Don't wanna be here? Send us removal request.
Text

ang sabi ko,
kapag nagkahiwalay tayo
babahain ang mundo
ng mga sulat para sa iyo.
ngayon,
wala ni isang patak ng salita
ang mailabas ko.
0 notes
Text

sa mga bitak sa pader ko natagpuan
ang ating pag-iisa;
sa mga bumibitiw na semento
sa pagkapit at pagbigkis,
sa mga nangangalawang na ulo ng pako
at bakal na pundasyon,
sa basag nang hollow blocks
na hindi na maisalba at mabuo,
sa mga lumot na gumagapang
sa napabayaang kongkreto
wala na akong masandalan
sapagkat matagal na tayong gumuho.
(larawan mula kay helmet maknum na ipinaskil sa fb group na illusions)
0 notes
Text

at kung susulat ako ng tula para sa iyo
hindi ko ito isusulat sa hangin
tatangayin ito ng mga inahin
ipakakain sa kanilang mga inakay
hanggang sa lahat sila ay mangamatay
dahil hindi nila mailuluwa
sa mga sipol at awit
ang init ng pag-ibig ko sa iyo
kung susulat ako ng tula
hindi ko ito isusulat sa papel
na maaaaring mabasa nino
o dalhin sa mga aklatan
ihawla sa mga espasyo ng nalulumang shelf—
mag-aabang sa iyo
at bago pa man makarating
ay mauuna pa ang gobyerno
sa pagsunog
dahil ang pag-ibig ko raw ay subersibo
pagkat mapagpalaya
kundi isusulat ko ito sa bato
ihahagis sa pinakamalalim na parte ng karagatan
hayaang bahayan ng mga isda
hayaang usbungan ng buhay ng mga halamang dagat
kung hindi man itapon
ay hayaang hakutin
pampatayo ng mga gusali
o ng bahay ng ibon
o ng mga silid-aklatan
o maging hospital
maging saksi sa mga pagsilang
at sa mga pagtatapos
hanggang sa siya na lamang ang
hindi magkaroon ng wakas
pagkat isa siyang bato
galing sa lupa
mula sa mundo
at kahit magunaw ito
magpapalutang-lutang lamang sa lawak ng uniberso
maaaring magiging kometa sa bagong mundo
at hilingan ng mga bagong mangingibig
ng pag-ibig na kagaya ng atin
0 notes
Text

nagsalo tayo sa iisang usok
at namumuong hamog
ng sigarilyo
sa isang saradong kwarto
nagdampi ang nanunuyong labi
at nagsalitan ang lagkit ng mga laway
sa ating mga dila
sa tapang ng lasa
ng hinihipak na yosi
nang habulin ang hininga
sa naninikip nang dibdib
at kwarto—
binuksan mo ang bintana
ang sabi nila,
ang pag-ibig ay nasa hangin
ngunit nang hapuin,
ang pag-ibig,
sa bukas na bintana lang din pala tatangayin
at papawiin ng papawirin
0 notes
Text

minsan iniisip ko pa rin
kung anong mali sa akin
kung mali ba
ang paraan ko ng pagsinghap
at paghinga?
mali ba ang pagkumpas ng mga daliri
sa hangin
habang impromptu na binibigkas
ang mga ideya
sa isinusulat na tula?
mali ba kung paano ko tingnan
ang sarili
sa salamin?
mali bang hindi kimkimin
ang matagal nang gustong sabihin?
o mali bang alamin ang halaga
ng sarili kong damdamin para sa iba?
kung mali ang tingnan
ang tingin nila sa akin—
baka may mali nga sa akin
0 notes
Text

mahilig kang manood
ng mga pelikula
hilig ko ang panoorin ang iyong mga mata
habang nanonood ka—
kung paano ka ngumingiti,
tumatawa, umiiyak o humihikbi
sa bawat eksena
mahilig kang makinig
ng samot-saring kanta
hilig ko ang pakinggan ka,
kung paano mo ipaliwanag
ang bawat salita
na parang ikaw ang sumulat
ng mga sumunod na linya
nakikita mo ang payapa
sa pag-iisa
at nararamdaman ko ang pahinga at kalma
sa pag-iisa na kasama ka
nang iwan mo ako,
handa ka.
mayroon kang mga kanta
at mga pelikula
ang mayroon lamang ako
ay mga alaala
0 notes
Text

Hindi ko alam kung maniniwala pa ako sa lahat ng bagay.
At ayokong isipin na huwag na lang.
Kasi sa totoo lang,
hindi ko alam kung alin sa mga sinabi mo at hindi mo masabi ang totoo.
O kung sinasabi mo lang iyan dahil ako iyung nandito.
Ganoon din kaya ang sasabihin mo sa kanila kung sila ang nasa tabi mo?
Puwede ko bang isipin na sa akin ka lang ganito?
Baka magkamali lang ako.
Dapat bang maniwala ako kapag sinabi mong mas minahal mo ako kaysa sa mga unang inibig mo?
O baka ayaw mo lang masaktan ang damdamin ko?
Kapag sinabi mong mas interesado ka sa mga ginagawa ko,
dapat bang maniwala ako dahil ako lang ang sumusulat ng ganito tungkol sa iyo?
O ayaw mo lang ipagkumpara ang pinagsaluhan ninyong mundo at sa gusto ko?
Kapag sinabi mo bang mas may hitsura ako,
dapat bang makampante ako na sa akin lang ang mga mata mo?
O sinasabi mo lang iyan dahil ayaw mong bumaba ang tingin ko sa sarili at magbago ang pagtingin ko?
Baka sinasabi mo lang para gumaan ang loob ko, hindi dahil totoo.
Sa tuwing sasabihin mong mas gusto mo ang ugali ko,
dahil ba sa napapangiti kita at napapatawa?
O dahil ayaw mo lang sabihing narinig mo na pala sa kanila ang mga biro ko?
Totoo ba na mas nananabik ka na makasama ako?
O ayaw mo lang mapag-isa?
Sa lahat ba ng hindi totoo, iyung sinabi mong mas mahal mo ako ang pinakatotoo?
Dapat bang maniwala ako sa mga sinabi mo
o dapat bang magtiwala ako dahil lang sinabi mo?
Ano pa bang dapat kong marinig sa mga bibig mo?
Sabihin mo sana ang totoo para hindi ako mukhang tangang kalmado habang may nagbabadyang duda sa loob ko.
#my art#literature#spilled writing#spilled words#spilled thoughts#words#writers on tumblr#writers and poets#tomhansengolagat
0 notes
Text

Sana naaamoy mo pa rin ako kapag may nakasabay na kapwa komyuter sa siksikang jeep na suot ang parehong pabango na lagi kong gamit o sa usok ng Marlboro black na lagi nating binibili.
Sana naririnig mo pa rin ang tawa ko kapag may napadaang memes sa Facebook na alam mong magugustuhan ko o ang boses ko kapag nabasa mo na ito.
Sana nararamdaman mo pa rin ang labi ko sa lip balm na iniwan ko sa iyo bago umuwi o ang gaspang ng palad ko sa tuwing pinagdadampi mo ang palad kapag iidlip.
Sana nakikita mo pa rin ako tuwing humaharap ka sa salamin o kaya ay tuwing mag-isa ka sa lawak ng iyong kama tuwing malungkot ka at pakiramdam mo ay walang makakaintindi sa lalim ng bawat paghinga.
Sana makilala pa rin ng iyong panlasa ang paboritong adobo na niluto natin nang magkasama noong kaarawan ko o sa pait ng kape na hindi naman natin naubos at natapos inumin.
Sana tuwing maaalala mo ako. Walang sama ng loob, galit o lungkot. Walang kirot. Walang panghihinayang. Walang pagsisisi. Kahit alam kong imposible.
Sana tuwing sasagi ako sa isip mo, laging may ngiti sa mga labi mo.
Kagaya ng mga pinagsaluhang tawa. Kagaya tuwing tinatapos mo ang mga sasabihin ko. Kagaya tuwing may mga pangungusap na sabay nating nasasabi nang hindi sinasadya.
Kagaya ng ngiti na pinabaon mo nang magkahiwalay tayo sa daan pauwi, nang magkasama rin nating mapagpasyahang umuwi na. At hindi na bumalik. Mapait. Pero may ngiti. May gaan sa dibdib. Na kahit papaano, nagawa natin ang lahat ng mga pinangarap nating gawin, sa isa't isa, nang magkasama.
Makasarili man pakinggan, sana sa susunod na may makausap, makilala o magmamahal ka, hindi ako mabaon sa iyong limot.
Dahil sa akin, lagi't laging nariyan ka. Lagi't lagi kitang maaalala sa lahat ng bagay. Hindi ka mawawala sa aking sistema.
4 notes
·
View notes
Text

#literature#my art#writers on tumblr#writers and poets#spilled writing#spilled words#spilled thoughts
0 notes
Text

ikaw ang huling stick sa isang kahang marlboro, at ayaw ko na ulit bumili ng isa pa.
alam kong kapag sinindihan o ginamit pa kita, baka iyon na ang huling beses na makakasama kita. pero gusto ko pa ring gawin. kasi nga masarap pa rin sa pakiramdam at magaan sa dibdib na makasama ka kahit na sandali lang. kahit ilang minuto lang.
makakasalo kita sa kwentuhan at lungkot pero alam kong saglit lang, mauubos ka rin.
hahayaan ko na lang ba ang pananabik ko sa iyo kahit na hindi na magkakadikit pa ulit ang mga labi nating dalawa—para kahit papaano ay nandito ka pa rin bukas o sa makalawa?
ang sikip sa dibdib isipin na ganito tayo kakumplikado. at tuwing naiisip ko, napapa-hits na lang talaga ako.
#artists on tumblr#literature#my art#spilled writing#spilled words#spilled thoughts#tomhansengolagat#words
0 notes
Text

sa lahat ng pwedeng kalimutan,
nakalimutan kong kalimutan ka.
at hindi iyon madaling gawin.
dahil sa tuwing sinusubukan kong kalimutan ka at hindi ka na isipin—may kung anong maliit na boltahe ng kuryente ang pumipitik sa aking utak: sa neocortex, cerebellum, amygdala ko (at kung ano pang scientific jargon bullshit) para matrigger at mas lalong isipin kita.
paano ko makakalimutan ang mga pasimple mong ngisi at tawa sa tuwing babanat ako ng mga corny na jokes at cheesy na linya? o kung paano ka humihilik sa audio call kapag magka-sleep call tayo pagkatapos manood ng pelikula?
o kung paano ka biglang magtatampo, i-e-end ang call, sabay i-ba-block ako—na ako namang loko ang susuyo pa rin sa 'yo?
paano ko kakalimutan na sa tuwing inaatake ako ng anxiety sa gitna ng maraming tao:
sa SM Grand Central, sa Festival Mall, sa park, o sa pusod ng Cubao, sa lawak ng Araneta—hawak mo ang kamay ko, kasamang tatakbo para maghanap ng banyo dahil alam mong doon lang ako nagiging kalmado?
paano ko makakalimutan ang ilang hotel na napag-check-in-an at napag-staycation-an dahil doon lang ako nakatatagal nang kasama ka sapagkat hindi ako sanay sa mga lugar na hindi ako komportable.
sa Alabang sa una nating pagkikita. Azure sa Parañaque na regalo mo sa akin na nauwi sa saglit na hiwalayan. Buildersville sa Valenzuela—sa planong magkita nang biglaan. sa Aurora—sa impulsive na commute dahil walang anxiety na pumigil sa akin na bumiyahe. sa Monumento—sa hindi na makamot na pananabik na magkitang muli. at sa Cubao—para makapagpahinga sa rest day mo nang magkasama tayo.
paano ko makakalimutan ang amoy mo na kumakapit sa tuwing dumidikit ang lambot ng balat mo sa akin? paano ko makakalimutan ang boses mo kapag binabanggit mo ang pangalan ko? paano ko makakalimutan ang mga gabing nilalakad natin ang daan para lang magyosi, magkuwentuhan, at bumili ng limang pisong kape sa coffee vendo machine na hulugan?
may mga araw na sinusubukan ko naman kaya isinusulat ko na lang.
pero putang ina naman, pati sa pagsusulat, ikaw ang naaalala ko.
nakasave pa ba sa notes mo ang mga tula ko para sa iyo? nasa files mo pa ba ang PDF copy ng mga zines ko? itinabi mo ba iyung DIY zine na niregalo ko at ginawa ko para sa 'yo?
alam kong effort lang 'yon dahil wala pa akong pera para regaluhan ka, bilhan ka, o ilibre ka ng staycation o foodtrip sa trip mo restau. pero putang ina, ang pangako ko ay sulatan nang sulatan ka.
naalala mo pa ba nang sabihin kong babahain ko ang mundo ng mga sulat kapag iniwan mo ako? pero ito, mas madalang pa sa patak ng ambon ang mga salita para ilarawan kung gaano ako nasasaktan.
kaya sinusubukan ko na lang kalimutan—
kung gaano ka kahilig sa eroplano, kay Snoopy, o 'yung curated list mo ng mga pelikula at kanta, o ang taste mo sa fashion, o kahit 'yang putang inang Marlboro Black na 'yan na lagi kong binibili.
sinusubukan kong kalimutan ang mga tampo, ang mga sakit—pero ikaw pa rin ang naaalala ko.
kaya siguro ilang gabi na akong hindi makatulog ay dahil naaalala mo rin ako. o baka dahil lang may lintek na insomnia na ako sa kaka-overthink at kaka-analyze kung nasaan ka ngayon? at kung anong ginagawa mo? na para bang kilala at kabisado pa rin kita.
at hindi ko alam kung naaalala mo pa ako o kung mababasa mo pa ito,
pero kung mas makagagaan sa'yo—
kalimutan mo na ako.
ako na lang ang aalala sa’yo. gagawin kitang imortal sa mga sulat ko.
#artists on tumblr#literature#my art#spilled writing#spilled words#spilled thoughts#tomhansengolagat
0 notes
Text

sa tinagal-tagal ko nang nagyoyosi, ngayon ko lang narealize na sobra na ang epekto sa akin ng sigarilyo.
maliban pa sa putanginang sangsang ng amoy ng usok na kumakapit sa kamay at damit o sa naglalagkit na laway pagtapos humits—ang bilis ko nang hingalin.
naalala ko kung gaano ako kabilis hapuin ng hininga at pagsikip ng dibdib nang habulin ko ang bilis ng lakad mo habang tinatahak natin ang lawak ng AliMall sa Cubao—kung paanong naghahanap ako ng bukas ng bintana sa isang napakalaking air-conditioned na mall.
o iyung mini-heart attack pagkatapos kong magyosi habang nakikita kitang papalapit sa akin pagbaba mo ng dyip sa tapat ng dating hintayan natin—grabe ang pagpapawis at panginginig ko non.
o ang nakakahiyang panlalambot ng katawan at panlalamig nang bigla mo akong hawakan sa namamasmadong kamay.
o ang putanginang bigla kong pag-ubo sa gitna ng paghalik natin sa isa't isa—bigla akong namula at walang maiharap sa iyo na mukha, pero ang sabi mo ay ayos lang.
ewan ko ba sa iyo?
pero kasi sa totoo lang, hindi lang naman ako ang naninigarilyo sa ating dalawa. sinasabayan mo akong umupo sa isang eskinita para magsindi ng Marlboro Black at pag-usapan ang buhay-buhay. kung gaanong kasungit sa atin ang mundo, kung paanong nagsimula ka manigarilyo, kung anong bigat ng binubugang usok.
at sa hindi inaasahang ihip ng hangin sa gitna ng kalsada, doon ko rin nalaman kung gaanong nakakagago ang epekto sa akin ng paninigarilyo.
nang hindi mo na hawakan ang mga kamay ko. ang sabi mo, malagkit. amoy usok. at tuwing pipilitin kong pagdikitin ang mga palad natin, may dala kang sanitizer para linisin ang dumidikit na amoy.
nang hindi na amoy ng pabango mo ang dumidikit sa damit ko, kung hindi ang usok ng sigarilyo sa gabing ako na lang ang mag-isa sa eskinita—iniisip kung saan ba tayo nagkamali.
sa hindi inaasahang pagbilis ng tibok ng puso nang makita kita sa kabilang tindahan—hindi ka na naninigarilyo, pero mukhang may iba nang nagpapabaga sa iyo.
wala akong pake sa hingal, sa amoy, sa paghina ng katawan na iyan—ang hindi ko mainda ay ang putanginang sigarilyo na iyan ang dahilan kung bakit hindi kita makalimutan.
kung paanong sa gitna ng usok, nandoon ka para samahan ako.
bukod sa sangsang ng amoy ng sigarilyo, amoy mo ang namumukod-tanging kabisado ko.
kung paanong sa nagliliparang upos, nagmumukha silang petalyang nahuhulog mula sa langit kapag kasama kita.
at sa kung paanong ang pag-ibig mo sa akin ay parang sigarilyo—nauupos, nauubos, itinatapon saka magsisindi ng iba.
at kapag naaalala kong dose pesos na ang isang stick, sana ganoon ka rin sa akin—nagmamahal.
pero gaya nga ng lagi kong sinasabi, tuwing naaalala ko ang lahat ng ito, napapayosi na lang talaga ako
#artists on tumblr#literature#my art#sulat#tomhansengolagat#yosi#spilled writing#spilled thoughts#spilled words
3 notes
·
View notes