Text
Kababata

Ikaw ang aking kasama,
Kapiling at kasangga.
Sa pagtakbo sa bukirin,
Ikaw ang nais kong habulin.
Bata man ang aking anyo,
Ngunit hindi ko na maitatago
Ang pagbilis ng tibok ng aking puso,
Tuwing ating mga mata'y magtatagpo.
Nangako tayo sa isa't isa,
Sa pagtanda tayo'y magsasama.
Magkabuhol na ang ating bituka,
Malabong tayo'y mapaghihiwalay pa.
Ngunit sa paglipas ng mga araw,
Tila ba ako'y naligaw
Kami ay aalis na raw,
Kailangan kong mag-aral sa macau.
Sa aking pag-uwi,
Nadatnan ko ang matingkad mong ngiti.
Nakasuot ka ng puti,
Kasing-ganda mo ang bahaghari.
Habang naglalakad ka nang dahan-dahan,
Luha'y hindi ko na mapigilan
Ito rin pala ang kahahantungan,
Ng dati nating pagmamahalan.
Inilahad mo sa harap ng Diyos ang iyong damdamin,
Inamin mo rin sa harap namin
Ang dati mo pang lihim na pagtingin,
At nangakong habang buhay mo siyang mamahalin.
Oo, siya ang nasa harap kasama mo,
Habang ako'y tahimik na nakaupo
Bahagyang nakatungo,
Inaaalala ang dati nating pangako.
Umalis lang ako saglit,
Pagbalik ko'y mayroon na 'kong kapalit.
Puso ko'y napupuno ng pait,
Bakit ganito ang ating sinapit?
Sampu kung bibilangin,
Ang mga taon na pinagsamahan natin.
Kaya't kung iyong mamarapatin,
Maaari bang sa huling pagkakataon, ika'y maging akin?
Hayaan mo akong ika'y hagkan,
Damhin ang naudlot nating pagmamahalan.
Dahil sa oras na ika'y aking bibitawan,
Handa na rin akong ika'y kalimutan.
Ikaw ang aking kasama mula pagkabata,
Subalit hindi na yata hanggang sa pagtanda.
Para sa'yo aking kababata,
Nawa'y mamuhay ka nang masaya kahit pa sa piling na ng iba.
—
Larawan mula sa Pinterest
1 note
·
View note
Text
Ukit ng Dibdib

Ang pag-ibig ay parang isang nobela
May iba't-ibang dahilan at istorya
Minsan ay malungkot, minsan ay masaya
Ngunit tadhana lamang ang magdidikta
Gaya naming pamilya na iba't-iba
May bahag ang bunto't tigre kung umasta
Ngunit sa pag-ibig, kami'y lubos-lubos
Pagmamahal asahan na laging puspos
Tulad ng isang bituing nagniningning
Humahanga sa angking tibay at igting
Maging ang bulaklak ay napapangitin
Ipagmamalaki hangga't ako'y kunin
Ilaw ng tahanan, nagsisilbing gabay
Haligi ng tahanan, umaalalay
Kung alog na ang baba'y hindi iiwan
Ikurus sa noo'y 'di pababayaan
Hahabulin ang lumilipad na oras
Maraming alaala na lumilipas Babalikan, hahanapin ang kapilas
Nang parte ay mapagdugtong hanggang bukas
Itong buhay ko ngayon na natatangi
Ay utang ko mula pa sa aking lahi
Pamilya ko na hulog sa'kin ng langit
Pangalan n'yo sa puso ko'y nakaukit
—
Larawan mula kay Lars Elling
1 note
·
View note
Text
Kaibigan

Ito'y kayamanang di mapapantayan,
Sa pagpatak ng ulan ay laging nandyan,
Hindi ka niya maiisipang iwanan,
Kahit si kamataya'y nasa harapan.
Kaibigang tila ba'y isang kabute,
Susulpot sa araw man o sa gabi,
Hindi naniniwala sa sabi-sabi,
At kailanma'y 'di ka itatanggi.
Minsan nga'y naiisip ko,
Mas mabuti pa ang hindi ko kaano-ano,
Tanggap ang aking pagkatao,
Walang talo-talo.
Subalit hindi lahat ng kaibigan ay totoo,
Ang iba'y pakitang tao.
Kaya't matuto kang pumili,
Ng taong katangi-tangi.
Mag-iingat sa mga maaamong tupa,
Matayog na pagtayo biglang tutumba.
Pangamba sa puso'y hindi mawawala,
Kapag natuklasang siya'y isang talangka.
Ang kaibigang pangmatagalan,
'Di ka iiwan sa oras ng kagipitan,
'Di matitibag ng kahit na sinuman,
Kahit ang pagitan ay mundo at buwan.
Humanap ka ng tunay na kaibigan,
Sa pagsusunog ng kilay ika'y sasamahan.
Butas man ang bulsa walang kalimutan,
'Yan ang halaga ng pagkakaibigan.
—
Larawan mula kay Lars Elling ng Pinterest.
1 note
·
View note
Text
Grado

Limang letra, isang salita
Nakamamatay kapag bumababa.
Sobra man kung iisipin,
Ito ang tungkuling araw-araw kong pasanin.
Madaling sabihin para sa'yo,
Na ayos lang na bumagsak ako.
'Wag magpakamatay, parte 'to ng buhay
Pero pa'no naman 'yung umaasa sakin sa bahay?
Anak, nakita mo ba?
Ang taas ng grado niya!
Bakit ikaw, hindi mo kaya?
Parehas lang naman kayo ng nginunguya.
Hindi ba't ikaw ang nasa unang pwesto?
Bakit ito'y hindi mo maperpekto?
Anong nangyari sa iyong talino?
Nawawala ka na ba sa wisyo?
Hindi naman ako nagpapabaya,
Binibigay ko naman ang aking makakaya,
Kailan ko ba kayo mapapasaya?
Kung lahat ng gawin ko'y kulang pa.
Kailan ba 'ko magiging sapat?
Anong batayan sa karapatdapat?
Kung lahat ng gawin ko'y puro kamalian,
Pwede bang hindi na lang gumising kinabukasan?
—
Larawan mula sa Pinterest.
1 note
·
View note
Text
Tag-ulan

Noong ika'y aking isilang,
Ang mga patak ng ula'y 'di ko mabilang.
Sa aking labis na kagalakan,
Ikaw ay aking hinagkan.
Pangako ika'y aking gagabayan,
Bibigyan ka ng magandang kinabukasan,
'Wag mo lang akong suwayin,
At pag-aaral ang iyong unahin.
Bawal ka nito, bawal ka niyan,
Huwag kang sumama rito, 'wag kang pupunta riyan.
Ang daan tungo sa hinaharap ay titiyakin,
Sumunod ka lang sa akin.
Bawat hakbang ko'y pulido,
Sa akin nakasalalay ang iyong estado,
Ngunit bakit paglingon ko, ika'y nakahinto?
Tila ba tumigil na sa pagtibok ang iyong puso.
Bakit ka nagkakaganyan?
Lumalakas na ang bugso ng ulan.
Itigil mo na ang pag-iinarte,
Malapit ka nang magdisinwebe.
Narito na naman ang ulan,
Hudyat ng araw ng iyong kapanganakan.
Pero bakit ngayon ka rin lilisan?
Bakit kailangan mo akong iwan?
Tinawag mo 'ko sa isang malumanay na paraan,
Subalit hindi ko na maintindihan,
Napakagulo ng aking nararamdaman,
Pakiusap, hindi ko ito nais masaksihan.
Sa isang maulap na panahon,
Nagpaalam kang manghuhuli ng ibon.
Ngunit hindi ka na bumalik pa,
Kaya pala isa lang ang dala mong bala.
—
Larawan mula kay Jungsuk Lee na inilathala sa Pinterest.
https://pin.it/6WaAfLF
2 notes
·
View notes