panitikansakukongpaghihirap
panitikansakukongpaghihirap
Panitikan ng Lipunan
7 posts
“Masdan ang matagalang tema ng epikong bayan, ng digmaang bayan.” —Jose Maria Sison, Ang Gerilya ay tulad ng Makata
Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Ang Pilipinas sa Kuko ng Kahirapan
ni Claudia Ghaderpoor
Tumblr media
Makikita ang dalawang klase ng lipunan sa pagtingala sa guhit-tagpuan—matatanaw sa taas ang mga engrande at nagsisitaasang mga gusali ng mga mayayaman at nakaaangat; tila walang alam o pakialam sa paghihirap na nanunuot sa bawat yerong pinagtagpi-tagpi sa mundo ng ibaba. Ito ang mukha ng Pilipinas sa kuko ng liwanag.
Ang Pilipinas ay nabibilang sa mga pinakamahihirap na bansa sa Timog-Silangang Asya—baon sa trilyon-trilyong utang at papaunlad pa lamang hanggang ngayon. Ang ating mga tyansa sa panlipunang pag-unlad ay tuloy-tuloy na naisasakripisyo para sa personal na interes ng mga nakaupo sa pwesto—upang maisakilos ang sistema ng korapsyon, kasakiman, at katiwalian. Sa sistemang ito, masasabing karapat-dapat lamang sa pag-unlad ay ang piling kakaunti na may hawak ng kapangyarihan o pera. Tila ba'y walang karapatan ang karaniwang Juan sa lipunang itinayo sa dugo at pawis niya.
Sa paglawak ng dibisyon sa pagitan ng labis na paghihirap at labis na pagpapasasa sa yaman, nakukulong ang naunang klase sa kawalan ng oportunidad sa pag-unlad—na labis na ipinagkakait sa kanila ng sistema. Ilang bata pa kaya sa tambakan ang titingala sa kalawakan upang isipin na sulyap lamang ito ng kanilang mga yumaong pangarap na sumisilip sa bawat guwang? Kung saan ang edukasyon ay hindi tinitingnan bilang karapatan, ngunit bilang napakataas na pribiliheyo na hindi makakamit. Ang mga kawalang-hustisyang ito sa ating masa ay dumadaloy sa bawat aspeto ng lipunan—mula sa kawalan ng boses sa gobyerno na magsasalita para sa kanilang mga hinanaing, hindi sapat na sahod sa kabila ng mga kondisyon na iniinda sa trabaho, kawalan ng matinong “healthcare system”, at marami pang iba. Ang lahat ng ito ang kumo-korte sa hugis ng Pilipinas bilang isang lipunan—isang bansang pinapakilos ng korapsyon at kahirapan.
Dapat manindigan tayo para sa hinaharap ng ating bansa—isang bansa na makalalaya mula sa karahasang dulot ng isang korap na sistemang kumikitil sa bayan. Upang makamit ito, dapat mapukaw ang ating kolektibong diwa tungo sa pagpapanagot sa mga abusado sa kapangyarihan at pagbangon sa masalimuot na pagtitiis at pamumuhay sa kahirapan.
0 notes
Text
Tumblr media Tumblr media Tumblr media Tumblr media
Ang Iba't-Ibang Mukha ng Kahirapan sa Lipunan
0 notes
Text
Poste ng Kuryente
ni Arlene Lagutin
Tumblr media
Sa paghahanap ng maaaring maging paksa, paningin ay hindi sinasadyang tumungo sa isang poste na punong-puno ng mga kable ng kuryente, magulo na tila ba'y hindi na alam kung saan patungo. Na siya ring aking napagtanto na sa dami ng mga isyu sa ating lipunan, nakikita man ng ating mga mata ngunit patulo'y tayong nagpapanggap na hindi makakita. Katulad na lamang sa kahirapan na hindi mabilang sa kamay ang mga pamilyang dumaranas nito, na kung ihahalintulad sa mga kable ng kuryenteng ito ay lubos na magkapareho—magulo, walang direksiyon, nakababahala at pilit na iniignora ng mga taong may sapat na kakayahan ngunit pinipilit na piliin ang pansariling kapakanan at kasiyahan. Sa pag-aakalang mahirap lamang ang magdurusa ng 'sumpa ng kahirapan' kung kaya't ito'y ating ipinagsasawalang bahala lamang, ngunit sa katotohanan maging tayo ay apektado nito. Isa na rito ay ang maaaring panganib na dulot nito sa ating seguridad dahil sa mga indibidwal na hindi makakuha ng trabaho dahil sa kawalan ng edukasyon, sila'y napipilitan na lamang na gumawa ng mga bagay na kanilang ayaw mang gawin ngunit kailangan para sa kanilang pang-araw-araw.
0 notes
Text
Jeepney Drayber
ni Althecia Shenn Malgapo
Tumblr media
Kahit saan ka tumingin, kaliwa man o kanan, makikita mo pa rin ang kahirapan kahit saan.  Sino-sino nga ba ang nakakaranas nito? ang mga taong nasa laylayan. Makikita ito sa kanilang mga mukha na pagod, walang makain, trabaho matinong tirahan, o kaya naman sa punit-punit na damit. Minsan nangunguna saatin ang panghuhusga, minsan inikukumpara natin ang mahirap at mayaman sa isang bagay, katulad na lamang ng jeep, bike, motor, o lumang modelo ng sasakyan vs. sa magarang kotse o sports car. Minsan lumalabas sa bibig natin ang “Uy, ang ganda nung kotse, mayaman siguro may-ari niyan!” kumpara sa lumang kotse nasasabi natin  “Ay luma na yan, wala ata pambili ng bago yung drayber,” ngunit hindi naman lahat ng bagay ay kailangan palitan ng bago, baka kaya hindi pa ito pinapalitan kasi nagagamit pa naman at baka nagtitiis nalang kasi walang pera o minsan naman ay mas maayos pa ang makina nito sa mga bagong modelo ng kotse. Mahirap ang buhay ng mga jeepney drayber, doble kayod ang ginagawa nila, dahil na rin sa mataas na presyo ng gasolina at sapat lamang ang kinikita nila.
0 notes
Text
Sapat na ba ang Barya para sa Isang Pirasong Manok na Tira-tira?
ni Andrei Lorenz Magtangob
Tumblr media
Litratong kuha ni: (Ace Morandante/ davaotoday.com)
Pagtapos ng aming pagsusulit, naisipan ko munang kumain sa labas bilang isang "treat" o gantimpala sa aking sarili. Pumunta ako sa counter para ibigay ang aking order at dali-daling naghanap ng mauupuan para makakain. Sa kalagitnaan ng aking pagkain, may pumasok na matandang pulubi sa restawran. Nakataas ang kanyang kinakalyong palad umaasa na may mag-aabot ng barya.
Inobserbahan ko lang siya habang naghahanap ng tirang barya sa aking bag nang bigla ko syang nakita na may dala-dalang manok na galing pa sa tira ng katatapos lang kumain na kostumer. Sinundan ko sya pababa at nakita kong pinabalot niya iyon at humingi ng tubig mula sa staff. Pagtapos, pumunta siya ng washroom area at sinundan dahil iaabot ko sakanya ang aking tirang barya. Nanubig ang aking mata mula sa eksena sa aking harapan. Binuksan niya ang paper bag na may laman ng tirang manok at kinain ito ng patago malayo mula sa ibang kostumer.
Nakakalungkot lang na wala na akong sapat na pera para pakainin siya sa matinong mesa na may matinong ulam. Tao rin naman kasi sila na nagugutom at masakit isipin na kailangan pa nilang magsimot ng tira patago para magkalaman lang ang tiyan.
0 notes
Text
Sa aking Pag-Uwi
ni Angel Llaneta
Tumblr media
Tumblr media
Sa aking pag-uwi mula sa paaralan. Ako ay tumitingin sa paligid. Nagtataasang gusali, magagandang bahay, pamilihan at kung sino-sino ang aking nakakasabay sa paglalakad.  Madalas akong nakakakita ng mga taong nakaupo sa isang sulok may hawak na baso o kahit anong mapaglalagyan ng pera panglimos mapabata man o matanda. Kadalasan pa sa kanila ay may kapansan. Ngunit isa ang nakaagaw ng aking pansin. Isang lalakeng naglalakad sa gilid ng kalsada. Bitbit ang isang sako na kung minsan kanyang tinatapon at sinisipa. Ngunit sa kabila nito bitbit niya parin ang sako sa kanyang paglalakbay. Ala-una ng hapon at  kasabay ang matinding init ng panahon siya ay naglalakad ng nakapaa at tila hindi nadarama ang init na nagmumula sa kalsada patungo sa kaniyang dalawang paa.
May makakatulong ba sa sa mga taong katulad niya o atin na lang bang titingnan at huhusgahan ang kanilang katayuan.
0 notes
Text
Kahirapan
ni Charybel Gravito
Tumblr media
Malimit akong tumanaw sa bintana ng dyipni at tumuklas ng mga kapansin-pansin sa kapaligiran: ang dapit-hapon, ang mga puno, ang mga gusali, ang iba’t ibang uri ng tao. Kung maaari lamang ay hindi ko nais na may lumampas sa aking paningin—ngunit tila kalabisan ang paghahangad ng kakayahang mapagmasdan ang bawat paghinga ng kalikasan, ang bawat pagkilos ng mundo.
Sa matagal kong pagmamasid sa aking kapaligiran, palagi akong nakakakita ng mga taong naglalahad ng kamay upang manghingi ng kaunting barya o ng pagkain. Minsan, may naibibigay ako; madalas, wala. Wala akong sapat na kakayahan upang mag-abot ng tulong sa lahat ng pagkakataon—ngunit kung may kaya ako’y hindi ako mag-aatubiling maglabas ng pitaka at maging salamin ng kabaitan at pagkahabag.
Hindi naman lahat ng nanlilimos ay nakatayo at naglalakad-lakad. Sapagkat ang iba’y makikita mo sa sulok: tila nasa sarili nilang mundo at himala na lamang kung may maghulog ng piso, lima, sampu, o higit pa sa pinaglumaan nilang mga lalagyan. Minsan, dadalhin ka ng eksenang ito sa malalim na pag-iisip o sa halip ay kikilitiin ng eksenang ito ang iyong budhi matapos marinig ang kalansing ng mga barya na sadyang pinatutunog ng mga nanghihingi ng limos. Sa reyalidad, mahirap magbigay ng tulong sa kapwa kapuspalad.
Ang munti kong mga karanasan ay pilas lamang ng malaking suliranin, ang kahirapan. Maraming mukha at anyo ang kahirapan at hindi natin kailangan ng espesyal na kasanayan upang matukoy ang mga ito. Araw-araw nating kasama ang presensya nito—hindi man ang bawat isa sa atin mismo ang nakararanas ay tiyak na nakikita nating lahat ang mapang-aping mga bakas nito.
1 note · View note