Tumgik
binibiningmikkaella · 5 years
Text
“Iskolar ng bayan ngayon ay lumalaban!” : Sigaw ng kabataan para sa pagbabago ng bayan
Sa libro ni wataru kusaka na Moral Politics, ipinaliwanag ni Kusaka na ang malawakang pagsasama ng mga Pilipino bilang kilos protesta hinggil sa isyung kinahaharap ng bansa ay may malaking epekto sa pagbabago ng sitwasyon ng bansa. Sa sandaling nagkaisa ang malaking bilang ng mga Pilipino, ito ay may mithiing mapabago ang pamamahala sa bansa. Sa akdang “The Social Movements and the Current Political Scene” ni Antonio Tujan, director ng IBON Foundation, binanggit ng manunulat ang isa sa malawakang rebolusyon na naganap kamakailan, ang People Power II. Naganap ang People Power II sa panahon ng pamamahala ni dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada dahil sa kaso nitong korupsyon sa gitna ng kanyang termino. Bagamat may malawakang protestang nangyayari, kakaunti lamang ang bilang naman ng nasa mass sphere o mga nasa laylayan na sumama sa kilos protesta na ito. Sa panahon ng protesta ay puro mga nasa antas ng civic sphere o mga may kaya na binubuo ng mga estudyante, ilang kilalang mga personalidad at aktibista, ang sama sama nag martsa papuntang malacañang na may layuning patalsakin ang Presidente. Dahil sa malawakang protesta na nangyari napilitang umalis si Estrada at naging matagumpay ang People Power II Revolution. Isa ito sa may pinakamalaking ambag kung bakit napatalsik si Erap sa kanyang pagka presidente. Sa pagkaalis nito sa kanyang pwesto agad siyang pinalitan ng kanyang Bise Presidente na si Gloria Macapagal-Arroyo.
 Sa protestang naganap mapapansin na maging ang ilang mga estudyante noong panahon na yun ay sumama sa kilos protesta upang mapatalsik si Estrada. Dahil dito, mas naging bukas ang edukasyon na pakinggan ang hinaing ng mga estudyante patungkol sa mga isyung kinahaharap ng bansa. Dito rin nakitaan ang kahalagahan ng pag implementa ng Transformative Education sa mga paaralan. Ang Transformative Education ay isang proseso kung saan mas malawak at malalim ang pag unawa natin sa paligid. Hinihikayat nito na maging kritikal sa pag iisip ang mga mag-aaral lalo na sa pagharap sa mga isyung kinahaharap ng lipunan. Hinuhubog nito ang kamalayan ng mga estudyante na mas maging aktibo at mulat sa mga isyung kinahaharap ng ating bansa. Kung patuloy ang paglaganap ng Transformative Education mas lalong magiging malinaw ang adhikaing baguhin at paunlarin ang ating bansa. Dahil sa pagiging bahagi ng mga estudyante sa mga kilusang panlipunan nangangahulugan lamang na nagiging aktibo at produktibo na lalo ang mga estudyante sa lipunan. May pakialam at kamalayan na sila sa mga nangyayari sa paligid. Hindi sila bulag para di makita ang tunay na kalagayan ng Pilipinas
 Sa panahon ngayon maraming mga organisasyon sa mga unibersidad sa Pilipinas ang malayang nakakapaghayag ng kanilang mga hinaing at mga pinaglalaban na karapatan. Ilan sa mga kilalang organisasyon ang Speak, Gabriela Youth, Anak Bayan, at Anakpawis. Dumadami pa lalo ang bilang ng mga estudyanteng sumasama sa mga kilos protesta lalo na ngayong maraming problemang kinahaharap ang Pilipinas. Dahil may batas na nangangalaga sa karapatan na magprotesta, magsalita at ipahayag ang sarili, malayang naiboboses ng kabataan ang mga mensahe at hinaing na nais nila iparating sa pamahalaan at sa taumbayan. Hindi lang nila basta nasasabi ang kanilang mga hinaing, naimumulat din nila ang ibang mga Pilipino patungkol sa mga hinaharap ngayon ng ating bansa.
 Hangga't may problema at maling nakikita sa sistema ng bansa patuloy na lalaban ang mga aktibista para sa bayan. Sa protesta, hindi na sukatan ang estado ng buhay para makasama ka sa adbokasyang ipinaglalaban ng karamihan. Mahirap man o may kaya o mayaman lahat ay may pantay na karapatan sa pagprotesta at paghayag ng kaniyang sarili.
0 notes
binibiningmikkaella · 5 years
Text
Si Juan ay nag-aaral para maging amerikanisado: Ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Kapag tinanong mo ang isang bata kung bakit ito sabik pumasok sa eskwelahan madalas na sagot nito ay para matutong magsulat, magbasa o di kaya naman ay para matupad ang kanilang mga pangarap na maging isang doktor, pulis, guro o kung ano pa man. Kapag naman tinanong mo ang mga estudyanteng nasa hayskul o kolehiyo kung bakit sila pumapasok sa eskwelahan madalas na maririnig mong mga sagot nila ay para makatulong sa pamilya, para makakuha ng magandang trabaho, o kaya naman ay para makaahon sa buhay. Kung pagkukumparahin, nagiging praktikal na ang sagot ng isang tao kapag tumatanda na ito. Kung dati na ang dahilan mo sa pagpasok sa paaralan ay para maging doktor at makatulong sa mga may sakit, ngayon ang sagot mo ay para makapagtrabaho na o di kaya’y para makatulong kina nanay at tatay. Madalas sa mga nag aaral ngayon sa kolehiyo ay hindi na kinukuha ang mga kursong pinangarap nila. Kumukuha sila ngayon ng mga kursong in demand at madaling makakakuha ng trabaho. Dahil sa hirap ng buhay nahati ang desisyon sa pagitan ng pangarap at praktikalidad.
 Sa edukasyon umaasa ang mga magulang at kabataan na mag aahon sa kanila mula sa kahirapan ng buhay. Para sa mga magulang, nariyan ang sikat na sikat na linyang “ang edukasyong ang tanging yaman na maipapamana ko sa inyo” dahil para sa kanila ang edukasyon ang tanging makapagbibigay ng maginhawang buhay sa kanilang mga anak. Sinasabi na hinahanda ng edukasyon ang mga susunod na henerasyon at hinuhubog sila na maging isang mabuti at produktibong mamamayan ng lipunan. Para sa mga taong may pangarap, edukasyon daw ang sagot para maabot ito. Para naman sa mga wala pang nabubuong pangarap sa isipan, ang edukasyon daw ang magbibigay sa isang indibidwal na magkaroon ng ambisyon sa buhay. Kung titignan, marami ang kayang gawin ng edukasyon sa buhay ng isang tao, pero bakit ang bansang tulad ng Pilipinas na may samu’t saring programang pang edukasyon, ay patuloy pa rin na naghihirap? Bakit si Juan ay nanatiling nasa laylayan kahit nagtapos ito ng kolehiyo?
 Ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas ay hango pa sa edukasyong ipinamana sa atin ng Amerika noong tayo’y kanilang sinakop. Nakadisenyo ito sa pormang hinuhubog ang mga Pilipino na maging isang “globally competitive” na manggagawa. Sa konsepto ng edukasyon na binanggit sa akda niAntonio Tujan jr. na “Transformative Education” tinitingan nito ang bansa na dapat ay may kakayahang magsalita sa wikang Ingles at isang manggagawa na pasok sa kredibilidad na naayon sa kagustuhan ng mga foreign investors at pag lago ng high tech industries. Inaasahan na mula sa ganitong katangian na ikikintil sa mga manggagawang Pilipino ito ay magreresulta sa paglago bansa. Hindi layunin ng  sistema ng edukasyon sa bansa na maging isa kang mahusay na doktor dito sa Pilipinas. Nais nitong maging isa kang manggagawa na tutulong sa bansa na makahiyakat ng mga foreign investors para tuluyan na maging industralisadong bansa ang Pilipinas. Dapat daw na doon ka sa may mataas na sahod, doon ka sa in demand, at ‘wag ka sa pasyon mo na hindi naman kilala dito sa bansa. Para saan pa ang pangarap ni Juan kung ang sistema na ng edukasyon ang nagdidikta sa kung ano ang dapat na kunin nito sa buhay?
 Sinasabi na kaya raw patuloy na naghihirap si Juan ay dahil kulang pa ito sa kakayahan, kredibilidad at sa talino. Kaya walang trabaho si Juan dahil hindi pasok ang kanyang kakayahan sa hinahanap na requirement ng kumpanya. Kailangan magaling sa wikang ingles, kailangan ganito, kailangan ganiyan ka. Hindi sapat na nagtapos ka sa kolehiyo, kinakailangan rin niya sumunod sa mga standards na binuo ng lipunan o ng global society. Pinipilit na idisenyo ang ating kakayahan na para sa ibang bansa at hindi para sa ating bansa. Kumbaga ugaling Amerikanisado pero ‘di kinakahiya na isang Pilipino. Mayroon tayong kasabihan na “tangkilikin ang sariling atin” pero ang totoo tinatangkilik natin ang hindi naman atin. Hindi naman kasi kulang ang kakayahan at talino nating mga Pilipino. Kaya nananatili ang kahirapan sa bansa dahil sa kabulukan ng sistema sa bansa lalo na ng ating edukasyon. Aminin natin, hindi nakadisenyo ang edukasyon ng bansa para sa mga Pilipino. Nananatiling mahirap ang bansa dahil hindi sinasagot ng sistema ang problemang kinahaharap ng bansa bagkus mas lalo nitong pinahihirapan na makaahon sa kahirapan ang mga Pilipino. Hindi tayo maaaring gumamit ng susi na hindi naman nakadisenyo para sa bansa. Kailangan natin mag isip at kumilos bilang Pilipino para masolusyunan ang problema ng Pilipinas. Kailangan natin idisenyo ang edukasyon na angkop sa kakayahan at kultura ng bansa, at kailangan natin ng edukasyon na kikilala sa ating pagka Pilipino.
0 notes
binibiningmikkaella · 5 years
Text
Ang laban ng uring Anakpawis para sa bayan
“Ipaglaban ang karapatan ng mga manggagawa!”
“Ang babae’y hindi basta babae lang. Kami ay kapantay ng mga mga kalalakihan”
“Ang karapatan ng mga babae’t lalaki ay kapantay ng karapatan ng mga LGBTQ”
“Libre at kalidad na edukasyon para sa lahat!”
“Kapitalismo ibagsak!”                
 Ilan lamang ito sa mga daing ng mga taong lumalaban para sa karapatan at kaginhawaan ng bansa. Mga Hinaing ng mga taong nakakakita at nakakadama ng sakit na matagal ng laganap sa Pilipinas. Sila’y nagsisilbing mata ng taumbayan at matapang na tinutuligsa ang maling hindi nakikita ng karamihan. At sa kanilang pag poprotesta’t pagsusulat marami ang namumulat sa kabulukan ng sistema ng lipunan. Ang mga taong ito ang tinaguriang Anakpawis.
 Ang mga anakpawis ay kabilang sa mga api na kalauna’y lumaban para sa karapatan ng mga naaaping mamamamayan. Layon nitong gisingin ang damdamin ng taumbayan at ipakita ang tunay na sitwasyon ng lipunan. Hangad nitong makapaglinaw at makapagturo sa kung ano ang dapat gawin kapag tayo ay inaabuso, at sa kung ano sunod na gagawin kapag tayo ay namulat sa katotohanan. Hanggang ngayon marami pa rin ang bulag sa sitwasyon ng ating bansa. Ay, mali. lahat tayo nakikita kung ano ang kinakaharap ng Pilipinas, ngunit marami sa atin ang nagbubulag bulagan dahil sa takot na manganib ang kanilang mga buhay o dahil sa hindi interesado na makisali sa mga nangyayari sa ating bansa. Ang ilan naman ay imbis na tuligsain ang kahirapan ng bansa ay ginagawa itong trabaho o para makakuha ng kasikatan. Dito papasok ang Poverty porn kung saan pinapakita nito ang sitwasyon ng mahihirap at ginagamit ang mukha ng kahirapan upang mabenta ang isang produkto. Ginagawa nitong negosyo ang kahirapan ng bansa. Hindi nito nilalabanan ang isyu, bagkus nakatago ang tunay na hangarin nito na pagkakitaan ang problemang ating kinahaharap. Ang ganitong sakit ang isa sa sumisira sa pinaglalaban ng mga Anakpawis at isa sa mga dahilan kung bakit hindi mawakasan ang problema ng bansa.
 Paano ba mawawakasan ang kahirapan, korupsyon, hindi pagkakapantay-pantay, polusyon at iba pang mga problema sa Pilipinas? Ayon kay Emman Goldman, isang anarchist political activist and writer “No real social change has ever been brought about without a revolution... revolution is but thought carried into action.” Kung gusto natin ng malawakang pagbabago kailangan natin maisagawa ang rebolusyon. Ngunit dahil madugo ang labanan sa rebolusyon reporma ang alternatibong ibinigay na solusyon ng gobyerno. Ang rebolusyon ay kalaban ng reporma dahil ang reporma ay tinatakpan lang ang sugat ng bansa. Hindi nito tuluyang binabago ang bansa para maayos dahil layon lang nitong tapalan pansamantala ang problema ng bansa.
 Malaki ang ginagampanan ng mga anakpawis sa pagmulat sa mga Pilipino sa mga nangyayari sa ating bansa. Ang mga nilalaban nitong mga karapatan at mga hinaing na isinusula’t isinisigaw ang siyang nagiging boses ng mga taong walang tinig. Hindi lang naman sa Pilipinas may mga anakpawis. Kahit sa ibang bansa ay maraming mga anakpawis ang patuloy na lumalaban para sa kanilang mga karapatan. Hindi man lahat ay nanggaling sa mababang antas ng lipunan ngunit katulad ng mga api, parehas nitong pinaglalaban ang karapatan ng mga mamamayan. Iba’t ibang pamamaraan ang ginagawa ng mga anakpawis upang ipakita ang paglaban nila para sa karapatan ng mga mamamayan at ng bayan. May protesta o pag welga at may pagsulat. Sa pagsulat, malayang naibubuhos ng mga manunulat ang kanilang mga hinaing at nararamdaman sa kanilang mga sinusulat. Sa pagbabasa ng mga akda higit na naiintindihan ng mga mambabasa ang nais iparating ng mga anakpawis sa kanilang mga pinaglalaban. Namumulat ang masa sa mga kaganapan sa bansa at dito nagsisimula magising ang damdamin ng bawat Pilipino.
 Rebolusyon man o Reporma, layunin ng bawat indibidwal na pangalagaan ang kaniyang karapatan at ang bansa. Nakasaad sa artikulo 3: “Katipunan ng mga karapatan” ng Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas, 1987 na ang karapatan na mag rebolusyon, karapatan na ipahayag ang sarili at magsalita ay hindi dapat tanggalin sa karapatan ng bawat tao. Matagal na naghihirap ang bansa sa mga problemang hanggang ngayon ay hindi pa rin mabigyang solusyon kaya hindi na nakapagtataka kung marami ang bumoboses para sa mga labis na naaapektuhan ng kahirapan ng bansa. Kaya lumalaban dahil may nakikitang mali sa sistema ng bansa. At dahil mismong mga nasa aba na ang sumisigaw, sumusulat at lumalaban para sa bayan, nangangahulugan lamang ito na kinakailangan ng pagbabago
0 notes
binibiningmikkaella · 5 years
Text
Makamasang-makaelista at ang Hegemonyang kabastusan ng mga Pilipino
Lider na makamasa, produktong makamasa, kulturang makamasa. Kailan ba nagiging “makamasa” ang isang bagay? Kapag ba sinabing makamasa ay kailangan papabor ito sa lahat? Maituturing pa bang makamasa ang isang bagay kung sinusunod naman ng masa kung ano ang ibinibigay ng mga nasa itaas? Ang mga nasa itaas ang nagpapatakbo ng lipunan kaya naman likas na sa mga nakararami na sundin o gayahin ang mga ginagawa ng mga nakatataas. Kung ang mga nasa itaas ang nagpapatakbo ng lipunan, ibig sabihin ba na ang naghaharing gahum sa lipunan ay siya nang basehan ng pagiging makamasa?
 Sa konsepto ng hegemonya ni Gramsci ipinaliwanag nya na ang isang makapangyarihan ay higit na mas nananalo sa pagkuha ng loob ng mga tao at hindi sa pamamagitan ng paggamit ng dahas. Kung ating aalalahanin ganito ang naging estratehiya ng bansang Amerika sa ating bansa noong tayo’y kanilang sinakop. Kumpara sa mga espanyol na ginamitan tayo ng dahas at kristyanismo, ang amerika ay gumamit ng edukasyon. Bagamat may edukasyon na nung panahon pa lang ng paghahari ng espanya sa bansa, ang pagkakaiba ng dalawang makapangyarihang bansa ay ang Amerika ay hindi ito ipinagkait sa lahat ng mga Pilipino. Mahirap man o mayaman lahat ay nakatamasa ng edukasyon.  Samu’t saring mga guro na nagmula pa sa bansang amerika ang nagbigay ng kamalayan sa mga Pilipino patungkol sa “kabutihan” ng Amerika sa Pilipinas. Naging bayani ang tingin natin sa mga banyaga at dito nagsimula ang pagkahumaling natin sa Amerika at ang pagkontrol ng nakatataas sa kamalayan ng masa.
 Kung muli nating babalikan ang kasaysayan ng ating bansa, iba’t ibang mga paniniwala ang ipinakilala sa atin ng mga banyagang bansa at hanggang ngayon ay bitbit pa rin natin ang ilan sa mga ito. Bago mangyari ang pagsakop sa Pilipinas, ang kapangyarihan at respeto ay hindi nakabase sa kasarian kundi sa katayuan nito sa buhay. Ang babae ay hindi basta babae lang lalo na kung ito ay kabilang sa mataas na antas ng lipunan. Kung ang babae ay isang maharlika marapat lamang na siya’y galangin ng mga nasa abang antas ngunit noong dumating ang mga espanyol ang mga babae ay itinuring na mahina at dapat lamang na manatili sa bahay. Mataas man ang antas nito sa buhay ngunit hindi kasintaas ang respeto na nakukuha nito katulad ng respetong nakukuha ng mga lalaki. Tila ba nawalan ng boses ang babae sa lipunan. Noon, para bang maswerte na ipanganak kang lalaki at mayaman. Malayang itong makapag-aaral at makapamili ng asawa. Dahil sa tagal ng pagkakasakop ng espanya sa atin, matagal din nakakintil sa utak ng bawat Pilipino noon ang ganitong konsepto: Ang lalaki ay makapangyarihan at ang babae naman ay ipinanganak para maglingkod sa mga kalalakihan.
 Kung sino ang nangunguna sa lipunan ay siyang may hawak at kontrol ng kamalayan ng mga nasa paligid nito ngunit, maaaring maalis ang ganitong konsepto kung hindi natin hahayaan na maghari-harian ang mga nasa itaas. Ang kabastusan ng mga Pilipino sa kapwa nito Pilipino ay dapat nang wakasan. Ang konseptong “ang babae ay babae lang” ay dapat na alisin sa kaisipan ng lahat lalo na ng mga lalaking masyadong mataas ang tingin sa sarili dahil sa kanilang pagkalalaki. Ang babae ay isang nilalang na hindi dapat nila “lang”. Hindi dapat na maging mas mataas kaysa ang lalaki kaysa sa mga babae at ganun din ang mga babae sa mga lalaki. Ang babae ay kapantay ng mga kalalakihan at ito dapat ang kaisipan na na nararapat nating pairalin sa lipunan. Hindi rin dapat nakadepende ang pagiging “makamasa” sa hegemonya ng mga elitista’t kapitalista. Ang masa ay hindi mga elitista dahil ang masa ay binubuo ng mga magsasaka, mangingisda, guro, estudyante, drayber, doktor, abogado, mahihirap, bata, matanda, lalaki, babae, bakla, tomboy at iba pang mga Pilipino. Hindi tuluyang magiging isa ang mga Pilipino kung ikukulong natin ang masa sa kamay ng mga elitista.
 Hindi sapat na alam natin kung sino ang naghahari harian sa lipunan. Hindi sapat na nagagalit ang masa dahil sa pagkontrol sa kaniya ng mga nasa taas. Ang kailangan natin ay wakasan ang hegemonyang kabastusan ng mga Pilipino na sumisira sa kapwa natin Pilipino.
1 note · View note
binibiningmikkaella · 5 years
Text
Katatawanan ang pagiging Pilipino sa pelikulang Pilipino.
Labis ang pagkahumaling ng mga pinoy sa panonood ng mga pelikula. Aksyon man yan, drama, katatakutan, tungkol sa pag-ibig o komedya, lahat ng ‘yan ay tinatangkilik na panoorin. Kung titignan nga karamihan sa mga Pilipino ay magaling umarte kaya naman hindi kataka taka na ganun na lang ang kagustuhan natin sa panonood ng mga palabas. Kapag may mga bagong palabas sa sinehan, ang ilan ay gumagastos pa ng malaki para lang makapanood. Magsisingit pa ‘yan ng oras sa napakabusy nitong iskedyul makapanood lang ng bagong palabas sa sinehan. Ang ilan naman na kinakapos sa pera ay umaasa sa mga link sa internet at nagtitiyaga na lang sa mababang kalidad na bidyo na mula sa pamimirata ng nasabing pelikula. Hindi man ito magandang gawain pero ganyan ang pagkahumaling ng mga Pilipino sa panonood. Pero paano ba natin pahalagahan ang pelikulang Pilipino?
 Sa pelikulang Pilipino iba’t ibang klase ng mga artista at konsepto ang ibinibida sa publiko. Ang pelikula ay nakabase sa panlasa ng masa. Noon pa lang ay labis na ang pagpapahalaga natin sa pelikula, ngunit lumalabas na ang ating pagkahumaling sa mga palabas ay dahil sa mga negatibong paksa na isinasadula sa entablado o sa iscreen. Pumapabor sa masa ang mga palabas na may katatawanan lalo na kung ang mga katangian ng artista ay hindi abot sa pagiging “itsurang artista.” Ano nga ba ang nagiging basehan ng pagiging isang artista? Maputi, matangkad, matangos ang ilong at may magandang katawan. Iilan lamang yan sa mga katangian na hinahanap para maging ganap kang artista na dulot ng kolonyal na pag iisip ng mga Pilipino. Nagkakaroon ng dibisyon at diskriminasyon sa maputi at kayumanggi, matangkad at pandak, payat at mataba. Dahil nga sa tayo ay nasakop ng iba’t ibang mga bansa noon, ang ating pagkakaalipin ay nagdulot ng mababang pagtingin sa ating mga sarili. Idiniin din ng mga mananakop na sila ang mga makapangyarihan at dapat na iniidolo kaya naman hanggang ngayon ay dala dala pa rin natin ang kaisipang ito. Kung ating papansinin, madalas na binibida sa mga katatawanan na palabas ang mga artistang may kayumangging balat, pangong ilong at mga pandak. Sa mga Pilipino, ang ganitong katangian ay pangit at kalait lait kaya naman ganun na lang kadali sa atin na pagtawanan ang kapwa nating Pilipino na may ganitong mga katangian dahil nakatatak na sa ating mga isipin na nakakatawa magkaroon ng ganung mga katangian. Mas lalo pang idiniin ng mga palabas ang ganitong pag-iisip dahil sila ay madalas na ibinibida sa mga pelikulang pang komedya o di naman kaya ay katatakutan. Kapag naman ikaw ay matangkad, matipuno o balingkinitan ang katawan, matangos ang ilong at maputi asahan mong ikaw ang artistang ibinibida sa mga magagandang role. Ang mga artistang may ganitong mga katangian ang madalas na bida sa pelikula o di naman kaya ay kontrabida pero may maganda pa ring ganap sa palabas. Hindi ito magiging pipityuging role dahil sa ito ay may magandang pisikal na kaanyuan. Sa pelikula, nakabase ang iyong pisikal na katangian sa magiging ganap mo sa isang palabas. Tinitingala ng mga Pilipino ang anyong amerikano at mababa naman ang tingin sa mukhang pinoy. Ganun na lamang ang pagpapahalaga natin sa pelikulang Pilipino, ginagawang katatawanan ang katangian ng pagiging isang dugong Pilipino.
 Ang pananaw at values na kaakibat sa mga pelikula ang siyang humubog at patuloy na humuhubog sa kamalayan ng karaniwang Pilipino sa ating panahon. Dahil nga nakatatak na sa mga Pilipino ang mga katangiang tinatangkilik ng masa, marami sa atin ang gumagastos ng malaki para maabot ang standards na binuo ng lipunan. Ang ilan ay nagpaparetoke at gumagamit ng whitening products para lang maging pasok sa depinsyon ng “maganda” at “gwapo” ni Juan. Sa sobrang dami ng demands ni Juan sa pagiging maganda hindi na makilala ang pagkapilipino nito. Dugong Pilipino pa rin sa Juan ngunit ang itsura nito ay Amerikanisado na. Asan na ang pagkakakilanlan ni Juan? Ayun, natabunan na ng gluta at plastik sa katawan.
0 notes
binibiningmikkaella · 5 years
Text
Ang paghuhubad sa publiko ng manunulat: paghahangad ng koneksyon at hangaring marinig ng madla
Ayon sa isang presentasyon sa prezi.com ang blog ay iba pang katawagan o pinaiksing salita para sa Weblog. Isa itong websayt o sityo sa web na parang isang talaarawan. Sa akda ni U.Z Eliserio na may pamagat na “Blog ang Mundo: Pagsasalsal at Pakikibaka sa Internet” kung ating susuriin ang pamagat pa lamang ng akda ay nakakakuha kaagad ng atensyon. Marinig o Makita pa lang ng sinuman ang pamagat ay magtataka na ang iilan kung bakit bulgar na salita ang ginamit ng manunulat. Pero kung ating babasahin ang akda, dito inilahad ng awtor ang kaniyang mga karanasan sa pagsusulat pati na rin ang pagsusuri sa iba’t ibang blog.
Pagsasalsal― Bastos man at bulgar pero malikhain ang paggamit ng awtor sa salitang ito. Noong ako’y nasa ikalabindalawang baitang sa sekondarya ginamit ito ng aking guro sa Filipinolohiya upang ipaliwanag ang mangyayaring debate. Nung una kami ay natawa nung marinig namin ang salitang iyon. Pinagalitan pa kami ng aming guro dahil ang dudumi raw ng utak namin. Ayon sa kanya, ang pagsasalsal ay ang pakikipagtalastasan ng mga utak. Ito ay ang pagpapalitan ng mga impormasyon. Sa akda ni Eliserio, ang pagsasalsal sa internet ay ang paglalabas mo ng mga opinyon, saloobin at karanasan sa publiko. Sa pagsusulat mo sa internet, hinahayaan mong bosohan ka ng publiko. Hinahayaan mong kilitasin ng mga mambabasa at iba pang mga manunulat ang mga isinisulat mo sa blog. Ang pangbobosong kamalayan na ito ay buhay din sa blog ayon sa manunulat.
 Sa blog maaari mong isulat ang mga nangyari sa araw mo. Blog man yan patungkol sa akademiks o kwentong pag ibig, edukasyonal man o pabalita, o kahit simpleng katuwaan, lahat ay maaari mong isulat sa internet. Libre magpahayag ng mga salita sa blog. Hindi nito ise-censor o tatakpan ang mga bulgar na salita na iyong gagamitin kahit pa ilagay mo ang salitang “Putang ina” Ang diskurso sa blog ay depende dahil may iilang mga manunulat na pinipiling i-off ang paglalagay ng komento sa kaniyang ginawang blog. Ngunit karamihan sa mga blog ay may malayang diskurso. Malayang naisusulat ng ilang mga mambabasa ang kanilang mga komento matapos basahin ang blog ng manunulat. Ipinaliwanag din ni Elisterio na kolektibo ang pagsusulat. Hindi eternal ang mga katangian, kundi maaaring baguhin. Maaaring i-edit ng manunulat ang kaniyang blog dahil may gusto syang alisin, idagdag o baguhin sa kaniyang isinula. Maaari din siyang makakuha ng ideya mula sa ibang mga nagsusulat ng blog o mga komento ng mga nagbasa ng kaniyang blog. Sa blog, ang usapin ay naglalaman pa ng maraming usapin.
 Pakikibaka. Ang tao ay may pagnanasa sa koneksyon at paghahangad na marinig. Ang ilan naman ay nagnanais ng katanyagan at kasikatan; nagnanais na mapansin ng masa. Sabi nga ng iilan, kung gusto mo ng atensyon kailangan mo magpaboso sa publiko. Para sa mga walang tinig; mga hindi kilalang tao na nagnanais magpahayag ng opinyon, ang pagsusulat ang isang paraan upang makilala ng masa.
 Samu’t saring mga blogs ang nagkalat sa internet. Karamihan ay may mga nakakalokong mga pamagat na madaling nakakakuha ng atensyon ng publiko. Mula sa mga bulgar o di kaya’y kontrobersyal na mga pamagat ay agad itong binabasa ng karamihan. Ang ilan sa mga isinusulat sa internet ay naglalayon na magsiwalat ng katotohanan, ang ilan naman ay upang pagtakpan kung ano ang tama, at ang ilan naman ay gumagawa ng isyu para lang may mapag usapan. Sa panahon ngayon ginawang pang-aliw ang realidad at ang totoo ay naging mga patalastas. Dahil nga sa malaya ang pagsusulat at pagpopost sa internet hindi na malaman kung ano ang totoo sa hindi at ano ang mas dapat pagtuunan ng pansin sa hindi dapat basahin. Matindi ang pakikibaka sa internet. Mabibigyang tinig ang mga walang boses ngunit hindi sapat iyon lalo na kung ninanais mong mapakinggan ka ng marami. Madaya ang iilan, hihilahin ka pababa ng mga tekstong walang katuturan pero puno ng katarantaduhan. Ang mga impormasyong iyong isisiwalat ay babaluktutin ng iba, at ang iba’y gagawin kang katatawanan.
 Ang pagsusulat ay isa sa mga armas na ginamit ng ating mga bayani upang labanan ang pang-aalipin ng mga mananakop sa ating bansa. Sa kamay ng isang manunulat hawak nito ang susi na magpapalaya mula sa mga isyung kumukulong sa Pilipinas. Nasa manunulat ang kapangyarihan na imulat ang bansa sa katotohanan o patuloy na hayaan ang Pilipinas na malugmok sa kamangmangan.
0 notes
binibiningmikkaella · 5 years
Text
Filipino o English?: Pilipinas, ano ba ang wika mo?
“Ang hindi magmahal sa sariling wika ay higit sa hayop at malansang isda; kaya ating pagyamaning kusa, gaya ng inang sa atin ay nagpala.”
― Gat Jose Rizal
Ang katagang ito ay mula sa sinasabing unang tula na ginawa ng ating bayani na si Dr. Jose Rizal noong siya ay walong taong gulang, taong 1869. Ang tulang ito ay pinamagatang “Sa aking mga kabata” na nagpapakita ng pagmamahal sa bansang Pilipinas at maging sa wika nito.
Dito sa Pilipinas kapag nagsalita ka ng purong Filipino ikaw ay masasabihan na “makaluma” o di kaya naman ay “masyadong makabayan” kapag naman ikaw ay nagsalita sa wikang Ingles ay sasabihan kang “mayabang” “matalino” o “mayaman” pero kapag pinagsama mo ang Filipino at Ingles sa pangungusap ikaw naman ay masasabihang “conyo” Eh ano ba ang dapat na gamiting wika?
Noon pa lang naging malaking isyu na sa bansa ang paggamit ng wika. Aniya ng iilan dapat na magsalita lamang tayong mga Pilipino gamit ang wikang Filipino dahil ito ang ating pambansang wika. Dagdag pa nila, hindi dapat tangkilikin ang kolonyal na wika dahil malaking kawalan daw ito ng respeto sa ating bansa. Sagot naman ng gumagamit ng dalawang wika (wikang Filipino at wikang Ingles), hindi masama na gumamit ng dalawang lenggwahe bilang midyum sa isang komunikasyon dahil ang wikang Filipino at wikang Ingles ay parehas na opisyal na wika ng ating bansa. Dagdag pa nila, ang mahalaga ay hindi kalilimutan ang bansang pinanggalingan.
Ilang daang taon na ang lumipas at patuloy pa rin ang pagbabago ng ating wika maging ang ilang mga salita na ating ginagamit. Dahil nga sa tayo ay sinakop noon ng ilang mga makapangyarihang bansa tulad ng Esapanya, Japan, at America, maraming napalitan at nabuong mga panibagong salita sa ating wika. Dahil sa matagal na pagkakasakop sa atin ng iba’t-ibang mga bansa ang ilan sa ating mga salita ay hinango sa iba’t ibang wika katulad na lamang ng salitang “administrasyon” na mula sa salitang espanyol na administración.
Isa ang wika sa nagbibigay ng pagkakakilanlan ng isang bansa. Mula rin sa wikang ating ginagamit, ito ang nagiging susi sa isang maayos at payapang estado. Ang wika ay isang paraan ng komunikason kung saan ang dalawa o higit pang tao ay ginagamit ito upang magpalitan ng mga impormasyon o mensahe. Malaki ang nagiging gampanin ng wika sa relasyon ng mga tao dahil maaari nitong mapagbuklod o mapagbukod ang mga mamamayan sa isang bansa. Napakamakapangyarihan ng wika na nagagawa nitong pasunurin ang marami. Kung ano ang wika na kinikilala at pinakaginagamit ito ang sinusunod ng maraming tao, isang halimbawa ay ang wikang Ingles. Sa panahon ngayon, maraming mga institusyon ang gumagamit at tumatangkilik ng wikang ito kaya naman maging ang kultura ng bansang pinagmulan ng wikang Ingles ay na a-adopt ng karamihan. Naging basehan na rin ang wikang Ingles sa galling at talino ng isang tao, at maging sa basehan ng estado o katayuan sa buhay. Kapag matatas ka sa wikang Ingles ikaw ay matalino o hindi kaya naman ay nanggaling sa mataas na antas ng lipunan. Maiisip agad ng marami na ikaw ay nakapag-aral o nag-aaral sa isang magandang unibersidad kapag ikaw ay bihasa sa kolonyal na wika. Subukan mong magsalita sa wikang ingles at tiyak na mapapa wow ang sinumang makakarinig sa iyo at sasabihan kang matalino.
Labis ang kapangyarihan ng wika na hindi lamang nito kaya kang pagmukhaing matalino dahil maaari rin nitong burahin ang pagkakalinlan ng isang bansa o grupo kung tuluyan na yayakapin ang wikang dapat na pangalawa lamang sa maging priyoridad na wikang gagamitin. Sa ilang pag-aaral, iilan sa mga etnikong wika ang tuluyan nang nabura at ang ilan pa ay nanganganib at inaasahan na mawawala sa darating na panahon. Isa sa mga nakikitang dahilan ng pagkawala ng iilang mga wika ay dahil sa hindi paggamit ng naturang wika at napapalitan ito ng mga wika na ginagamit ng mga malalaking rehiyon katulad na lamang ng wikang Ingles.
Ang wikang Filipino ang pangunahin at pambansang wika ng Pilipinas. Ito ang dapat nating pagyamanin dahil ang wikang ito ang sumasalamin sa ating kultura at pagkakakilanlan bilang isang Pilipino. Totoong hindi masamang matuto ng ibang lenggwahe katulad ng wikang Ingles dahil paraan ito upang makilala ang kultura ng bansa at ito rin ang kinikilala bilang unibersal na wika. Ngunit katulad nga ng sinabi ni Conrado de Quiros sa kaniyang isinulat sa “Ang Kapangyarihan ng Wika, Wika ng Kapangyarihan” hindi maaaring maging una ang Ingles.
1 note · View note
binibiningmikkaella · 5 years
Text
Si Pedrong Maralita ay “nothing but a second rate trying hard copycat”
Sa isang eksena sa isang palabas na pinamagatang “Bituing Walang Ningning” noong taong 1980’s, inakusahan ni Lavinia Arguelles, isang mayaman na singing pop dance superstar, si Dorina Pineda, isang mahirap na fan ni Lavinia at kalaunan ay naging sikat din, dahil sa panggagaya daw nito sa kaniya. Dito lumabas ang naging sikat na linya na “you’re nothing but a second rate trying hard copycat” na hanggang ngayon ay tumatatak pa rin sa isipan ng mga Pilipino. Kung ating susuriin, ang isang mahirap ay inakusahan na gaya gaya ng isang may kaya. Pero bakit nga ba nasasabing gaya gaya ang isang maralita?
 Hindi man marami ang bilang ng mga mayayaman sa bansa pero dahil karamihan sa kanila ay may hawak ng mga malalaking kumpanya sa industriya, mga kilalang influencers, mga alagad ng batas o namamahala sa pulitika, sila ang mas tinatagurian na makapangyarihan at may kontrol sa lipunan. Ang mga may kaya ay bumubuo ng mga “standards” na sinusundan ng mga maralita upang makasabay sa takbo ng lipunan. Ito ang mga sinasabi na “dapat na ugali”, “dapat na sundin” “mga magandang suotin, bilhin, at kainin”. Kumbaga kung ano ang kilos ng mga mayayaman ay ganun din umasta ang mga maralita. Nag-aasal mayaman si pedrong maralita.
 Ang edukasyon ay nakadisenyo na naaayon sa mga mayayaman. Ito ay dahil nakuha natin ang sistema ng edukasyon sa sistema na pinakilala sa atin ng mga amerikano noong tayo ay kanilang sinakop. Ang Estados Unidos ay isang mayaman at makapangyarihang bansa. Sa kultura pa lang nila, napakalayo na ng pagkakahalintulad nito sa pamumuhay ng mga Pilipino. Noon, dalawang uri ng paaralan ang itinayo sa loob ng kanilang pamamahala―ang Pribado at Pampublikong paaralan. Sa pribadong paaralan, mga nakakaangat sa buhay ang mga nakakapag aral dito. Ang mga nasa mababang antas naman ng lipunan ang mga nakakapag-aral sa pampublikong paaralan. Imbis na paunlarin ang bansa dahil sa edukasyon, mas nagiging dahilan ang sistema ng edukasyon sa pagkakaroon ng malaking gap sa pagitan ng mga mayayaman at maralita.
 Sa loob ng pananakop ng mga amerikano, ipinaniwala nila sa atin na kapag ginaya at sinunod natin ang pamamaraan ng kanilang pamumuhay ay magiging kasing unlad din natin sila. Hinubog nila ang ating ugali at kaisipan na maging amerikanisado o maging isang Pilipino na tumatangkilik sa produkto ng mayamang bansa. At kahit matagal na tayong nakalaya, hanggang ngayon ay naging ugali pa rin ng mga Pilipino, lalo na ng mga mahihirap, na sumunod na lamang sa mga nakagawian ng mga makapangyarihan at mayayaman bitbit ang pag-asang makakaangat sila mula sa kahirapan.  
 Sa libro ni Wataru Kusaka na pinamagatang “Moral Politics in the Philippines”, sinabi niya dito na ang mga nasa civic sphere o mga middle class ay gumagawa ng konsepto sa pagiging “tama” at “mabuting mamamayan”. Dahil nga sa sila ang mga nakapagtapos sa magagandang unibersidad o mga nakakaangat sa buhay, ang mga konseptong kanilang binubuo ang nagiging basehan sa kung ano ang dapat na ikilos ng isang tao. At kapag sinabi nating “tao”, ito ang pagkilos na naaayon sa itinakdang moralidad ng mga nakakaangat sa buhay. Ang resulta, para maabot ang konseptong binubuo ng mga nasa itaas ng lipunan, imbis na gumawa ng paraan upang maging kabilang sa grupo ng mga nakakaangat, ginagaya na lamang nila ang mga ito upang maramdaman na kabilang sila sa lipunan. Nanatiling mahirap si pedrong maralita ngunit ang ugali niya ay katulad na ng mga nakatataas.
 Sa paglipas ng panahon, dumarami ang bilang ng mga mahihirap. Dahil nga kilos mayaman ang mga mahihirap nagreresulta ito para mas lalo silang malugmok sa buhay. Bibili ng mga gamit na kapareho ng mga mayayaman, gagastos ng marami katulad ng mga nakakaangat. Ang ilan naman ay gumagawa ng mga imitahe ng mga sikat na produktong gamit ng mga mayayaman at ipinagbebenta ito sa mga mahihirap sa murang halaga. Hindi man ito parehas ng halaga at ang orihinal na produkto, para sa mata ng mga maralita ay katumbas na ito ng pagiging mayaman o in sa society
 Magmula noon hanggang ngayon, nakikita pa rin ang pagkakahati ng lipunan ayon sa estado sa buhay ng isang tao. Mayroon pa ring mahirap, may kaya at mayayaman. Dahil dito, hindi rin natatapos ang pagkakaroon ng iba’t ibang konspeto at standards para mapabilang sa lipunang ating ginagalawan. Kung ikaw ay mayaman, hawak mo ang kapangyarihan na kontrolin ang masa, samantalang ang mga nasa ibaba naman ay napipilitang sumunod sa mga mayayaman. Habang ang disenyo ng lipunan ay patatsulok, hindi makakamtan ang pagkakapantay-pantay at si pedrong maralita ay mananatiling sunod-sunuran sa lipunan.
1 note · View note
binibiningmikkaella · 5 years
Text
Dugong Pilipino na kilos Amerikano: Pagkahumaling sa kadena ng pagkaalipin
“Game of thrones series” “Marvel” “Michael Kors bag” “Skechers shoes” “Kylie cosmetics” “Forever 21” “Starbucks” “Facebook” “Twitter” “Instagram” “Snapchat” “Apple products”
ilan lamang ito sa mga kilalang gawang Amerika na umabot na sa ating bansa. Marami sa atin ang gumagastos ng malaking pera o nagbibigay ng mahabang oras sa pagtangkilik ng mga nasabing gawang banyaga. Kung ating iisipin, higit na “pinapatronize” ang kulturang banyaga kahit na wala tayo sa mismong bansa nito. Bakit nga ba mas napupukaw ang atensyon ng mga Pilipino sa mga gawang amerika kaysa sa mga gawang pinoy?
 1898, tuluyang naangkin ng Amerika ang Pilipinas dahil sa Tratado ng Paris. Sa loob ng kanilang pamamahala, pinaigting ang pananakop sa pamamagitan ng pagbigay ng edukasyon. Naging pribilehiyo man ito para sa karamihan ngunit naging daan din ito upang tuluyang makontrol ng mga amerikano ang kaisipan ng mga Pilipino. Kanilang hinubog ang ating isipan at ugali na maging amerikanisado. Dinala rin nila sa bansa ang kanilang mga produkto at inihain ito sa mga Pilipino. Mas pinakilala ang kulturang amerikano at itinago sa mga Pilipino ang sarili nitong kultura. Noon, hindi lang lalaki at mayayaman ang nakakatanggap ng edukasyon. Maging ang mga babae at mga mahihirap ay nakakatamasa ng edukasyon. Nagpapadala rin sila ng ilang mga matatalinong pilipinong estudyante sa Amerika upang ipagpatuloy ang pag-aaral doon. Kung titignan maraming mga benepisyo ang nakuha ng mga Pilipino noong nasakop tayo ng mga Amerikano. Mas naging bukas ang ating kamalayan at pinakain tayo ng mga kaalaman. Hinayaan din nila ang ilan sa mga Pilipino na mamahala sa gobyerno, ngunit ang pinaka kapangyarihan at kontrol ay hawak pa rin ng mga mananakop.
 1946 nang tuluyan na tayong nakalaya mula sa mga kamay ng mga mananakop. May sarili na tayong pamahalaan at mga Pilipino na ang may kapangyarihan at pinaka kontrol sa ating bansang Pilipinas. Ganunpaman, nanatili ang koneksyon natin sa Amerika. Patuloy ang mga aktibidad na isinusulong ng relasyong Amerika-Pilipinas katulad na lamang ng “Balikatan” o ang annual military exercises. Hindi lamang iyon, hanggang ngayon ang mga teksto sa librong ginagamit natin ay hango sa wikang ingles. Maging sa mga pormal na sulat at usapan, basehan ng talino at ng katayuan sa buhay, ang kolonyal na wika ang madalas na ginagamit at naging batayan sa mga ito. Ginagamit din ang wikang kolonyal upang makahanap ng magagandang trabaho lalo na kung gugustuhin mong magtrabaho sa labas ng bansa. Ani ng karamihan, ang salitang ingles ang daan sa mas magandang buhay. Dahil dito, karamihan sa mga Pilipino ay inaayon ang kanilang pagkilos sa pamumuhay ng mga amerikano. Marami sa atin ang may paniniwala na kapag sinunod natin kung paano kumilos ang mga taong namumuhay sa isang progresibong bansa ay uunlad din ang ating buhay.
 Hindi man na tayo sakop ng Amerika ngayon ngunit ang ugali at pag iisip ng karamihan sa mga Pilipino ay amerikanisado na. Naiwan ang ilan sa mga kultura ng amerika noong tayong kanilang pinalaya at hindi natin namamalayan na hanggang ngayon ay yakap yakap pa rin natin ang mga ito. Hindi maikakaila na tunay na may magagandang mga damit, palabas, sapatos o kahit na ano pa mang mga produkto ang mga Amerikano ngunit hindi dapat ito maging dahilan upang tuluyang kalimutan ang kultura ng ating pinagmulan. Matagal na tayong nakalaya kaya hindi na dapat nating muling ibalik ang mga kadena ng pagkakaalipin mula sa mga amerikano.
1 note · View note
binibiningmikkaella · 5 years
Text
Ang edukasyon sa Pinas
Taong 1521 nang masakop ng mga Espanyol ang ating bansa. Sa kanilang pagsakop sa atin iba’t ibang kultura ang kanilang ipinakalat sa bansa kasama na ang relihiyon at ang edukasyon. Ang relihiyon ay ipinakalat sa lahat samantalang ang edukasyon naman ay ibinigay lamang sa mga lalaking illustrado o may kaya. Matapos ang 333 taong pamumuno ng mga espanyol sa bansa ay sinundan ito ng pananakop ng mga amerikano. Katulad ng ginawa ng mga espanyol, ipinalaganap din nila ang kanilang kultura,  politika, relihiyon at lalong lalo na ang edukasyon. Kaibahan sa mga unang nanakop, lahat ng mga Pilipino ay nakapag-aral. Edukasyon ang naging susi upang lehitimong masakop ang mga Pilipino. Dahil sa edukasyon, nahubog ang kaisipan ng mga pilipino at tuluyang naging amerikanisado. Itinanim sa mga isipan ng mga Pilipino na higit na mas magandang tangkilikin ang mga produktong gawang Amerika kaysa sa mga lokal. Sa mga teksto sa libro, ipinaniwala sa atin na ang mga Amerikano ang mga bayani na nagpalaya sa ating bansa mula sa matagal na pagkakasakop sa atin ng mga malulupit na mga Espanyol. Higit din na mas ginamit ang wikang ingles kaysa sa mga nakasanayang diyalekto.
 Taong 1946 nang tuluyan na tayong makalaya sa mga kamay ng mga mananakop. Kahit nakalaya na tayo ay nagpatuloy pa rin ang edukasyon sa bansa. Para sa mga may kaya o mayayaman, sila ay nasa mga pribadong paaralan na sinasabing may “kalidad na edukasyon”. Samantalang, ang mga kapus-palad naman ay sa mga pampublikong paaralan na may libre o may mas mababang tuition. Dahil dito, hindi maaasahan na parehas ng sistema ng edukasyon ang pribado at pampublikong paaralan.
 Naging problema ng mga nag-aaral ang pagtaas ng matrikula at diskriminasyon ng mga kumpanya sa pagkuha ng mga aplikante. Ayon sa opisyal ng CHED o Commission on Higher Education sa napanood na dokumentaryo, “Quality education is expensive. You want quality education, you should be ready to pay for it.” Ang kalidad na edukasyon ay hindi libre. Kailangan mo ng maraming pera upang matamasa ito. Ngunit tanging mayayaman lang ang mga nakakapag aral sa mga kilalang paaralan tulad ng University of the Philippines, University of Santo Tomas, Ateneo, at De La Salle na nagbibigay umano ng kalidad na edukasyon at pangunahing “requirement” o kailangan upang makuha sa isang trabaho o kumpanya.
 Ngunit ngayong taong 2019, tuluyan na naging libre ang edukasyon. Hindi na kailangan magbayad ng matrikula sa lahat ng mga pampublikong paaralan at “state universities.” Libre man ang edukasyon, ang kakulangan sa pasilidad na problema noon ay nakikita pa rin hanggang ngayon. Maging ang diskriminasyon ng mga kumpanya ay nananatili pa rin. May ilang mga nabago katulad ng ang PUP o Polytechnic University of the Philippines na dating hindi tinatanggap ng mga kumpanya ay tinatangkilik na ngayon. Nabibigyang pansin na ang mga estudyante mula sa mga hindi kilalang paaralan. Ngunit kung ating susuriin, may dahilan ang pagtanggap ng mga kumpanya sa mga aplikanteng nagtapos sa unibersidad na ito. Nakikita ng ilang mga kumpanya na isang oportunidad ang pagtanggap sa mga aplikanteng di nagtapos sa kilalang paaralan upang magpasweldo ng mababa. Ang pasweldo sa mga nagtapos sa unibersidad na ito ay mababa pa rin kumpara sa mga ipinapasahod sa mga nagtapos sa mga kilalang unibersidad na nabanggit kanina.
 Sa dami ng isyung hinaharap ng Pilipinas, ang edukasyon ang isa sa mga naging pangunahing problema ng ating bansa. Ang pagiging edukado ay naging basehan sa paaralang iyong pinagmulan. Ang kalidad na edukasyon ay naging limitado para sa mga nakatataas. Sa paglipas ng panahon, nagbabago ang konspeto ng edukasyon. Ang tinaguriang edukasyon para sa masa ay naging edukasyon para sa may kaya. Kaya naman hanggang ngayon ang mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad ay sama samang nagpoprotesta hinggil sa pagsasaayos at pagpapaganda ng sistema ng edukasyon. Maraming mga organisasyong pangkabataan ang sumisigaw sa kanilang karapatang makatamasa ng kalidad na edukasyon. Ang edukasyon ay hindi dapat na ipagkait sa mamamayan dahil karapatan ng bawat isa na magkaroon ng kaalaman. Dapat lamang na ang mga “tax” na binabayaran ng mga manggagawa ay mapunta sa mga pangunahing kailangan ng mamamayan katulad ng edukasyon. Hindi dapat na maging utang na loob sa gobyerno ang pagbibigay ng libreng edukasyon dahil sa simula pa lamang ay karapatan na ng bawat Pilipino na makapag-aral at ang pondong inilalaan sa edukasyon ay mula sa kaban ng bayan. Kagaya nga ng sinabi ni Antonio Tujan Jr. ng IBON Foundation “ang pagpapalaya ng edukasyon ay pagpapalaya sa lipunan” dahil katulad ng paniniwala ng lahat, ang edukasyon ang susi sa tagumpay at maayos na pamumuhay.
1 note · View note