johnochh-blog
johnochh-blog
Unwanted Potato
10 posts
Don't wanna be here? Send us removal request.
johnochh-blog · 6 years ago
Text
The Social Movement and the Current National Political Scene
Nangyayari na ang inaasam kong pagbabago. Malakas ang dagundong ng martsang lumalaban sa inhustisya, ang mga boses na dating katiting ay unti-unti nang lumalakas, ang dating iilan ngayo'y marami na. Nagawa na natin ito noon, hindi malayong magawa rin natin ito ngayon. Kung maririnig siguro ng dating ako ang mga sinasabi ko ngayon, malamang ay hindi kami magkakasundo. At kung malalaman siguro ng mga magulang ko kung anong ginagawa ko ngayon, malamang ay papauwiin nila ako sa probinsya at hindi na papalabasin ng bahay. Pero hindi na ako manhid sa nararamdaman ko, oras na para makinig sa matagal nang sinisigaw ng damdamin kong makabayan.
 Hindi totoong walang mahalagang gampanin ang mga malawakang kilusang panlipunan, dahil ito na ang yugto kung saan tumitigil na ang tao sa pagtanggap ng mga realidad na ibinibigay sa kanya, ito na ang yugto kung saan nanghihimasok at nangingialam na ang mga tao sa tunay na realidad. Umuusbong na ang kamalayang dati'y itinago at ipinagdamot sa atin.
 Marami pa ring kailangang baguhin syempre at malayo-layo pa ang kalbaryo natin sa lipunang mapagpalaya. Pero unti-unti ay nakakarating tayo roon. Dahil sa social media, mas nagiging madali ang komunikasyon at pagpapalaganap ng impormasyon. Sa isang click lamang ng mouse ay maari mo nang makita kung sino-sino ang kaparehas mo ng adhikain, isang cick lamang ay maari mo nang ibahagi sa lahat ang iyong opinyon o ideya. Malaki rin ang tulong ng Transformative Education na nagtuturo sa mga estudyanteng "lumabas" sa classroom at makiisa sa mga kaganapang pang lipunan.
 Naipaglaban natin ang karapatan ng mga kababaihan at ng LGBTs, naipahatid natin sa sambayanan ang saloobin natin sa Martial Law, narinig ng masa ang hinaing ng mga empleyado sa NutriAsia at Jollibee, unti-unti nating nabibigyan ng boses ang mga Lumads pati na rin ang mga Journalists na iniipit ng gobyerno, lumaban tayo sa EJKs ni Duterte, at sama-samang sumigaw sa baluktot na pamamalakad ng gobyerno. Iilan lamang 'yan sa mga nagagawa natin kung tayo magkakasama, marami pa tayong magagawa kung ipagpapatuloy natin ang nasimulan. Malapit na. Humanda ang mga kailangang humanda, dahil ang sigaw ng mamayan? Pagbabago! Pagbangon! Pagasa!
0 notes
johnochh-blog · 6 years ago
Text
Transformative Education
Ang pagkatuto ay hindi dapat umiikot sa apat na sulok ng silid, hindi sinusukat sa kung anong memoryado mo, hindi umaasa sa dikta ng mga teoryang nasa libro, hindi kumukulong sa kaisipan at ideya ng isang indibidwal. Sa pagbabasa ng sanaysay na ito, ganito agad ang pumasok sa aking isipan: salamat at nakapasok na rin ako sa paaralang mapagpalaya, sa paaralang biniyayaan ng kamalayan sa lipunan.
Pagusapan muna natin ang problema ng sistema ng edukasyon natin ngayon -- alisin muna natin ang kakulangan sa mga pasilidad, gamit, at pondo -- pagtuunan natin ng pansin ang sitwasyon sa loob ng silid. Tignan mo, papasok ka sa eskwela sa loob ng mahigit walong oras sa isang araw, limang beses sa isang linggo; hindi pa riyan kasama ang oras na gugugulin mo paguwi sa bahay para sa assignments, projects, at groupings. Magbabayad ka ng malaking tuition fee at bibili ng sandamakmak na librong hindi naman natatapos ituro ng guro, nariyan pa ang additional fees para sa booklets, paggamit ng computer lab at speech lab, ganoon na rin sa mga "educational trips" na palagi rin namang natatapos sa pamamasyal sa mall.
 Nag aral ako sa pribadong eskwelahan mula pre-elementary hanggang senior highschool at ganito ang madalas na sitwasyon. Ano na lamang ang maiaambag ko sa lipunan? Uunlad ba ang Pilipinas kung kabisado ko ang Periodic Table? Kung malawak ang bokabularyo ko sa Ingles? Kung alam ko ang parte ng manok na ibinigay kay Padre Damaso? Hindi ko sinasabing mali ang ituro ang mga ito dahil dapat naman talagang matutunan ito, pero ang ituro ito nang walang kabuluhan? 'Yun ang ayaw ko. Matagal akong nag bulag-bulagan at nagtiis sa ganitong klase ng maling pamamalakad at pagtuturo. Ang kaalamang walang laman at hindi magagamit paglabas ng silid ay hindi kaalaman para sa akin. Sa ilang taon kong pagaaral, wala naman akong natutunan.
Simple lamang ang iminumungkahi ng "Transformative Education", at ito'y transformative hindi sa paraang pagtuturo lamang sa bata kung paano maging responsable at produktibong mamamayan paglaki nito, kundi, transformative sa paraang pagtuturo sa bata kung paano maging instrumento sa pangkalahatang pagbabago at pagunlad ng lipunan. Ganito ang sabi:
 "Transformative Education is a conscious, systematic three-way transformation of the institution and educators of the students and of society. It fulfills the truly developmental, liberating character of education. In this way, formal education becomes part of the whole process of social transformation and development."
 Sa madaling salita, ipinaglalaban ng Transformative Education ang pagkakaroon ng mga estudyante ng kamalayan sa kanyang lipunang ginagalawan, dahil sa ganitong paraan, tunay na magkakaroon siya ng pakialam sa pangkalahatang kalagayan ng bansa at hindi lamang pakialam sa kaniyang sarili. Siya ay magaaral at pag nakatapos na'y gagawa siya para sa bayan at hindi para sa sarili, magkakaroon siya ng pusong handang tumulong sa masa at hindi sa iilang makapangyarihan lamang.
 Pero ang pagbabago ay mas mapapabilis kung bibigyang-pansin din ang mga aspektong nakapaligid sa mga estudyante. Unahin na natin ang mga guro at propesor na malaki ang ambag sa pagkatuto ng mga bata. Kailangan natin ng mga gurong dedikado at malawak magisip, mga gurong hindi lamang nagpo-pokus sa mga teoryang nasa libro kundi pati na rin sa mga diskusyong panlipunan. Kailangan natin ng mga gurong hindi tamad at makasarili, mga rebolusyonaryong guro kumbaga. Pangalawa ay ang curriculum ng mga paaralan, dapat isama sa mga ito ang iba't-ibang programs o activities na hindi umiikot sa loob ng eskwelahan kundi sa pamayanan; mga activities na hindi pasyal kundi aral ang pangunahing layunin at mga programs na magtuturo sa bata kung paano makatutulong sa masa. Kung ganito ang itinuturo sa lahat, siguradong malaki ang maidudulot na pagbabago nito sa kalagayan ng bansa, at kung maipapatupad ay masasabi na nating "may natutunan na ako sa eskwela."
0 notes
johnochh-blog · 6 years ago
Text
Literatura ng Uring Anakpawis
Ang mga nakakaranas lamang ng ibayong paghihirap ang lubusang makakaunawa sa mga ipinaglalaban ng mga anakpawis. Ito ang isa sa aking natutunan mula nang mabasa ang akda ng isa sa pinakamahusay na manunulat na si Rogelio Ordonez na pinamagatang “Literatura ng Uring Anakpawis” na naglalaman ng iba’t ibang akdang naglalarawan ng buhay ng isang anakpawis. Sa totoo lamang, akala ko noon na ang anakpawis ay isang party list lamang ngunit ngayon ay natutunan ko na sila ang kumakatawan sa mga kapwa nila anakpawis o yung mga taong nagbabanat ng buto, manggagawa, magsasaka, at iba pa sa kongreso upang ipaglaban ang kanilang mga repormang nais. Bukod doon, ngayon lamang ako nakabasa ng akdang isinulat ng mga anakpawis dahil sa panahon ngayon ay mas kilala ko ang mga librong komersyal kung kaya naman napaisip ako noong mga oras na iyon na kung may mga ganitong uri ng akda ng gaya sa isinulat ni Ordonez, bakit hindi ito ganoon kasikat o kakilala lalo na ng masa? Nasagot ang katanungan kong ito ng aking guro matapos niyang sabihin na kaya hindi ito pamilyar sa publiko dahil na rin hindi ito natataguyod at naipapakilala ng husto sa mga tao. Lubos din akong humanga sa mga manunulat ng anakpawis sapagkat lumabas sila sa mga pantasyang isinasaksak at idinuduldol sa atin ng mga naghaharing uri. Sa pamamagitan ng akda ni Ordonez at ng iba pang akdang nabanggit niya’y napagtanto ko ang tunay na kalagayan ng mga nasa ilalim ng tatsulok. Idagdag pa na hindi naman talaga maiiwasan ang pangmamaliiyt ng mga nasa ibabaw ng tatsulok sa mga nasa ilalim, ngunit dahil sa mga literaturang naisulat ng mga anakpawis ay ipinamumuka nila sa mga bourgeoisie na sila ay may kakayanan din at kaya nilang lumaban sa mga mapagsamantalang ito. Ayon sa aking guro ay ginamit ng mga anakpawis ang literatura upang maimpuwensyahan ang mga kapwa nilang anakpawis, upang tulad nila ay mamulat ito sa katothanang isang malaking kabaluktutan ang masanay na lamang sa bulok na istruktura ng lipunan, upang kahit papaano hindi man nila tuluyang mabaliktad ang tatsulok ay may nagawa silang kahit kauting pagbabago sa grupong kanilang kinabibilangan. Dahil sa dahilang ito ng mga anakpawis ay nalaman ko na ang pagbabago ay magsisimula sa kung sino talaga ang nakararanas ng pangaalipusta, dahil kahit kalian ay hindi naman magmumula ang pagbabago sa mga nasa tuktok sapagkat bakit pa nila ito babaguhin kung sila ang nakikinabang sa halos lahat ng bagay? Bakit pa nila nanaising baliktarin ang tatsulok kung ito ang magiging dahilan upang mawala sa kanila ang marangyang buhay? Natanto ko na kung magkakaisa ang mga anakpawis at magiging mulat ang lahat sa kanila ay magdududlot ito ng ibayong pangamba sa mga namamayagpag sa itaas dahil ang mga inakala nilang mangmang ay may talino’t lakas na wasakin ang tatsulok ng lipunan na ilang daang taon na ring nananatiling matatag. Higit pa ang magagawa ng mga nasa ilalim, higit pa ang magagawa ng mga magsasaka, manggagawa at kanilang mga kasamahan ngunit kung patuloy ang iba sa pagubulag-bulagan at kung ang ibang anakpawis ay aastang isang bourgeoisie ay malabo pa na matibag ang bulok na istrakturang tatsulok na ito sa lipunan.
0 notes
johnochh-blog · 6 years ago
Text
Ang Kabastusan ng mga Filipino
Kilala ang mga Pilipino bilang isa sa mga pinakamagagalang sa buong mundo. Mula sa pagkakaroon ng sariling salitang “Po” at “Opo” ay masasabing bukod tangi ang Pilipinas kumpara sa ibang nasyon. Subalit sa ating bansa ay kapansin-pansin ang paghahari at diskriminasyon sa pagitan ng magkaibang kasarian, ang lalaki at babae. Ang patriyarka na tinatalakay sa akda ni Isigani Cruz ay ang dahilan kung bakit niya ikinategorya ang mga Pilipino sa kabastusan, o pagkawalang pakiramdam at pakialam sa kasalungat nitong kasarian. Sa buong mundo ay mapapansin ang diskriminasyon sa mga kababaihan. Magmula pa noon ay umiiral na ang ganitong kaisipan, mula sa mga pagpatay sa mga kababaihan sapagkat hindi naman mapapakinabangan sa larangan ng pagtatrabaho o pagbabanat ng buto, hanggang sa hindi pagkakaroon ng mataas na posisyon sa lipunan. Dito sa akda na isinulat ni Isagani Cruz ay umiikot sa paksa ng hindi pagkapantay pantay, kung saan namamayani sa ating lipunan ang paghahari ng mga “ruling class” sa kanilang mga tinatapakang oppressed class at kung ano ang naging epekto nito sa pananaw at pagiisip ng mga mamayan lalo na pagdating sa usapan ng pantay na pagtingin sa mga babae at lalaki. Pero hindi nanaman bago ang ganitong suliranin panahon pa ng mga nununo nunuoan natin nandito na ang suliranin na ito. Minamaliit ang babae sa maraming bagay pagdating sa kakayanan nila mag trabaho, kapasidad nilang maging leader, at sa marami pang larangan. Pero sa lumipas na panahon ay maraming mga indibidwal ay tumayo upang ipaglaban at itayo ang karapatan ng mga kababaihan, at ang mga indibidwal na ito ay ang mga tinatawag na feminist, at ang kanilang mga ibinuhos na lakas,sakripisyo at dugo ay nagbunga upang maiangat ang karapatan ng mga kababaihan sa ating kasalukuyang panahon, masasabi natin na sa panahon ngayon ay masasabi nating di na lalaki ang namumuno sa ating lipunan kung hindi malaki na ang parte ng mga kababaihan at di rin natin maitatanggi na masasabi nating dinaig na ng mga kababaihan ang mga kalalakihan pagdating sa ibang mga larangan. Masasabi na nga nating tunay na naitaas na ang estado ng pamumuhay ng mga kababaihan, di man sa lahat ng oras pero mas matatag na at kagalang galang na ang imahe ng mga kababaihan ngayon. Dito ko ngayon ipapasok ang aking punto na dahil sa ganitong pagusbong ng kapangyarihan ng mga kababaihan masasabi natin na tototo na nga ang katagang “chivalry is dead” di dahil nawalan na ng gana ang mga lalaki o hindi na naturuan ng magandang asal ang mga kalalahikahan ngayon, pero dahil sa pagbabago na ito na napatunayan ng mga babae na kapantay na nila ang mga kalalakihan, kaya karapat dapat lang na kung hangad ng mga kababaihan ng pantay na karapatan dapat sabay din nilang akuin ang pantay na responsibilidad.
0 notes
johnochh-blog · 6 years ago
Text
Si Kristo, Ronnie Poe, at iba pang "Idolo": Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino
Hindi ko alam sa inyo pero ako, ayaw ko sa mga pelikulang gawa sa ating bansa. Bakit? Eh ganoon at ganoon din naman ang pinalalabas. Mayroong magandang babae, mayroong gwapong lalaki at magkakaibigan sila. Masaya ang lahat. Ganoon naman lagi. Minsan ay tatapunan ang banghay ng mga engkanto, aswang o kaya naman ay mapapangit ngunit katawatawang mga bakla, pero ganoon pa rin. Sa bayan nga kasi natin ay iisa lang ang klase ng palabas: Mukha, Mukha, Mukha. Mabuti sana kung gandang Pilipino ang pinapakita sa mga manonood pero hindi, puro na lang Kaputian, Kaputian, Kaputian. Magmamayabang na nga lang ay hindi pa ang sarili ang ibinida. Hindi ko sinasabi na pangit ang maputi. Syempre naman hindi, pero hindi lamang iyon ang maganda. Sa tingin ninyo, bakit ba nakapapangasawa ang mga Pilipino ng mga dayuhan kung hindi maganda ang ating lahi? Papatulan ba tayo ng mga Amerikano kung puro pangit at itim lamang ang dumadaloy sa ating dugo? Sa totoo nga lang, maraming mga dayuhan ang nagpupunta dito sa bansa natin para magpaitim lang ng balat. Ang problema lamang talaga ay hindi tayo marunong magpahalaga sa kung anong meron tayo. Malamang ganoon din ang mensahe ni Nicanor Tiongson sa kanyang sanaysay(Si Kristo, Ronnie Poe at iba pang “Idolo���: Apat na Pagpapahalaga sa Dula at Pelikulang Pilipino). Tinalakay niya ang kawalan ng tiwala ng mga Pilipino sa kanilang sarili. Sa katunayan, sa sobrang kawalan natin ng tiwala sa sarili ay naghanap na tayo ng bagong mga santo, bagong mga diyos. At nagkatawan ang mga santong iyon bilang mga Amerikano. Kung pagmamasdan nga natin ang mga pelikulang gawa sa Pilipinas ay tila sila mga alay sa mga mapuputi natin idolo. Una ay maghahanap tayo ng isang maganda o gwapong actor. Syempre dapat maputi siya at kamukha ng ating mga panginoon (tila isa tuloy pambabastos sa doktrinang katoliko na lahat tayo ay ginawa ayon sa imahen ng Diyos). Tapos igagawa natin siya ng pelikula; ng alay. Oo, naghahanap muna tayo ng aktor bago tayo gumawa ng pelikula. Kung papansinin mo, kapag pumipirma ang isang artista ng kontrata sa isang istasyon, hindi ba kadalasang may pangako na tatlo o dalawang pelikula? Hindi ba kakaiba iyon para sa inyo? Pelikula ba dapat muna diba bago aktor? Hindi ba dapat nga meron pang mga “audition” para sa mga aktor? Isa pa siguro ito sa mga rason kung bakit ayaw ko sa mga pelikulang gawa sa Pilipinas: lagi na lang ang artista ang nasusunod. Kung gusto ni Bea Alonzo ng pelikula, gawaan natin siya! Kung may iba pa diyang mestiso, gawaan din natin siya! Madalas natin itong maoobserbahan sa Metro Manila Film Fest. Samantalang sa ibang bansa ay nagkukumahog pa ang mga aktor at aktres para makakuha ng papel sa palabas. Nakakapanghinayang na ang nagpapatakbo ng industriya na iyon ay ang magaganda, ang mapuputi, ang mga imahen ng Kano. Nakakapanghinayang na puro na lang gawa sa Pilipinas ang mga palabas natin dito. Kakarampot lang ang mga gawa ng Pilipinas. Kung may pag-asa man ang pelikulang Pilipino, naroon iyon sa mga indie films, mga palabas na hindi pera ang nagpapatakbo. Alam kasi nila kung ano ang patutunguhan ng kwento. Alam nila na tungkol sa, halimbawa, kahirapan o pandaraya sa gobyerno ang pelikula nila. Magaling sila dahil tungkol sa isang bagay ang palabas nila, hindi tungkol sa isang tao; lalong lalo nang hindi tungkol sa ibang tao.
0 notes
johnochh-blog · 6 years ago
Text
Blog ang Mundo: Pagsasalsal at Pakikibaka sa Internet
Hindi ko itatanggi na hindi ako naintriga sa pamagat ng akda. Sino ba naming hindi makakapansin at magkakaroon ng kakaibang pakiramdam pag nabasa ang pagsasalsal? Pero, hindi pala ito ang pagsasalsal na naglalaro sa aking isip ngunit ang pagkakaroon ng kamalayan bakit nga ba ang pag gamit ng blog ay inihalintulad sa pagsasalsal ng mga Pilipino. Usong uso na sa panahon ngayon ang pag gamit ng social media lalong lalo na ang sikat na facebook na naging tampukan na ng ibat-ibang kaganapan. Teka pero bakit? Bakit paulit ulit nalang yung nababasa ko sa internet? Bakit palagi nalang ako nakakabasa ng mga Pilipinong nakikipag diskusyunan sa internet tungkol sa sariling wika o kultura gamit ang salitang Ingles? Kahit ang mga taong sumusubaysay sakanila ay Pilipino at Filipino ang sinasalita. Binabati ko naman sila sapagkat bihasa sila sa dayuhang lengguwahe, ngunit nais ko din batiin ang kanilang pagiging Pilipino at dayuhan sa sarili nilang wika. Bakit kailangang buksan ang isipan at talasan ang pagiisip, bilang kabataang pag asa ng bayan,tungkol sa isyu ng bansa at ng sistemang kinakapalooban natin? Bakit sa internet madalas na naglalaban ang mga intelektwal tungkol sa mga isyu? Noon, ang akala ko, ang mga sumusulat at gumagawa ng blog ay mga mayayaman lang. Syempre, mayroon silang sapat na kagamitan upang makagawa ng blog. Samantalang kami noon ay mga normal na tao lang at ni high-tech na selpon ay wala kami. Naisip ko din noon na mga matatalino lang ang nakakapagsulat ng blogs dahil dapat ay magkaroon ka ng mataas na pagtingin sa isang bagay at syempre, pinag-aralan upang magkaroon ng parte sa mundo at makapag ambag sa lipunan. Nabuhay kasi ako sa pamilyang bawal ang tumaliwas sa opinion ng mga nakatatanda lalo na ng aking mga magulang kaya’t naisip ko na mapapalad ang mga gumagawa ng blog dahil mas nalalabas nila ang kanilang mga saloobin ng walang pumipigil sa kanila dahil nga may mga napatunayan na sila. Ngayon, mulat na ako sa sistema ng lipunan at kung paano umikot ang mundong ginagalawan ko. Nakakasagot na ko at nagagawa ng tumaliwas sa mga sinasabi ng aking magulang, ganito pala ang pagkakaroon ng kalayaan. Nagkaroon ako ng facebook account at naging active noong ako nasa ika-pitong baiting. Kung tutuusin ay medyo nahuhuli na ko sa uso dahil ang mga kasabayan ko ay elementarya pa lang ay may facebook na. Dito ako nagsimulang mamulat sa kung paano inabuso ang pagkakaroon ng kalayaan makapagsalita. Heto ako ngayon, nagsasalsal sa internet sa pamamagitan ng mga salitang nagbibigay sakin ng kalayaan gayundin ng kaibang pasanin ng katotohanan. Bakit pakiramdam ko ay nahuhuli na para saatin ang lahat?
0 notes
johnochh-blog · 6 years ago
Text
Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng Kapangyarihan
Gaano ba kahalaga ang wika sa isang bansa? Ito lang ba ay isang mediyum na nakakatulong sa pagka-konekta ng mga tao? O ito ba ay higit pa doon? Ayon sa isinulat na akda ni Condrado De Quinos, ang wika ay hindi lamang isang simbolo ng pagkakakilanlan ng isang bansa ngunit ito ay sumisimbolo sa kapangyarihan. Dagdag pa niya na ang wika ay ang humuhulma sa realidad ng isang tao. Para saakin, sumasang-ayon ako sa kaniyang sinabi na ang wika ay ang simbolo ng kapangyarihan, sapagkat ito rin ang batayan ng pagkakakilanlan ng isang lugar. Tignan natin ang Pilipinas, mas dominante ang pagsasalita sa wikang Ingles sapagkat mas nangingibabaw ang kolonyalismo, ang pagiging westernized natin. Dito pa lamang makikita na kung gaano kalaki ang impluwensya satin ng mga dayuhan na minsan nang nanakop satin. Habang ito ay sumisimbolo sa kapangyarihan, hinuhulma rin nito ang ating realidad kung saan ay binibigyan tayo nito ng bagong pananaw sa buhay gamit ang wikang nagamit. May mga salita sa Filipino na wala sa Ingles, at gayun din sa Ingles sa Filipino. Pero bakit nga ba sinasabi ni De Quinos na ang Ingles ay ang pinakamakapangyarihang wika? Ayon sa kaniyang akda, ang wikang ingles ay ang wikang nakakapag “connect” sa mundo. Ito ay totoo naman sapagkat nakikita at mapapatunayan ito sa internet mismo. Tulad ko, noong nasa early-teenage years pa lang ako ay nakahiligan ko ang One Direction. Ang One Direction (isang boyband na binuo sa UK) ay may fanbase sa buong mundo. Upang magkaintindihan kami ng mga ‘mutuals’ ko mula sa iba’t ibang bansa ay nag uusap kami gamit ang wikang Ingles. Ayon din kay De Quinos, ang wikang Ingles ay nagbibigay ng, sa sarili kong pagkakaintindi, ng ‘mpft’ sa uri ng tao. Class. Isang halimbawa na narinig ko habang itinatalakay ito sa klase, ang salitang ‘titi’ kapag ibinigkas ang salitang yan sa labas o loob man ng bahay ay matuturingan ito bilang ‘bastos’ sapagkat hindi naman siya bastos kung tutuusin dahil isa lamang itong salita na tumutukoy sa ari ng lalaki. Pero pa gang salitang’penis’ ay binigkas, hindi siya bastos pakinggan. May class nga kumbaga. Ganoon din pagdating sa pagtutukoy sa uri ng babae. Bakit may ganitong kaisipan ang mga Pilipino? Kahit ganito man ang kaisipa ng mga Pilipino sa ating sariling Wika ay dapat ay patibayin pa natin ito dahil habang tumatagal mas nahuhubog ang mga Pilipino sa pagsasalita sa wikang Ingles sa marmaing dahilan. Paano ba natin maipagpatibay an gating wika? Una, simulan natin sa ating sarili na makipag usap gamit ang sariling wika, Pangalawa, sanayin natin ang asarili natin sa pagsasalin ng salita. Halimbawa, may nais kang iparating ngunit hindi mo siya mai-express nang hindi ito sinasabi sa wikang Ingels, kailangan mong sanayin ang sarili mo na magsalin ng salita upang ito ay iyong madala. Pangatlo, tayo’y manghikayat sa kaparaanang makikita sa pananda, imprastraktura, malayang paskilan at mga local a produkto. Sa ganitong maliliit na bagay ay maipagyayabong natin muli ang sariling wika.
0 notes
johnochh-blog · 6 years ago
Text
Edukasyon Para sa Iilan: Bakit Asal-Mayaman si Pedrong Maralita
"Ikaw, Sa tingin mo bakit hanggang ngayon ay asal mayaman pa rin ang ibang Pedrong maralita sa ating bansa?" Sa aking opinyon, Unang una kung bakit may mga pedrong maralita sa ating bansa ay sa kadahilanang mataas ang pride. Pinakaayaw natin na nahihigitan o nalalamangan tayo pero minsan meron tayong kaisipan na kung saan tayo naman ang mismong humuhugot pababa sa ating kapwa sa lipunan. Ang tawag ko din sa mga Pedrong Maralita sa ating bansa ay ang mga "Social Climber" o ang mga "Pa-Cool kids". Halimbawa ko na lamang dito ang sarili kong karanasan, di na tayo lalayo -- sa aking sintang paaralan o sa PUP. Ibabahagi ko lamang na isa akong returnee student na na-admit noong 2015 bilang first year. Di naman mawawala sa unang semestre sa kolehiyo ay yung mga todo porma or kumbaga laging naka "OOTD". Paangatan, pasikatan kung sinong mas maganda pumorma. Dahil noon, sa pananamit pa lamang ay may diskrimasyon na. Yung tipong papasok ka para magaral pero yung suot mo, pang-awra. Paastigan nga ng porma kumbaga, kahit pa na tirik na tirik yung araw ay tiis ganda kang nakaleather jacket. Ang dahilan sa pagdaan sa gantong mentalidad ay para marami kang maging kaibigan o kaya'y maging maganda ang imahe mo sa kung saan man ang pupuntahan mo. Gugustuhin mo din na mapanatili ang ganoong imahe kahit na hirap na hirap ka na. Ito'y sa kadahilanang nais mong maranasan ang pagiging angat o nasa itaas, kumbaga nga sa lektura, nasa "ruling class". Yung mga nasa bahaging laylayan naman o yung mga naghihikahos ay tinatawag na "oppressed class". Syempre ayaw naman natin matawag at makita na ganon ang ating pamumuhay kaya't kahit anong bagay kaya nating pagandahin sa abot ng ating makakaya. Isa ito sa pakikisabay sa uso kahit tayo'y walang wala na, kasi alam natin ang pakiramdam ng nabibilang sa "oppressed class". Nagkaroon ako ng mga kaibigan noon na may kaya at mayroon ding magandang natatamasa sa buhay, na kung saan tuwing lunch ay mas gugustuhin pang kumain sa fastfood sa labas at ako namang ayaw masabihan ng dukha ay sumasama na rin kahit pa na katumbas nito ang isang linggo kong allowance. Isa lamang itong halimbawa ng pagiging isang Pedrong Maralita ko noon. Hindi naman masama na sumunod sa uso o takbo ng mundo basta alam mo ang uri ng kinabibilangan mo dahil ito'y parte na ng iyong pagkatao. Itanim natin na hindi lang sa ating kukote ngunit pati na rin sa kaibuturan ng ating mga puso na may magagawa tayo bilang isang simpleng magaaral. Iyon ay ang hindi pagpapadaig sa kung saang uri o antas ba ang ating pamumuhay. Sana makita natin sa loob ng ating puso ang reyalidad ng buhay na hindi maaaring sumunod na lamang sa mga uring mapagmataas habang tayo ay nabubuhay. Hindi naman masama ang mag-asam na yumaman at magkaroon ng pag-iisip na umunlad ngunit gawin natin itong paraan upang tuluyan ng masolusyunan ang problema. Umaksyon ng naayon at wag lamang pumili ng pagkakataon at panandalian lamang. Isipin ang pangmatagalang kasagutan upang maging inspirasyon ng iba na gayahin at hindi ang magpasimuno ng inggitan na hahatak sa lahat pababa sa paghihirap. At isa pang dahilan ay Hinuhubog ng mga nasa itaas ang kaisipan at pananaw ng mga nasa laylayan kaya’t ganito na lamang ang pag-iisip ni Pedrong Maralita. Sa kagustuhan niyang pumantay sa mga mayayaman at makapangyarihan gagawin nito ang lahat kahit pa man na alam niyang may mga matatapakan siya na kapwa niya mula sa ibaba.
0 notes
johnochh-blog · 6 years ago
Text
Edukasyong Kolonyal: Sanhi at Bunga ng Mahabang Pagkaalipin
Sa paggawa ko ng artikulo na ito, inaamin ko na lubos akong nahirapan sapagkat kailangan gumamit ng wikang Filipino at dahil sa pangyayaring ito ay mas lalo kong nakita ang dahilan kung bakit hindi umuusad ang Pilipinas. Hindi dahil sa kahirapan, kundi sa hindi natin paggamit ng sariling wika. Lumaki ako sa henerasyon na kung saan ang paggamit ng wikang ingles ay hindi lamang kagustuhan ngunit kailangan. Ang lipunan na ating kinabibilangan ay naniniwala na ang taong marunong gumamit ng wikang Ingles ay isang taong matalino, edukado o may pinag-aralan. Kapag ikaw ay kuntento na lamang sa paggamit ng wikang Filipino at di marunong sa wikang Ingles, ang tingin agad sayo ay bobo. Bakit nga ganito ang ating pag-iisip? Ang sagot, ay dahil sa ating mga mananakop. Noong panahon ng Kastila, ang mga mayayaman at nakakapag-aral lamang ang may kakayahan at abilidad na makapagsalita ng wikang espanyol. Hindi ito tinuro sa mga lahat sa takot na gamitin ito laban sa kanila. Kung titignan ang libro ni Dr. Jose Rizal na Noli Me Tangere, may isang tauhan dun na nagngangalang Dona Victorina na isang indio ngunit nagkukunyaring mestiza or espanyol para maka-angat sa lipunan. Upang maisakatuparan iyon ay nag-asawa siya ng Kastila at natuto siyang magsalita ng wikang espanyol. Ang imaheng ito ni Dona Victorina ay siyang representasyon kung ano ang nakikita natin sa modernong panahon. Naniniwala tayo na kapag marunong ka magsalita ng ibang wika maliban sa sariling mong lenggwahe ay nakakaangat ka na sa iba. Nakakalungkot ito sapagkat tayo na dapat mismo ang luminang sa sarili nating wika ay tayo pang nakakalimot. Sa Paglipas ng Panahon, tuluyan ng nailipat ang pamamahala ng bansa mula sa mga Kastila papunta sa mga Amerikano. Sila naman ay naniniwala na dapat lahat ay matutong magsalita ng wikang Ingles upang mas mabilis na mapasunod ang mga ito para matulungan at mas mapabilis ang pagpapalaya. Ang impluwensya at paraan ng pagtuturo ng mga Amerikano ay lubusang nakaapekto sa kung paano tayo mag-isip dahil ngayon isa ang Pilipinas sa mga may pinakamaraming nagsasalita ng wikang Ingles. Nakakatuwa mang tingnan ngunit ang realidad nito ay kahit gaano kapa karunong sa wikang banyaga ay siya namang nahihirapan sa sariling wika. Tayo rin pala ang dahilan kung bakit tayo naging mga alipin ng mga Amerikano noon hanggang ngayon. Yun nga pala ang sinabi ni Heneral Luna sa pelikula na ang kalaban ng mga Pilipino ay kapwa rin Pilipino. Tayo ang nagpatagal ng kanilang paghahari dito kaya kahit hanggang ngayon, kahit wala na sila dito ay sila pa rin ang naghahari sa atin. Imbis na sila ang dapat labanan ay hindi ito mapagtagumpayan dahil sa haba ng panahon ng pagkapako sa ating mga isipan na kabutihan at kalayaan ang hatid nila sa atin ng tayo’y kanilang sinakop, na hanggang ngayon ay ito pa rin ang pinaniniwalaan ng nakararami. Siguro dahil na rin ay ng mga ideyang ito ang siyang itinuro sa atin sa ating mga paaralan. Mas lalo pang lumakas ang pwersa ng imperyalismong Estados Unidos dahil na rin sa ating mga naging presidente ng ating bana na nagpasailalim sa kanilang kapangyarihan o sa tawag nga ng iba eh naging tuta ng Estados Unidos. Matagal ng sinasabi ng mga tao na ang mga presidente natin ay tuta ng mga Kano, naririnig ko ito sa mga balita sa radyo, sa telebisyon at kahit sa aking lipunan na ginagalawan. Matagal ko ng iniisip bakit ba nila tinatawa ang mga ito na tuta ng Kano? Though may alam naman ako na kapag sinabihan ka na ikaw ay isang tuta ng kung sinoman ay ibig sabihin lang na ikaw ay sunud-sunuran, ngunit paano nga ba nagsunud-sunuran ang mga Pilipino sa mga Amerikano? Diniin sa sanaysay na ito na simula pa lamang ay nagsunud-sunuran na tayo sa mga Amerikano. Andyan na magpasa sila ng batas na nagbigay ng karapatan sa mga Amerikano sa pagbubungkal ng likas na yaman ng ating bansa, andyan na tumulong ang ating bansa sa digmaang sibil sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga sundalo, andyan naman na pinahintulutan ang mga Amerikano ng mang-himasok sa panloob at panlabas ng ating gobyerno. Talagang pinatunayan noon na tayo ay nasa panig ng Estados Unidos, na sa tingin ko na hindi dapat ganun. Oo, walang masama sa pakikipagkaibigan sa mga bansang ito, pero sa pagbibigay ng mga karapatan sa mga ito na dapat ay para lang sa mga Pilipino, sa paghihintulot sa kanilang panghihimasok ay nagbunga sa kahirapan ng buhay ng mga tao. Sa patuloy na pakikipagkalakalan, sa patuloy na pangungutang (na may patong naman kapag ito’y babayaran) ay nakakaapekto ng malala sa ekonomiya ng ating bansa, ang masakit pa dito, hindi naapektuhan ang mga elitista o ang mga mayayaman kung hindi ang mga tao sa lower class. Katulad na lang ng ngayong inflation rate, tumaas ang presyo ng halos lahat ng produkto, ngunit naapektuhan ba yung mga taong may pera? yung mga nags-Starbucks ba ay nahihirapan? Hindi. Ang mga nahihirapan yung mga taong nasa lower class. At hindi lang rin naman ang politikal o ekonomikal na aspeto ang napasailalim ng mga imperyalista pati na rin ang edukasyon. Ang hangad naman talaga ng edukasyon ay matuto tayo, ngunit simula nung dumating ang mga imperyalistang ito, katulad ng aking mga nabanggit sa naunang blog ay ang edukasyon ngayon ay katambal na ang salitang eksploytasyon. Ang edukasyon natin ngayon ay kinokomersyal na at pinagkakakitaan na, kumbaga sa ibang salita pera pera na lang. Hindi lang diyan natatapos, maging sa pinaka-sistema ng ating edukasyon ay eksployted na rin. Ang mga ginagamit na libro ay mula sa mga American models, at ang kadalasang ipinapakita pa dito ay ang kultura ng mga Amerikano.
0 notes
johnochh-blog · 6 years ago
Text
Misedukasyon: Maliit nga ba ang budget ng gobyerno sa edukasyon?
Noong unang mga taon na ipinamalagi ng Pilipinas, tayo ay sinakop ng iba't ibang banyaga, at isa na roon ang Amerika. Pagkatapos ng ilang taon nating pagkaalipin at paghihirap kasama na rin ang pagkuha natin ng karunungan galing sa mga Amerikano, nakamit na natin ang matagal ng inaasam ng mga Pilipino - ang "kalayaan". Ngunit sa kalayaang ito, malinaw na hindi pa rin tayo ang nagpapatakbo ng ating sariling administrasyon, ginamit natin ang Wikang Ingles bilang isang midyum sa pagtuturo ng lahat ng asignatura sa tertiary at secondary level. Kabilang na rin dito ang bagong curriculum na kasalukuyang ginagamit sa mataas na antas, at dahil na rin dito isinantabi natin ang ating sariling wika. Sa kaganapang ito, ang tanong na nagnangis sa aking isipan ay ano nga ba ang reaksyon ng taong bayan? Nakabuti ba ang pagbabagong ito o nagdulot lamang ng higit na kaguluhan? Bakit nga ba galit na galit ang taong bayan sa mga taong gustong itama ang sistema? Noong Marso 17, 2003 ipinatupad ng pamahalaan ang Executive Order No. 210 na nagsasaad na ingles ang tatayo bilang ikalawang wika na gagamitin sa pagtuturo sa mga pribado at pampublikong paaralan na naglalayong paghusayin ang kakayahan ng mga Pilipino sa wikang Ingles. Nakasaad rin dito na ang mga asignaturang matematika at agham ay ituturo gamit ang wikang ito mula ikatlong baitang sa mga paaralang primarya. Ipinatupad din nito na gawing Ingles ang gagamiting midyum ng pagtuturo sa mga paaralang sekundarya. Bukod pa rito, hindi pahihintulutang bumaba sa 70% ng kabuuang oras ang ilalaan sa pagtuturo gamit ang wikang Ingles. Maraming nagreklamo at nagtanggkang pumigil dito, hindi nga naman lahat ng mga pamilya ay nakaiintindi ng Ingles. Nagdudulot ito ng hindi pagkakaunawaan sa silid-aralan dahil hindi na naiintindihan ng mga estudyante ang mga itinuturo sa oras na Ingles na ang gamiting wika sa pagtuturo. Ayon kay Joel Malabanan, isang guro ng Filipino sa isang paaralang sekundarya sa Cavite na dati ring propesor sa De La Salle University, imbis na makatulong ay lalo pang nakasasagabal ang pag-aaral ng wikang Ingles dahil kinakailangan pa nilang isalin sa ibang lengguwahe ang mga salita sa kanilang mga isipan. Ayon sa kaniya, “Paatras na hakbang ang EO 210 sa pagyabong ng wika at panitikang Filipino.” Hindi ko maipagkakaila na malaki rin ang naitutulong ng wikang Ingles sa atin hinggil sa ating dagdag na kaalaman ukol sa daigdig, ngunit para sa akin naman ay mas madali kong nauunawaan ang itinuturo ng aking mga guro sa wikang Filipino sapagkat doon ako lumaki at iyon ang aking ginagamit sa pang-araw-araw. At hindi hamak naman na mas madaling ibahagi ang iyong mga saloobin gamit ang sariling wika. Masasabi nating maraming dinadalang tulong sa atin ang wikang Ingles, ngunit mas makabubuti sa atin kung tuturuan tayo gamit ang wikang Filipino o sa dayalektong higit tayong pamilyar dahil mas magiging madali ang pagpapalitan ng ideya na nagaganap sa klase sa ganoong paraan. Marami nang sitwasyon kung saan naipakita na higit na natututo ang mga estudyante sa sarili nilang wika, lalo na lamang sa mga lugar na hindi hindi ganoon kalawak ang kaalaman hinggil sa wikang ingles Hindi lamang dapat laging binabase sa pang-ekonomikal na kaunlaran ang mga desisyon na binibitawan ng gobyerno kundi sa kung saan mas matututo at makaiintindi ang nakararami. At isa pa. Sa aking pagkakaalam, maliit ang badyet na itinalaga ng gobyerno upang matustusan ang edukasyon. Hindi ko maintindihan, kung tunay ngang mahalaga ang edukasyon para sa lahat, bakit hindi ito pagtuunan ng pansin? Bakit ang mga paaralan ay ginagamit ang pondo na inilaan sa pagkakaroon ng mabisang pagkatuto ng bawat estudyante sa pagpupundar ng mga walang kwentang bagay sa paaralan upang ika nga ay maging mas makabago at maging kilala sa ibat-ibang ibayo ang kanilang institusyon? Nakakatulong ba ang mga ito sa pagkatuto? Maari. Kung ating susuriin, bago pa man maging globalisado ang mundo, marami na ang nakapag-aral at may malaking naiambag sa pagbabago. Isa nga ba talagang pinakamahalagang aspeto ng pagkatuto ay ang mga paaralang publiko at pribado na dapat pasukan? Sabi nga, “quality education comes with a price.” Ito ay salungat sa aking mga pananaw at paniniwala. Una sa lahat, naniniwala ako na ang edukasyon ay para sa lahat. Mapa-mayaman o mahirap ka man, karapatan mo ang magkaroon ng mataas na kalidad ng edukasyon. Ang katalinuhan at kamangmangan ay hindi nasusukat kung gaano kalaki ang kinikita ng iyong mga magulang upang ikaw ay mapag-aral at mas lalong hindi ito nasusukat sa kung saang paaralan mo naising pumasok. Ikalawa, ang pagkatuto ay nangyayari araw araw. Ito ay hindi napipigilan o nahihinto. Patuloy ito hanggang sa huli. Sa aking palagay, kung ang pagkatuto ay para sa lahat ng mamamayan, bakit hindi ito gawing libre o kaya naman ay angkop sa antas ng pamumuhay ng ilan sa mga maralita? Marami akong kilalang mga magulang nais ipasok ang kanilang mga anak sa pribadong paaralan dahil higit na may matututunan daw ang kanilang mga anak kung maganda ang paaralang kanilang pinapasukan. Ang kaisipan nga bang ito ang tunay na nakakaapekto sa pag-aaral ng mga mag-aaral? Edukasyon. Ang pinakaimportante sa lahat. Lahat tayo ay makikinabang kung tayo ay nakapag-aral at nabigyan ng pribilehiyo na makapagtapos at matupad ang ating mga pangarap. Masarap lasapin ang katas ng tagumpay lalo na kung tunay natin itong pinaghirapan. Sana ay mas matutunan natin na ang katalinuhan ay hindi nasusukat sa paaralang papasukan o maging sa antas o lagay ng pamilya sa lipunan. Lahat ay may karapatang mag-aral mapa-mayaman man o mahirap. Pribado man o publiko, lahat tayo ay pantay. Nabigyan tayo ng tsansa, sana ay huwag natin itong sayangin.
0 notes