Tumgik
hwanmigel · 1 year
Text
Ang Wikang Filipino ay Wika ng Akademiya.
Tumblr media
Sa dami ng bilang ng mga kabataan mula sa makabagong henerasyon na unti-unti nang nagiging bihasa sa wikang Ingles, pati na rin ang mga nakatatanda ngayon na hindi rin nagpahuli sa paghahasa ng kanilang kasanayan na sumulat, magsalita, at umintindi ng wikang Ingles dala ng tumataas na demand ng globalisasyon—walang kamalayan na nating nailalagay ang nasabing wika sa isang "pedestal."
Kung iisipin, hindi rin naman masama na ganito kataas na pagpapahalaga ang ini-aangkla natin sa wikang Ingles. Sapagkat isa rin naman ito sa mga opisyal na wikang ating ginagamit at tunay ngang makatutulong sa paaralan at sa trabaho kung may sapat kang kasanayan dito. Ngunit kapalit ng nasabing penomena ang pagbaba ng tingin ng karamihan sa wikang Filipino.
Basahin ang isang confession mula sa isang freedom wall Facebook page ng isa sa mga kilalang unibersidad sa bansa:
Kasama ng wikang Filipino ang iba't ibang mayayamang wika ng Pilipinas na bukod pa sa Tagalog—nandiyan ang Ilokano, Cebuano, Waray, Kapampangan, Maranao, atbp. Ngunit kung mapapansin, mistulang may diskriminasyon din na nangyayari sa loob pa lamang mismo ng wikang Filipino. Ayon sa tagasulat ng Facebook post, "masagwa" raw ang wika ng mga Bisaya kung pakinggan, kaya siya ay hinihikayat na lamang na mag-Tagalog o Ingles.
Hindi maitatangging karamihan sa mga nag-aaral sa mga prestihiyosong paaralan na ito kagaya ng ADMU at DLSU ay mula sa mga pamilyang may kaya. Kadalasan din na wikang Ingles o Ingles na may halong Tagalog (TagLish) ang ginagamit nila sa pangaraw-araw na pakikisalamuha. Ngunit sa ganitong nabuong kultura ay umusbong din ang stigma na ang wikang Ingles ay wika ng mayayaman.
Sa kabila, ang wikang Filipino ay nagmukha lamang na wikang pangmasa at wikang ginagamit lamang ng mga normal na mamamayan.
Siguro kung nagkaroon na kayo ng nakababatang kapatid o pamangkin na nakasama niyong lumaki sa iisang tahanan, kasama na rin kayong nagturo sa kanila kung paano magsalita. Base sa aking obserbasyon, karamihan sa mga magulang ay sinusubukang palakihin ang mga batang ito na nagsasalita ng Ingles upang magtunog "sosyal" at "matalino."
Ang ganitong pananaw ay hindi na dapat pang hinihikayat sapagkat ang wikang Filipino rin naman ay wika nating "matatalino." Matatalino sapagkat sa tulong ng wikang ito ay nasasanay natin kung paano maging isang intelektwal—mga marurunong na hindi lamang sanay sa mga usapin sa akademiya, kundi pati na rin sa mga isyung may kinalaman sa lipunan.
Bilang pagtatapos, tandaan na huwag matakot sa kahirapan sa pagsulat at pag-intindi sa wikang Filipino. Marahil mahirap mag-aral ng Matematika sa purong Filipino o hindi kaya'y magbasa ng isang buong pananaliksik na isinulat sa Filipino, makikilala lamang ang ating wika sa labas ng bansa kung mag-uumpisa tayo mismong nasa loob na sanayin at pagyamanin ito. Tunay lamang na magiging Wikang Intelektwal ito kung hindi natin maliliitin at ilalagay bilang mas mababa sa wikang Ingles.
6 notes · View notes