Tumgik
kwebderno-blog · 7 years
Text
qiqil nio c ac0e
“Millennials,” “pakboy,” “pabebe,” “pacool,” “pasikat,” at “mema” – iilan lang yan sa mga kadalasang tawag natin o tawag sa atin sa panahon ngayon. “Wasak,” “Paktay,” “Iba ‘to,” “How to be you po?” “Triggered niyo aq” – habang tumatagal, parami na ng parami ang naiimbentong salita. Kung minsan, kahit negatibo ang ibig sabihin nito, ginagamit parin at ginagawang biro. Halos taon-taon, may bagong “trend” sa lipunan na ang ibig sabihin, may madadagdag na naman sa akin. Oo, ako si Wika. Ako ang paborito niyong paglaruan o pagexperimentuhan lalo na sa mga kalokohan. Kung minsan ay nagagamit ako sa kasamaan at kung minsan ay nakakasakit ako ng damdamin ng iba. Nakakasama ng loob pero wala akong magagawa, parte yun ng buhay ko.
Nagsimula ako sa Baybayin, ngayon may jejemon na. Dati ginagamitan pa ‘ko ng pluma at papel, ngayon sa e-mail na lang. Dati napaka lalim at mahiwaga ang mga salitang ginagamit sa araw-araw, ngayon, madalas, salitang balbal na. ‘Di ako mahirap pakisamahan. Madali lang naman ako intindihin. Kaso lagi kaming nag-aaway ni Kultura eh. Pabago-bago kasi siya kaya kailangan talaga namin ng malawak na pasensya at pag-unawa sa isa’t-isa. Kami na siguro ang magpapatunay ng forever. Oh bawal kumontra, sakin naman talaga nanggaling yun.
Wazzup mga erp! Ako nga pala si Kultura, beshie ni Wika. Simula pa lang, parang tinakda na kami sa isa’t-isa. ‘Di talaga kami pwedeng paghiwalayin. Siya kasi kumukumpleto sakin at ako naman ang kumukumpleto sakanya. Alam kong madalas akong magbago at tuwing nangyayari yun, pati siya nagbabago rin.
Bakit ba kasi kailangan pa natin magbago? Bakit ‘di na lang tayo makuntento sa kung ano tayo at anong meron tayo? Halos taon-taon malaki ang pinagbabago ko, minsan masamang pagbabago pa ang nangyayari. Tawagin ba naman akong “Rape culture?” Ang sakit ha.
Dati, ang panliligaw, sobrang ma-trabaho niyan. Paghihirapan talaga ng lalaki yung babae kung totoong mahal niya. Pati pamilya ng babae pagsisilbihan. Ngayon? Sa chat nalang ang ligawan. Ang pananamit dati ng mga babae, balot na balot na halos walang pinapakitang balat. Ngayon, kulang nalang wala na silang suot. Pati ang mga lalaki, kung dati ay mga pormal ang kasuotan, ngayon sando at shorts nalang, parang nasa bahay lang palagi. Sinisisi ko din sarili ko kung bakit nangyayari ang mga ito. Madali kasi akong maimpluwensiyahan at ako naman ang nagiimpluwensiya kay Wika.
Hindi kami perpekto. Marami kaming pagkakamali, ‘di pagkakaunawaan at pagkukulang ngunit hindi naman namin ito ginugusto. Kayo ang humuhulma at sa inyo nakadepende kung ano ang gusto niyong mangyari sa amin. Huwag niyo kaming kuwestiyonin sa aming pagbabago dahil kayo ang nagiimpluwensiya sa amin. Nasa palad niyo ang kapalaran namin. Sana ay tulungan niyo kaming mapabuti. Kami ang nagre-representa sa inyo at ayaw naming madamay din kayo.
1 note · View note