Sa Pagkawalay
"For an Absence" ni Wendell Berry
Salin sa Filipino ni J. Daryl Alcantara
Sa pagkawalay ko sa piling mo,
ipadadala ko ang puso ko (kung anuman
ang pinahihintulan sa mga mortal)
upang bantayan ka sa dilim—
munting de-pakpak na banaag
na ‘di dinadapuan ng antok, gaanoman kahaba
ang magdamag. Marahil hindi nito kayang
magtanggol o tumulong, ‘di ko rin alam,
ngunit tiyak itong magtatanod sa tuwina, nang
makatulog ka sa loob ng silid ng puso ko
sa loob ng pinagsisilirang dilim.
At kung sakaling ika’y maalimpungatan
sa wangis ng kwarto mong pinaliliwanag
ng iyong pagmamasid, ipagpapalagay mo,
“Maaga pa,” at magpapatihulog
muli sa kulambo ng iyong pananaginip.
4 notes
·
View notes
Nagsimula nang humuni ang mga kuliglig. Tila isang koro ng karagatang umaalpas sa aplaya, lumulukso sa baybayin at humahagikgik kasabay ang mga puno dito sa kabundukan. May lamig at lumbay ang pag-iisa. May pagkandiling bitbit ang paglubog ng araw ngunit naglalaho rin ang init.
Naglalaho rin ang init.
May espasyo pa rin sa sulok ng isipan na naghihintay na mapunan. Umuugong ang katahimikan na kumakalas sa harana ng gabi. Nangungulila pa rin ako sa hindi matukoy, sa hindi mawari. Tila hangin na umaalpas mula sa mga daliri ang ulirat at ngayon, sinusubukan kong tiisin ang kati ng pagkabalisang kumukutkot sa anit.
Mahirap bigyang kahulugan ang ganitong pakiramdam. Tila hindi maipinta o maitala sa kuwaderno. Kulang ang mga titik at talata upang tukuyin, at sukatin, ang estrangherong espasyong ito na sinusubukan kong kilalanin.
Tila ba may sikretong pagbayle ang mga anino sa sulok ng isipan, alinsunod sa hindi mawaring pag-indak ng kamalayan. May awit na hindi matiyak. May pagkislot na hindi masulyapan.
Mailap ngang tunay ang mga nagliliparang mga dalangin. Nalulusaw ang oras kasabay ng pag-aninag sa kalangitan. Wala nang patumpik-tumpik, magsisimula na ang paghudyat sa pagwawakas.
At sa gabing iyon, tumigil ang gilingan ng laman.
kumalma ang mga umaalulong na ulol,
may banayad na pamamaalam sa paghalik ng hangin.
-
Kung saan ang mga kuliglig ay malaya
6.24.2020
11 notes
·
View notes
Sinungaling
Sinungaling ka dahil sinabi mong
hindi mo ako mamahalin
mababa ako sa iyong paningin
ni hindi mo ako maindang titigan
pano pa nga naman ang lambingin
sinungaling ka nang sinabi mong lalayo ka rin
nasanay at namanhid na ako sa kutsa mo
at pang aasar, nakakatawa,
hindi na nakakairita pero bakit
matapos ang lahat, nanatili ka parin
sinungaling ka nang sinabi mong
napapalapit ka na sa akin
dahil kahit anong yakap mo
ay ramdam ko ang milyang pagitan
hindi tugma ang ritmo at tugtog
ng ating damdamin
sinungaling ka nang hawakan mo ako't hagkan
sabi mo'y masaya ka't tayo'y nagmamahalan
sa bawat gabing pinagsasaluhan
at mga dilim na iniilawan ng yakap
at halik at titig at pag palit mo
sa unan at pagiging kumot laban sa lamig
maaari ngang nagkamali ako,
dahil nang sinabi mong hindi mo ko mamahalin
ay mukhang nagsasabi ka nga ng totoo
dahil matapos ang ilang gabi
iba na ang nilulusaw mo sa matamis
mong kasinungalingan
habang dinudurog ako
ng katotohanan mo
2 notes
·
View notes
Para Kay Wen
Kamay ko na lang; 'Wag punyal o patalim, Ang hawakan mo.
0 notes
Bitiwan mo ang natitirang pag-asa, at bumitaw sa pagkakapit sa hindi siguradong himig. Pakinggan mo ang tinig nang pag-iisa, sinlawak ng karagatan ang payapang ikaw, at sintamis nang paglimot sa damdamin, mahalin ang sarili, gaya nang pagpapalaya sa kurot na tumutusok sa dibdib.
2 notes
·
View notes
Aba, Ginoong Maria
Napupuno ka ng grasya...
“Mahal, maniwala ka
Gagawa tayo ng bagong panata
Ang mga kamay mo ay lalaya at
Makakaalpas ka sa kanyang mga nagawa
Sa aking bisig, ika'y uuwi na”
Ang Panginoon ay sumasaiyo
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat
“Mahal, maniwala ka
Susuyurin bawat alon ng dagat
Para lamang maibsan ang pait at alat
Ang mga sugat mo'y ay aking isusulat
Gayong sa pagmamahal ika'y salat”
At pinagpala naman
Ang 'yong anak na si Hesus
“Mahal, maniwala ka
Ang paningin sayo'y nakabaling
Sa dalawamput limang libong hiling
Ikaw lahat ang idinaraing
Kapag ika’y nasa piling
Ang katapusan natin kailanma'y hindi darating”
Santa Maria, Ina ng Diyos
Ipanalangin mo kaming makasalanan
Ipanalangin mo kaming naniwala sa kahibangan
Ipanalangin mo kaming namumuhay sa puot
Ipanalangin mo kaming sa pagsubok ay takot
Kaming mga humihiling na hinagpis sakanya'y idulot
Ngayon at kung kami'y mamamatay
Amen.
Sumapit na ang bukas makalawa
Bumabalik at bumabalik parin ako sa simula
Kung saan una kitang nakita
Sa lugar na ramdam ang bawat masakit na gunita
Maging sa pagdarasal dinig ang iyong ala-ala
-- labindalawang kasinungalingan mo sa labindalawang buwan ng pagsasama natin, a.a.
2 notes
·
View notes
Siguro naghahanap lang talaga tayo ng tao na maglalaan ng oras para sumubok. Yung hindi man maganda ang karamihan ng naranasan niya sa buhay, pero naalala pa rin niya pati ang pinakamaliit na detalye tungkol sa'yo. Yung mahiyain, pero bukas ang sarili para sa'yo. Yung hirap makipag-usap sa ibang tao, pero sobrang daldal pagdating sa'yo. Yung hindi mahilig magdrive sa highway lalo na kung gabi na, pero susunguin niya yon para lang makita ka. Hindi naman natin sila babaguhin. Hindi. Umaasa lang tayo na maging mahalaga tayo sa kanila.
A quote I translated in Filipino
1 note
·
View note
kung paano tumula kung close reading; kung paano mag-close read kung tula
ni J. Daryl Alcantara
mayroon munang pagtatanggi
bago ang pagtatangi.
kumbaga, paglingon muna bago
ang pagtutok. sa isang bahagi,
pagtitig, sa kabila,
pagtatatwang magbansag.
kumbaga ay tangka lamang
ang lahat ng ito upang sumahin
ang bawat danas ng buhay
o ang buhay sa bawat danas,
na sa sandali ng pagsulat
ay ikinukulong na sa daigdig
ng tulang hiwalay sa ligid at panahon
ng mismong daigdig na pinaghanguan nito.
ang totoo ay wala
sa laylayan ng kwadro
ang bigat ng katotohanan.
katumbas lang ng kung ano
ang ipinaroon sa loob
ang ipinalalabas dito.
2 notes
·
View notes
Unang bugso ng ulan sa buwan ng Hunyo, nangangati ang balat ko sa mga yakap mo, tila naghahanap ng kumot sa limlim ng iyong init, pipika-pikang bumbilya, saksi sa lumalamig na kama, lukot-lukot pa rin ang kamiseta, katulad ng gulo-gulong buhok amoy ng lotion at murang pabango pawis, at laway, at tag-init na dahandahang naglalaho, tulad ng mga salita, letra, na nilalamon ng gabi, ng pag-iisa habang nakikinig sa musikang hatid ng bawat halik, bawat tilamsik, sabik na sabik na muling mahagkan ng bubong ang langit. -Unang Ulan ng Hunyo; Zakk Habitan
13 notes
·
View notes
Saan Ba Tayo Magsisimula?
Magsimula tayo sa huling araw.
tulala't wala sa wisyo
tila nalunok na kendi ang
bawat salita, pilit binubuga
palabas, palakas nang palakas
pahirap nang pahirap
pero kailangan ipilit
para makahinga
para makaalpas
Subukan natin magbalik tanaw
mga oras na ninanakaw
sa maiiksing araw
dinudugas ang distansya
at tinatabla ang pagod
makapagkita panandalian
at maramdaman ang hagod
ng iyong kamay sa akin
malanghap ang parehong hangin
na bumubuhay sayo
dahil parang ikaw na ang
bumubuhay sa akin
Ginusto kong maging parte mo
na gaya mo na parte ko
nilunok ang takot na umasa
nang dahil sa takot na mabigo
tinalikuran ang takot
na sa pag ibig ay tuluyang lumapit
nang dahil sa takot na ikaw ay lumayo
Tignan natin ang nakalipas na apat na taon
napakadami paring tanong
parang hindi sapat ang nakukuhang tugon
anong nagbago?
konti lang naman siguro
nalalayo lang sa akin ang loob mo
habang lumalabas ang tunay na ako
at siguro ganun din ako sayo
Magsimula tayo sa unang araw
nagkatagpo nagkataong parehong ligaw
parehong naghahanap ng linaw
at tila ba may musikang nag udyok
sa atin para sumayaw
para humawak sa isa't isa at
para hindi na bumitaw.
Napakaganda
parang bahaghari pagkatapos ng ulan
at alimuom na kumakapit sa damit
at putik, hindi matanggal na dumi
Natapos na ang lahat
narito na ang dilim
at ang araw nagsimula nang magkubli
Tara, magsimula tayong muli
pero paano nga ba
ang magsimula sa huli?
0 notes
Tutubi, masyado kang magaslaw palipat-lipat ng hardin hanggang sa maligaw. Naalala mo pa ba noong sa mga bulaklak ko lang ikaw nagsasayaw? Ngayon mas pinili mo nang dumapo sa mas matitingkad na kulay at mas mabangong bagong yabong na mga bulaklak; tuluyan ka nang lumipat ng hardin.
Patawad kung naging hindi organisado ang pagkakasalansan ko ng mga plorera't paso kaya naging isang magulong hardin ako. Patawad sa lupa kong napuno na ng damo. Patawad sa halimuyak ko na matagal nang lumisan sabay ng sa mga kalaro mong paroparo. Patawad sa mga hapong sinubukan mong magbalik pero walang bukadkad ang mga rosas kong iyong paboritong tambayan. Patawad sa pagtataboy sa'yo ng kalungkutan ng harding ito.
Ngayon isa kang masayang tutubi sa piling ng mga kauri mo na sa masayang hardin nagsasayawan. Masaya kang nakikipaghabulan sa mga tipaklong at mga kulisap tuwing dapit-hapon hanggang sa mapagod sa kakalipad at tsaka dadapo. Tutubi masaya akong hindi ka na ilang sa ibang nilalang na nananahan sa hardin. Nakukuha mo nang tumawa at sumabay sa kanilang halakhakan. Hindi gaya ng mga panahong ikaw at mangilanngilang paroparo lang ang masayang paikot-ikot sa mga sulok ko. Nabuksan mo na ang mundo sa labas ng mga pader ko, malaya ka na.
Wala na ang dating himig ng hangin sa tuwing ika'y palapit. Wala na ang dating sigla ng mga halamang nagpapasikat sa iyo. Matagal nang nalanta ang kulay ng hardin sabay sa pagguho ng mga pader na kumulong sa iyo. Wala na ang lungkot, wala na ang ligaya.
Hindi ito gaya ng alamat na isinulat mo gamit ang mga dagta ng tangkay ng mga halaman sa mga dahon ko. Hindi ko inaagaw ang istorya. Pero tutubi, dumalaw ka naman muli sa harding nilisan mo na.
-Pangungulila ng Hardin sa isang Tutubi, Albertus
8 notes
·
View notes
Ang alam ko lamang minsan gawin ay katahimikan. Ang panonood nang pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito nang walang maibulalas na mga salita. Nakatitig lamang at masidhing pinagmamasdan ang mga kulay na naglalaro sa aking mata, iniintindi ang mga hiwatig nitong dala sa tao. Nakatikom lamang ang bibig at hindi hahayaang umikit ng reaksyon ang labi upang maging sagot sa mga katanungang bumabalot sa gitna ng pananahimik. Walang imik na magmumula sa emosyon o isip nang sa gayo’y hindi mapangunahan nang padalos-dalos na desisyon o pakiramdaman na sa huli’y maari kong pagsisihan.
Katahimikan ang minsang sumasagot sa mga katanungan nang pagkakataong biglaang paglaho; sabi nga nila kapag binanggit mo ang salitang ito, ang lahat ay maglalaho. Walang kulay, ni hindi puti o itim. Walang tunog nang paglunok ng laway o pagbabasa ng labi. Sa puntong nais mong maging tiyak, sa puntong nais mong hindi maiyak, katahimikan ang sasalo ng mga luhang nagbabadyang bumagsak.
Tikom ang aking bibig sa gitna nang katahimikan ngunit bukas ang taenga,isip,puso,ilong at mata sa maari nitong ilabas na mga reaksyon. Kasabay nito ang paulit-ulit na alingawngaw ng kanyang boses. Ang pagtakbo niya sa aking isip. Laman nitong pagkabog ng dibdib ang kanyang pagktao. At siya ang nasa likod ng luha na bumabagsak mula sa aking mata.
Limang parte ng aking katawan ang siyang nag-iingay at nagsusumigaw ngunit ang nakabibinging katahimikan ang siyang nangingibabaw.
Sapat na bang maging bihasa sa bagay na ito? Kung sa mga araw na tulad nang pinanonood mo ang pagsikat ng araw at hihinntayin ang paglubog nito, sa mga ingay na aking maririnig sa aking palagid at sarili, nakatitig lamang at pinagmamasdan ang pangyayari, wari’y katahimikan ang minsang gagapos sa aking katawan at maglalagay ng takip sa mga parte ng aking katawan na nais mag-ingay, at dito nagsisimula na akong masanay na isalba ang sarili.
0 notes
01/30
January 30, 2015.
Isang taon. Isang taon na rin pala ang lumipas. Isang taon ng paghihintay, pag-asa sa wala, luha, tuwa, pangangamba, at pagsasawa. Isang taon. Tangina, sobrang tibay ko at nakaya kong panindigan ‘tong feelings ko ng isang taon. Kung babalikan man natin ang araw na ‘to, gusto kong tawanan ang nangyari dahil kung tutuusin, hindi ako ang nagsend ng message sa’yo tungkol sa pagkagusto ko sa’yo. Habang tumatagay ng alak at pumapatos ng pulutan, iniyakan ko ang feelings na ‘to kasi langya, ang hirap talaga magkagusto sa taong hindi ka gusto. O siguro, hindi talaga alam kung ano ba ang nararamdaman para sa’yo.
Isang taon. Labindalawang buwan. Sa loob ng labindalawang buwan na umaasa ako, parang hindi ko man lang naisipang sumuko. Sinubukan kong kalimutan lahat, pero hindi ko talaga kaya. Ang hirap mong kalimutan. Sa kabila noon, hindi naman ako nagsisi dahil katulad ng sinasabi ko sa sarili ko at sa mga kaibigan ko, sa’yo lang ako nakaramdam ng ganito. Tangina, wala na akong pake kung hindi mo talaga ako magustuhan kasi sino ba naman ako? Kumpara naman sa mga celebrity crushes mo, walang wala ako. Talong talo ako sa kanila. Alam ko sa sarili ko na wala naman akong pag-asa sa’yo, pero heto pa rin ako, naghihintay. Alam ko naman na imposible, pero umaasa pa rin ako na sana pwede.
Sa isang taon na aware ka sa feelings ko para sa’yo, gusto ko lang sana tanungin kung kahit mga .0001% man lang ba, hindi mo naramdaman para sakin? Pero di ko na kailangang malaman yung sagot mo kasi alam ko naman na wala. Kahit ano pa man, salamat pa rin kasi pinili mong manatili.
January 30, 2016.
Isang taon. Isang taon na ang lumipas. Gusto pa rin kita.
Isang taon.
Isang taon na ang lumipas.
Hindi mo pa rin ako gusto.
Ayos lang. Sanay na ako.
1 note
·
View note
Nawala sa isip ng ibon na kaya niyang lumipad,
nang may isang beses na sumalo sa kanya.
Katulad na lang noong nakalimutan kong kaya ko palang mahalin ang sarili ko,
nang sandaling minahal mo rin ako.
bampira-sa-liwanag
3 notes
·
View notes
Sa Pagpapanatili
ni Mark Strand
Salin sa Filipino ni J. Daryl Alcantara
Sa parang
ako ang wala
ng parang.
Ganito
ang nakasanayan.
Saanman maparoon
ako ang aking pinawala.
Sa paghakbang
hinahawi ko ang hangin
at lagi
ang hangi'y bumabalik
upang punan
ang aking kinaroonan.
Mayroon tayong dahilan lahat
sa paglisan.
Lumilisan ako
nang may mapanatili.
2 notes
·
View notes
Siyang hindi madalas
ay siyang marikit
Tulad ng alitaptap
na nagniningas
sa dilim ng gabi,
pasulyap sulyap
na alab, nagtatago
sa naghahanap;
Siyang hindi madalas,
Kislot sa himpapawid
na bumubulong,
dagitab sa espasyong
binibigyan ng ngalan,
kulog, kidlat,
sa katahimika'y
bumabasag,
halik ng hangin,
hikbi ng langit
sa tigang na lupa
na nananalangin;
Ay siyang pinakamarikit,
Dampi ng alon
na siyang yumayakap
sa dalampasigan,
tawagin mong baybayin,
tawagin mong aplaya,
ngunit ni kailanma'y
hindi magagapos ang unos,
tila mga musmos,
na nagpapaagos
sa karagatang sumasalamin
sa tinatawag na langit.
Siyang hindi madalas
Ay siyang pinakamarikit
Rumaragasang ilog
ng mga estrangherong
ligalig sa lungsod,
harurot ng mga sasakyang
pumapalit sa bituin,
alingawngaw ng busina,
halakhak at pangungusap,
sa pagguhit sa kalawakan,
binubulong ang hiling
Sana'y makauwi na
magpayakap sa'yong karagatan,
pahupain ang unos,
balangkasin kung paano
nagsasalo ang alab at kislot,
sapagkat sa
kahubdan ng mundo,
ako'y sumusuko
sa nakaambang
delubyo.
Sapagkag siyang hindi madalas
ay siyang pinakamarikit.
4 notes
·
View notes