihan.
Isa ang Trolley Problem sa mga sitwasyong teeoretikal na nagsusubok sa pantaong moralidad. Sa sitwasyong ito, pinagpapasiya ang tauhan sa dalawang pagpipiliang kritikal na parehong naghahantong sa kamatayan ng iba. Paparating ang isang tren sa riles na may limang nakataling tao. Sa kabilang riles naman, isang tao lamang ang nakatali. May kapangyarihan ang tauhang baguhin ang direksyon ng tren, kung saan isang tao lamang ang mamamatay sa paghila ng pingga, at limang buhay naman ang mawawala kapag pinabayaan lamang ito.
Sa simulasyon ni Nathanson, 73% sa naglaro nito ang humila sa pingga. Mas ginugusto ng karamihan na isang buhay ang mawawala dahil mas kaunti naman ito sa lima. Malinaw sa sitwasyong ito ang halimbawa sa prinsipyo ng Utilitarianism.
Maaring ihambing ang pangkaisipang ito sa salaysay ng Bad Travelling. Alinsunod sa ideya ng Utilitarianism, masasabi na isang mabuting pinuno si Torrin. Nagawa ni Torrin na hilahin ang pingga, at kaniyang sinakripisyo ang sariling kawan para sa ikabubuti ng mas marami. Sa huli, mas nabibigyang halaga ang kaniyang sakripisyo upang mapaslang ang Thanapod, at walang ibang buhay ang nadamay sa karahasan maliban sa kawang nagtaksil sa kaniya. Dahil sa kamatayan ng halimaw, nailigtas ang buhay ng mga mamamayan sa Phaiden Island. Naihahambing din ang sitwasyong ito sa tunay na buhay. May mga pagkakataong kailangang magsakripisyo ng bahagi ng sarili— oras, yaman, o pansariling kagustuhan, para sa ikabubuti ng nakararami. Sa ganitong paraan, ipinapakita ang prinsipyo ng utilitarianism— ang pagsasaalang-alang sa kapakanan ng karamihan bilang pangunahing layunin ng kilos, kalidad na taglay ng isang mabuting pinuno.
Mga Sanggunian:
Nathanson, S. (n.d.). Utilitarianism, act and rule. Internet Encyclopedia of Philosophy | An encyclopedia of philosophy articles written by professional philosophers. https://iep.utm.edu/util-a-r/
Neal Agarwal. (n.d.). Neal.Fun. Absurd Trolley Problems. https://neal.fun/absurd-trolley-problems/
1 note
·
View note
Text
✒️What Type of Pretty are You?
Ang paghubog ng social media sa pamantayang pangkagandahan...
Kilala ang Pilipinas bilang “Social Media Capital of the World”, dahil 73% ng populasyon ang nakikilahok at aktibong gumagamit nito. Hatid nito ang kalayaang magbahagi ng pansariling opinyon at damdamin gamit ang sari-saring plataporma, kaya’t laganap ang paggamit ng teknolohiya sa pagpapahayag ng sarili at pakikipag-ugnayan sa iba.
‘Di maitatanggi na patok ito sa karamihan.
Lantad ang karamihan sa social media, lalong-lalo na sa mga sites tulad ng Instagram, Twitter, Facebook, at Tiktok. Sumisikat ang iilang trends na nag-aangkop sa sari-saring interes, at libangan ng mga user. Kadalasan sa mga viral content ay nagdadala ng katatawanan, aliw, paghanga, o inspirasyon. Dahil dito, naging tanyag na palipas-oras ang paggamit ng social media.
Bagama’t mas napapadali ng social media ang pagbabahagi ng ideya, nagiging ugat din ito sa pagpapalaganap ng negatibidad tulad ng cyberbullying, fake news, at kontrobersiya. Mas mabilis sumikat ang mga nilalamang may sangkot na isyu na madalas nagsasanhi ng alitan at pagkakaiba ng pananaw sa lipunan. Kaugnay nito, nagiging sanhi ng adiksiyon ang labis na paggamit ng social media, na maihahambing sa paggamit ng ilegal na droga.
Sa kantang Spider Web ni Melanie Martinez, kaniyang kinuwento ang pagkain ng isang gagamba sa kaniyang tagumpay at paghihirap. Kaniyang inihambing ang sarili sa isang paru-parong napadpad sa lungga o web na maaring simbolo ng internet o social media. Samakatuwid, representasyon naman ng madla ang gagamba, na siyang nagpapasasa sa pagdurusa ng paru-paro.
Isa sa mga negatibong dala ng social media ang paghubog ng ilusibong pamantayang pangkagandahan.
Naging sukatan ng kagandahan ang katawang mala-Barbie, kutis na kay putla, mukhang parang porselana, at buhok na tila sutla - iilan lamang ito sa mga beauty standards na itinatag ng social media. Nag-uudyok ito ng paghahambing, na nagdudulot ng mababang self-esteem, anxiety at depresyon.
Sa mabilisang paglitaw ng beauty trends, madaling maakit ang madla, lalong-lalo na ang kabataang nais makisabay sa uso. Madalas dumaan sa feed ang mga influencers na nag-uudyok ng produkto o gawaing nagpapaganda. Maniwala at baka tatawagin nang maganda.
Kapag may tagihawat, gumamit ng cleanser na may Salicylic acid. Retinol naman ang solusyon kapag may kunot na sa noo. Kung maputing balat naman ang nais, gumamit ng Kojic acid soap kasama ang Vitamin C serum. Subukan ang pilates, laos na kasi ang cardio.
Red light therapy… Bee vitality… Skincare smoothie… Rhinoplasty…
Bawat araw, linggo, buwan, may bagong produktong ilalabas na maaring tiyak magpapaganda.
Kadalasan ginagawang katatawanan kapag hindi nakapapasok sa pamantayan. Kapag hindi kaakit-akit yung nasa larawan o video, gagawing trending sa maling kadahilanan. Hilig ng social media ang mamintas ng mga katangiang may pagkukulang base sa pamantayan. Gagawing insecurity kahit ang normal na mga “imperpeksiyon” ng katawan. Dapat walang peklat, hip dips, stretch marks, uneven skintone, melasma, eyebags…
at marami pang iba.
Taglay ng kantang Sippy Cup ni Melanie Martinez ang tapatang puna sa isyung ito. Kaniyang inilarawan ang malakas na impluwensiya ng media, na nagawang kumbinsihin ang persona na sumubok ng produktong sinisimbolo ng pill. Ngunit, sa kabila ng mga pampaganda at koloreteng ginagamit ng persona, nahihirapan siyang maging konento sa kaniyang anyo.
Kapag hindi biniyayaan, titiisin ang gastos at kirot ng skincare maintenance, treatment, diet, cosmetic surgery at kung ano pa.
Tiis ganda nga 'di ba?
Mga Sanggunian:
Balita, C. (2023, August 1). Social media users in the Philippines 2029. Statista. https://www.statista.com/statistics/489180/number-of-social-network-users-in-philippines/
ImPossible Psychological Services. (2023, November 15). The impact of social media on self-esteem and body image. https://www.impossiblepsychservices.com.sg/our-resources/articles/2023/11/15/the-impact-of-social-media-on-self-esteem-and-body-image
Social Media Victims Law Center. (2023, August 3). Social media addiction: What it is and how it impacts teens. https://socialmediavictims.org/social-media-addiction/
0 notes
Text
✒️ Hindi na 'ko Nakasasabay
Isang talakayan tungkol sa academic burnout...
Ilang beses niyo na bang narinig ang mga salitang “ayoko na”, o “ 'di ko na to kaya”?
Isa sa mga nakaaapekto sa academic performance ng mga mag-aaral ang academic burnout - isang kondisyon ng labis na pagkapagod dulot ng matinding stress sa pag-aaral. Karaniwang sanhi nito ang labis na gawaing pampaaralan, kakulangan ng oras para sa pahinga, at ang matataas na inaasahan ng guro, magulang, o kapwa mag-aaral.
Nawawala ang motibasyong mag-aral sa mga naaapektohan ng pangyayaring ito. Maaring nababawasan ang pagpupunyaging inilalaan sa gawaing pampaaralan na nagreresulta sa mababang performance - at posibleng pagkabagsak. Hindi lamang limitado sa panlabas ang epekto ng academic burnout dahil nagpapakita rin ito ng pisikal na sintomas tulad ng pangmatagalang fatigue, at pananakit sa ulo.
Elementarya pa lamang, napagpasiyahan ko na ang aking kinabukasan. Malayo na ang pananaw ko sa buhay noon, at mataas ang inilaan kong pamantayan para sa aking sarili.
Libreng mangarap kaya’t nag-imbak ako nito; magtapos ng may pinakamataas na karangalan, maging doktor, at mamuhay ng payapa kasama ang aking pamilya sa isang malaking mansyon.
Ngunit, bago makamit ang mga mithiin - kinailangan kong makapasok sa Pisay.
I bit off more than I can chew...
Kasagsagan iyon ng Covid-19 nang nasimulan ko ang unang taon dito sa paaralan. Nakapapasa ako ng gawain sa takdang oras, at magaganda ang nakuha kong marka. Maigi kong naintindihan ang mga araling itinuturo ng mga guro kahit na online isinasagawa ang klase. Nagsumikap pa akong mag-aral dahil sa siklab ng aking mithiin. Hindi lang iyon, marami akong nakilalang kaibigan mula sa SMC, at pati mga kapwang iskolar mula sa ibang rehiyon. Nakapasok ako sa Director’s List nang matapos ang taon.
Nang nakaapak ako sa ika-8 na baitang, Hindi na ako gaanong nagsumikap sa pag-aaral. Nawalan ako ng ganang makinig sa mga leksyon, at nahirapan na ako sa mga gawain - lalong-lalo na sa asignaturang Computer Science, Social Science, Earth Science at Mathematics. Hindi ko nakaya ang pasanin bilang isang iskolar. Matapos ang taong iyon, ‘di na ‘ko nakapasok sa Director’s List.
‘Di ko na namalayan, nahuhuli na pala ako.
Face to face na muli sa ikatlong taon ng pag-aaral ko dito sa Pisay. Wala pa rin akong motibasyong mag-aral at nalulong ako sa mga online games. Kaunti na lamang ang aking natutunan at kadalasang natutulog ako sa klase. Katulad ng nakaraang taon, ‘di ako nakapasok sa Director’s List.
‘Di naman sana ako ganito noon. Ang dating overachiever, kontento na sa 2.0.
Taong 2023 nang nangako ako na makapasok muli sa Director's List sa susunod na mga taon. Sinubukan kong magsumikap ulit nang nakaapak ako ng ika-10 na baitang.
Aftermath.
Limang taon na ang nakalipas nang nagsimula akong mag-aral sa paaralang ito. Hindi ko inasahan ang kabigatan ng obligasyon at responsibilidad bilang iskolar. Hanggang ngayon, nahihirapan pa 'rin akong makisabay sa tagisan ng talento at talino. Dahil sa academic burnout, naantala ang pag-unlad ng aking kakayahan.
Hindi na’ko nakasasabay.
Mga Sanggunian:
Montfiore Einstein. (n.d.). Dealing with study burnout. Albert Einstein College of Medicine | Montefiore Einstein. https://einsteinmed.edu/education/student-affairs/academic-support-counseling/medical-school-challenges/study-burnout.aspx
Rahmatpour, P., Chehrzad, M., Ghanbari, A., & Sadat-Ebrahimi, S. (2019). Academic burnout as an educational complication and promotion barrier among undergraduate students: A cross-sectional study. PubMed Central. https://pmc.ncbi.nlm.nih.gov/articles/PMC6852272/
1 note
·
View note