Text
Sa Litid ng Dagat
Walang malalim na kahulugan ang ibinigay na mga salita --
Maling hingin ang taglay mong kapayapaan, aking dagat
bilang gamot sa aking alinsangan at saligutgot
na nalulunod sa presensya mong nasisilayan ng araw ang iyong buhok --
alam mong nais ko lamang magkwento ng mga buod mula sa ingay ng lungsod.
Nilalayag ng aking isipan ang iyong mga alon,
sila lang ang nais kong titigan --
ang nais kong tanawin
subalit sa tuwing masisilayan,
hindi pa rin maaangkin.
ayaw ko ring magtampisaw sa iyong lungkot
aking dagat, ibigay mo sa akin ang totoo.
Nais kong malasahan ang iyong alat sa aking dila
Nais kong bumisita ang tamis sa aking labi
Nais kong hawakan mo yaring mga kamay
na sing gaspang ng kaniyang tubig tabang
Nais kong yakapin ang alon ng walang hanggan.
At ang aking panalangin
ay mananatili sa buhangin na pinatakan nitong mga luha --
maaaring anurin ng alon
maaaring liparin ng panahon
maaaring tanawin ang paglimot.
Bilang isang panauhin, aking dagat
hindi kita maaring ituring na tahanan
ayaw kong makipagsiksikan sa iyong katahimikan
ngunit wala akong pinagsisisihan --
nilunok ko naman na ang sakit
bagkus hindi sila maaaring mamutawi sa loob ko.
Kung sakali mang ang pagmamahal ay hindi kayang manatili sa akin
ang tanging hiling, nawa'y marapating pagbigyan
na kung muling mang maabot ng aking mga kamay yaring puso
hawakan mo akong muli
kung muli mang magtagpo itong mga mata at maramdaman ang lalim
hawakan mo akong muli
kung sakali mang makita ulit ang walang hanggan sa iyong dalampasigan
hatakin mo akong muli
kung giniginaw at ang hanap ay bukang-liwayway
haplusin mo akong muli
kung naliligaw at hindi na alam ang daan pabalik sa totoo
tawagin mo ako, aking dagat
patunugin ang inaagiw nang telepono
bigyang tugtog ang tahimik na pagbisita rito
gagawin ko itong pataba
at mangangako na sa aking paglayo
bitbit ang iyong alinsangan
ay bubuo ng panibagong kwento,
panibagong karanasan.
2 notes
·
View notes
Quote
alam ko na noon pa hindi ko kailangan ng sipat mula sa mga mata mong sing lalim ng kumunoy — mapanlinlang. halimbawa'y isang araw nais kong ipabatid ang init nitong mga kamay ngunit niyakap mo ako ng lamig — at ang kasinungalinga'y namayagpag. halimbawa'y isang takipsilim kinailangan ko nang pagyapos subalit kinumutan mo ako ng ginaw — hindi nakatulog kaiiyak. halimbawa'y isang gabi, kailangan ko ang totoo at ang tanging hatid mo sa akin ay ang katahimikan ng mga titig — sing ingay ng mga mata mo
nyxxnykolle
0 notes
Quote
I told you you're not going that way, to where his footprints were left, to where his smiles were sent, to those places he's with you, you're not going that way, again.
0 notes
Text
Eayas
Mga tsino ay malaya, nangunguha, tinitira ang mga bangka, magnanakaw ng isda, laman na ng balita wala ka pa ring ginagawa. Mga Pilipino ang nagtiis at nagpaubaya, sinamsam ang sana ay kita, sumampa sa kanilang bangka, kinuha ang kakarampot na huli ng isda, silang may-ari ang mistulang magnanakaw sa sariling dagat ng bansa, laman na ng balita wala ka pa ring ginagawa. Kinaibigan ang dapat na kaaway, ayaw ng away, gyera daw ang dulot kapag pinagtanggol silang mga inapi, iniwan sa laot, inabuso't hinayaang malunod sa tabi, pasintabi, pero ikaw yata'y bingi sa mga balita bakit wala ka pa ring ginagawa? Hindi ko alam kung saan napulot isip na baluktot, mabantot daw ang amoy ng balitang dala-dala ng mga mangingisdang walang magawa, kaya't kanilang sapilitang pinalitan ang pahayag, tinakot ang mga sangkot, hindi na tulad ng dati ang kanilang mga sagot, tahasan na tayong ginagawang abno pero ikaw, patuloy pa ring nagpapauto. Hindi ito kuro-kuro, hindi tsismis sa may kanto anong silbi kung ikaw na nakapagsasalita't mulat naman sa katotohana'y pilit na pinapaliit yaring mga mata? Wala kang kwenta.
0 notes
Quote
Hindi ba't kapag mahal natin, kahit nasasaktan tayo, inilalaban natin?
0 notes
Text
I Don’t
You are the maybes --the uncertaintiesthe unanswered questionssudden disconnection --the emotional tortureof broken promisesand constant sadness.And I think it's not too much too say,but I don't deserve this kind of pain.And maybe that is to say,that I don't deserve this constant sadnessand broken promisesthis emotional tortureof sudden disconnectionand unanswered questions --I don't deserveyour uncertainties and maybes.I don't deserve this pain.I don't deserve this torture.I don't deserve this sadness.I don't deserve you.
0 notes
Quote
They say that I don't belong Say that I should retreat That I'm marching to the rhythm Of a lonesome defeat
0 notes
Text
Nais mo akong itago, papasok ako sa ilalim ng mesa o magkukulong sa kuwarto. Gusto mo akong manahimik, narito ako't sinusubukang pigilang sabihin ang nararamdaman. Gusto mo ng kapayapaan, ibibigay ko ay kahinahunan ng dagat sa gabi. Gusto mong mapag-isa, ibibigay ko sayo ang pag-ikot ng orasan at hahayaan kang kausapin ang mga bituin sa kalawakan. Gusto mong umiyak, bibigyan kita ng unan o lugar na walang tao ni isa man. Nais mong umalis, ibibigay ko sa iyo ang aking mga paa at hahayaan kang magtungo sa kung saan. Ngunit nais kong malaman mong hihintayin kita, haplusin man ako ng lamig ng gabi o abutan man ng ulan sa tagpuan o imposible mang makita kitang muli tulad ng dati. Palagay ko, pagdating sa iyo, hindi ako mauubusan ng dahilan para hindi sumuko -- kailangan mo lang ng oras upang gamutin ang mga sugat na iniwan ng mundo, pangako, maghihintay ako, kahit walang kasiguraduhang babalik ka rito sa piling ko.
0 notes
Text
“We’re tragic lovers. We know that now. But aren’t the most tragic stories also the most epic? Didn’t Juliet swallow death?”
— Isosceles, Angel Cruz
162 notes
·
View notes
Text
“Nights are my favorite. There are shadows you can run to. Stars that welcome you. Because I’ve never been sunshine. I’ve never been pink. I’ve never been absolutely. Always been the story before the real story. Never been heroine. Always been the ghost.”
— Gypsy, Angel Cruz
97 notes
·
View notes
Text
"Sabi nila, kapag mahal ka raw ng isang tao, kahit lumayo pa siya, babalikan at babalikan ka niya.”
"Ah, kaya pala siguro hindi mo na ako nilingon noong umalis ka."
0 notes
Text
Antabay
Oo, isa akong sutil, matigas ang kalooban, matigas ang ulo, lapitin ng disgrasya, hindi ganoon kaganda, at alam kong alam mo ito. Kaya naman siguro, ganoon na lamang kadali para sa iyong isantabi ako. Tingin ko sa sarili ko ay isang tisiyu, na kailangan mo lamang kapag may pawis ka sa mukha, pagkatapos ay itatapon na. Pero ayos lang, ayos lang. Sa paano't paanuman ay nalaman kong mas masaya ka kapag wala ako. Ang alam ko, dapat ay niyayapos ako ng panglaw, ngunit nakakatawa lang aminin na, naaliw ako kapag masaya ka. Kahit masakit, masaya akong masaya ka sa iba. Sa totoo lang, hindi ko na kailangan pang subukan ang maging mabuti pagkatapos malamang hindi na ako ang kailangan mo. Sanay ako sa ganito. Sanay ako sa kirot, sa sakit. Mahirap mang aminin pero, marami nang nagbago mula noong araw na nagkita tayo. Nagkasalubong, nagkakilala, nagkausap, nagtitigan. Napagtanto ko ring, hindi lang ako isang babaeng nagsusulat at nagtatanghal ng tula, minsan, nagiging pananagutan mo na rin ako. Mabigat akong dalhin, marami akong pasanin, marami akong problemang dapat na lunurin. Kaya naman siguro mas pinili mo na rin akong iwan sa kawalan kapag hindi mo na ako kayang hawakan. Natatandaan mo pa ba? Pero ako kasi, malinaw pa sa aking alaala, noong iniwan mo akong nag-iisa sa gitna ng ulan, ni hindi mo manlang ako nilingon, tinalikuran mo sabay pasok sa sasakyan, ni hindi ka manlang ako binigyan ng tugon sa pagsabi ko ng mahal kita at pasensya na. Pinili mong patayan ako ng telepono, kahit alam mong kailangan kita. Pinili mong sumama sa barkada, pinili mong hanapin ang sarili mo kapalit nang pagtulak mo sa akin papalayo. Sa malamig na gabi, mas pipiliin mong magkumot kaysa magkulong sa aking mga yakap, mas pipiliin mo akong talikuran kaysa tignan ang mahimbing na pagtulog ko sa gabi. O baka, hindi mo na rin ako nanaising makatabi sa pagtulog sa gabi. Pinilit kong maghalungkat sa aking isip, hinahanap kung anong buwan at araw at oras ba noong masaya tayo, nag-uusap tungkol sa buhay, pag-ibig, tao, kalawakan, nangyayari sa kasalukuyan, nagtititigan. Kung paanong sinabi ko sa iyo kung gaano karaming pader na ang nakaharang rito sa pira-piraso kong puso, kung ano ba ang mga sekreto at para lunurin ang aking pighati, kung gaano ako kalungkot na aminin sa sarili kong kailangan kong matuto na wala ka, kahit nandiyan ka. Dahil wala namang permanente hindi ba? Lahat aalis, lahat mang-iiwan, lahat papanaw. Natuto ako sa iyo, kung kailan at hanggan saan ba ako dapat manatili, kung saan ako dapat lumugar, saan ako dapat bumitaw. Hindi mo rin naman ako kailangang itulak papalayo dahil masiyado akong sanay umalis, pabilis nang pabilis. Maraming tao na rin ang aking tinalikuran, pero hindi ko kailanman nagawang talikuran ka. Nandito lang naman ako. Nandito lang ako sa lugar kung saan mo ako iniwan, umalis ka. Hanapin mo sila, samahan mo sila, sundan mo sila, mga taong magpapasaya sa 'yo ng sobra. Nandito lang naman ako, naghihintay, kung sakaling iwan ka nila, kung sakaling wala na sila, kung sakaling sawa ka na sa kanila, nandito lang ako, naghihintay na bumalik ka. Bumalik ka sana.
0 notes
Text
Hindi Pa
Alam ko ang pakiramdam nang malunod, dahil nilangoy ko ang dagat ng kawalang-tiyakan makarating lamang sa iyo. Ngunit hindi ako kasing tibay ng iba para tiisin ang pwersa na humihila sa akin pababa, lalo na ang namumuong buhawi sa loob mo. Alam ko kung ano ang pakiramdam nang matakot, dahil naligaw ako sa masukal na gubat ng utak mo, sa pakikipagsapalaran mo sa mundo. Pero nakalulungkot mang aminin, hindi ako ganoon katapang para ipilit na pagsumakitan ang mga bagay na gusto mo habang naglalakbay ka sa mundo. Alam ko ang pakiramdam nang sumuko, dahil tao lamang ako. Iniisip ko na tapos na akong habulin ka, pero isa nga akong tanga, na sandaling matigil ako ay naiisip pa rin kita, at sa huli, gagawin ang lahat para makapiling ka. Alam ko ang pakiramdam nang mamatay, dahil ang pagmamahal ay sing talim ng kutsilyong kayang hiwain ang aking puso at gawan ng pilat ang aking pulso, pero sa totoo lang, ang muling pagkabuhay ay hindi lamang para kay Cristo, kundi pupwede kahit kanino. Alam ko ang pakiramdam nang mahalin, sa kung paano akong naniwala sa iyong mga kasinungalingan, pero ako ang may kasalanan sa pagyakap ng iyong mga pagpapanggap. Alam ko ang pakiramdam kung paano ang kalimutan, dahil iwinaksi mo ako sa iyong isipan bago pa man ako magpaalam, pero sinasabi ko pa rin sa sarili ko, kasalanan ko yon, kasalanan ko kung bakit hindi mo manlang ako kayang mahalin, tanggapin. Marami akong nalaman dahil sa pagmamahal ko sa 'yo, at hinihiling ko na sana, naghangad ako ng iba pa. Pero ang buhay, hindi kailanman ibibigay lahat ng kailangan mo, at hanggang ngayon, sa dami ng bagay na nalaman ko, kung paano kang kalimutan at bitawan ang siyang mga bagay na kahit ilang taon ko mang pag-aralan, hindi ko pa rin matututunan.
0 notes
Text
Pagtanggap
Noong unang beses na nagmahal ako ay nasaktan lamang ako ng todo, sinabi ko sa sarili kong, iyon na ang una at huling beses na mararamdaman ko iyon. Kaya hindi ko kailanman naisip ang posibilidad na sumubok muli, magmahal muli, magbakasakaling muli. Pinapasok mo ako hindi lamang sa puso mo, kundi pati sa buhay at pamumuhay na inialay ng mundo sa iyo. Ipinakita sa akin ang kahinaan, ang pagkadapa, ang pagbangon, ang paglaban, ang kadiliman, ang karahasan, ang itinatagong pilat sa may bandang gilid ng likuran dulot ng pakikipaglaban, ang sugat sa kamao, ang nawalang kislap sa mga mata mo. At mahal, inaamin ko, sa una ay natakot ako. Naalala ko, ang mga kahila-hilakbot na bagay na pilit iniiwasan upang hindi na muli pang masaktan. Ang nakapangangambang pamumuhay, ang nakakatakot na paghila ng grabidad sa akin patungo sa 'yo, ang pinsala sa puso na maisip na minamahal mo ang isang taong kabalintunaan mo. Pero sinta, sa pagpapakita mo sa akin ng totoo mong pagkatao, napagtanto ko ang tunay na kahulugan ng pagmamahal — ang pagtanggap. Maaaring napakahirap para sa 'yo na buksan ang iyong sarili at hubdan ang iyong kaluluwa para sa akin, pero ginawa mo pa rin. At dahil doon, hindi ko lamang tinanggap ang iyong mga kapintasan, kundi maging ang pagsang-ayon sa iyo, at ang pagbukas ng mga mata pati ng aking puso sa isang taong nahihirapang mahalin ang kaniyang sarili. Kaya naman giliw, nandito lang ako, makakasama mo — anoman ang mangyari; dahil alam ko at natutunan ko na ang pagmamahal ay ang pagtanggap sa kaniyang pagkatao nang walang hanggan at walang pag-aalinlangan.
0 notes
Text
Liham
Aaminin ko, hindi kita hinanap. Hindi ako humiling sa kalawakan, sa mga bituin, maging ang pagbaba ng bulalakaw mula sa kalakhan ay hindi ko pinansin. Dahil mahal, katulad ka nang pagdaan ng hangin, napakabilis ng iyong pagdating, sa buhay ko, napakabilis mong nakapasok rito sa tagapagdaloy ng dugo sa buong katawan ko. Noong mga oras na hindi man lamang ako dinadalaw ng pagkaantok ay nariyan ka, pinipilit labanan ang paghila ng kama sa 'yo, pinipigilang ipikit ang mga mata mo, kasi wala akong kasama, ayaw mo akong nag-iisa, ayaw mong malumbay ang iyong sinta. Noong mga oras na ang panghihina ng loob ang namamayani sa aking isipan ay nariyan ka, sinasabing huwag akong mag-alala, hindi pa huli ang lahat dahil may susunod na pagkakataon pa, pinapaalalang ayos lang na minsa'y madapa ka. Ayos lang na matakot, dahil diyan nagsisimula ang mga mandirigma hindi ba? Sa takot at sa pagkatalo lumalakas ang loob at lalo pang tumitibay ang pagkatao. Noong mga oras na hindi na kayang ilabas ng isipan ang mga salita, hindi na kayang palabasin ng pluma ang kaniyang tinta, ay nariyan ka. Niyayakap ako, pinakikinggan ang mga kwento ng pag-iwan, pangakong magpakailanman, hindi ako iiwan. Mga kwento ng pagsukob, pagtigil, pagkadapa, pagbangon, panghihina, pagpapatuloy. Nariyan ka, sinasamahan ako mula takipsilim hanggang sa kainin na ng liwanag ang dilim, at sasapit ang umaga na ikaw ang tagapagbigay ng bagong pag-asa. Ikaw ang sinag ng araw na makikita sa bawat biyak at durog na piraso ng aking puso na gumagawa ng Ariwanas ng mga parirala sa loob ko. Ikaw ang pag-ibig ko sa isang likha na nakasulat sa papel at nakapaskil sa museo. Ikaw ay buhay ng tula -- buhay na kailanman ay hindi maaagnas, mananatili magpakailanman. Ikaw ang hindi kukupas na tingkad ng tinta na nailapat sa puting papel. Isa kang obra, iyong pinakamaganda. Nilalaman mo ang pinakamasayang istorya, mensahe, karanasan, pangungusap, linyang aking maisusulat. Mahal, ngayong gabi ay sasabihin ko sa 'yo, ikaw ang natatanging obra na sa wakas ay naiukit ko matapos ang pagtapon ng mga likhang hindi nagtagal, obrang sa wakas ay maangkin ko, na sa wakas ay masasabi kong akin to. Masaya ako, walang halong siste at biro, walang takot, walang bakit, walang pero. Noon pa man, ipinagpauna ko na sa 'yo, ayaw ko sa makabagong uri ng pagbabalagtasan. Ayaw ko sa magulong mundo nito. Kaya hindi ko kailanman naisip ang posibilidad na magkaroon ng isang nubyong manananalastas, lalo na ang makatuluyan ang isa. Ayaw ko na nakikilala ang isang tao sa kayabangan, ayaw ko na nakikilala ang isang tao sa kayabangan, isang bagay na nakakalungkot man tanggapin, ay nagmistulang ilog na natural na dumadaloy sa lupain ng pagiging makata. Mahal ko, sa totoo lang, maraming mga aspeto ng buhay mo ang ayaw ko. Na hindi ko kailanman isinama sa mga pangarap ko. Sa hindi angkop sa ideyal na larawan ng gusto kong lalaki. Alam kong alam mo, batid nating pareho na nanggaling tayo sa magkabilang dulo ng mundo. Magkaiba tayo ng paniniwala paninindigan at prinsipyo. Naikwento ko na rin sa iyo hindi ba? Mahilig ako sa dagat, na pumupunta ako roon sa mga oras na gusto kong ipahinga ang aking isipan. Masiyadong nakakapagod ang mundo. Ito ang pahingahan ko. At tulad ng dalampasigan, hindi ko ugaling pansinin ang pagsuyo ng mga alon, itinataboy ko sila papaalis, na kahit itulak man sila sa akin pabalik ng hangin ang hindi ako umaasang magtatagal sila sa pagdampi sa aking mca balat, aalis sila agad. Ilang beses na ba akong pinangakuang sasamahan ngunit sa huli ay iniwan? Ilang beses na ba akong nalunod sa pag aakala na mayroong kahit isang tao na mananatili sa aking tabi, na ipaparamdam sa akin na karapat dapat akong mahalin at hindi iwan. At aaminin ko, ikaw yun, pero hindi ako sigurado. Ayokong pasiguro. Pasensya na pero hindi mo ako masisisi, gusto ko ang dagat pero ayoko ng usaping dagat. Mahal, nais kong humingi ng tawad sa iyo kung minsan, ang utak ko ay magulo, ang pag-iisip ko ay saligutgot. Kung sa Iyo ko sinasabi ang mga bagay na nararamdaman ko, bagay na kinatatakutan ko. Ang bawat galos, ang bawat patak ng mga luhang tumulo, ang lahat ng dugo. Gusto ko lamang ng isang taong makikinig sa alamat ng ako. Kung paano ako nabuo at nabasag. Alam ko rin, pagod ka nang makinig. Patawad, kung ang pinakamaliit mang apoy ay pinapaalab ko hanggang sa mapaso ako. Patawad, masiyadong magulo ang aking pag-iisip. Nais sana nitong ipahiwatig ang mga bagay na hindi na kayang dalhin ng aking dibdib. Salamat sa lahat ng oras ay nariyan ka. Salamat sa halos dalawang daang araw. Hindi tayo magbibilang, magtatagal tayo
0 notes