Handa na ako
Handa na ako
Bubuksan ko nang muli ang pinto patungo sa aking puso
Ang daan patungo sa munting paraiso
Ilalaan ang lugar na nararapat para sa’yo
Unti-unti, hahayaang pag-ibig ay dumaloy sa aking balat
Isasantabi ang pag-aalinlangan at lahat-lahat
Ipagkakaloob sa’yo ang pagkakataong karapat-dapat
Umaasang sa panahon na ito ay masuklian nang sapat
Handa na ako
Hilom na ako
Tatanggapin ang pagmamahal na ibibigay mo sa’kin
At ibibigay ang tiwala, at pag-ibig, at oras, at lakas
Hindi hahayaang masira ng nakaraan ang kasalukuyan
Tapos na ako
Handa na ako
Hilom na ako
Sa aking kakayanan ay gagawin ang lahat para lamang hindi maudlot
Ang unti-unti pag-usbong ng ating pag-iibigan
Hindi hahayaang mahadlangan ng selos, kababawan, at poot
Itong pagkakataong ipinagkaloob sa atin ng kalangitan
Dahil nga…
Buo na ako
Tapos na ako
Handa na ako
Hilom na ako
Ngunit munting paalala
Hindi ko ibababa ang aking pader para sa’yo
Mas lalo’t ang aking pagkatao
Oo, tatanggapin at hahayaan kitang ipakita sa akin
Ang iyong hangganan at mga tunay na layunin
Ngunit hindi ibig sabihin nito ay ikaw na agad ang aking pipiliin
Patuyan mo sa akin ang iyong sarili
Hindi lamang sa umpisa dapat ay hanggang sa huli
Hindi hahayaan na muli akong masakal at matali
Binabalaan kita
‘Wag mo akong bigyan ng rason para iwan ka
Hindi ko kailangan ang kalahati mong puso
Sa hati mong oras, hating atensyon, hating pag-intindi
At mong hating pang-unawa
Madali lang naman sakin na piliin ka
Ngunit bigyan mo rin sana ako ng rason para manatili...
Para piliin ka
Dahil nga…
Buo na ako
Tapos na ako
Handa na ako
at hilom na ako
Matagal ko nang ipinangako sa aking sarili
Na hindi na muling gagawing mundo ang dapat ay tao lang
Hindi na muling magpapakabaliw sa mababaw
Magbubulag-bulagan sa katotohanang hindi naman talaga ako
Papaka-tanga sa mga pangakong pagbabago
Papaka-martyr sa taong hindi naman pala para sa akin
Hindi mo ako masisira
Hindi ko hahayaang sirain mo ako
Magmamahal ako ngunit respeto sa aking sarili ay mananatili
Hindi magdadalawang isip na ika’y talikuran
Walang pag-aalinlangang ako’y lilisan
Wag mo akong lapitan kung hindi ka pa handa
Hindi kita aantayin
Hindi ako papapigil
Dahil nga buo na ako, tapos na ako, handa ako, at hilom na ako
Kaya’t bigyan mo ako ng dahilan para ako’y manatili
Bigyan mo ako ng rason para ika’y piliin
Ganon lang kadali
At pangako,
Araw-araw kitang pipiliin at araw-araw rin akong mananatili
Sayo lamang ang aking puso,
Sa iyo lamang ako.
1 note
·
View note
Pagod
Akala ko tulog ang pinakamabisang paraan upang mapawi ang aking pagod. Ilang gabi na rin akong natutulog sa tamang oras at nang maayos ngunit tila mga mata ko'y nananatili pa ring pagal.
Ako'y nananabik na muling maranasan ang panatag na kalooban sa tuwing ipipikit ko ang aking mga mata. Hindi biro ang mapagod, lalo na kung pati ang pahinga ay hindi mo na matapagpuan kahit sa iyong pagtulog.
2 notes
·
View notes
GALIT AKO SA TUGMA
Galit ako sa tugma
Sa bilang at mga pare-parehong salita,
sa dulo ng bawat taludtod at parirala.
Sa tono nitong nililikha
Sa bawat sambit na animo’y musika sa tenga ng iba.
Galit ako sa tugma
Sa partikular na estilong bihasa ang karamihan sa makata.
Galit ako sa tugma
Sinasakal ako nito sa bawat dulong salita.
Galit ako sa tugma
At sa mga bagay na kahalintulad nito, ako’y sawa na.
Ako’y isang malayang manunulat na galit sa tugma
Isang makatang alpas sa nakasanayang tanikala
Ngunit kahit ako pa ma’y pagal na sa pag-gamit ng tugma
Sa mga isinulat kong letra at salita upang makabuo ng piyesa,
Sa tugmaan pa rin ang uwi ng tulad kong isang makata.
7 notes
·
View notes