tinepoems,stories,photographs.on the photo: pau miranda
Don't wanna be here? Send us removal request.
Text
Title: Burnout Basis: Sa Wakas (2003) (Sugarfree)
Summary: Year 2003, sumali ng isang online forum si Pau sa Internet at nakilala si Alex. Nang magkapalitan ng e-mail address, doon na nagsimula ang kanilang ~*love story*~ at kung paano pumapel sa buhay nila ang Sa Wakas na album ng Sugarfree.
You’ve got mail!
Dali-daling pumunta si Pau sa screen ng bagong bili na computer. Bagong padala ng kanyang Tatay mula sa States, kaya pinagpiyestahan sila ng kanilang Barangay.
Binasa ni Pau ang e-mail na natanggap nya. Galing ito kay Alex, 23, Cavite.
Pau,
Kamusta ka na? Pasensya na ngayon lang ulit ako nag-reply. Masyadong natambakan sa trabaho at inabot ako ng ilang araw para matapos ito. Bumili akong bagong t-shirt sa mall kaya naisipan ko na ring pumuntang Internet Café at i-check ang mga e-mail ko.
Magkakaroon daw ng gig ang Sugarfree sa SaGuijo sa 25. Pupunta ka? Baka pwede na tayong magkita don? Sikapin kong mag-reply ulit sa’yo bago ang gig na yan. See you?
Alex
Tumili ng malakas si Pau at narinig ang pagpalo ng kanyang ina sa pintuan, pinapagalitan dahil nakakahiya raw sa mga kapitbahay at binalaan na papatayin ang internet. Kaya sandaling tumahimik si Pau, tsaka binasa ulit ang e-mail sa kanya ni Alex. Paulit-ulit. Hanggang sa mag-sawa sya.
Pakiramdam nya, lumilipad sya sa langit. Matagal nang may crush si Pau kay Alex. Pero hanggang palitan lang ng e-mail ang dalawa. Kaya minsan, nagpapasalamat sya sa Diyos, lalong-lalo na sa tatay nya dahil may computer sila.
Nakilala ni Pau si Alex sa isang online forum. Tungkol ito sa OPM at dahil nahihirapan si Pau maghanap ng gigs sa ibang website (madalas naka-down ang site tuwing binibisita nya), nalaman nya itong OPM Online Forum kung saan andun na lahat. Gigs, Concerts, Merch, pati na rin ang chance na maka-usap ang mga members ng band.
Pero hindi aakalain ni Pau na magkakaroon sya ng ibang kausap sa forum at yun ay syempre, si Alex. Office Clerk daw sya sa isang kumpanya sa Makati at uwian ito dahil taga-Cavite raw sya.
Si Pau, fresh grad, nagpapahinga pa sa kinuhang apat na taon na kurso. Next month, pramis nya sa ina nya, maghahanap na sya ng trabaho.
Agad na nag-type si Pau sa matigas na keyboard ng irereply nya kay Alex. Excited dahil sa unang pagkakataon, magkikita sila. At sa gig pa yon ng bandang pinakilala ni Alex sa kanya.
<alex_sc>: sa wakas album, sugarfree. try nyo hanapin sa mga cd store malapit sa inyo, i’m sure meron pa yan! paborito ko sa album na yan ang taguan hahaha nakakarelate ako eh.
Nabasa ni Pau sa isang forum tungkol sa mga bagong labas na CD ngayong taon. Sa sobrang pagka-curious ni Pau, hinanap nya ang Sa Wakas na album sa CD Section ng VideoCity. Nirerenovate pa ang Tower Records na malapit sa kanila. Nang mahanap nya ang album, agad nyang binili ito at sinalang sa CD Player. Isa-isang pinapakinggan ang mga kanta at ninanamnam ang bawat lyrics na kinakanta ng bokalista na si Ebe Dancel.
Mariposa. Binabasa ni Pau ang lyrics ng Mariposa. May halong kalungkutan ang kanyang ngiti dahil una, nakakarelate sya, at pangalawa, si Alex naaalala nya.
At dahil alam nyang forum site lang naman iyon at walang nakakakilala sa kanya, nag-reply sya sa comment ni Alex. Doon nagsimula ang lahat hanggang sa magbigayan na sila ng e-mail address nila.
Noong una, halos araw-araw nagpapalitan sila ng e-mail. Dumating sa punto na laman ng inbox ni Pau, galing lahat kay Alex. Pero yung araw-araw na pagpapalitan, naging linggo-linggo, hanggang sa minsanan sa isang buwan na lang.
Naiintindihan naman ni Pau na busy si Alex sa trabaho nya. Lalo na’t ginogroom na raw sya for promotion. Kaya noong araw na magkikita sana sila sa Greenbelt, hindi nakasipot si Alex dahil nag-overtime sya noong araw na iyon.
Okay lang, pa-ulit ulit na sinasabi ni Pau sa isipan nya. Para sa promotion nya.
Kinagabihan, nakita agad ni Pau ang e-mail ni Alex.
Pau,
Pasensya na.
Hindi ko gusto ang pinaghintay kita sa Greenbelt kanina. Gustong-gusto ko na talaga umalis sa cubicle ko pero naka-bantay kasi si Boss kaya hindi ako naka-alis. Sana basahin mo ‘to at hindi mo ilalagay sa Archive. Babawi ako sa susunod nating pagkikita.
Alex
Hindi makapagpigil si Pau (marupok) at sumagot agad. Okay lang. Sabay pindot ng Send. Simula non, doon na naging madalang ang pag-uusap nila.
Binasa ulit ni Pau ang pinadalang e-mail ni Alex. Hanggang ngayon, hindi nya pa ito narereplayan. Pupunta nga ba sya sa gig ng Sugarfree sa 25? Sayang naman kung hindi. Sayang naman kung hindi nya mapapakinggan ng live ang Sugarfree. Sayang naman kung hindi sila magkikita ni Alex. Pero naisip nya, baka mangyari ulit yung dapat una silang magkikita. Baka hindi sumipot si Alex. Pero Sugarfree yon, malamang sisiputin yon ni Alex.
Alex,
Mabuti naman ako! Sinusubukan nang mag-apply ulit ng trabaho. Mukhang nilalamon ka na ng trabaho mo! Haha, biro lang. Good luck!
Libre naman ako ng 25. Ito ba yung bagong post sa forum? Check ko yung details. See you!
Pau
Send.
You’ve got mail!
Napaisip si Pau. Akala nya sa mga susunod na araw nya pa makukuha ang reply ni Alex pero mukhang nasa Internet Café pa ito.
Pau,
That’s nice to hear! Andun na ako around 7pm dahil 8pm ang start. Excited na rin akong ipakilala kita sa girlfriend ko :)
Alex
“Teka, ano?! Girlfriend? May girlfriend na sya?”
Parang binagsak si Pau mula sa paglipad sa kalangitan. At sa hindi malaman na kadahilanan, parang narinig nya ang Mariposa na nagsisimulang tumugtog sa utak nya.
Hindi na nya sinagot pa si Alex. Sisiputin kaya nya si Alex?
0 notes
Text
2:20 PM

Nakatulala sa dagat Manila Bay. Minamasadan ang tahimik na paligid. Tanging ingay lang ng dagat ang naririnig sa magkabilang tenga. Nakaupo sa labas ng isang coffee shop. Pilit na inuubos ang kapeng binili at binabawasan ang biniling kaha, dalawang araw nang nakakalipas. Nakikinig sa bandang kakarinig lang noong isang gabi. Pero hanggang ngayon, wala pa ring mga salita ang lumalabas sa isipan. Hindi alam kung ang isusulat, o tungkol saan.
Malapit nang mag-alas tres ng hapon. Ang araw, patuloy na bumabagsak sa kalangitan. Ang mga ibong napapadpad, sumasayaw sa agos ng tubig-alat. Ang hangin, lumalakas pero humihina rin.
Kakatapos lang mag-yosi. Kahit na gusto nang itigil ngunit ito lang ang kasama ngayon. Sa bawat pagbuga ng usok mula sa bibig, dinadala nito ang mga salitang kwento ng nakaraan na pilit nang kinakalimutan at mga tanong na kailanman ay hindi na makakakuha ng hinihinging sagot.
0 notes
Text
ang unang gabi

sa isang bahay, hindi kalayuan sa bayan, doon tayo naninirahan. mapayapa. ito ang pakiramdam ko sa bawat minutong lumilipas sa lumang orasan. hindi matago sa ating mga mukha na tayo’y nagagalak nang punuin ang bahay ng masasayang alala. ngunit nawala ang pakiramdam na ito sa isang iglap.
0 notes
Text
ang naliligaw na puso ni manuel
taon-taon kung bumisita, inaalalayan ng mababangong rosas na malalanta kinabukasan, at sa muli nilang pagkikita, ang lahat ng oras sa mundo’y titigil bigla sapat na ang dala-dalang rosas, at ang mga kwentong sabik na marinig, kahit ‘di na sya naririnig, si manuel ay nakangiti pa rin
11/19/19
0 notes